Sekso
Kahulugan: Ang paraan ng makalupang mga nilalang ng pagpapakarami sa pamamagitan ng pagsisiping ng dalawang magulang. Ang kaibahan ng lalake at babae ay nakakaapekto nang malaki sa buhay ng tao. Yamang ang Diyos ang siyang Bukal ng buhay at yamang nararapat na ipamalas ng mga tao ang kaniyang mga katangian, ang kakayahang maglipat ng buhay sa pamamagitan ng pagsisiping ay dapat na lubusang igalang.
Itinuturo ba ng Bibliya na kasalanan ang seksuwal na pagsisiping?
Gen. 1:28: “Sila [sina Adan at Eba] ay binasbasan ng Diyos, at sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’ ” (Hinihiling ng banal na utos na ito na sila’y magkaroon ng seksuwal na pagsisiping, hindi ba? Ang gawin ito’y hindi kasalanan kundi kasuwato ng layunin ng Diyos na punuin ang lupa. Naisip ng iba na ang ‘bawal na bunga’ sa Eden ay baka makasagisag na tumutukoy sa pagbabawal ng Diyos kina Adan at Eba na magsiping. Nguni’t yao’y magiging kasalungat ng utos ng Diyos na binanggit sa itaas. Magiging kasalungat din ng bagay na, bagama’t ang ipinagbabawal na bunga ay kinain nina Adan at Eba nang sila’y nasa Eden, ang unang pagbanggit ng kanilang pagsisiping ay nang sila’y pinalabas doon.—Gen. 2:17; 3:17, 23; 4:1.)
Gen. 9:1: “Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kaniyang mga anak at sa kanila’y sinabi: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.’ ” (Ang karagdagang pagbasbas na ito, kasama ang pag-ulit ng banal na utos na magpakarami, ay ibinigay pagkatapos ng pandaigdig na Baha noong kaarawan ni Noe. Ang pangmalas ng Diyos sa wastong pagsisiping ay hindi nagbago.)
1 Cor. 7:2-5: “Dahil sa laganap ang pakikiapid, ang bawa’t lalake ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa, at bawa’t babae ay magkaroon ng kaniyang sariling asawa. Ibigay ng lalake sa asawa ang sa kaniya’y nararapat; at gayon din naman ang babae sa kaniyang asawa. . . . Huwag magpigil ang isa’t isa, maliban kung pagkasunduan sa ilang panahon, . . . upang huwag kayong tuksuhin ni Satanas dahil sa inyong kawalan ng pagpipigil.” (Samakatuwid, ipinakikita dito na ang mali ay ang pakikiapid, hindi ang wastong seksuwal na pagsisiping ng mga mag-asawa.)
Mali ba ang seksuwal na pagsisiping bago ikasal?
1 Tes. 4:3-8: “Ito ang kalooban ng Diyos . . . na kayo’y magsiilag sa pakikiapid; na ang bawa’t isa sa inyo’y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling sisidlan sa pagpapakabanal at karangalan, hindi sa pita ng kahalayan na gaya ng mga bansang hindi nakakakilala sa Diyos; upang walang maminsala at manghimasok sa karapatan ng kaniyang kapatid sa bagay na ito, sapagka’t si Jehova ay maghihiganti sa lahat ng mga bagay na ito, na gaya naman ng aming ipinatalastas at lubusang pinatotohanan sa inyo nang una. Sapagka’t tayo’y tinawag ng Diyos, hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal. Kaya ang nagtatakwil ay hindi ang tao ang itinatakwil, kundi ang Diyos, na naglagay sa inyo ng kaniyang banal na espiritu.” (Ang Griyegong salitang por·neiʹa, na isinaling “pakikiapid,” ay tumutukoy sa seksuwal na pagsisiping ng mga walang asawa, gayundin sa pagsiping ng may asawa sa iba.)
Efe. 5:5: “Walang sinomang mapakiapid o mahalay o masakim—na siyang mapagsamba sa diyus-diyosan—ang may mamanahin sa kaharian ni Kristo at ng Diyos.” (Hindi ito nangangahulugan na ang taong mapakiapid noong una ay hindi makapagtatamasa ng pagpapala ng Kaharian ng Diyos, kundi na dapat niyang baguhin ang gayong uri ng pamumuhay upang siya’y sang-ayunan ng Diyos. Tingnan ang 1 Corinto 6:9-11.)
Sinasang-ayunan ba ng Bibliya ang pagsasama ng isang lalake at babaing hindi kasal?
Tingnan ang mga pahina 262, 263, sa paksang “Pag-aasawa.”
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa homoseksuwalidad?
Roma 1:24-27: “Dahil sa karumihan ng mga pita ng kanilang puso ay hinayaan sila ng Diyos sa kahalayan, upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili . . . hinayaan sila ng Diyos sa kahiyahiyang pita ng kanilang laman, sapagka’t pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong salungat sa katutubo; at gayon din naman iniwan man din ng mga lalake ang katutubong kagamitan sa mga babae at nagningas ang kanilang pita sa isa’t isa, lalake sa kapuwa lalake, na gumagawa ng kalaswaan at tumatanggap sa kanilang sarili ng lubos na kagantihang nararapat sa kanilang pagkakamali.”
1 Tim. 1:9-11: “Ang kautusan ay ginawa, hindi dahil sa taong matuwid, kundi sa mga walang kautusan at manggugulo, dahil sa masasama at mga makasalanan, . . . dahil sa mga nakikiapid, sa mga sumisiping sa kapuwa lalake . . . at sa ano pa mang ibang bagay na laban sa mabuting aral ayon sa maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.” (Ihambing ang Levitico 20:13.)
Jud. 7: “Ang Sodoma at Gomorra at ang mga bayang nasa palibot ng mga ito, dahil sa . . . nagpakabuyo sa di-katutubong kagamitan ng laman, ay inilagay bilang babalang halimbawa sa atin nang sila’y nagdanas ng parusang apoy na walang hanggan.” (Ang pangalang Sodoma ang pinagkunan ng salitang “sodomia,” na kadalasan ay tumutukoy sa gawain ng mga homoseksuwal. Ihambing ang Genesis 19:4, 5, 24, 25.)
Ano ang saloobin ng mga tunay na Kristiyano doon sa mga may karanasan bilang homoseksuwal?
1 Cor. 6:9-11: “Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga nangbababae, ni ang mga sumisiping sa kapuwa lalake . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganiyan ang mga ilan sa inyo. Nguni’t nahugasan na kayo, nguni’t binanal na kayo, nguni’t inaring matuwid na kayo sa pangalan ng Panginoon nating Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.” (Kahit may gayong karanasan noong una, kung iwawaksi ng mga tao ang dati nilang maruruming paggawi, ikakapit ang matuwid na mga pamantayan ni Jehova, at sasampalataya sa kaniyang paglalaan ng pagpapatawad ng mga kasalanan sa pamamagitan ni Kristo, makapagtatamasa sila ng isang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Matapos na magbago sila, maaari silang tanggapin sa kongregasyong Kristiyano.)
Alam ng mga tunay na Kristiyano na gaano mang kalalim ang pagkakaugat ng maling pita, maging ito’y salig sa henetikong kayarian o dahil sa pisikal na kalagayan o kapaligiran, ay mapagtatagumpayan ng mga taong tunay na nagnanais paluguran si Jehova. May mga taong likas na maramdamin. Marahil noong una sila’y walang patumangga kung magalit; subali’t ang kaalaman ng kalooban ng Diyos, ang pagnanais na siya’y paluguran, at ang kaniyang espiritu ay tumulong sa kanilang magpigil sa sarili. Maaaring alkoholiko ang isang tao, nguni’t, dahil sa wastong motibo, maaari niyang iwasan ang pag-inom at sa gayo’y hindi magiging lasenggo. Sa gayon ding paraan, ang isa’y maaaring tubuan ng pagkaakit sa mga kasekso niya, nguni’t kung makikinig sa payo ng Salita ng Diyos maaari siyang manatiling malinis mula sa kinagawian ng mga homoseksuwal. (Tingnan ang Efeso 4:17-24.) Hindi tayo pinapayagan ni Jehova sa pag-iisip na hindi gaanong maselang ang maling paggawi; siya’y nagbibigay ng maibigin, nguni’t mahigpit na babala hinggil sa magiging bunga nito at naglalaan ng saganang tulong sa mga nagnanais na “hubarin ang dating pagkatao pati ng kaniyang mga gawa, at magbihis ng bagong pagkatao.”—Col. 3:9, 10.
Hindi kaya makaluma at masyadong mahigpit ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa sekso?
1 Tes. 4:3-8: “Ito ang kalooban ng Diyos . . . na kayo’y magsiilag sa pakikiapid . . . Kaya ang nagtatakwil ay hindi ang tao ang itinatakwil, kundi ang Diyos, na naglagay sa inyo ng kaniyang banal na espiritu.” (Ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa sekso ay hindi bagay na kinatha lamang ng ilang tao noong sinaunang panahon. Ito’y nagmumula sa Maylikha ng tao; nililiwanag nito kung ano ang hinihiling upang tayo’y sang-ayunan niya; naglalaan din ito ng giya sa ikapagkakaroon ng katiwasayan sa mga sambahayan at ng nakapagpapatibay, maligayang mga pagsasamahan sa mga hindi kasambahay. Ang mga nagkakapit ng payong ito ay naiingatan laban sa malalalim na sugat ng damdamin at nakaririmarim na mga sakit na dulot ng mahalay na paggawi. Ang totoo’y ang payo ng Bibliya ay napapanahon sa pagtulong sa mga nagnanais ng isang malinis na budhi sa harap ng Diyos at ng isang buhay na walang pagkasiphayo.)
Kung May Magsasabi—
‘Ano ang saloobin ninyo tungkol sa homoseksuwalidad?’
Maaari kayong sumagot: ‘Iyon ay tulad ng pangmalas na ipinakikita dito sa Bibliya. Naniniwala ako na mas mahalaga ang sinasabi nito kaysa anomang kuru-kuro ng tao, sapagka’t naglalaman ito ng mga kaisipan ng Maylalang ng tao. (1 Cor. 6:9-11) Pansinin ninyo na ang ilan sa mga naging Kristiyano ay dating nahirati sa homoseksuwalidad. Nguni’t dahil sa kanilang pag-ibig sa Diyos, at sa tulong ng kaniyang espiritu, sila’y nagbago.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Bilang sagot, napansin ko na marami sa mga nagsasabing hindi dapat masamain ang ginagawa ng mga homoseksuwal ay hindi naniniwala na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Maaari ko bang malaman kung ano ang pangmalas ninyo sa Bibliya?’ Kung sinabi ng tao na siya’y may pananampalataya sa Bibliya, maaari ninyong idagdag: ‘Hindi bago ang paksa ng homoseksuwalidad. Inilalahad ng Bibliya ang di-nagbabagong pangmalas ng Diyos na Jehova sa napakalinaw na mga pananalita. (Maaaring gamitin ang materyal sa mga pahina 402, 403.)’ Kung ang tao ay nag-aalinlangan hinggil sa pag-iral ng Diyos o sa Bibliya, maaari ninyong idagdag: ‘Kung walang Diyos, kung gayon ay wala tayong pagsusulitan at maaari tayong mamuhay sa anomang paraan na gusto natin. Kaya ang mahalagang tanong ay, Mayroon bang Diyos at utang ko ba sa kaniya ang aking buhay [gayundin, Ang Bibliya ba’y kinasihan ng Diyos]? (Gamitin ang mga punto mula sa mga pahina 126-133 o 60-70.)’