Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Eleazar”
  • Eleazar

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Eleazar
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Itamar
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Pinehas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Mataas na Saserdote
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Eleazar”

ELEAZAR

[Ang Diyos ay Tumulong].

1. Ang ikatlong binanggit na anak ng mataas na saserdoteng si Aaron sa kaniyang asawang si Elisheba. Si Eleazar ay mula sa pamilya ni Kohat na anak ni Levi. (Exo 6:16, 18, 20, 23; Bil 3:2) Si Aaron at ang kaniyang mga anak, sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar, ang bumubuo sa pagkasaserdote ng Israel noong panahong italaga ito ni Moises.​—Lev 8.

Noong ikalawang taon pagkaalis ng Israel sa Ehipto, nang maitayo na ang tabernakulo, si Eleazar ay binanggit bilang ang pinuno ng mga Levita. (Bil 1:1; 3:32) Malamang na ang kaniyang edad ay hindi bababa sa 30 taon, yamang nagsasagawa siya noon ng mga tungkulin ng saserdote.​—Bil 4:3.

Si Eleazar ay isa sa mga mahigit na sa 20 taóng gulang na umalis sa Ehipto at nakapasok din sa Lupang Pangako. Palibhasa’y mula sa tribo ni Levi, hindi siya kasama sa hatol ng Diyos na ipinahayag laban sa 12 tribo, na walang sinuman sa kanila mula 20 taóng gulang pataas ang papasok sa Lupang Pangako, maliban kina Josue at Caleb. Ang Levi ay walang kinatawan sa 12 tiktik, na 10 sa mga ito ay nagdala ng masasamang ulat, at maliwanag na ang mga Levita ay hindi nakisama sa walang-pananampalataya at mapaghimagsik na pagbubulung-bulungan laban kay Jehova.​—Bil 13:4-16; 14:26-30.

Di-nagtagal pagkatapos na maialay ang tabernakulo at maitalaga si Aaron at ang kaniyang mga anak sa pagkasaserdote (Lev 8), sina Nadab at Abihu ay naghandog ng kakaibang apoy kay Jehova at pinatay sa pamamagitan ng apoy na nanggaling kay Jehova. (Lev 10:1, 2; Bil 3:2-4) Ipinagpatuloy ni Aaron, kasama ng kaniyang dalawang tapat na anak na sina Eleazar at Itamar, ang pagganap sa pagkasaserdote. Nang hati-hatiin ang mga tungkulin sa pangangalaga ng santuwaryo, si Eleazar ang inatasang mangasiwa sa tabernakulo pati na sa mga kagamitan nito, sa palagiang handog na mga butil, sa langis, at sa insenso. (Bil 4:16) Sa utos ni Jehova, pinulot ni Eleazar ang mga tansong lalagyan ng apoy na ginamit ni Kora at ng mga kasamahan nito (wala ni isa man sa kanila ang saserdote) upang maghandog ng insenso kay Jehova sa pagtatangkang agawin ang mga tungkulin ng saserdote. Ang mga ito ay ginawang maninipis na laminang metal at ipinangkalupkop sa altar. (Bil 16:37-40) Si Eleazar ang nangasiwa sa paghahandog ng pulang dumalagang baka ukol sa kasalanan na naglaan ng abo para sa paglilinis ng ilang karumihan.​—Bil 19:2, 3, 9; Heb 9:13.

Pagkatapos na makipagdigma ang mga Israelita upang parusahan ang mga Midianita dahil sa nangyari sa Peor, tumulong si Eleazar sa paghahati-hati ng mga samsam na nakuha sa mga Midianita at binigkas niya ang batas ng Diyos tungkol sa mga bagay na nakuha.​—Bil 31:6, 21-41.

Si Pinehas, na anak ni Eleazar sa isa sa mga anak ni Putiel, ay ginantimpalaan ni Jehova ng tipan ng kapayapaan dahil sa ipinakita niyang sigasig alang-alang sa dalisay na pagsamba noong magkasala ang Israel may kaugnayan sa Baal ng Peor. Maaaring ito’y karagdagan sa tipan para sa pagkasaserdote na ipinakipagtipan ni Jehova sa tribo ni Levi.​—Bil 25:1-13; Exo 6:25.

Naging Mataas na Saserdote. Noong ika-40 taon ng paglalakbay sa ilang, nang mamatay si Aaron sa edad na 123 taon, si Eleazar, na mga 70 taóng gulang na noon, ay naging mataas na saserdote. (Bil 33:37-39) Sa gayon, si Eleazar ang unang mataas na saserdote na nanungkulan sa Lupang Pangako nang pumasok sila roon pagkaraan ng mga walong buwan. (Bil 20:25-28; Deu 10:6; Jos 4:19) Sa harap ni Eleazar tumayo si Josue upang hirangin bilang kahalili ni Moises, at patuloy na inalalayan ni Eleazar si Josue sa atas na iyon at itinawid sa kaniya ang mga pasiya ni Jehova tungkol sa mahahalagang katanungan ayon sa hatol ng Urim at ng Tumim. (Bil 27:18-23) Si Eleazar ay gumawa ring kasama ni Josue nang hati-hatiin ang Lupang Pangako pagkatapos ng pananakop sa Canaan.​—Jos 14:1; 21:1-3.

Ulo ng Pangunahing Makasaserdoteng Sambahayan. Hindi tuwirang binabanggit sa Kasulatan kung kailan namatay si Eleazar, ngunit waring hindi iyon malayo sa panahon ng pagkamatay ni Josue. Hinalinhan si Eleazar ng kaniyang anak na si Pinehas. (Jos 24:29, 30, 33; Huk 20:27, 28) Nagpakita si Eleazar ng kasigasigan para sa tunay na pagsamba kay Jehova at marangal siyang nanungkulan sa pagkasaserdote sa lahat ng kaniyang mga araw. Ayon sa tradisyong Judio, may 16 na grupo ng mga saserdote noong panahong ang tabernakulo ay nasa Shilo, 8 mula sa pamilya ni Eleazar at 8 mula sa pamilya ng kaniyang kapatid na si Itamar. Gayunman, noong panahon ni David ay mas marami ang mga lalaking pinuno sa pamilya ni Eleazar kaysa roon kay Itamar. Dahil dito, nag-atas si David ng 16 na pangkat ng mga saserdote mula sa sambahayan ni Eleazar at 8 naman mula sa sambahayan ni Itamar, na bumuo ng 24 na pangkat na nang maglaon ay halinhinang naglingkod sa templo.​—1Cr 24:1-4.

2. Ang anak ni Abinadab na pinabanal upang magbantay sa sagradong Kaban na dinala sa bahay ng kaniyang ama sa lunsod ng Kiriat-jearim matapos itong ibalik ng mga Filisteo.​—1Sa 7:1, 2.

3. Anak ni Dodo na Ahohita; isa sa tatlong namumukod-tanging makapangyarihang lalaki ni David. Sa Pas-damim, sa isang kampanyang pangmilitar ni David, nagpakita si Eleazar ng kabayanihan nang tumindig siya sa isang bukid na punô ng sebada at mag-isa niyang pabagsakin ang mga Filisteo, “anupat si Jehova ay nagligtas sa pamamagitan ng isang dakilang pagliligtas.”​—1Cr 11:12-14; 2Sa 23:9, 10.

4. Anak ni Mahali na Merarita na mula sa tribo ni Levi. Si Eleazar ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga anak na babae lamang. Kaya kinuha sila ng mga anak ni Kis, na kanilang mga pinsan, bilang mga asawa.​—1Cr 23:21, 22.

5. Anak ng isang nagngangalang Pinehas, binanggit na tumulong kay Meremot na saserdote nang timbangin ang pilak at ang ginto at ang mga kagamitan para sa templo noong ikaapat na araw pagkarating ni Ezra sa Jerusalem.​—Ezr 8:29, 32, 33.

6. Isang inapo ni Paros na kabilang sa mga kumuha ng mga asawang banyaga ngunit sumunod sa payo ni Ezra na paalisin sila.​—Ezr 10:25, 44.

7. Isang saserdoteng Levita na kasama sa prusisyong isinaayos ni Nehemias noong pasinayaan ang muling-itinayong pader ng Jerusalem.​—Ne 12:42.

8. Isang ninuno ng ama-amahan ni Jesus na si Jose.​—Mat 1:15.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share