-
Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 14
Anong mga Paaralan ang Nagsasanay sa mga Payunir?
Estados Unidos
Paaralang Gilead, Patterson, New York
Panama
Kilalá ang mga Saksi ni Jehova sa pagtuturo ng Bibliya. May mga paaralan kami na nagsasanay sa mga buong-panahong mángangarál ng Kaharian para ‘maisagawa nila nang lubusan ang kanilang ministeryo.’—2 Timoteo 4:5.
Pioneer Service School. Kapag isang taon nang regular pioneer ang isang Saksi, puwede siyang i-enrol sa anim-na-araw na kursong ginaganap sa mga Kingdom Hall. Layunin ng kursong ito na tulungan ang isang payunir na mas mapalapít kay Jehova, maging mas epektibo sa lahat ng aspekto ng ministeryo, at makapagpatuloy sa tapat na paglilingkod.
School for Kingdom Evangelizers. Ang dalawang-buwang kursong ito ay para sa pagsasanay ng makaranasang mga payunir na handang lumipat saanmang lugar sila kailangan. Parang sinasabi nila, “Narito ako! Isugo mo ako!” bilang pagtulad sa pinakadakilang Ebanghelisador na naglingkod sa lupa, si Jesu-Kristo. (Isaias 6:8; Juan 7:29) Baka kailangan nilang masanay sa mas simpleng buhay sa malayong lugar. Maaaring ibang-iba ang kultura, klima, at pagkain doon. Baka kailangan pa nga nilang mag-aral ng ibang wika. Tumutulong ang paaralang ito sa mga binata’t dalaga, pati sa mga mag-asawa, edad 23 hanggang 65, para malinang ang makadiyos na mga katangiang kailangan nila sa kanilang atas at magkaroon ng mga kasanayang tutulong para mas magamit sila ni Jehova at ng kaniyang organisasyon.
Watchtower Bible School of Gilead. Sa Hebreo, ang terminong “Gilead” ay may kaugnayan sa salitang “Saksi.” Mula nang itatag ang Gilead noong 1943, mahigit 8,000 nakapagtapos sa paaralang ito ang ipinadala bilang mga misyonero para sumaksi, o magpatotoo, “hanggang sa mga dulo ng lupa.” (Gawa 13:47) At talaga namang napakaganda ng naging resulta! Nang unang dumating sa Peru ang mga nagtapos sa Gilead, wala pang kongregasyon doon. Pero ngayon, mayroon nang mahigit 1,000. Nang magsimulang maglingkod ang aming mga misyonero sa Japan, wala pang 10 ang mga Saksi roon. Pero ngayon, mayroon nang mahigit 200,000. Sa limang-buwang kurso ng Gilead, malalim ang ginagawang pag-aaral sa Salita ng Diyos. Ang mga special pioneer o field missionary, mga naglilingkod sa tanggapang pansangay, o mga tagapangasiwa ng sirkito ay inaanyayahan sa paaralang ito para bigyan ng puspusang pagsasanay at sa gayo’y makatulong sila nang malaki sa pambuong-daigdig na gawain.
Ano ang layunin ng Pioneer Service School?
Sino ang puwedeng mag-aral sa School for Kingdom Evangelizers?
-
-
Paano Naglilingkod sa Kongregasyon ang mga Elder?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 15
Paano Naglilingkod sa Kongregasyon ang mga Elder?
Finland
Nagtuturo
Nagpapastol
Nangangaral
Wala kaming suwelduhang mga klero. Sa halip, gaya noong pasimula ng kongregasyong Kristiyano, may kuwalipikadong mga tagapangasiwa na inaatasan “para magpastol sa kongregasyon ng Diyos.” (Gawa 20:28) Ang mga elder na ito ay may-gulang na mga lalaking nangunguna sa kongregasyon at nagpapastol nang “hindi napipilitan, kundi ginagawa ito nang maluwag sa loob sa harap ng Diyos; hindi dahil sa kasakiman sa pakinabang, kundi nang may pananabik.” (1 Pedro 5:1-3) Ano ang mga isinasagawa nila para sa amin?
Pinangangalagaan nila kami at pinoprotektahan. Ipinagkatiwala ng Diyos sa mga elder ang buong kongregasyon, kaya ginagabayan nila ito, pinoprotektahan sa espirituwal, at inaasikasong mabuti para mapanatili ang kagalakan ng mga miyembro nito. (2 Corinto 1:24) Kung paanong pinangangalagaan nang husto ng isang pastol ang bawat tupa niya, sinisikap din ng mga elder na kilalanin ang bawat miyembro ng kongregasyon.—Kawikaan 27:23.
Tinuturuan nila kami na gawin ang kalooban ng Diyos. Linggo-linggo, pinangangasiwaan ng mga elder ang mga pulong sa kongregasyon para patibayin ang aming pananampalataya. (Gawa 15:32) Ang masisipag na lalaking ito ay nangunguna sa amin sa pangangaral. Sinasamahan nila kami at sinasanay sa lahat ng anyo ng ministeryo.
Pinalalakas nila ang bawat isa sa amin. Dinadalaw kami ng mga elder sa aming tahanan o kinakausap sa Kingdom Hall gamit ang Bibliya para aliwin kami at tulungang maging mas malapít kay Jehova.—Santiago 5:14, 15.
Bukod sa mga atas sa kongregasyon, karamihan sa mga elder ay mayroon ding trabaho at pamilya na kailangang bigyan ng panahon at atensiyon. Kaya nararapat lang na igalang ang masisipag na brother na ito.—1 Tesalonica 5:12, 13.
Ano ang pananagutan ng mga elder sa kongregasyon?
Paano ipinapakita ng mga elder na nagmamalasakit sila sa bawat isa sa amin?
-
-
Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 16
Ano ang Pananagutan ng mga Ministeryal na Lingkod?
Myanmar
Bahagi sa pulong
Grupo sa paglilingkod
Pagmamantini sa Kingdom Hall
Sa Bibliya, dalawang grupo ng mga lalaking Kristiyano ang sinasabing nag-aasikaso sa bawat kongregasyon—“mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Filipos 1:1) Ganiyan din sa ngayon. Ano ang isinasagawa ng mga ministeryal na lingkod para sa amin?
Tumutulong sila sa mga elder. Ang mga ministeryal na lingkod ay palaisip sa espirituwal, maaasahan, at masisipag. Ang ilan ay nakababata, ang iba naman ay nakatatanda. Inaasikaso nila ang ibang gawain para mapanatiling organisado ang kongregasyon. Dahil dito, nakakapagpokus ang mga elder sa pagtuturo at pagpapastol.
Nagbibigay sila ng praktikal na mga tulong. Ang ilang ministeryal na lingkod ay inatasang maging attendant para mag-asikaso sa mga dumarating sa pulong. Ang iba naman ay nag-aasikaso sa sound system, pamamahagi ng literatura, accounts (pananalapi) ng kongregasyon, at pag-aatas ng teritoryo sa mga nangangaral. Tumutulong din sila sa pagmamantini ng Kingdom Hall. Kung minsan, hinihilingan sila ng mga elder na tumulong sa mga may-edad. Anuman ang atas nila, ang kusang-loob nilang pagganap sa mga ito ay pinahahalagahan ng lahat.—1 Timoteo 3:13.
Nagpapakita sila ng mabuting halimbawa bilang mga Kristiyano. Ang mga ministeryal na lingkod ay naatasan dahil sa kanilang mga katangiang Kristiyano. Kapag gumaganap sila ng bahagi sa mga pulong, napapatibay nila ang aming pananampalataya. Kapag nangunguna sila sa pangangaral, napasisigla nila kaming maging masigasig. Kapag nakikipagtulungan sila sa mga elder, naitataguyod nila ang kagalakan at pagkakaisa. (Efeso 4:16) Sa paggawa ng mga ito, maaari din silang maging elder sa hinaharap.
Ano ang mga katangian ng isang ministeryal na lingkod?
Paano tumutulong ang mga ministeryal na lingkod para maging maayos ang takbo ng kongregasyon?
-