Patuloy na Sumulong Bilang Mangangaral
1. Ano-anong halimbawa noong unang siglo ang nagpapakitang dapat tayong sumulong bilang mga mangangaral?
1 Ang mga Kristiyano ay dapat sumulong bilang mga mangangaral. Sinanay ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na sumulong sa pangangaral. (Luc. 9:1-5; 10:1-11) Ito rin ang dahilan kung bakit isinama nina Aquila at Priscila si Apolos at “ipinaliwanag sa kaniya ang daan ng Diyos nang may higit na kawastuan.” (Gawa 18:24-26) Pinasigla rin ni Pablo ang makaranasang ebanghelisador na si Timoteo na patuloy na magsikap sa kaniyang pagtuturo para “mahayag sa lahat ng mga tao” ang kaniyang pagsulong. (1 Tim. 4:13-15) Gaano man tayo katagal nang nagpapaalipin para sa Panginoon bilang mangangaral ng mabuting balita, dapat na patuloy nating pasulungin ang ating kakayahan sa pangangaral.
2. Paano tayo matututo mula sa iba?
2 Matuto Mula sa Iba: Maaari tayong sumulong habang natututo tayo mula sa iba. (Kaw. 27:17) Kaya obserbahan ang partner mo habang nakikipag-usap siya sa may-bahay. Humingi ng espesipikong mungkahi sa mga epektibong mangangaral, at pakinggang mabuti ang sasabihin nila. (Kaw. 1:5) Kulang ka ba sa kumpiyansa pagdating sa pagdalaw-muli, pagbubukas ng Bible study, o iba pang aspekto ng ministeryo? Magpatulong sa inyong tagapangasiwa ng grupo o sa isang makaranasang mamamahayag. Tandaan din na matutulungan tayo ng banal na espiritu ni Jehova na sumulong, kaya regular na hilingin ito sa panalangin.—Luc. 11:13.
3. Ano ang dapat nating maging reaksiyon kapag pinayuhan tayo kahit hindi natin ito hinihingi?
3 Huwag sasamâ ang loob kapag pinayuhan ka tungkol sa mga puwede mong pasulungin kahit hindi mo naman ito hinihingi. (Ecles. 7:9) Gaya ni Apolos, may-kapakumbabaang tanggapin ang payo at magpasalamat. Isang karunungan ang paggawa nito.—Kaw. 12:15.
4. Ayon kay Jesus, bakit napakahalagang sumulong tayo bilang mga ebanghelisador?
4 Nagpaparangal sa Diyos ang Ating Pagsulong: Gumamit si Jesus ng ilustrasyon para pasiglahin ang kaniyang mga tagasunod na sumulong bilang mga mangangaral. Inihalintulad niya ang kaniyang sarili sa isang punong ubas, at ang mga pinahirang tagasunod sa mga sanga. Sinabi niya na nililinis ng kaniyang Ama ang bawat namumungang sanga “upang mamunga iyon nang higit pa.” (Juan 15:2) Kung paanong gusto ng isang may-ari ng ubasan na maging mas mabunga ang kaniyang ubasan, gusto rin ni Jehova na patuloy na sumulong ang ating kakayahang magluwal ng “bunga ng mga labi.” (Heb. 13:15) Ano ang magandang resulta kapag sumusulong tayo bilang mga ebanghelisador? Sinabi ni Jesus: “Ang aking Ama ay naluluwalhati rito, na patuloy kayong namumunga ng marami.”—Juan 15:8.