-
Ano ang Maaasahan Mo sa Aming mga Pulong?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 5
Ano ang Maaasahan Mo sa Aming mga Pulong?
Argentina
Sierra Leone
Belgium
Malaysia
Marami ang huminto na sa pagsisimba dahil wala naman silang nakukuhang espirituwal na gabay o kaaliwan. Kung gayon, ano ang dahilan para dumalo ka sa mga Kristiyanong pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova?
Masisiyahan kang makasama ang mga taong mapagmahal at mapagmalasakit. Noong unang siglo, ang mga Kristiyano sa bawat kongregasyon ay nagtitipon para sumamba sa Diyos, mag-aral ng Kasulatan, at patibayin ang isa’t isa. (Hebreo 10:24, 25) Dahil nangingibabaw ang pag-ibig sa mga pagtitipong iyon, damang-dama nilang may tunay silang mga kaibigan—ang kanilang espirituwal na mga kapatid. (2 Tesalonica 1:3; 3 Juan 14) Iyan din ang maaasahan mo sa mga pulong namin sa ngayon.
Matututuhan mo kung paano sundin ang mga simulain sa Bibliya. Gaya noong panahon ng Bibliya, sama-sama rin sa mga pulong ang mga lalaki, babae, at mga bata. Gumagamit ng Bibliya ang mga kuwalipikadong guro para tulungan tayong sundin ang mga simulain nito sa araw-araw. (Deuteronomio 31:12; Nehemias 8:8) Ang lahat ay maaaring makibahagi sa talakayan at pag-awit. Pagkakataon natin ito para maipahayag ang ating pag-asa.—Hebreo 10:23.
Mapapatibay ang iyong pananampalataya sa Diyos. Sinabi ni apostol Pablo sa isa sa mga kongregasyon noon: “Nananabik akong makita kayo . . . para makapagpatibayan tayo ng pananampalataya.” (Roma 1:11, 12) Sa mga pulong, ang regular na pakikipagsamahan sa mga kapatid ay magpapatibay sa ating pananampalataya at determinasyong mamuhay bilang Kristiyano.
Gusto mo bang maranasan ang mga nabanggit? Bakit hindi ka dumalo sa susunod naming pagpupulong? Malugod ka naming tatanggapin. Ang lahat ng pulong ay walang bayad at walang koleksiyon.
Ano ang sinusunod naming halimbawa para sa aming mga pulong?
Ano ang kapakinabangan ng pagdalo sa mga Kristiyanong pagpupulong?
-
-
Bakit Kami Nakikipagsamahan sa Aming mga Kapananampalataya?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 6
Bakit Kami Nakikipagsamahan sa Aming mga Kapananampalataya?
Madagascar
Norway
Lebanon
Italy
Kahit kailangan naming maglakbay sa masukal na kagubatan o sumuong sa masamang panahon, regular kaming dumadalo sa mga pulong. Sa kabila ng pagod at iba pang problema, bakit sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na makipagsamahan sa kanilang kapuwa Kristiyano?
Nakatutulong ito para maging mas mabuting tao kami. Sumulat si Pablo sa mga miyembro ng kongregasyon: “Isipin natin ang isa’t isa.” (Hebreo 10:24) Sa pananalitang ito, pinasisigla tayo ng apostol na magmalasakit sa iba at kilalanin ang isa’t isa. Habang sinisikap naming kilalanin ang ibang miyembro ng kongregasyon, nakikita naming may mga problema rin silang gaya ng sa amin. Pero matagumpay nilang nahaharap ang mga ito. Kaya natutulungan nila kaming magtagumpay rin.
Nakakabuo kami ng matibay na pagkakaibigan. Sa mga pulong, malalapít na kaibigan ang turing namin sa isa’t isa, hindi lang basta kakilala. Kung minsan, naglilibang din kaming magkakasama. Ano ang mabuting epekto ng gayong pakikipagsamahan? Lalo naming napahahalagahan ang isa’t isa at lumalalim ang pag-ibig na nagbubuklod sa amin. At dahil sa aming pagkakaibigan, hindi kami nag-aatubiling tulungan ang isa’t isa kapag may problema. (Kawikaan 17:17) Habang nakakasama namin ang mga miyembro ng aming kongregasyon, naipapakita namin ang ‘pagmamalasakit sa isa’t isa.’—1 Corinto 12:25, 26.
Pinasisigla ka naming humanap ng mga kaibigang gumagawa ng kalooban ng Diyos, gaya ng mga Saksi ni Jehova. Huwag mo sanang hayaan na may makahadlang sa pakikipagkaibigan mo sa amin.
Ano ang mabuting epekto ng pakikipagsamahan sa mga pagpupulong?
Kailan mo gustong dumalo sa isa naming pagpupulong at makilala ang mga Saksi?
-
-
Paano Ginaganap ang Aming mga Pulong?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 7
Paano Ginaganap ang Aming mga Pulong?
New Zealand
Japan
Uganda
Lithuania
Ang mga Kristiyano noon ay umaawit, nananalangin, at nagbabasa’t tumatalakay ng Kasulatan sa kanilang mga pulong. (1 Corinto 14:26) Wala silang anumang ritwal. Ganiyang-ganiyan din sa aming mga pulong.
Ang itinuturo ay praktikal at batay sa Bibliya. Tuwing Sabado o Linggo, bawat kongregasyon ay nagpupulong para makinig ng 30-minutong pahayag na salig sa Bibliya. Tinatalakay rito ang kaugnayan ng Kasulatan sa ating buhay at sa mga kaganapan sa ngayon. Lahat kami ay pinasisiglang sumubaybay sa sarili naming Bibliya. Kasunod nito ang isang-oras na Pag-aaral sa “Bantayan,” kung saan malayang nakikibahagi ang mga miyembro ng kongregasyon sa pagtalakay ng isang artikulo sa edisyon para sa pag-aaral ng Bantayan. Natututuhan namin dito kung paano susundin ang payo ng Bibliya sa aming buhay. Pinag-aaralan ito sa mga 120,000 kongregasyon sa buong daigdig.
Sinasanay kami na maging bihasang mga guro. May ginaganap din kaming isa pang pulong bawat linggo. Nahahati ito sa tatlong bahagi at tinatawag na Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano. Nakabatay ito sa materyal na nasa buwanang Workbook sa Buhay at Ministeryo. Ang unang bahagi ng pulong, Kayamanan Mula sa Salita ng Diyos, ay tumutulong sa amin na maging pamilyar sa isang bahagi ng Bibliya na patiuna nang binasa ng kongregasyon. Ang ikalawa, Maging Mahusay sa Ministeryo, ay may mga pagtatanghal kung paano ipapakipag-usap ang Bibliya sa iba. Isang tagapayo ang tutulong sa amin na mapasulong ang aming kakayahan sa pagbabasa at pagsasalita. (1 Timoteo 4:13) Tinatalakay sa huling bahagi, Pamumuhay Bilang Kristiyano, kung paano praktikal na ikakapit ang mga simulain sa Bibliya sa araw-araw. Mayroon din itong tanong-sagot na talakayan na nagpapalalim ng aming unawa sa Bibliya.
Kapag dumalo ka sa aming mga pulong, tiyak na hahangaan mo ang kalidad ng edukasyon sa Bibliya na matatanggap mo.—Isaias 54:13.
Ano ang maaasahan mong marinig sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova?
Anong pulong namin ang gusto mong daluhan?
-