Noong unang panahon, ang paglalakbay sa daan ay mas matagal, mas nakakapagod, at malamang na mas magastos kaysa sa paglalayag. Gayunman, ang tanging paraan para makarating sa maraming lugar ay ang maglakad.
Ang isang manlalakbay ay nakapaglalakad nang hanggang mga 30 kilometro sa maghapon. Nakahantad siya sa araw, ulan, init, lamig, at sa panganib na maharang ng mga magnanakaw. Sinabi ni apostol Pablo: “Sa madalas kong paglalakbay, ilang beses akong nanganib sa mga ilog [at] sa mga magnanakaw.”—2 Cor. 11:26.
Ang Imperyo ng Roma ay pinag-uugnay ng maaayos na daan. Sa mga pangunahing lansangan, may mga bahay-tuluyan na ang pagitan sa bawat isa ay maghapong paglalakad. May madaraanan ding mga taberna kung saan may mabibiling pangunahing mga pangangailangan. Inilalarawan ng mga manunulat noon na ang mga bahay-tuluyan at mga taberna ay marurumi, siksikan, maalinsangan, at maraming pulgas. Hindi maganda ang reputasyon ng mga lugar na ito dahil ang madalas na pumupunta rito ay mga taong itinuturing na salot sa lipunan. Karaniwan nang ninanakawan ng mga may-ari ng bahay-tuluyan ang mga manlalakbay at kasama sa iniaalok nilang serbisyo ang prostitusyon.
Tiyak na iniiwasan noon ng mga Kristiyano ang ganitong mga lugar hangga’t maaari. Pero kapag naglalakbay sila sa mga lugar kung saan wala silang kamag-anak o mga kaibigang matutuluyan, napipilitan na rin silang tumuloy sa mga ito.