-
Paano Isinusulat at Isinasalin ang Aming mga Literatura?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 23
Paano Isinusulat at Isinasalin ang Aming mga Literatura?
Writing Department, E.U.A.
South Korea
Armenia
Burundi
Sri Lanka
Sa pagsisikap na ihayag ang “mabuting balita” sa “bawat bansa at tribo at wika at bayan,” naglalathala kami ng mga literatura sa mahigit 900 wika. (Apocalipsis 14:6) Paano namin ito nagagawa? Sa tulong ng mga manunulat mula sa iba’t ibang bansa at grupo ng mga tagapagsalin—lahat ay mga Saksi ni Jehova.
Isinusulat ang materyal sa Ingles. Pinangangasiwaan ng Lupong Tagapamahala ang gawain ng Writing Department sa aming pandaigdig na punong-tanggapan. Isinasaayos ng departamentong ito ang atas ng mga manunulat sa punong-tanggapan at sa ilang tanggapang pansangay. Dahil nagmula sa iba’t ibang bansa ang mga manunulat, natatalakay sa aming mga publikasyon ang iba’t ibang paksang magugustuhan ng mga tao, anuman ang kanilang bansa o kultura.
Ipinadadala ito sa mga tagapagsalin. Matapos i-edit at maaprobahan ang mga naisulat na materyal, ipinadadala ang mga ito sa elektronikong paraan sa mga grupo ng mga tagapagsalin sa buong daigdig. Nagtutulungan ang mga miyembro ng bawat grupo sa pagsasalin at pagtiyak na ito ay tumpak at naaayon sa gramatika. Sinisikap nilang maisalin nang “tumpak ang mga salita ng katotohanan” at maitawid ang buong kahulugan ng Ingles.—Eclesiastes 12:10.
Pinabibilis ng computer ang proseso. Hindi mapapalitan ng computer ang mga taong manunulat at tagapagsalin. Pero mapabibilis nito ang kanilang gawain sa pamamagitan ng mga pantulong na gaya ng elektronikong diksyunaryo at mga materyal para sa pagsasaliksik. Nagdisenyo ang mga Saksi ni Jehova ng isang program na tinatawag na Multilanguage Electronic Publishing System (MEPS) kung saan ipinapasok ang materyal na naisalin sa daan-daang wika, inilalapat ang artwork, at inaayos para sa pag-iimprenta.
Bakit namin sinisikap na gawin ang lahat ng ito, kahit para sa mga wikang sinasalita ng iilang libong tao lang? Dahil gusto ni Jehova na “maligtas ang lahat ng uri ng tao at magkaroon sila ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:3, 4.
Paano isinusulat ang aming mga publikasyon?
Bakit namin isinasalin sa napakaraming wika ang aming mga literatura?
-
-
Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 24
Saan Nagmumula ang Pondo ng Aming Pandaigdig na Gawain?
Nepal
Togo
Britain
Ang aming organisasyon ay naglalathala at namamahagi ng daan-daang milyong Bibliya at iba pang publikasyon taon-taon nang walang bayad. Nagtatayo kami at nagmamantini ng mga Kingdom Hall at tanggapang pansangay. Sinusuportahan namin ang libo-libong Bethelite at misyonero, at tumutulong kami kapag may sakuna. Kaya baka maitanong mo, ‘Saan nagmumula ang pondo ninyo?’
Hindi kami nangongolekta, nagpapabayad, o nanghihingi ng ikapu. Kahit malaki ang nagagastos para sa aming gawaing pag-eebanghelyo, hindi kami nanghihingi ng pera. Mahigit sandaang taon na ang nakalilipas, sinabi ng ikalawang isyu ng magasing Watchtower na naniniwala kami na si Jehova ang sumusuporta sa amin at “hindi [kami] kailanman mamamalimos ni manghihingi ng tulong sa mga tao”—at hindi nga namin iyon ginawa!—Mateo 10:8.
Ang mga gawain namin ay sinusuportahan ng kusang-loob na mga donasyon. Maraming tao ang nagpapahalaga sa aming gawaing pagtuturo na salig sa Bibliya, at nagbibigay sila ng donasyon para dito. Ang mga Saksi mismo ay masayang nagbibigay ng kanilang panahon, lakas, pera, at iba pang tinatangkilik para sa pagsasagawa ng kalooban ng Diyos sa buong lupa. (1 Cronica 29:9) Sa Kingdom Hall at sa aming mga asamblea at kombensiyon, may mga kahon ng kontribusyon para sa mga gustong magbigay ng donasyon. Puwede rin itong gawin sa pamamagitan ng aming website na jw.org®. Karaniwan na, ang donasyon ay nagmumula sa mga taong hindi naman mayaman, gaya ng mahirap na biyuda na pinuri ni Jesus kahit naghulog lang ito ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman ng templo. (Lucas 21:1-4) Kaya ang sinuman ay maaaring regular na “magbukod” para magbigay “nang mula sa puso.”—1 Corinto 16:2; 2 Corinto 9:7.
Kumbinsido kami na patuloy na pakikilusin ni Jehova ang puso ng mga gustong ‘parangalan siya sa pamamagitan ng mahahalagang pag-aari nila’ bilang pagsuporta sa gawaing pang-Kaharian para matupad ang kalooban niya.—Kawikaan 3:9.
Ano ang pagkakaiba ng aming organisasyon at ng ibang relihiyon?
Saan ginagamit ang kusang-loob na mga donasyon?
-
-
Bakit at Paano Itinatayo ang mga Kingdom Hall?Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
-
-
ARALIN 25
Bakit at Paano Itinatayo ang mga Kingdom Hall?
Bolivia
Nigeria, bago at pagkatapos
Tahiti
Gaya ng ipinapakita ng pangalang Kingdom Hall, ang pangunahing salig-Bibliyang turo na tinatalakay roon ay ang Kaharian ng Diyos—ang tema ng ministeryo ni Jesus.—Lucas 8:1.
Sentro ng tunay na pagsamba sa komunidad. Sa Kingdom Hall isinasaayos ng mga Saksi ni Jehova ang pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mateo 24:14) Iba-iba ang laki at disenyo ng mga Kingdom Hall, pero lahat ay simple lang. Marami sa mga ito ang ginagamit ng dalawa o higit pang kongregasyon. Nitong nakalipas na mga taon, nakapagtayo kami ng sampu-sampung libong bagong Kingdom Hall (mga lima bawat araw) para makaalinsabay sa pagdami ng mga kongregasyon. Paano ito naging posible?—Mateo 19:26.
Itinatayo mula sa mga donasyon. Ang mga donasyong ito ay ipinadadala sa tanggapang pansangay para magamit ng mga kongregasyon na kailangang magtayo o magpaayos ng Kingdom Hall.
Itinatayo ng walang-bayad na mga boluntaryo na iba’t iba ang kalagayan sa buhay. Sa maraming lupain, may inoorganisang mga Kingdom Hall Construction Group. Mga grupo ito ng construction servant at boluntaryo na lumilipat-lipat ng kongregasyon sa isang bansa, kahit sa mga liblib na lugar, para tumulong sa mga kongregasyon sa pagtatayo ng kanilang Kingdom Hall. Sa ibang lupain naman, inaatasan ang kuwalipikadong mga Saksi para mangasiwa sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga Kingdom Hall sa isang partikular na rehiyon. Maraming may-kasanayang manggagawa mula sa rehiyon ang nagboboluntaryo, pero karamihan ng nagtatrabaho sa bawat proyekto ay mga miyembro ng kongregasyong gagamit sa itinatayong Kingdom Hall. Ang lahat ng ito ay naging posible sa tulong ng espiritu ni Jehova at sa buong-kaluluwang pagsisikap ng kaniyang bayan.—Awit 127:1; Colosas 3:23.
Bakit tinatawag na Kingdom Hall ang aming mga lugar ng pagsamba?
Paano naging posible na magtayo ng mga Kingdom Hall sa buong daigdig?
-