-
Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 20
Paano Nangangasiwa ang Lupong Tagapamahala Ngayon?
Lupong tagapamahala noong unang siglo
Pagbasa sa liham ng lupong tagapamahala
Noong unang siglo, isang maliit na grupo, “mga apostol at matatandang lalaki” sa Jerusalem, ang naglingkod bilang lupong tagapamahala para gumawa ng mahahalagang pasiya para sa buong kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano. (Gawa 15:2) Nagkakaisa sila sa pagpapasiya dahil isinasaalang-alang nila ang Kasulatan at nagpapaakay sila sa espiritu ng Diyos. (Gawa 15:25) Ganiyan din sa ngayon.
Ginagamit ito ng Diyos para gawin ang kalooban niya. Ang mga pinahirang kapatid na lalaki na bumubuo sa Lupong Tagapamahala ay may matinding pagpapahalaga sa Salita ng Diyos at maraming karanasan sa organisasyonal at espirituwal na mga bagay. Bawat linggo, nagpupulong sila para pag-usapan ang pangangailangan ng mga kapatid nila sa buong daigdig. Gaya noong unang siglo, nagpapadala sila ng mga tagubiling batay sa Bibliya, sa pamamagitan ng mga liham o mga naglalakbay na tagapangasiwa at iba pa. Sa tulong nito, nagkakaisa ang mga lingkod ng Diyos sa pag-iisip at pagkilos. (Gawa 16:4, 5) Pinangungunahan ng Lupong Tagapamahala ang paghahanda ng espirituwal na pagkain, pinasisigla ang lahat na maging masigasig sa pangangaral, at pinangangasiwaan ang paghirang ng mga kapatid na lalaking mangunguna.
Sumusunod ito sa patnubay ng espiritu ng Diyos. Ang Lupong Tagapamahala ay umaasa sa Kataas-taasan ng Uniberso, si Jehova, at sa Ulo ng kongregasyon, si Jesus. (1 Corinto 11:3; Efeso 5:23) Hindi itinuturing ng mga miyembro nito na sila ang mga lider ng bayan ng Diyos. Gaya rin ng lahat ng iba pang pinahirang Kristiyano, sila ay “patuloy na sumusunod sa Kordero [kay Jesus] saanman siya pumunta.” (Apocalipsis 14:4) Pinahahalagahan ng Lupong Tagapamahala kapag ipinapanalangin namin sila.
Sino ang bumubuo sa lupong tagapamahala noong unang siglo?
Paano humihingi ng patnubay sa Diyos ang Lupong Tagapamahala sa ngayon?
-
-
Ano ang Bethel?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 21
Ano ang Bethel?
Art Department, E.U.A.
Germany
Kenya
Colombia
Ang Bethel, isang pangalang Hebreo, ay nangangahulugang “Bahay ng Diyos.” (Genesis 28:17, 19, talababa) Angkop na tawag ito sa mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig kung saan inoorganisa at sinusuportahan ang gawaing pangangaral. Ang Lupong Tagapamahala ay nasa pandaigdig na punong-tanggapan sa New York, E.U.A. Doon, pinangangasiwaan ng lupon ang gawain ng mga tanggapang pansangay sa maraming bansa. Bilang isang grupo, ang mga naglilingkod sa mga pasilidad na ito ay tinatawag na pamilyang Bethel. Gaya ng isang pamilya, sila ay namumuhay, nagtatrabaho, kumakain, at nag-aaral ng Bibliya nang magkakasama at may pagkakaisa.—Awit 133:1.
Isang natatanging lugar kung saan kusang-loob na naglilingkod ang mga miyembro ng pamilya. Sa bawat Bethel, may mga Kristiyano—lalaki’t babae—na buong-panahong gumagawa ng kalooban ng Diyos at naglilingkod para sa kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Wala silang suweldo, pero kumpleto naman sila sa pangangailangan—kuwarto, pagkain, at allowance para sa personal na gastusin. Ang lahat ng nasa Bethel ay may atas—sa opisina, kusina, o dining room. Ang ilan ay nagtatrabaho sa printery, naglilinis ng mga kuwarto, naglalaba, nagmamantini, o gumagawa ng iba pang atas.
Isang abalang lugar na sumusuporta sa pangangaral ng Kaharian. Ang pangunahing layunin ng bawat Bethel ay sikaping maipaabot ang katotohanan sa Bibliya sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Halimbawa, ang brosyur na ito ay isinulat sa ilalim ng pangangasiwa ng Lupong Tagapamahala. Ipinadala ito sa elektronikong paraan sa daan-daang grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig, inilimbag sa mabibilis na makina sa mga pasilidad ng Bethel, at ipinadala sa mga 120,000 kongregasyon. Sa buong prosesong ito, malaking papel ang ginampanan ng mga pamilyang Bethel sa pinakamahalagang atas sa lahat—ang pangangaral ng mabuting balita.—Marcos 13:10.
Sino ang mga naglilingkod sa Bethel, at paano sila pinangangalagaan?
Anong mahalagang gawain ang sinusuportahan ng lahat ng Bethel?
-
-
Ano ang Ginagawa sa mga Tanggapang Pansangay?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 22
Ano ang Ginagawa sa mga Tanggapang Pansangay?
Solomon Islands
Canada
South Africa
Ang mga miyembro ng pamilyang Bethel ay naglilingkod sa iba’t ibang departamento, na sumusuporta sa gawaing pangangaral sa isa o higit pang bansa. Ang ilan sa kanila ay mga tagapagsalin. Ang iba naman ay nasa palimbagan ng magasin o warehouse ng mga literatura, gumagawa ng audio at video, o nag-aasikaso ng iba pang bagay para sa isang rehiyon.
Isang Komite ng Sangay ang nangangasiwa sa gawain. Ipinagkatiwala ng Lupong Tagapamahala ang operasyon ng bawat tanggapang pansangay sa isang Komite ng Sangay, na binubuo ng tatlo o higit pang makaranasang mga elder. Ipinaaalam ng komite sa Lupong Tagapamahala ang pagsulong ng gawain at anumang problema sa bawat lupain na nasa ilalim ng kanilang sangay. Tumutulong ito sa Lupong Tagapamahala na magpasiya kung anong mga paksa ang dapat talakayin sa mga publikasyon, pulong, at mga asamblea. Ang Lupong Tagapamahala ay mayroon ding mga kinatawan na regular na dumadalaw sa mga sangay at nagbibigay ng payo at tagubilin sa mga Komite ng Sangay. (Kawikaan 11:14) Isang espesyal na programa, na may kasamang pahayag ng kinatawan ng punong-tanggapan, ang isinasaayos para patibayin ang mga nasa teritoryong sakop ng sangay.
Sinusuportahan ang lokal na mga kongregasyon. Sa tanggapang pansangay inaaprobahan ang pagbuo ng bagong mga kongregasyon. Pinangangasiwaan din dito ang gawain ng mga payunir, misyonero, at mga tagapangasiwa ng sirkito sa mga teritoryong sakop ng sangay. Nag-oorganisa ang sangay ng mga asamblea at kombensiyon, nagsasaayos ng pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall, at tinitiyak nito na naipadadala sa mga kongregasyon ang mga suplay ng literatura. Ang lahat ng ginagawa sa sangay ay tumutulong para maging maayos at matagumpay ang gawaing pangangaral.—1 Corinto 14:33, 40.
Paano tumutulong sa Lupong Tagapamahala ang mga Komite ng Sangay?
Ano ang isinasagawa sa mga tanggapang pansangay?
-