Hula
Kahulugan: Isang kinasihang mensahe; isang kapahayagan ng banal na kalooban at layunin. Ang hula ay maaaring maging isang prediksiyon ng bagay na darating, isang kinasihang aral tungkol sa moral, o isang kapahayagan ng isang banal na kautusan o kahatulan.
Alin sa mga hulang nakaulat sa Bibliya ang natupad na?
Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga paksang “Bibliya,” “Mga Huling Araw,” at “Mga Petsa,” gayundin ang aklat na “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial,” mga pahina 343-346.
Ano ang ilan sa pangunahing mga hula ng Bibliya na matutupad pa?
1 Tes. 5:3: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ kung magkagayo’y darating sa kanila ang biglang pagkawasak na gaya ng pagdaramdam ng isang babaing nagdadalang-tao; at hindi sila makatakas sa anomang paraan.”
Apoc. 17:16: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ay siyang mapopoot sa patutot [Babilonyang Dakila] at siya’y pagluluray-lurayin at huhubaran, at kakainin ang kaniyang laman at siya’y lubos na susupukin ng apoy.”
Ezek. 38:14-19: “Sabihin mo kay Gog, ‘Ganito ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova: “Sa araw na ang aking bayang [espirituwal na] Israel ay tatahang tiwasay, hindi mo baga malalaman? At ikaw ay darating na mula sa iyong dako, mula sa kaduluduluhang bahagi ng hilagaan, ikaw at ang maraming tao na kasama mo . . . ” “At mangyayari sa araw na yaon, pagka si Gog ay paroroon laban sa lupain ng Israel,” sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, “na ang aking kapusukan ay sasampa sa aking ilong. At sa aking paninibugho at sa sigalbo ng aking galit ay magsasalita ako.” ’ ”
Dan. 2:44: “Ang kaharian [na itinatag ng Diyos] . . . ay pagdudurugdurugin at wawakasan . . . ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao], at ito lamang ang mananatili magpakailanman.”
Ezek. 38:23: “Tiyak na dadakilain ko ang aking sarili at pakakabanalin ko ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako si Jehova.”
Apoc. 20:1-3: “Nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya na isang libong taon. At siya’y ibinulid sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya upang huwag nang mandaya pa sa mga bansa hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pagkatapos nito ay kailangang siya’y pawalang kaunting panahon.”
Juan 5:28, 29: “Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagka’t dumarating ang oras na lahat niyaong nasa alaalang libingan ay makaririnig sa kaniyang tinig at magsisilabas, yaong mga nagsigawa ng mabuti ay sa pagkabuhay-muli sa buhay, yaong nagsigawa ng masama ay sa pagkabuhay-muli sa paghatol.”
Apoc. 21:3, 4: “Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa luklukan na nagsabi: ‘Narito! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan pati na ang dalamhati at ang panambitan at ang hirap. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”
1 Cor. 15:24-28: “Kung magkagayo’y darating ang wakas, pagka ibibigay na niya ang kaharian sa kaniyang Diyos at Ama . . . Datapuwa’t kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo’y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa Isa na nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.”
Bakit dapat maging lubusang interesado ang mga Kristiyano sa mga hula ng Bibliya?
Mat. 24:42: “Maging mapagbantay nga kayo, sapagka’t hindi ninyo nalalaman kung sa anong araw paririto ang inyong Panginoon.”
2 Ped. 1:19-21: “Naging lalong panatag sa amin ang salita ng hula [dahil sa naganap noong magbagong-anyo si Jesus]; at mabuti ang inyong ginagawa kung ito’y inyong pag-ukulan ng pansin . . . Sapagka’t hindi sa kalooban ng tao dumating ang hula kailanman, kundi ang mga tao ay nagsalita buhat sa Diyos samantalang nangauudyukan ng banal na espiritu.”
Kaw. 4:18: “Ang landas ng matuwid ay gaya ng maningning na liwanag na sumisikat nang higit at higit hanggang sa ang araw ay lubusang mahayag.”
Mat. 4:4: “Nabubuhay ang tao, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.” (Kasama na rito ang kaniyang dakilang makahulang mga pangako.)
2 Tim. 3:16: “Lahat ng mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran.” (Kaya ang buong nasusulat na Salita ng Diyos ay nararapat nating masinsinang pag-aralan.)
Kung May Magsasabi—
‘Sobra naman ang pagdiriin ninyo sa hula. Ang kailangan lamang ay ang tanggapin si Kristo bilang Tagapagligtas at mamuhay bilang isang mabuting Kristiyano’
Maaari kayong sumagot: ‘Totoo na mahalaga ang ginawa ni Jesu-Kristo. Nguni’t alam ba ninyo na ang isang dahilan kung bakit hindi siya tinanggap ng mga Judio noong unang siglo ay sapagka’t hindi nila pinag-ukulan ng pansin ang mga hula?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Inihula ng Hebreong Kasulatan kung kailan lilitaw ang Mesiyas (Kristo) at kung ano ang kaniyang gagawin. Nguni’t hindi pinansin ng karamihan sa mga Judio ang sinabi ng mga hulang ito. May sarili silang palagay hinggil sa kung ano ang dapat gawin ng Mesiyas, kung kaya’t tinanggihan nila ang Anak ng Diyos. (Tingnan ang pahina 200, sa ilalim ng “Jesu-Kristo.”)’ (2) ‘Nabubuhay tayo ngayon sa panahong si Kristo ay nagpupuno na bilang makalangit na Hari at pinagbubukud-bukod ang mga tao ng lahat ng mga bansa, alinman sa buhay o sa kapahamakan. (Mat. 25:31-33, 46) Nguni’t iba ang inaasahan ng karamihan ng mga tao.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Sang-ayon ako na mahalaga ang maging mabuting Kristiyano. Nguni’t ako ba’y magiging mabuting Kristiyano kung gagawin ko ang ilan lamang sa mga itinuro ni Kristo nguni’t ipagwawalang-bahala naman ang sinabi niyang dapat nating unahin sa buhay? . . . Pansinin ang sinabi niya gaya ng nakaulat sa Mateo 6:33.’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Hindi ba tayo tinuruan ni Jesus na idalangin ang Kahariang iyan, at unahin ito kaysa paghingi ng kapatawaran dahil sa ating pananampalataya sa kaniya bilang Tagapagligtas? (Mat. 6:9-12)’