Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Bakit Kami Nagdaraos ng Malalaking Asamblea?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 11

      Bakit Kami Nagdaraos ng Malalaking Asamblea?

      Panrehiyong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico

      Mexico

      Paglalabas ng bagong publikasyon sa panrehiyong kombensiyon sa Germany

      Germany

      Panrehiyong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Botswana

      Botswana

      Pagbabautismo sa isang kabataan sa Nicaragua

      Nicaragua

      Drama sa panrehiyong kombensiyon sa Italy

      Italy

      Bakit napakasaya ng mga tao sa larawan? Kasi nasa isang asamblea sila ng mga Saksi ni Jehova. Tinagubilinan ng Diyos ang mga lingkod niya noon na magtipon-tipon tatlong beses sa isang taon. (Deuteronomio 16:16) Gaya nila, pinananabikan namin ang ganito kalaking mga pagtitipon. Taon-taon, nagdaraos din kami ng tatlong malalaking pagpupulong: dalawang pansirkitong asamblea na tig-isang araw at isang panrehiyong kombensiyon na ginaganap nang tatlong araw. Bakit kapaki-pakinabang ang mga pagtitipong ito?

      Pinapatibay ng mga ito ang aming kapatirang Kristiyano. Gaya ng mga Israelita na masayang pumupuri kay Jehova sa mga “pagtitipon,” nasisiyahan din kaming sambahin ang Diyos sa malalaking pagtitipon. (Awit 26:12, talababa; 111:1) Dito, nagkakaroon kami ng pagkakataon na makilala ang mga Saksi mula sa ibang kongregasyon o lupain. Sa tanghali, sama-sama kaming kumakain sa lugar ng asamblea kaya nagiging mas masaya ang ganitong mga pagtitipon. (Gawa 2:42) Damang-dama namin dito ang pag-ibig na nagbubuklod sa aming “buong samahan ng mga kapatid” sa buong mundo.—1 Pedro 2:17.

      Tinutulungan kami ng mga ito na sumulong sa espirituwal. Nakinabang din ang mga Israelita “dahil naintindihan nila ang mga bagay na ipinaliwanag sa kanila” mula sa Kasulatan. (Nehemias 8:8, 12) Sa ngayon, nagpapasalamat din kami sa paliwanag sa Bibliya na natatanggap namin sa mga asamblea. Bawat programa ay nakabatay sa Kasulatan. Sa tulong ng mga pahayag, simposyum, at pagsasadula, nalalaman namin ang kalooban ng Diyos. Napapatibay kami sa mga karanasan ng mga Kristiyanong nakapanatiling tapat sa kabila ng matitinding pagsubok. Sa mga panrehiyong kombensiyon, may mga drama na nagbibigay-buhay sa mga ulat ng Bibliya at nagtuturo sa amin ng praktikal na mga aral. Sa bawat malaking pagtitipon, binabautismuhan ang mga taong nag-alay na ng kanilang buhay sa Diyos.

      • Bakit masayang okasyon ang mga asamblea?

      • Bakit kapaki-pakinabang ang pagdalo sa isang asamblea?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Para makilala mo kami nang higit, puwede kang dumalo sa susunod naming asamblea. Maaaring ipakita ng nagtuturo sa iyo ng Bibliya ang nakaimprentang programa para malaman mo ang mga paksang tinatalakay rito. Isulat ang lugar at petsa ng susunod na asamblea, at kung posible, daluhan mo ito.

  • Paano Kami Nangangaral?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 12

      Paano Kami Nangangaral?

      Mga Saksi ni Jehova na nagbabahay-bahay

      Spain

      Saksi ni Jehova na nangangaral sa parke

      Belarus

      Saksi ni Jehova na nangangaral gamit ang telepono

      Hong Kong

      Mga Saksi ni Jehova sa pangmadlang ministeryo

      Peru

      Noong malapit nang mamatay si Jesus, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Paano maisasagawa ang pandaigdig na gawaing pangangaral na ito? Sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus noong nasa lupa siya.—Lucas 8:1.

      Pinupuntahan namin ang mga tao sa kanilang tahanan. Noong unang siglo, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na ipangaral ang mabuting balita sa bahay-bahay. (Mateo 10:11-13; Gawa 5:42; 20:20) Binigyan niya sila ng kani-kaniyang teritoryo na dapat nilang pangaralan. (Mateo 10:5, 6; 2 Corinto 10:13) Sa ngayon, organisado rin ang aming gawaing pangangaral, at sa bawat kongregasyon ay may nakaatas ding teritoryo. Sa ganitong paraan, nasusunod namin ang utos ni Jesus na “mangaral sa mga tao at lubusang magpatotoo.”—Gawa 10:42.

      Sinisikap naming makausap ang mga tao saanman sila matagpuan. Nangaral si Jesus sa pampublikong mga lugar, gaya ng dalampasigan o tabi ng balon. (Marcos 4:1; Juan 4:5-15) Nakikipag-usap din kami sa mga tao tungkol sa Bibliya saanman posible—sa lansangan, sa lugar ng negosyo, sa mga pasyalan, o kahit sa telepono. Nagpapatotoo rin kami sa aming mga kapitbahay, katrabaho, kaklase, at mga kamag-anak kapag may angkop na pagkakataon. Dahil sa lahat ng pagsisikap na ito, milyon-milyon sa buong daigdig ang nakarinig ng ‘mabuting balita ng kaligtasan.’—Awit 96:2.

      May naiisip ka bang puwede mong kausapin tungkol sa Kaharian ng Diyos? Ipakita mo sa kaniya ang epekto nito sa kaniyang kinabukasan. Huwag sarilinin ang nalalaman mong mensahe ng pag-asa. Ibahagi mo ito sa iba habang may panahon pa!

      • Anong ‘mabuting balita’ ang dapat ipangaral?

      • Paano tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang paraan ng pangangaral ni Jesus?

      ANG PUWEDE MONG GAWIN

      Magpatulong sa nagtuturo sa iyo ng Bibliya kung paano mo ibabahagi sa iba ang mga natututuhan mo.

  • Ano ang Isang Payunir?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
    • ARALIN 13

      Ano ang Isang Payunir?

      Buong-panahong mángangarál sa pangmadlang ministeryo

      Canada

      Mga buong-panahong mángangarál na nagbabahay-bahay

      Pagbabahay-bahay

      Mga payunir na nagtuturo ng Bibliya

      Pag-aaral sa Bibliya

      Payunir na nag-aaral ng Bibliya

      Personal na pag-aaral

      Ang terminong “payunir” ay karaniwan nang tumutukoy sa isa na tumutuklas ng bagong teritoryo at nagbubukas ng daan para sa iba. Masasabi nating isang payunir si Jesus, dahil isinugo siya rito sa lupa para simulan ang isang nagliligtas-buhay na ministeryo, at buksan ang daan papunta sa kaligtasan. (Mateo 20:28) Gaya ni Jesus, ibinubuhos din ng kaniyang mga tagasunod sa ngayon ang kanilang oras para “gumawa ng mga alagad.” (Mateo 28:19, 20) Ang iba ay nagpasiyang maglingkod bilang payunir.

      Ang payunir ay isang buong-panahong mángangarál. Ang lahat ng Saksi ni Jehova ay mamamahayag ng mabuting balita. Pero isinaayos ng ilang Saksi na maglingkod bilang regular pioneer. Gumugugol sila ng 70 oras buwan-buwan sa pangangaral. Para magawa ito, marami sa kanila ang nagtrabaho na lang nang part-time. Ang iba naman ay pinili bilang special pioneer. Ipinadadala sila sa mga lugar na may malaking pangangailangan para sa mga mángangarál ng Kaharian, at gumugugol sila ng 130 oras o higit pa buwan-buwan sa pangangaral. Simple ang pamumuhay ng mga payunir at nagtitiwala silang ilalaan ni Jehova ang kanilang pangunahing pangangailangan. (Mateo 6:31-33; 1 Timoteo 6:6-8) Ang mga hindi makapagpayunir nang buong panahon ay puwede namang maglingkod bilang auxiliary pioneer kung makapangangaral sila nang 30 o 50 oras sa isang buwan.

      Ang isang payunir ay naglilingkod dahil sa pag-ibig sa Diyos at sa mga tao. Gaya ni Jesus, nakikita rin namin sa ngayon ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao sa espirituwal. (Marcos 6:34) Pero may natutuhan kami na makatutulong sa kanila sa ngayon at makapagbibigay ng pag-asa sa hinaharap. Ang pag-ibig sa kapuwa ang nag-uudyok sa isang payunir na isakripisyo ang kaniyang lakas at panahon para maibahagi sa iba ang mabuting balita. (Mateo 22:39; 1 Tesalonica 2:8) Sa paggawa nito, tumitibay ang kaniyang pananampalataya, napapalapít siya sa Diyos, at lalo siyang lumiligaya.—Gawa 20:35.

      • Paano mo ilalarawan ang isang payunir?

      • Bakit nagpapayunir nang buong panahon ang ilan?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share