Ano ang Aking Pananaw Tungkol sa Blood Fractions at sa Paggamot na Ginagamitan ng Sarili Kong Dugo?
Ang Bibliya ay nag-uutos sa mga Kristiyano na “umiwas sa . . . dugo.” (Gawa 15:20) Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nagpapasalin ng purong dugo o ng apat na pangunahing sangkap ng dugo—pulang selula ng dugo, puting selula ng dugo, platelet, at plasma. Hindi rin sila nag-aabuloy ng dugo ni nag-iimbak man ng sarili nilang dugo para maisalin ito.—Lev. 17:13, 14; Gawa 15:28, 29.
Ano ba ang blood fractions, at bakit kailangang magpasiya ang bawat Kristiyano sa paggamit nito?
Ang blood fractions ay maliliit na sangkap ng dugo na nakukuha sa pamamagitan ng prosesong tinatawag na fractionation. Halimbawa, ang plasma, isa sa apat na pangunahing sangkap ng dugo, ay maaaring hatiin sa sumusunod na mga substansiya: tubig, mga 91 porsiyento; protina, tulad ng albumin, globulin, fibrinogen, mga 7 porsiyento; at iba pang substansiya, tulad ng mga nutriyente, hormon, gas, bitamina, waste product, at electrolyte, mga 1.5 porsiyento.
Kasama ba ang fractions na ito sa utos na umiwas sa dugo? Hindi natin masabi. Walang espesipikong tagubilin ang Bibliya tungkol sa blood fractions.a Siyempre pa, maraming fractions ang nakukuha sa dugong iniaabuloy para sa paggamot. Dapat magpasiya ayon sa budhi ang bawat Kristiyano kung tatanggapin niya o tatanggihan ang paggamot na ginagamitan ng mga substansiyang ito.
Kapag nagpapasiya, isaalang-alang ang mga tanong na ito: Alam ko ba na kapag tinanggihan ko ang lahat ng blood fractions, tinatanggihan ko rin ang ilang paggamot, tulad ng ginagamit para masugpo ang ilang virus at sakit o yaong tumutulong na mamuo ang dugo upang huminto ang pagdurugo? Maipaliliwanag ko ba sa doktor kung bakit tinatanggihan o tinatanggap ko ang paggamit ng ilang blood fractions?
Bakit ang ilang paggamot na ginagamitan ng sarili kong dugo ay personal na pasiya?
Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi nag-aabuloy o nag-iimbak ng kanilang sariling dugo para isalin, di-gaanong malinaw kung salungat sa mga simulain ng Bibliya ang ilang paggamot o test na ginagamitan ng sariling dugo ng indibiduwal. Kung gayon, dapat magpasiya ayon sa budhi ang bawat indibiduwal kung tatanggapin niya o tatanggihan ang ilang paggamot na ginagamitan ng sarili niyang dugo.
Kapag nagpapasiya, itanong sa iyong sarili ang sumusunod: Kung ililihis mula sa aking katawan ang dugo ko at sandaling mapuputol ang pagdaloy nito, ituturing ba ng aking budhi na bahagi pa rin ng katawan ko ang dugong iyon, anupat hindi na kailangang ‘ibuhos sa lupa’? (Deut. 12:23, 24) Mababagabag kaya ang aking budhing sinanay sa Bibliya kung sa panahon ng gamutan ang aking dugo ay kukunin, aayusin, at ibabalik sa aking katawan? Alam ko ba na kapag tinanggihan ko ang lahat ng paggamot na ginagamitan ng sarili kong dugo, tinatanggihan ko rin ang paggamot na tulad ng dialysis o paggamit ng heart-lung machine? Nanalangin ba muna ako bago magpasiya sa bagay na ito?b
Anu-ano ang personal kong pasiya?
Tingnan ang dalawang work sheet sa sumusunod na pahina. Nakalista sa Work Sheet 1 ang ilang maliliit na sangkap na nakukuha sa dugo at kung paano karaniwang ginagamit ang mga ito sa medisina. Isulat ang iyong personal na pasiya kung tatanggapin mo o tatanggihan ang paggamit ng bawat fraction na ito. Nakalista sa Work Sheet 2 ang ilang karaniwang paggamot na ginagamitan ng sarili mong dugo. Isulat ang personal mong pasiya kung tatanggapin mo o tatanggihan ang paggamot na ito. Ang mga work sheet na ito ay hindi legal na dokumento, pero magagamit mo ang iyong mga sagot dito para mapunan mo ang iyong DPA (durable power of attorney) card.
Dapat na ikaw mismo ang magpasiya at hindi ang ibang tao. Gayundin, walang dapat kumuwestiyon sa pasiya ng kapuwa niya Kristiyano. Sa mga bagay na ito, “ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Gal. 6:4, 5.
cdefghijPansinin: Hindi pare-pareho ang paggamit ng mga doktor sa paraan ng paggamot na nasa ibaba. Dapat mong hilingin sa iyong doktor na ipaliwanag kung ano ang eksaktong ginagawa sa bawat paraan ng paggamot para matiyak mo na ayon ito sa mga simulain ng Bibliya at sa iyong mga pasiyang batay sa iyong budhi.