Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Estonia
    2011 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
    • Bagaman mahigpit ang patakarang Iron Curtain, hindi nito lubusang nahadlangan ang pagtagos ng liwanag ng katotohanan ng Bibliya. Sa loob ng maraming taon, mga lumang literatura lang ang ginamit ng mga kapatid. Pero habang nasa Siberia, nakilala ng mga Saksing taga-Estonia ang mga kapatid mula sa ibang panig ng Unyong Sobyet. At kahit nakabalik na sa Estonia, itinuloy pa rin nila ang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid sa Unyong Sobyet para makakuha ng bagong espirituwal na pagkain sa pana-panahon. Halimbawa, mula 1956, naging kontak nila si Ivan Dziabko at ang iba pang kapatid sa Ukraine, kaya nakatanggap sila ng mga literatura. Pero bihira ang ganoong pakikipag-ugnayan at kakaunti lang ang mga publikasyon. Kinailangan nilang gumawa ng iba pang hakbang, at pinagpala naman ni Jehova ang katapangan ng ating mga kapatid.

      Kaayon ng tagubilin ng Lupong Tagapamahala, nagplano ang sangay sa Finland para higit pang matulungan ang mga kapatid sa Estonia. Si Vilho Eloranta, payunir sa Estonia noong dekada ’30, ang naatasang makipag-ugnayan sa kanila. Nang pumunta siya sa Estonia noong pasimula ng dekada ’60, nakontak niya si Fanny Hietala. Pagkatapos, maraming kapatid mula sa Finland, na nagpanggap na mga turista, ang naging mga mensahero para hindi maputol ang komunikasyon. Sa wakas, ang mga kapatid sa Estonia ay may pakikipag-ugnayan na sa “Ina,” gaya ng tawag nila sa organisasyon ni Jehova. Nakakapagpadala na sila ng mga ulat ng paglilingkod at mga sulat, at nakakatanggap na rin sila ng microfilm ng mga publikasyon. At dahil kailangan itong gawin nang maingat at palihim, dalawa o tatlong beses lang sa isang taon nila ito ginagawa.

  • Estonia
    2011 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova
    • Ipinadala ng Lupong Tagapamahala ang isa sa mga miyembro nito na si Lloyd Barry, kasama si Viv Mouritz mula sa sangay sa Finland, para makipag-usap kay Adolf Kose na nangangasiwa ng gawain sa Estonia. Palihim silang nagkita sa isang parke sa Leningrad (St. Petersburg ngayon).

      “Noong una, atubiling makipag-usap si Brother Kose,” ang sabi ni Brother Mouritz. “Kunwari’y nagbabasa siya ng diyaryo habang kinakausap namin siya. Pero di-nagtagal, ibinaba rin ni Adolf ang diyaryo at nagkuwento na.”

      “Inimbitahan namin siyang kumain pero tumanggi siya,” ang sabi ni Brother Barry. “Sinabi niyang mas mabuting asikasuhin na lang namin kung ano ang dapat asikasuhin.”

      Nang sabihin ni Brother Kose ang tungkol sa matinding pag-uusig at pagbabawal na dinaranas ng mga Saksi sa Unyong Sobyet, pinatibay siya nina Brother Mouritz at Brother Barry. “May mga pagsubok din kami,” ang sabi nila. “Kung titingnan, parang simple lang ang mga iyon, pero ang totoo, mas delikado! Napapaharap kami sa maraming tukso na hindi ninyo nararanasan, at mas maraming kapatid sa Kanluran ang nawawala sa katotohanan kaysa dito sa inyo.”

      Napapanahon at nakapagpapatibay kay Brother Kose ang pagdalaw na iyon. Noong bandang huli na lang niya nalaman na miyembro pala ng Lupong Tagapamahala ang kausap niya. Ang pampatibay na ito mula sa organisasyon ni Jehova ay masaya niyang ibinahagi sa mga kapatid na tapat pa rin sa kabila ng paniniil.

      “Damang-dama namin ang kalagayan ng mga kapatid sa Unyong Sobyet,” ang isinulat ni Brother Barry nang maglaon. “Natutuwa kami at nakilala namin si Brother Kose. Kinamayan niya kami at niyakap nang mahigpit bago kami naghiwa-hiwalay.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share