Neutralidad
Kahulugan: Ang katayuan ng mga hindi kumakampi o tumatangkilik sa alinman sa dalawa o higit pang magkakalabang panig. Maging sa sinauna at makabagong kasaysayan, ang mga tunay na Kristiyano sa bawa’t bansa at sa lahat ng kalagayan ay nagsikap na manatiling lubusang neutral tungkol sa mga alitan ng sanlibutan. Hindi sila nakikialam sa ginagawa ng iba may kinalaman sa pakikibahagi sa mga seremonyang makabayan, pagsusundalo, pakikisali sa partido ng politika, pagkandidato sa tungkuling politikal, o pagboto. Nguni’t sila sa ganang sarili ay sumasamba lamang kay Jehova, ang Diyos ng Bibliya; kanilang iniaalay ang kanilang mga buhay nang walang pasubali sa kaniya at lubusang tinatangkilik ang kaniyang Kaharian.
Anong mga kasulatan ang nagpapaliwanag tungkol sa saloobin ng mga Kristiyano sa awtoridad ng sekular na mga pamahalaan?
Roma 13:1, 5-7: “Ang bawa’t kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan [mga pinuno ng pamahalaan], sapagka’t walang kapangyarihan maliban sa Diyos . . . Kaya nga’t dapat na kayo’y pasakop, hindi lamang dahil sa kagalitan, kundi naman dahil sa budhi. . . . Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila’y nararapat, buwis sa dapat buwisan; bayad sa dapat bayaran; takot sa dapat katakutan; puri sa dapat papurihan.” (Walang pamahalaan ang maaaring umiral kung hindi pinahihintulutan ng Diyos. Kahit ano ang naging paggawi ng indibiduwal na mga opisyales, ang mga tunay na Kristiyano ay nag-uukol sa kanila ng paggalang dahil sa hinahawakan nilang tungkulin. Halimbawa, kahit papaano ginagamit ng mga gobyerno ang salaping nalilikom bilang buwis, ang mga mananamba kay Jehova ay tapat na nagbabayad ng buwis bilang kapalit ng mga serbisyong pinakikinabangan ng lahat.)
Mar. 12:17: “At sinabi sa kanila ni Jesus: ‘Ibigay ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, nguni’t sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.’ ” (Kaya laging kinikilala ng mga Kristiyano na hindi lamang dapat “ibigay” ang salapi sa pamamagitan ng buwis sa sekular na pamahalaan kundi dapat din nilang tuparin ang higit na mataas na obligasyon nila sa Diyos.)
Gawa 5:28, 29: “[Isang kinatawan ng mataas na hukuman ng mga Judio] ay nagsabi: ‘Ibinala naming mahigpit sa inyo [ang mga apostol] na huwag kayong magturo sa pangalang ito [ni Jesu-Kristo], nguni’t, narito! pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong turo, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito.’ Bilang sagot si Pedro at ang ibang mga apostol ay nagsabi: ‘Dapat muna kaming sumunod sa Diyos bilang pinuno sa halip na sa mga tao.’ ” (Kapag magkasalungat ang mga utos ng mga pinunong tao at ang mga kahilingan ng Diyos, tinutularan ng mga tunay na Kristiyano ang halimbawa ng mga apostol at inuuna nila ang pagtalima sa Diyos.)
Anong mga kasulatan ang nagpapaliwanag tungkol sa saloobin ng mga Kristiyano sa pakikibahagi sa digmaan?
Mat. 26:52: “Sinabi ni Jesus sa kaniya: ‘Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito, sapagka’t lahat ng nangagtatangan ng tabak ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak.’ ” (Mayroon pa kayang hihigit na dahilan upang makipaglaban kaysa ang ipagtanggol ang Anak ng Diyos? Gayumpaman, dito ipinakita ni Jesus na ang mga alagad ay hindi dapat gumamit ng mga sandata ng pisikal na pakikidigma.)
Isa. 2:2-4: “Mangyayari sa mga huling araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matatatag sa taluktok ng mga bundok . . . At siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa at sasaway sa maraming tao. At kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” (Dapat pagpasiyahan ng mga indibiduwal mula sa lahat ng bansa kung anong landasin ang kanilang pipiliin. Yaong mga nakikinig sa kahatulan ni Jehova ay nagbibigay-katunayan na siya ang kanilang Diyos.)
2 Cor. 10:3, 4: “Bagama’t kami ay nagsisilakad sa laman, ay hindi kami nakikipagbakang ayon sa laman. Sapagka’t ang mga sandata ng aming pakikilaban ay hindi ukol sa laman, kundi pinaging makapangyarihan ng Diyos upang gibain ang matitibay na mga bagay.” (Dito ay sinasabi ni Pablo na hindi siya gumamit ng sandatang ayon sa laman, tulad ng pandaraya, matataas na uring pananalita, o mga literal na sandata, upang ipagsanggalang ang kongregasyon laban sa huwad na mga turo.)
Luc. 6:27, 28: “Sinasabi ko [Jesu-Kristo] sa inyong nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo, ipanalangin ninyo ang lumalait sa inyo.”
Hindi ba totoo na ang sinaunang Israel ay pinahintulutan ni Jehova na makipagdigma?
Pinag-utusan ni Jehova ang sinaunang Israel na makipagdigma upang ariin ang lupaing ipinagkaloob niya bilang kanilang mana at upang lipulin ang mga tao na, dahil sa kanilang karumaldumal na mga gawa at pagsalansang sa tunay na Diyos, ay minalas ni Jehova na hindi na karapatdapat pang mabuhay. (Deut. 7:1, 2, 5; 9:5; Lev. 18:24, 25) Gayumpaman, si Rahab at ang mga Gibeonita ay pinagpakitaan ng kaawaan sapagka’t sila’y sumampalataya kay Jehova. (Jos. 2:9-13; 9:24-27) Sa tipang Batas ang Diyos ay nagbigay ng mga alituntunin ukol sa digmaang kaniyang sasang-ayunan, na naglalaan ukol sa mga eksempsyon at kung papaano dapat isagawa ang pakikipagdigmang ito. Ang mga iyon ay tunay na banal na mga digmaan ni Jehova. Hindi totoo ito sa digmaan ng alinmang bansa sa ngayon.
Nang itatag ang kongregasyong Kristiyano, nagbago ang kalagayan. Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Batas Mosaiko. Ang mga tagasunod ni Kristo ay gagawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa; kaya darating ang panahon na ang mga mananamba ng tunay na Diyos ay masusumpungan sa lahat ng mga bansang yaon. Gayunman, ano ang motibo ng mga bansa pagka nakikipagdigma? Iyon ba’y upang isakatuparan ang kalooban ng Maylikha ng buong lupa o upang paunlarin ang kapakanan ng kanilang bansa? Kung ang mga tunay na Kristiyano sa isang bansa ay makikipagdigma sa ibang bansa, sila’y makikipaglaban sa kanilang kapananampalataya, sa mga humihingi ng tulong sa Diyos din na tinatawagan nila. Dahil dito, ipinag-utos ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ilapag ang tabak. (Mat. 26:52) Yamang siya’y niluwalhati na sa langit, siya mismo ang maggagawad ng kahatulan laban sa mga sumasalansang sa tunay na Diyos at sa Kaniyang kalooban.—2 Tes. 1:6-8; Apoc. 19:11-21.
May kinalaman sa paglilingkod sa hukbong militar, ano ang ipinakikita ng sekular na kasaysayan hinggil sa saloobin ng unang mga Kristiyano?
“Ang isang maingat na pagsusuri ng lahat ng makukuhang impormasyon ay nagpapakita na, hanggang sa panahon ni Marcus Aurelius [Romanong emperador mula 161 hanggang 180 C.E.], walang Kristiyano ang naging sundalo; at walang sundalo, minsang naging Kristiyano, ang nagpatuloy sa paglilingkod militar.”—The Rise of Christianity (Londres, 1947), E. W. Barnes, p. 333.
“Tayong dating mga tigmak sa digmaan, at pagpapatayan, at bawa’t uri ng kabalakyutan, sa buong lupa ay nakapagpalit na ng ating mga sandatang pandigma,—ang tabak upang maging sudsod, at ang sibat upang maging kasangkapan sa pagbubungkal ng lupa,—at nililinang na natin ang kabanalan, katuwiran, kawanggawa, pananampalataya, at pag-asa, na napasa atin mula sa Ama sa pamamagitan Niya na ipinako sa krus.”—Si Justin Martyr sa “Dialogue With Trypho, a Jew” (ika-2 siglo C.E.), The Ante-Nicene Fathers (Grand Rapids, Mich.; paglilimbag-muli ng edisyong Edinburgh ng 1885), pinatnugutan nina A. Roberts at J. Donaldson, Tomo I, p. 254.
“Tumanggi silang aktibong makibahagi sa administrasyong sibil o sa pagtatanggol militar sa imperyo. . . . ang mga Kristiyano ay hindi maaaring manungkulan bilang sundalo, hukom, o prinsipe malibang itakwil nila ang kanilang higit na sagradong tungkulin.”—History of Christianity (Nueba York, 1891), Edward Gibbon, p. 162, 163.
Anong mga kasulatan ang nagpapaliwanag tungkol sa saloobin ng tunay na mga Kristiyano sa pakikibahagi sa politikal na mga isyu at gawain?
Juan 17:16: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, na gaya ko naman [si Jesus] na hindi bahagi ng sanlibutan.”
Juan 6:15: “Nang mapaghalata nga ni Jesus na sila’y [mga Judio] nagsisilapit upang siya’y agawin at gawing hari, ay muling nagbalik sa bundok na nag-iisa.” Sa dakong huli, sinabi niya sa Romanong gobernador: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay makikipagbaka upang ako’y huwag maibigay sa mga Judio. Nguni’t ngayo’y ang aking kaharian ay hindi mula rito.”—Juan 18:36.
Sant. 4:4: “Mga mangangalunya, hindi baga ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Sinoman ngang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay ginagawa ang kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.” (Bakit napakahalaga nito? Sapagka’t, gaya ng sinasabi ng 1 Juan 5:19, “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.” Sa Juan 14:30, tinukoy ni Jesus si Satanas bilang “pinuno ng sanlibutan.” Samakatuwid, kahit anong makasanlibutang partido ang tinatangkilik ng isa, kanino nga ba siya talagang napasasakop?)
May kaugnayan sa pakikibahagi sa politika, ano ang saloobin ng unang mga Kristiyano ayon sa ulat ng mga sekular na historyador?
“Ang unang Kristiyanismo ay hindi gaanong naunawaan at hindi nagustuhan niyaong mga namahala sa paganong sanlibutan. . . . Ang mga Kristiyano ay tumangging makibahagi sa ilang tungkulin ng mga mamamayang Romano. . . . Ayaw nilang tanggapin ang tungkuling makapolitika.”—On the Road to Civilization, A World History (Philadelphia, 1937), A. Heckel at J. Sigman, p. 237, 238.
“Ang mga Kristiyano ay nanatiling nakabukod sa estado, bilang isang lahing makasaserdote at espirituwal, at ang Kristiyanismo ay waring nakaimpluwensiya lamang sa buhay ng mga tao sa paraan na dapat kilalaning pinaka-dalisay, alalaong baga, sa pamamagitan ng pagsisikap na ikintal ang higit at higit na kabanalan sa mga mamamayan ng estado.”—The History of the Christian Religion and Church, During the Three First Centuries (Nueba York, 1848), Augustus Neander, isinalin mula sa Aleman ni H. J. Rose, p. 168.
Anong mga kasulatan ang nagpapaliwanag tungkol sa saloobin ng tunay na mga Kristiyano sa mga seremonyang may kaugnayan sa bandila at pambansang awit?
1 Cor. 10:14: “Magsitakas kayo sa pagsamba sa mga diyus-diyosan.” (Gayundin ang Exodo 20:4, 5)
1 Juan 5:21: “Mga anak ko, mangag-ingat kayo sa mga diyus-diyosan.”
Luc. 4:8: “Bilang sagot ay sinabi sa kaniya ni Jesus: ‘Nasusulat, “Si Jehovang iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” ’ ”
Tingnan din ang Daniel 3:1-28.
Talaga bang may relihiyosong kahulugan ang gayong mga sagisag at seremonyang makabayan?
“Matagal nang ipinaliwanag ni Carlton Hayes [isang historyador] na ang rituwal ng pagsamba sa bandila at pagsumpa sa isang paaralang Amerikano ay isang relihiyosong pagdiriwang. . . . At ang pagiging relihiyoso ng araw-araw na mga rituwal na ito ay pinagtibay sa wakas ng Korte Suprema sa isang serye ng mga usapin.”—The American Character (Nueba York, 1956), D. W. Brogan, p. 163, 164.
“Halos lahat ng unang mga bandila ay may katangiang relihiyoso. . . . Ang pambansang bandila ng Inglatera sa loob ng maraming siglo—ang pulang krus ni St. George—ay relihiyoso; ang totoo, laging hinihingan ng tulong ang relihiyon upang magbigay ng kabanalan sa pambansang mga bandila, at ang pinagmulan ng marami ay maaaring taluntunin sa isang bandilang sagrado.”—Encyclopædia Britannica (1946), Tomo 9, p. 343.
“Sa isang pangmadlang seremonyang pinangasiwaan ng bise-presidente ng Korte [Supremang Militar], noong ika-19 ng Nobyembre, pinarangalan ang bandila ng Brazil. . . . Matapos itaas ang bandila, ang Ministrong Heneral ng Hukbo na si Tristao de Alencar Araripe ay nagpahayag ng ganito hinggil sa pagdiriwang: ‘ . . . ang mga bandila ay naging diyos ng relihiyong makabayan na humihingi ng pagsamba . . . Ang bandila ay pinagpipitaganan at sinasamba . . . Ang bandila ay sinasamba, gaya ng pagsamba sa bayang tinubuan.’ ”—Diario da Justiça (Kabiserang Pederal, Brazil), Pebrero 16, 1956, p. 1906.
May kinalaman sa mga seremonyang makabayan, ano ang sinasabi ng sekular na kasaysayan tungkol sa saloobin ng unang mga Kristiyano?
“Ang mga Kristiyano ay tumangging . . . maghandog sa kagalingan ng emperador—na siyang katumbas ngayon ng pagtangging sumaludo sa bandila o bumigkas ng panunumpa ng katapatan. . . . Iilan lamang sa mga Kristiyano ang tumalikod, bagama’t ang isang dambanang may nagniningas na apoy ay laging naroon sa arena upang gamitin nila. Ang kailangan lamang gawin ng isang bilanggo ay ang magsabog ng kaunting insenso sa apoy at siya’y bibigyan ng isang Katunayan ng Paghahandog at pagkatapos ay palalayain. Maingat ding ipinaliliwanag sa kaniya na hindi siya sumasamba sa emperador; kundi siya’y kumikilala lamang sa banal na katangian ng emperador bilang ulo ng estadong Romano. Gayunman, halos walang Kristiyano ang nagsamantala sa pagkakataong ito upang mapalaya.”—Those About to Die (Nueba York, 1958), D. P. Mannix, p. 135, 137.
“Ang pagsamba sa emperador ay ginagawa sa pamamagitan ng pagsabog ng ilang pirasong insenso o ilang patak ng alak sa dambanang nasa harap ng imahen ng emperador. Marahil sa panahong ito ay sasabihin nating walang pagkakaiba ito sa . . . pagsaludo sa bandila o sa isang kagalanggalang na pinuno ng estado, bilang paggalang, pagpipitagan, at pagka-makabayan. Marahil gayon ang nadadama ng marami noong unang siglo nguni’t hindi ang mga Kristiyano. Ang pangmalas nila ay na lahat nito’y pagsambang relihiyoso, na kinikilala ang emperador bilang isang diyos at samakatuwid ay nagtataksil sa Diyos at kay Kristo, at ito’y tinanggihan nilang gawin.”—The Beginnings of the Christian Religion (New Haven, Conn.; 1958), M. F. Eller, p. 208, 209.
Ang neutralidad ba ng mga Kristiyano ay nangangahulugan na hindi sila interesado sa kapakanan ng kanilang kapuwa?
Tiyak na hindi. Batid nila at buong-puso nilang ikinakapit ang utos na inulit ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:39) Gayon din ang payong iniulat ni apostol Pablo: “Magsigawa tayo ng mabuti sa lahat, nguni’t lalong lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.” (Gal. 6:10) Kumbinsido sila na ang pinakamabuting maitutulong nila sa kanilang kapuwa ay ang ibahagi sa kanila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, na siyang lulutas sa mga suliraning nakaharap sa sangkatauhan at magbubukas sa mga tatanggap nito ng kamanghamanghang pag-asa ng buhay na walang hanggan.