-
Ano ang Kalooban ng Diyos?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
Ano ang Kalooban ng Diyos?
Gusto ng Diyos na mabuhay tayo nang payapa at maligaya sa isang paraisong lupa magpakailanman!
Pero baka maitanong mo, ‘Paano naman mangyayari iyan?’ Sinasabi ng Bibliya na kikilos ang Kaharian ng Diyos para matupad ito. Kalooban din ng Diyos na matuto ang lahat ng tao tungkol sa Kahariang iyon at sa kaniyang layunin para sa atin.—Awit 37:11, 29; Isaias 9:7.
Gusto ng Diyos na mapabuti tayo.
Gaya ng isang mabuting ama na naghahangad ng pinakamabuti para sa kaniyang mga anak, gusto rin ng ating Ama sa langit na maging maligaya tayo magpakailanman. (Isaias 48:17, 18) Ipinapangako niya na ang “gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Gusto ng Diyos na lumakad tayo sa kaniyang mga landas.
Sinasabi ng Bibliya na gusto ng ating Maylalang na ‘turuan tayo tungkol sa kaniyang mga daan’ para ‘makalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ (Isaias 2:2, 3) Inorganisa niya ang “isang bayan na magdadala ng pangalan niya” para maipaalám sa buong daigdig ang kaniyang kalooban.—Gawa 15:14.
Gusto ng Diyos na magkaisa tayo sa pagsamba sa kaniya.
Malaki ang nagagawa ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Pinagbubuklod nito ang mga tao sa tunay na pag-ibig. (Juan 13:35) Sino sa ngayon ang nagtuturo sa mga tao sa buong daigdig na paglingkuran nang may pagkakaisa ang Diyos? Inaanyayahan ka naming alamin ang sagot sa tulong ng brosyur na ito.
-
-
Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 1
Anong Uri ng mga Tao ang mga Saksi ni Jehova?
Denmark
Taiwan
Venezuela
India
Ilan ang kakilala mong Saksi ni Jehova? Ang ilan sa amin ay baka mga kapitbahay mo, katrabaho, o kaklase. O baka minsan ka na naming nakausap tungkol sa Bibliya. Sino ba talaga kami, at bakit namin ibinabahagi sa iba ang aming mga paniniwala?
Mga pangkaraniwang tao kami. Iba’t iba ang aming pinagmulan at katayuan sa buhay. Ang ilan sa amin ay may ibang relihiyon noon, at ang iba naman ay dating hindi naniniwala sa Diyos. Pero bago kami naging Saksi, maingat naming sinuri ang itinuturo ng Bibliya. (Gawa 17:11) Nakumbinsi kami sa aming mga natutuhan, at personal naming ipinasiya na sambahin ang Diyos na Jehova.
Nakikinabang kami sa pag-aaral ng Bibliya. Marami rin kaming mga problema at kahinaan. Pero dahil sa pagsisikap naming sundin ang mga simulain sa Bibliya, malaki ang naging pagbabago sa aming buhay. (Awit 128:1, 2) Iyan ang isang dahilan kung bakit namin ibinabahagi sa iba ang mabubuting bagay na natutuhan namin sa Bibliya.
Namumuhay kami ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga pamantayang ito na makikita sa Bibliya ay tumutulong sa bawat isa na magkaroon ng makabuluhang buhay at maging magalang, tapat, at mabait. Tumutulong din ito para maging mahusay at responsable ang mga tao, magkaisa ang mga pamilya, at maitaguyod ang mataas na moralidad. Dahil alam naming “hindi nagtatangi ang Diyos,” para kaming isang napakalaking pamilya na walang bahid ng politika at diskriminasyon. Mga pangkaraniwang tao kami, pero bilang isang grupo, isa kaming natatanging bayan na pinagkakaisa ng aming mga paniniwala.—Gawa 4:13; 10:34, 35.
Ano ang pagkakatulad ng mga Saksi ni Jehova sa ibang mga tao?
Anong mga pamantayan ang natutuhan ng mga Saksi mula sa pag-aaral ng Bibliya?
-
-
Bakit Kami Tinatawag na mga Saksi ni Jehova?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 2
Bakit Kami Tinatawag na mga Saksi ni Jehova?
Noe
Abraham at Sara
Moises
Jesu-Kristo
Iniisip ng marami na ang mga Saksi ni Jehova ay pangalan ng isang bagong relihiyon. Pero mahigit 2,700 taon na ang nakalilipas, ang mga lingkod ng tanging tunay na Diyos ay inilarawan bilang kaniyang “mga saksi.” (Isaias 43:10-12) Bago 1931, kilalá kami bilang mga Estudyante ng Bibliya. Pero bakit namin pinili ang pangalang mga Saksi ni Jehova?
Ipinapakilala nito ang aming Diyos. Ayon sa sinaunang mga manuskrito, ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay lumilitaw nang libo-libong ulit sa Bibliya. Pinalitan ito ng mga titulong Panginoon o Diyos sa maraming salin. Pero nagpakilala kay Moises ang tunay na Diyos gamit ang kaniyang pangalang Jehova, na sinasabi: “Ito ang pangalan ko magpakailanman.” (Exodo 3:15) Dahil dito, naipakita ni Jehova na iba siya sa huwad na mga diyos. Ipinagmamalaki naming taglayin ang banal na pangalan ng Diyos.
Inilalarawan nito ang aming atas. Sa loob ng maraming siglo, mula pa noong panahon ng matuwid na si Abel, marami na ang nagpatotoo tungkol sa kanilang pananampalataya kay Jehova. Nariyan sina Noe, Abraham, Sara, Moises, David, at iba pa na kabilang sa ‘malaking ulap ng mga saksi.’ (Hebreo 11:4–12:1) Gaya ng isa na handang tumayong saksi sa korte para sa isang taong inosente, determinado kaming ipaalám sa iba ang katotohanan tungkol sa aming Diyos.
Tinutularan namin si Jesus. Tinatawag siya ng Bibliya na “ang saksing tapat at totoo.” (Apocalipsis 3:14) Si Jesus mismo ang nagsabi na ‘ipinakilala niya ang pangalan ng Diyos’ at ‘nagpatotoo siya sa katotohanan’ tungkol sa Diyos. (Juan 17:26; 18:37) Kaya dapat taglayin at ihayag ng mga tunay na tagasunod ni Kristo ang pangalan ni Jehova. Iyan ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova.
Bakit pinili ng mga Estudyante ng Bibliya na gamitin ang pangalang mga Saksi ni Jehova?
Kailan pa nagkaroon si Jehova ng mga saksi sa lupa?
Sino ang pinakadakilang Saksi ni Jehova?
-