Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • be aralin 11 p. 118-p. 120 par. 5
  • Init at Damdamin

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Init at Damdamin
  • Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
  • Kaparehong Materyal
  • Mabait at May Empatiya
    Maging Mahusay sa Pagbabasa at Pagtuturo
  • Paano Mo Masusupil ang Iyong Emosyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Negatibong mga Damdamin—Maaari Mo bang Supilin Ito?
    Gumising!—1992
  • Hayaang Umiral at Mag-umapaw ang Iyong Pagpipigil-sa-sarili
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo
be aralin 11 p. 118-p. 120 par. 5

ARALIN 11

Init at Damdamin

Ano ang kailangan mong gawin?

Magsalita sa paraang magpapamalas ng taglay mong damdamin at kasuwato ng iyong sinasabi.

Bakit ito mahalaga?

Ito ay kailangan upang maabot ang puso ng mga nakikinig.

ANG damdamin ay isang mahalagang bahagi ng buhay ng tao. Kapag ipinahahayag ng isang tao ang kaniyang mga damdamin, isinisiwalat niya ang laman ng kaniyang puso, ang uri ng panloob na pagkatao niya, kung ano ang kaniyang nadarama hinggil sa mga situwasyon at mga tao. Dahil sa masasaklap na karanasan sa kanilang buhay​—at kung minsan dahil sa impluwensiya ng kultura—​itinatago ng maraming tao ang kanilang mga damdamin. Subalit pinasisigla tayo ni Jehova na linangin ang positibong mga katangian sa panloob na pagkatao at pagkatapos ay ipahayag nang angkop kung ano ang naroroon.​—Roma 12:10; 1 Tes. 2:7, 8.

Kapag tayo ay nagsasalita, ang mga salitang ginagamit natin ay maaaring wastong naglalarawan ng mga damdamin. Subalit kung ang ating mga salita ay hindi ipinahahayag taglay ang angkop na damdamin, maaaring yaong mga nakikinig sa atin ay mag-alinlangan sa ating kataimtiman. Sa kabilang panig, kung ang mga salita ay ipinahahayag taglay ang angkop na damdamin, ang ating pananalita ay maaaring maging maganda at malaman anupat makasasaling sa mga puso niyaong mga nakikinig.

Pagpapahayag ng Init. Ang mainit na damdamin ay kadalasang naiuugnay sa mga iniisip natin hinggil sa mga tao. Kaya, kapag tayo ay nagsasalita tungkol sa mapagmahal na mga katangian ni Jehova at kapag tayo ay nagpapahayag ng ating pagpapahalaga sa kabutihan ni Jehova, dapat na may init ang ating boses. (Isa. 63:7-9) At kapag nagsasalita sa kapuwa tao, ang paraan ng ating pagsasalita ay dapat ding magbadya ng nakalulugod na init.

Isang ketongin ang lumapit kay Jesus at nagmamakaawang siya’y pagalingin. Gunigunihin ang tono ng boses ni Jesus nang sabihin niya: “Ibig ko. Luminis ka.” (Mar. 1:40, 41) Ilarawan din ang eksena na isang babaing inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon ang tahimik na lumapit kay Jesus mula sa likuran at humipo sa palawit ng kaniyang panlabas na kasuutan. Nang makitang hindi niya naiwasang mapansin, ang babae ay nanginginig na lumapit, sumubsob sa paanan ni Jesus, at ibinunyag sa harap ng lahat ng mga tao ang dahilan kung bakit niya hinipo ang kasuutan ni Jesus at kung paano siya napagaling. Isipin kung paano ang pagkakasabi ni Jesus sa kaniya: “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; humayo ka nang payapa.” (Luc. 8:42b-48) Ang init na ipinakita ni Jesus sa mga pagkakataong iyon ay nakasasaling sa ating mga puso hanggang sa panahong ito.

Tulad ni Jesus, kapag nadarama natin ang pagkahabag sa mga tao at kapag tunay tayong nagnanais na tumulong sa kanila, ito ay makikita sa paraan ng ating pakikipag-usap sa kanila. Ang gayong kapahayagan ng init ay taimtim, hindi labis. Ang ating init ay magkakaroon ng malaking epekto sa kung paano tutugon ang mga tao. Ang karamihan sa mga bagay na ating sinasabi sa ministeryo sa larangan ay angkop para ipadama ang init, lalo na kapag tayo ay nangangatuwiran, nagpapasigla, nagpapayo, at nakikiramay.

Kapag mayroon kang init ng damdamin para sa iba, ipakita iyon sa iyong mukha. Kapag ipinamamalas mo ang init, ang iyong tagapakinig ay naaakit sa iyo na parang apoy sa isang malamig na gabi. Kapag ang init ay hindi ibinabadya ng iyong mukha, maaaring hindi makumbinsi ang iyong tagapakinig na taimtim kang nagmamalasakit sa kanila. Ang init ay hindi maaaring isuot na parang isang maskara​—dapat na ito’y tunay.

Ang init ay dapat na mahayag din sa iyong boses. Kung mayroon kang matigas, gumagaralgal na boses, maaaring maging mahirap na maipadama ang init sa iyong pagsasalita. Subalit sa paglipas ng panahon at taimtim na pagsisikap, magagawa mo iyon. Ang isang bagay na makatutulong, sa teknikal na pamamaraan, ay ang tandaan na ang maikli at ipit na tunog ay hindi nagpapakita ng damdamin. Pag-aralan na palabasin ang mahihinang tunog ng mga salita. Ito ay tutulong upang malagyan ng init ang iyong pagsasalita.

Gayunman, ang higit pang mahalaga ay kung ano ang pinagtutuunan mo ng interes. Kung ang iyong mga kaisipan ay nakasentro nang lubusan doon sa mga kinakausap mo at nagtataglay ka ng marubdob na pagnanais na maitawid ang bagay na mapapakinabangan nila, ang damdaming iyon ay makikita sa paraan ng iyong pagsasalita.

Ang buháy na buháy na pagpapahayag ay nakapagpapasigla, subalit kailangan din ang magiliw na damdamin. Hindi laging sapat para sa atin na mahikayat ang kaisipan; kailangan din nating mapakilos ang puso.

Pagpapahayag ng Iba Pang Damdamin. Ang mga damdamin tulad ng kabalisahan, takot, at panlulumo ay maaaring ipakita ng isang taong nababagabag. Ang kagalakan ay isang damdamin na dapat na mangibabaw sa ating mga buhay at na malaya nating maipahahayag kapag nakikipag-usap sa iba. Sa kabilang panig, ang ilang damdamin ay kailangang sugpuin. Ang mga ito ay hindi kaayon ng Kristiyanong personalidad. (Efe. 4:31, 32; Fil. 4:4) Ang lahat ng uri ng mga damdamin ay maitatawid sa pamamagitan ng mga salitang ating pinipili, tono ng ating boses, tindi ng ating pagsasalita, ekspresyon ng ating mukha, at ng mga pagkumpas.

Inilalahad ng Bibliya ang buong saklaw ng damdamin ng tao. Kung minsan ay basta binabanggit nito ang mga damdamin. Sa ibang pagkakataon ito ay naglalahad ng mga pangyayari o sumisipi ng mga pananalita na nagsisiwalat ng mga damdamin. Kapag binabasa mo nang malakas ang gayong materyal, ito ay magkakaroon ng mas matinding epekto, kapuwa sa iyo at sa mga nakikinig, kung nahahalata sa iyong boses ang mga damdaming iyon. Upang magawa iyon kailangan mong ilagay ang iyong sarili sa papel ng mga tauhang binabasa mo. Gayunman, ang isang pahayag ay hindi isang pagpapakitang-gilas, kaya pag-ingatan na huwag magmalabis. Buhayin ang mga talata sa isipan ng mga nakikinig.

Angkop sa Materyal. Kagaya ng sigla, ang init na inilalagay mo sa iyong pagsasalita at ang iba pang mga damdaming iyong ipinahahayag ay nakasalalay nang malaki sa iyong sinasabi.

Bumaling sa Mateo 11:28-30, at pansinin kung ano ang sinasabi nito. Pagkatapos ay basahin ang paghatol ni Jesus sa mga eskriba at mga Pariseo, gaya ng nakaulat sa Mateo kabanata 23. Hindi natin iisipin na ipinahayag niya ang nakasasakit na mga salitang ito ng paghatol sa isang walang-sigla at walang-buhay na paraan.

Anong uri ng damdamin ang sa palagay mo’y kailangan ng isang ulat gaya ng nasa Genesis kabanata 44 hinggil sa pakiusap ni Juda para sa kaniyang kapatid na si Benjamin? Pansinin ang damdaming ipinahayag sa talatang 13, ang ipinakita sa talatang 16 kung ano ang nadama ni Juda hinggil sa sanhi ng kalamidad, at kung ano mismo ang naging reaksiyon ni Jose, gaya ng sinasabi sa Genesis 45:1.

Kaya, tayo man ay nagbabasa o nagsasalita, upang magawa ito nang mabisa kailangan nating isipin hindi lamang ang mga salita at mga ideya kundi maging ang damdamin na dapat na kaakibat ng mga ito.

KUNG PAANO ITO IPAHAHAYAG

  • Sa halip na masyadong mabahala tungkol sa mga salita na ginagamit mo, pagtuunan ng pansin ang iyong hangarin na matulungan ang mga nakikinig sa iyo.

  • Dapat na mahalata kapuwa sa tono ng iyong boses at sa ekspresyon ng iyong mukha ang anumang damdaming angkop sa iyong materyal.

  • Matuto sa pamamagitan ng maingat na pagmamasid sa iba na nagsasalita nang may damdamin.

PAGSASANAY: Basahin nang malakas ang sumusunod na bahagi ng Kasulatan, na ginagawa iyon taglay ang damdamin na angkop sa materyal: Mateo 20:29-34; Lucas 15:11-32.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share