Panalangin
Kahulugan: Pakikipag-usap sa pagsamba, alinman sa tunay na Diyos o sa huwad na mga diyos, maging iyon ay binibigkas o iniisip lamang.
Iniisip ba ninyo, tulad ng marami, na hindi sinasagot ang inyong mga panalangin?
Kaninong mga panalangin ang diringgin ng Diyos?
Awit 65:2; Gawa 10:34, 35: “O ikaw na Dumirinig ng panalangin, sa iyo paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.” “Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng tao, kundi sa bawa’t bansa siya na may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugudlugod sa kaniya.” (Hindi tinitingnan ang bansang pinagmulan, ang kulay ng balat, o ang katayuan sa buhay ng isa. Ang mahalaga ay ang motibo ng puso at paraan ng pamumuhay.)
Luc. 11:2: “Pagka kayo’y nananalangin, inyong sabihin, ‘Ama, pakabanalin nawa ang pangalan mo.’ ” (Ang inyong mga panalangin ba’y ipinatutungkol sa Ama, sa isa na ipinakikilala ng Bibliya sa pangalang Jehova? O, sa halip, nananalangin ba kayo sa “mga santo”?)
Juan 14:6, 14: “Sinabi sa kaniya ni Jesus: ‘Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay. Walang sinomang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung kayo’y hihingi ng anoman sa aking pangalan, ay yaon ang aking gagawin.’ ” (Kayo ba’y nananalangin sa pangalan ni Jesu-Kristo, na kinikilala na bilang taong makasalanan kailangan ninyo ang kaniyang pamamagitan sa inyong kapakanan?)
1 Juan 5:14: “Ito ang pananalig namin sa kaniya, na anomang bagay na ating hingin na ayon sa kaniyang kalooban ay dinidinig niya.” (Gayumpaman, upang magkaroon ng gayong pananalig, kailangang malaman muna ang kalooban ng Diyos. Kung magkagayon ay tiyakin na ang inyong mga kahilingan ay kaayon nito.)
1 Ped. 3:12: “Ang mga mata ni Jehova ay nasa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay sa kanilang mga daing; nguni’t ang mukha ni Jehova ay laban sa mga nagsisigawa ng masama.” (Gumugugol ba kayo ng panahon upang pag-aralan ang sinasabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita tungkol sa kung ano ang mabuti at masama?)
1 Juan 3:22: “Anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugudlugod sa kaniyang paningin.” (Talaga bang mithiin ninyo na paluguran ang Diyos, at kayo ba’y taimtim na nagsisikap na sundin ang mga utos niyang natutuhan na ninyo?)
Isa. 55:6, 7: “Inyong hanapin si Jehova, kayong mga tao, samantalang siya’y masusumpungan. Magsitawag kayo sa kaniya samantalang siya’y malapit. Lisanin ng balakyot ang kaniyang lakad, at ng liko ang kaniyang mga pag-iisip; at manumbalik siya kay Jehova, at kaaawaan niya siya, at sa aming Diyos, sapagka’t siya’y magpapatawad ng sagana.” (Taglay ang buong kaawaan, inaanyayahan ni Jehova kahit ang mga taong nakagawa ng masama na manawagan sa kaniya sa panalangin. Subali’t, upang matanggap ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan nilang taimtim na pagsisihan ang kanilang masamang lakad at pag-iisip at baguhin ang kanilang pamumuhay.)
Ano ang magpapapangyaring hindi maging kaayaaya sa Diyos ang pananalangin ng isa?
Mat. 6:5: “Pagka kayo ay nagsisidalangin, ay huwag kayong gaya ng mga mapagpaimbabaw; sapagka’t ibig nilang magsidalangin nang patayo sa mga sinagoga at sa mga likuang daan upang sila’y makita ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Tinanggap na nila ang kanilang gantimpala.” (Gayundin ang Lucas 18:9-14)
Mat. 6:7: “Sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulit-ulit, na gaya ng ginagawa ng mga bansa, sapagka’t iniisip nilang didinggin sila dahil sa marami nilang kasasalita.”
Kaw. 28:9: “Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan [ng Diyos]—maging ang kaniyang dalangin ay karumaldumal.”
Mik. 3:4: “Sa panahong yaon ay magsisidaing sila kay Jehova, nguni’t hindi niya sasagutin sila. At kaniyang ikukubli ang kaniyang mukha sa kanila sa panahong yaon, ayon sa kanilang ginawang kasamaan sa kanilang mga gawa.”
Sant. 4:3: “Kayo’y nagsisihingi, gayunma’y hindi kayo nagsisitanggap, sapagka’t masama ang layunin ninyo, upang gamitin sa inyong mga kalayawan.”
Isa. 42:8, Dy; Mat. 4:10, JB: “Ako ang Panginoon [“Yahweh,” JB; “Jehova,” NW]: na siyang aking pangalan. Ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.” “Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos [“si Jehova mong Diyos,” NW], at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Gayundin ang Awit 115:4-8, o 113:4-8 ikalawang set ng numero sa Dy) (Ang panalangin ay isang paraan ng pagsamba. Kung mananalangin ka sa harap ng mga bagay na inanyuan, o ng mga imahen, ito ba’y magiging kalugudlugod sa Diyos?)
Isa. 8:19: “Sakaling sabihin nila sa inyo: ‘Hanapin ninyo ang mga nakikipagsanggunian sa masasamang espiritu o yaong may espiritu ng panghuhula na nagsisihuni at nagsisibulong,’ hindi ba marapat na sa Diyos sumangguni ang alinmang bayan? Dapat bang sumangguni sa mga patay alang-alang sa mga buháy?”
Sant. 1:6, 7: “Humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pag-aalinlangan, sapagka’t yaong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila. Kaya huwag isipin ng taong yaon na siya’y tatanggap ng anomang bagay kay Jehova.”
Anu-anong mga bagay ang wastong idalangin ng isa?
Mat. 6:9-13: “Magsidalangin nga kayo ng ganito: ‘[1] Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan. [2] Dumating nawa ang iyong kaharian. [3] Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung papaano sa langit, ay gayon din naman sa lupa. [4] Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw na ito; at [5] ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin. At [6] huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.’ ” (Pansinin na ang pangalan at layunin ng Diyos ang siyang dapat unahin.)
Awit 25:4, 5: “Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, O Jehova; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Tulungan mo akong lumakad sa iyong katotohanan at turuan mo ako, sapagka’t ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan.”
Luc. 11:13: “Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng banal na espiritu sa nagsisihingi sa kaniya!”
1 Tes. 5:17, 18: “Magsipanalangin kayong walang patid. Sa lahat ng mga bagay ay magpasalamat kayo.”
Mat. 14:19, 20: “Kinuha niya [ni Jesus] ang limang tinapay at ang dalawang isda, at, pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputul-putol at ipinamahagi ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga karamihan. Kaya nagsikain silang lahat at nangabusog.”
Sant. 5:16: “Ipanalangin ninyo ang isa’t-isa.”
Mat. 26:41: “Kayo’y maging mapagbantay at patuloy kayong manalangin, upang huwag kayong pumasok sa tukso.”
Fil. 4:6: “Huwag kayong mabalisa sa anomang bagay, kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan.”
Kung May Magsasabi—
‘Manalangin muna tayo, saka kayo magpaliwanag’
Maaari kayong sumagot: ‘Ikinagagalak kong malaman na kayo’y isang taong nagpapahalaga sa panalangin. Ang mga Saksi ni Jehova din naman ay palagiang nananalangin. Subali’t may sinabi si Jesus tungkol sa kung kailan at kung paano dapat manalangin na maaaring bago sa inyong pandinig. Alam ba ninyo na sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na huwag manalangin sa madla sa layuning makita ng iba na sila’y mga taong banal at mapagdasal? . . . (Mat. 6:5)’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Pansinin ang sinabi niyang dapat nating pagkaabalahan at kung ano ang dapat unahin sa ating mga panalangin. Ito ang nais ko sanang ipakipag-usap sa inyo. (Mat. 6:9, 10)’
O maaari ninyong sabihin: ‘Alam kong ginagawa iyan ng mga kinatawan ng ilang mga relihiyon. Nguni’t hindi ito ginagawa ng mga Saksi ni Jehova, sapagka’t inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na mangaral sa ibang paraan. Sa halip na sabihing, “Pagpasok ninyo sa bahay, manalangin muna kayo,” pansinin ang sinabi niya, gaya ng mababasa dito sa Mateo 10:12, 13. . . . At tingnan ninyo dito sa Mat 10 bersikulo 7 kung ano ang dapat nilang pag-usapan. . . . Papaano matutulungan ng Kahariang iyan ang mga taong tulad natin? (Apoc. 21:4)’