Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • rs p. 395-p. 400
  • Satanas na Diyablo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Satanas na Diyablo
  • Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Tagapamahala sa Dako ng mga Espiritu
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Isang Kaaway ng Buhay na Walang-Hanggan
    Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa
  • Satanas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Maging Mapagbantay​—Gusto Kang Silain ni Satanas!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
Iba Pa
Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
rs p. 395-p. 400

Satanas na Diyablo

Kahulugan: Ang espiritung nilalang na siyang pangunahing kaaway ng Diyos na Jehova at ng lahat na sumasamba sa tunay na Diyos. Nginanlan siyang Satanas dahil sa kaniyang pagiging isang mananalansang kay Jehova. Si Satanas ay tinatawag ding Diyablo, sapagka’t siya ang pangunahing maninirang-puri sa Diyos. Tinatawag din si Satanas na matandang ahas, sapagka’t ginamit niya ang isang ahas sa Eden upang dayain si Eba, at sa gayon ang “ahas” ay ginagamit upang tumukoy sa isang “mandaraya.” Sa aklat ng Apocalipsis, ang sagisag ng isang maninilang dragon ay ikinakapit din kay Satanas.

Paano natin nalalaman na talagang umiiral ang gayong espiritung persona?

Ang pangunahing mapagkukunan ng katibayan ay ang Bibliya. Doon siya’y paulit-ulit na binabanggit sa pangalan (Satanas 52 ulit, Diyablo 33 ulit). Nakaulat din doon ang patotoo ng isang saksing nakakita kay Satanas. Sino ang saksing nakakita? Si Jesu-Kristo, na nabuhay sa langit bago pumarito sa lupa, ay paulit-ulit na tumawag sa balakyot na yaon sa pangalan.​—Luc. 22:31; 10:18; Mat. 25:41.

Makatuwiran ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Satanas na Diyablo. Ang kasamaang dinaranas ng sangkatauhan ay napakalubha upang sabihing ito’y kagagawan lamang ng tao. Ang inilalahad ng Bibliya tungkol sa pinagmulan at gawain ni Satanas ay nagpapaliwanag kung bakit, sa kabila ng pagnanais ng karamihan na mamuhay sa kapayapaan, ang sangkatauhan ay sinasalot ng pagkapoot, karahasan, at digmaan sa loob ng libu-libong taon at kung bakit ito’y nakaabot sa gayong antas na ngayo’y nagbabantang lumipol sa buong sangkatauhan.

Kung talagang walang Diyablo, ang paniniwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaniya ay hindi magdudulot ng namamalaging kapakinabangan sa isang tao. Nguni’t sa maraming kaso, ang mga taong dating nag-eeksperimento sa okulto o naging kaanib sa grupo ng mga espiritista ay nag-uulat na sila’y malubhang nabagabag noong panahong iyon dahil sa pagkarinig ng mga “tinig” mula sa di-nakikitang pinagmulan, pagiging “inaalihan” ng mga espiritu, atb. Sila’y nagkamit ng tunay na ginhawa nang natutuhan nila ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo, ikinapit ang payo ng Bibliya na iwasan ang espiritismo, at hinanap ang tulong ni Jehova sa pamamagitan ng panalangin.​—Tingnan ang mga pahina 153-158, sa paksang “Espiritismo.”

Ang paniniwala sa pag-iral ni Satanas ay hindi nangangahulugang tinatanggap natin ang ideya na siya’y may sungay, isang matulis na buntot, at isang panusok na tulad tinidor at na kaniyang sinusunog ang mga tao sa isang maapoy na impiyerno. Walang gayong paglalarawan sa Bibliya hinggil kay Satanas. Kathang isip iyon ng mga pintor noong Edad Media na ang ginagaya ay ang mga larawan ng Griyegong diyos na si Pan at ang Inferno na sulat ng Italyanong makata na si Dante Alighieri. Sa halip na isang maapoy na impiyerno, ang maliwanag na itinuturo ng Bibliya ay na “tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang ano pa man.”​—Ecles. 9:5.

Si Satanas kaya ay isa lamang kasamaan sa loob mismo ng tao?

Sinasabi ng Job 1:6-12 at 2:1-7 ang hinggil sa pag-uusap ng Diyos na Jehova at ni Satanas. Kung si Satanas ay kasamaan sa loob ng isa, kung gayon ang kasamaan dito ay na kay Jehova. Nguni’t ito’y lubusang kasalungat ng sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova na “walang kalikuan sa kaniya.” (Awit 92:15; Apoc. 4:8) Kapansinpansin na ang tekstong Hebreo ay gumagamit ng pananalitang has·Sa·tanʹ (ang Satanas) sa salaysay sa Job, na nagpapakitang ang tinutukoy ay ang pangunahing mananalansang laban sa Diyos.​—Tingnan din ang Zacarias 3:1, 2, talababa sa NW, edisyong may Reperensiya.

Iniuulat ng Lucas 4:1-13 na sinikap ng Diyablo na tuksuhin si Jesus na gawin ang ipinag-uutos niya. Binanggit doon ang mga salita ng Diyablo at mga sagot ni Jesus. Si Jesus ba’y tinukso ng kasamaan na nasa kaniya mismo? Ang gayong pangmalas ay hindi kaayon ng sinabi ng Bibliya na si Jesus ay walang kasalanan. (Heb. 7:26; 1 Ped. 2:22) Bagaman sa Juan 6:70 ang Griyegong salitang di·aʹbo·losʹ ay ginamit upang tumukoy sa kasamaang tumubo kay Judas Iscariote, sa Lucas 4:3 ang pananalitang ho di·aʹbo·los (ang Diyablo) ang ginamit, sa gayo’y tumutukoy sa isang tiyak na persona.

Ang pagsisi ba sa Diyablo ay paraan lamang upang iwasan ang sariling pananagutan sa masamang nangyayari?

Sinisisi ng iba ang Diyablo sa mga ginagawa nila mismo. Sa kabila nito, ipinakikita ng Bibliya na may malaking pananagutan ang mga tao sa kasamaang dinaranas nila, maging ito’y dulot ng ibang tao o kaya’y bunga ng sarili nilang paggawi. (Ecles. 8:9; Gal. 6:7) Gayumpaman, ang pag-iral at mga pamamaraan ng espiritung kaaway na nagdulot ng malaking hinagpis sa sangkatauhan ay malinaw na ipinababatid sa atin ng Bibliya. Ipinakikita nito kung paano tayo mapapalaya sa panunupil niya.

Saan nanggaling si Satanas?

Lahat ng mga gawa ni Jehova ay sakdal; hindi siya lumilikha ng kalikuan; kaya hindi siya lumikha ng sinomang balakyot. (Deut. 32:4; Awit 5:4) Ang isa na naging Satanas noong pasimula’y isang sakdal na espiritung anak ng Diyos. Nang sabihin ni Jesus na ang Diyablo ay “hindi nanatili sa katotohanan,” ipinahiwatig ni Jesus na may panahong ‘nasa katotohanan’ siya. (Juan 8:44) Nguni’t, tulad sa lahat ng matalinong mga nilalang ng Diyos, ang espiritung anak na ito ay pinagkalooban ng kalayaang magpasiya. Inabuso niya ang kalayaang ito, pinahintulutan niyang tumubo ang kapalaluan sa kaniyang puso, sinimulan niyang hangarin ang pagsambang nauukol lamang sa Diyos, at sa gayo’y hinikayat niya sina Adan at Eba na makinig sa kaniya sa halip na sumunod sa Diyos. Kaya sa ganitong pagkilos ay ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas, na nangangahulugang “mananalansang.”​—Sant. 1:14, 15; tingnan din ang pahina 119, sa paksang “Kasalanan.”

Bakit hindi karakarakang pinuksa ng Diyos si Satanas pagkatapos niyang maghimagsik?

Si Satanas ay nagbangon ng maseselang na isyu: (1) Ang katuwiran at karapatan ng pamamahala ni Jehova. Pinagkakaitan ba ni Jehova ang sangkatauhan ng kalayaan na magdudulot sana sa kanila ng kaligayahan? Talaga bang kailangang sumunod sa Diyos ang mga tao upang magtagumpay sa pamamahala sa sarili at patuloy na mabuhay? Nagsinungaling ba si Jehova nang sabihin niya na ang pagsuway ay aakay sa kanilang kamatayan? (Gen. 2:16, 17; 3:3-5) Samakatuwid, talaga bang may karapatan si Jehova na mamahala? (2) Ang katapatan ng matalinong mga nilalang kay Jehova. Dahil sa pagsuway nina Adan at Eba bumangon ang tanong: Ang mga lingkod ni Jehova ba’y sumusunod sa kaniya dahil sa pag-ibig o posible kaya na lahat sila’y tatalikod sa Diyos at gagayahin si Satanas? Ang kababanggit na isyu ay patuloy na itinaguyod ni Satanas noong kaarawan ni Job. (Gen. 3:6; Job 1:8-11; 2:3-5; tingnan din ang Lucas 22:31.) Ang mga isyung ito ay hindi malulutas sa pamamagitan lamang ng pagpuksa sa mga rebelde.

Hindi dahilan sa may kailangang patunayan ang Diyos sa kaniyang sarili. Kundi upang huwag na muling maligalig ang kapayapaan at kapanatagan ng sansinukob dahil sa mga isyung ito, nagpahintulot si Jehova ng sapat na panahon upang malutas ang mga ito nang walang anomang pag-aalinlangan. Naging maliwanag nang maglaon na sina Adan at Eba ay namatay dahil sa pagsuway nila sa Diyos. (Gen. 5:5) Nguni’t higit pa ang dapat malutas. Kaya, pinahintulutan ng Diyos si Satanas at gayon din ang mga tao na subukin ang lahat ng anyo ng gobyerno na maiisip nila. Wala sa mga ito ang nakapagdulot ng namamalaging kaligayahan. Hinayaan ng Diyos ang sangkatauhan na gawin ang lahat ng makakaya nila sa pagsunod sa mga daan ng pamumuhay na nagwawalang-bahala sa Kaniyang matuwid na mga pamantayan. Madaling makita kung ano ang naging resulta nito. Tulad ng tapat na sinasabi ng Bibliya: “Hindi para sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang mga hakbang.” (Jer. 10:23) Kasabay nito ay binigyan ng Diyos ang kaniyang mga lingkod ng pagkakataong patunayan ang kanilang katapatan sa kaniya sa pamamagitan ng maibiging pagsunod, at ito’y sa kabila ng mga pangrarahuyo at pag-uusig na idinulot ni Satanas. Pinapayuhan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, na sinasabi: “Anak ko, magpakatalino ka, at pasayahin mo ang aking puso, upang masagot ko siya na tumutuya sa akin.” (Kaw. 27:11) Ang mga mapapatunayang tapat ay mag-aani ng maraming pagpapala sa ngayon at may pag-asang mabuhay magpakailanman sa kasakdalan. Gagamitin nila ang buhay na iyon upang gawin ang kalooban ni Jehova, na may personalidad at pamamaraan na kanilang tunay na minamahal.

Gaanong kalaki ang impluwensiya ni Satanas sa sanlibutan ngayon?

Tinukoy siya ni Jesu-Kristo bilang “pinuno ng sanlibutan,” ang isa na karaniwang sinusunod ng mga tao sapagka’t sila’y napahihikayat sa kaniya na ipagwalang-bahala ang mga kahilingan ng Diyos. (Juan 14:30; Efe. 2:2) Tinatawag din siya ng Bibliya na “diyos ng pamamalakad na ito ng mga bagay,” na siyang pinararangalan ng mga relihiyosong gawain ng mga taong nagtataguyod sa pamamalakad na ito ng mga bagay.​—2 Cor. 4:4; 1 Cor. 10:20.

Nang sikaping tuksuhin si Jesu-Kristo, “iniakyat siya” ng Diyablo “at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan; at sinabi sa kaniya ng Diyablo: ‘Sa iyo’y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito at ang kaluwalhatian nila, sapagka’t ito’y naibigay sa akin, at ibibigay ko kung kanino ko ibig. Kaya nga, kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.’ ” (Luc. 4:5-7) Isinisiwalat ng Apocalipsis 13:1, 2 na si Satanas ay nagbibigay ng ‘kapangyarihan, luklukan at dakilang kapamahalaan’ sa pambuong daigdig na makapolitikang sistema ng pamamahala. Ipinaliliwanag ng Daniel 10:13, 20 na si Satanas ay may mga demonyong prinsipe na nangangasiwa sa pangunahing mga kaharian ng lupa. Ang mga ito’y tinutukoy sa Efeso 6:12 bilang ‘mga pamunuan, mga kapangyarihan, makasanlibutang mga pinuno ng kadiliman, balakyot na mga espiritung hukbo sa makalangit na mga dako.’

Hindi katakataka na ang 1 Juan 5:19 ay nagsasabi: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot na isa.” Nguni’t ang kaniyang kapangyarihan ay sa isang limitadong panahon lamang habang ito’y pinahihintulutan ni Jehova, na siyang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.

Gaanong katagal pahihintulutan si Satanas na mandaya sa sangkatauhan?

Ukol sa patotoo na nabubuhay tayo ngayon sa mga huling araw ng balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, tingnan ang mga pahina 340-343, sa ilalim ng “Mga Petsa,” at sa paksang “Mga Huling Araw.”

Ang paglalaan upang tayo’y mapalaya sa balakyot na impluwensiya ni Satanas ay makasagisag na inilalarawan ng ganito: “Nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit na may susi ng kalaliman at isang malaking tanikala sa kaniyang kamay. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya na isang libong taon. At siya’y ibinulid sa kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya upang huwag nang mandaya pa sa mga bansa hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pagkatapos nito ay kailangang siya’y pawalang kaunting panahon.” (Apoc. 20:1-3) Ano ang susunod? “Ang Diyablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagat-dagatang apoy at asupre.” (Apoc. 20:10) Ano ang kahulugan nito? Sumasagot ang Apocalipsis 21:8: “Ito ang ikalawang kamatayan.” Mawawala siya magpakailanman!

Ang ‘pagbubulid sa kalaliman’ kay Satanas ay nangangahulugan ba na siya’y magiging bilanggo sa isang tiwangwang na lupa upang wala siyang matukso sa loob ng 1,000 taon?

Tumutukoy ang ilan sa Apocalipsis 20:3 (sinipi sa itaas) upang umalalay sa ideyang ito. Sinasabi nila na ang “kalaliman,” o “hukay na walang-hanggan” (KJ), ay sumasagisag sa lupa sa kalagayan nitong tiwangwang. Ganoon ba? Ipinakikita ng Apocalipsis 12:7-9, 12 (KJ) na bago siya ibulid sa kalaliman si Satanas ay “inihagis” sa lupa mula sa langit, kung saan dinulutan niya ng malaking kaabahan ang sangkatauhan. Kaya, nang sinasabi ng Apocalipsis 20:3 (KJ) na si Satanas ay “ibinulid . . . sa hukay na walang-hanggan,” tiyak na hindi siya basta iniwan doon sa kinaroroonan na niya​—sa kapaligiran ng lupa bilang di-nakikitang bilanggo. Siya’y ilalayo dito, “upang huwag nang mandaya pa sa mga bansa hanggang sa maganap ang isang libong taon.” Pansinin na ang Apocalipsis 20:3 ay nagsasabi na, sa katapusan ng isang libong taon, ang palalayain sa kalaliman ay, hindi ang mga bansa, kundi si Satanas. Kapag napalaya si Satanas, may dadatnan siyang mga tao na dati ay kabilang sa mga bansang yaon.

Ang Isaias 24:1-6 at Jeremias 4:23-29 (KJ) ay ginagamit kung minsan upang suhayan ang paniniwalang ito. Sinasabi ng mga ito: “Narito, pinawawalan ng laman ng PANGINOON ang lupa, at sinisira . . . Ang lupa ay lubos na mawawalan ng laman, at lubos na masasamsaman: sapagka’t sinalita ng PANGINOON ang salitang ito.” “Aking minasdan ang lupa, at, narito, sira at walang laman . . . Ako’y nagmasid, at, narito, walang tao . . . Sapagka’t ganito ang sabi ng PANGINOON, Ang buong lupain ay magiging sira . . . Bawa’t bayan ay napabayaan, at walang tao na tumatahan doon.” Ano ang kahulugan ng mga hulang ito? Ang mga ito’y unang natupad sa Jerusalem at sa lupain ng Juda. Bilang banal na kahatulan, pinahintulutan ni Jehova na lupigin ng mga taga-Babilonya ang lupain. Nang maglaon ito’y naiwang tiwangwang na parang ilang. (Tingnan ang Jeremias 36:29.) Nguni’t hindi pinalis ng Diyos ang mga tao sa buong globo, ni gagawin man niya ito sa ngayon. (Tingnan ang mga pahina 227-230, sa ilalim ng “Lupa,” gayundin ang paksang “Langit.”) Gayumpaman, lubusan niyang wawasakin ang modernong katumbas ng di-tapat na Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan, na lumalapastangan sa pangalan ng Diyos dahil sa masamang gawain nito, pati ng lahat ng ibang bahagi ng nakikitang organisasyon ni Satanas.

Sa halip na maging ilang, sa panahon ng Sanlibong Taong Paghahari ni Kristo, habang si Satanas ay nasa kalaliman, ang buong lupa ay magiging isang paraiso. (Tingnan ang “Paraiso.”)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share