Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 8

      Paano Kami Nananamit sa Aming mga Pulong?

      Mag-ama na gumagayak bago dumalo sa pulong ng kongregasyon

      Iceland

      Mag-ina na gumagayak para sa pulong

      Mexico

      Mga Saksi ni Jehova sa Guinea-Bissau na bihis na bihis

      Guinea-Bissau

      Pamilya sa Pilipinas na naglalakad papunta sa pulong

      Pilipinas

      Napansin mo ba sa mga larawan kung paano manamit ang mga Saksi ni Jehova kapag dumadalo sa mga pulong? Bakit napakahalaga sa amin ng marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos?

      Pagpapakita ito ng paggalang sa aming Diyos. Totoo, hindi panlabas na anyo ang tinitingnan ng Diyos. (1 Samuel 16:7) Pero gusto naming magpakita ng paggalang sa kaniya at sa aming mga kapananampalataya kapag nagtitipon kami para sumamba. Kung aanyayahan tayo ng isang hari o presidente sa kaniyang tahanan, tiyak na mananamit tayo nang maayos bilang paggalang sa kaniyang mataas na posisyon. Ang Diyos na Jehova ang “Hari ng mga bansa,” kaya nararapat lang kaming manamit nang maayos bilang paggalang sa kaniya at sa lugar ng aming pagsamba.—Jeremias 10:7.

      May sinusunod kaming mataas na pamantayan. Pinasisigla ng Bibliya ang mga Kristiyano na magpakita ng “kahinhinan at matinong pag-iisip” sa pananamit nila. (1 Timoteo 2:9, 10) Ang pananamit nang may “kahinhinan” ay nangangahulugan na hindi magsusuot ang isa ng damit na malaswa at mapang-akit. At para maipakita ang “matinong pag-iisip,” iiwasan din niya ang istilong burara at takaw-pansin. Tutal, marami pa rin namang istilo ng damit na mapagpipilian. Sa pamamagitan ng aming marangal at mahinhing pananamit at pag-aayos, lalo na sa mga pulong, ‘nagdudulot kami ng papuri sa turo ng ating Tagapagligtas’ at ‘naluluwalhati namin ang Diyos.’ (Tito 2:10; 1 Pedro 2:12) Naipapakita namin sa iba kung ano ang dapat na maging pananaw nila sa pagsamba kay Jehova.

      Huwag kang mahiyang dumalo dahil wala kang pormal na damit. Hindi rin naman kailangang mamahalin ang damit mo. Ang mahalaga, ito ay angkop, malinis, at presentable.

      • Gaano kahalaga ang ating pananamit kapag sumasamba sa Diyos?

      • Anong mga simulain ang dapat gumabay sa ating istilo ng pananamit at pag-aayos?

  • Paano Tayo Makapaghahandang Mabuti Para sa mga Pulong?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 9

      Paano Tayo Makapaghahandang Mabuti Para sa mga Pulong?

      Saksi ni Jehova na nag-aaral para sa pulong ng kongregasyon

      Cambodia

      Saksi ni Jehova na nag-aaral para sa pulong ng kongregasyon
      Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa pulong ng kongregasyon

      Ukraine

      Kung nakikipag-aral ka ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, malamang na naghahanda ka bago kayo mag-aral. Maganda kung gagawin mo rin iyan bago ka dumalo sa mga pulong. At lalong maganda kung gagawin mo iyan nang regular.

      Alamin kung kailan at saan ka mag-aaral. Kailan ka mas nakakapagpokus? Sa umaga ba, bago magtrabaho? O sa gabi, kapag tulóg na ang mga bata? Maglaan ng panahon sa pag-aaral, kahit maikli lang, at huwag hayaan ang anuman na umagaw sa panahong iyan. Mag-aral sa tahimik na lugar, at alisin ang lahat ng panggambala—patayin ang radyo, TV, at cellphone. Manalangin bago mag-aral. Makatutulong ito sa iyo na malimutan ang mga álalahanín sa buong araw at makapagpokus sa pag-aaral ng Salita ng Diyos.—Filipos 4:6, 7.

      Markahan ang materyal na pag-aaralan at maghanda ng sagot. Tingnan muna ang kabuoang tema ng pag-aaralan mo. Pag-isipan ang pamagat ng artikulo o kabanata, at tingnan kung paano nauugnay ang bawat subtitulo sa kabuoang tema. Suriin ang mga larawan at ang mga tanong para sa repaso na nagdiriin sa pangunahing mga punto. Pagkatapos, basahin ang bawat parapo at hanapin ang sagot sa tanong. Hanapin at basahin ang mga tekstong nabanggit at isipin kung paano ito nauugnay sa pinag-aaralan mo. (Gawa 17:11) Kapag alam mo na ang sagot sa tanong, guhitan o markahan ang ilang susing salita o parirala na magpapaalaala sa iyo ng sagot. Sa panahon ng pulong, puwede kang magtaas ng kamay at magbigay ng maikling komento sa sarili mong salita.

      Kapag naghahanda ka linggo-linggo para sa mga pulong, nadaragdagan ang iyong “imbakan ng kayamanan” ng kaalaman sa Bibliya.—Mateo 13:51, 52.

      • Anong magandang iskedyul ang puwede mong sundin para sa paghahanda sa mga pulong?

      • Paano ka makapaghahanda ng sagot para sa mga pulong?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Sundin ang mga hakbang sa itaas at paghandaan ang Pag-aaral sa Bantayan o Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Sa tulong ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya, maghanda ng puwede mong isagot sa pulong.

  • Ano ang Pampamilyang Pagsamba?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 10

      Ano ang Pampamilyang Pagsamba?

      Pampamilyang pagsamba

      South Korea

      Mag-asawang nag-aaral ng Bibliya

      Brazil

      Saksi ni Jehova na nag-aaral ng Bibliya

      Australia

      Pamilya na nag-aaral ng Bibliya

      Guinea

      Noon pa man, gusto na ni Jehova na maglaan ng panahon sa isa’t isa ang magkakapamilya para mapatibay ang kanilang buklod at ang kanilang kaugnayan sa Diyos. (Deuteronomio 6:6, 7) Iyan ang dahilan kung bakit linggo-linggo, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalaan ng espesipikong panahon para sumamba bilang isang pamilya. Isa itong relaks na talakayan tungkol sa espirituwal na mga bagay na partikular nilang kailangan. Kahit nag-iisa ka, puwede mo pa ring gamitin ang panahong iyan para sa Diyos. Maaari kang pumili ng paksa sa Bibliya na gusto mong pag-aralan.

      Pagkakataon ito na mapalapít kay Jehova. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Lalo nating nakikilala si Jehova sa tulong ng kaniyang nasusulat na Salita. Nalalaman natin dito ang kaniyang personalidad at mga pagkilos. Ang isang simpleng paraan para masimulan ang pampamilyang pagsamba ay ang malakas at sama-samang pagbabasa ng Bibliya, marahil ng bahaging tatalakayin sa Pulong Para sa Buhay at Ministeryo. Puwedeng atasan ang bawat miyembro ng isang bahaging babasahin niya. Pagkatapos, tatalakayin ng buong pamilya ang mga natutuhan nila.

      Pagkakataon ito na mapalapít sa isa’t isa ang magkakapamilya. Tumitibay ang buklod ng mag-asawa, gayundin ng magulang at anak, kapag nag-aaral sila ng Bibliya bilang isang pamilya. Dapat na maging masaya at kapana-panabik ang panahong ito. Ang mga magulang ay maaaring pumili ng paksang pag-aaralan mula sa Bantayan at Gumising! o mula sa aming website na jw.org®, depende sa edad ng kanilang mga anak. Puwede ninyong pag-usapan ang problema ng inyong mga anak sa eskuwela at kung paano nila ito haharapin. Bakit hindi kayo manood ng isang programa sa JW Broadcasting® (tv.jw.org) at pagkatapos ay pag-usapan iyon? Baka gusto rin ninyong praktisin ang mga awit na gagamitin sa pulong. Pagkatapos nito, puwede kayong magmeryenda.

      Tutulong ang espesyal na gabi ng pampamilyang pagsamba para masiyahan ang bawat miyembro ng pamilya sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Saganang pagpapalain ni Jehova ang inyong pagsisikap.—Awit 1:1-3.

      • Bakit dapat tayong maglaan ng panahon para sa pampamilyang pagsamba?

      • Paano gagawing kasiya-siya ng mga magulang ang panahong ito?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Magtanong sa ibang mga pamilya sa kongregasyon kung paano nila isinasagawa ang kanilang pampamilyang pagsamba. Maghanap din sa Kingdom Hall ng iba pang publikasyong magagamit sa pagtuturo sa iyong mga anak tungkol kay Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share