ARALIN 18
Paggamit ng Bibliya sa Pagsagot
KAPAG tinatanong hinggil sa ating paniniwala, sa ating paraan ng pamumuhay, sa ating pangmalas hinggil sa kasalukuyang mga pangyayari, sa ating pag-asa sa hinaharap, pinagsisikapan nating gamitin ang Bibliya sa pagsagot. Bakit? Sapagkat ito ang Salita ng Diyos. Sa Bibliya natin kinukuha ang ating mga paniniwala. Ibinabatay natin sa Bibliya ang ating paraan ng pamumuhay. Ito ang humuhubog sa ating pangmalas sa mga pangyayari sa daigdig. Ang ating pag-asa para sa hinaharap ay matibay ang pagkakaugat sa kinasihang mga pangako ng Bibliya.—2 Tim. 3:16, 17.
Alam na alam natin ang pananagutang kaakibat ng ating pangalan. Tayo ay mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:12) Kaya sinasagot natin ang mga tanong, hindi salig sa pilosopiya ng mga tao, kundi salig sa sinasabi ni Jehova sa kaniyang kinasihang Salita. Totoo, bilang mga indibiduwal ay may mga opinyon tayo sa mga bagay-bagay, subalit hinahayaan natin ang Salita ng Diyos na humubog sa ating pangmalas sapagkat tayo ay lubusang kumbinsido na ito ang katotohanan. Sabihin pa, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng kalayaan sa personal na pagpili sa maraming bagay. Sa halip na ipilit ang ating mga kagustuhan sa iba, nais nating ituro ang mga simulaing nasa Kasulatan, anupat hinahayaan ang ating mga tagapakinig na gumamit ng gayunding kalayaan ng pagpili na ating tinatamasa. Kagaya ni apostol Pablo, tayo ay nagsisikap na “itaguyod ang pagkamasunurin sa pamamagitan ng pananampalataya.”—Roma 16:26.
Si Jesu-Kristo ay inilarawan sa Apocalipsis 3:14 bilang “ang saksing tapat at totoo.” Paano niya sinagot ang mga tanong at pinakitunguhan ang mga kalagayang iniharap sa kaniya? Kung minsan ay sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon na magpapangyaring mag-isip ang mga tao. Sa iba namang pagkakataon ay sa pamamagitan ng pagtatanong sa nag-uusisa hinggil sa kaniyang pagkaunawa sa isang kasulatan. Madalas ay sa pamamagitan ng pagsipi ng mga kasulatan, pagsasabi ng mga ito sa ibang pananalita, o pagtukoy sa mga ito sa di-tuwirang paraan. (Mat. 4:3-10; 12:1-8; Luc. 10:25-28; 17:32) Noong unang siglo, ang mga balumbon ng Kasulatan ay karaniwang iniingatan sa mga sinagoga. Walang patotoo na si Jesus ay may personal na koleksiyon ng mga balumbong iyon, subalit nalalaman niyang mabuti ang Kasulatan at malimit niyang tinutukoy ang mga ito kapag nagtuturo sa iba. (Luc. 24:27, 44-47) May katotohanan niyang masasabi na ang kaniyang itinuro ay hindi mula sa kaniyang sarili. Siya ay nagsalita kung ano ang narinig niya mula sa kaniyang Ama.—Juan 8:26.
Ang ating pagnanais ay ang sundin ang halimbawa ni Jesus. Hindi natin personal na narinig na nagsalita ang Diyos, di-gaya ni Jesus. Subalit ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Kapag ginagamit natin ito bilang saligan ng ating mga sagot, naiiwasan natin na umakay ng pansin sa ating sarili. Ating ipinakikita na sa halip na sabihin ang opinyon ng isang di-sakdal na tao, lubos ang ating determinasyon na hayaan ang Diyos na magsabi kung ano ang katotohanan.—Juan 7:18; Roma 3:4.
Sabihin pa, hindi natin nais na basta na lamang gamitin ang Bibliya, kundi gawin iyon sa paraang magdudulot ng pinakamalaking kapakinabangan sa nakikinig sa atin. Nais nating makinig siya taglay ang bukas na isipan. Depende sa saloobin ng tao, maaari mong iharap ang isang kaisipan mula sa Bibliya sa pagsasabing: “Hindi ka ba sumasang-ayon na ang talagang mahalaga ay kung ano ang sinasabi ng Diyos?” O maaari mong sabihin: “Alam mo ba na tinatalakay ng Bibliya ang mismong tanong na iyan?” Kung nakikipag-usap ka sa isa na walang paggalang sa Bibliya, marahil ay kailangan mong gumamit ng naiibang pambungad. Maaari mong sabihin: “Hayaan mong ibahagi ko sa iyo ang sinaunang hulang ito.” O maaari mong sabihin: “Ang pinakamalawak na naipamahaging aklat sa kasaysayan ng tao ay nagsasabi ng ganito . . . ”
Sa ilang pagkakataon ay maaaring mas gusto mong sabihin ang isang teksto sa ibang pananalita. Gayunman, hangga’t maaari, makabubuting buksan ang Bibliya mismo at basahin kung ano ang sinasabi nito. Ipakita ang kasulatan sa tao sa kaniyang sariling kopya ng Bibliya kung ito ay praktikal. Ang tuwirang paggamit na ito ng Bibliya ay kadalasang may makapangyarihang epekto sa mga tao.—Heb. 4:12.
Ang Kristiyanong matatanda ay may pantanging pananagutang gumamit ng Bibliya kapag sumasagot sa mga tanong. Ang isa sa mga kuwalipikasyon sa paglilingkod bilang isang matanda ay na ang kapatid na lalaki ay “nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo.” (Tito 1:9) Ang isang miyembro ng kongregasyon ay maaaring gumawa ng isang maselan na pagpapasiya sa buhay pagkatapos na siya’y bigyan ng payo ng isang matanda. Gaano nga kahalaga na ang payong ito ay matatag na nakasalig sa Kasulatan! Ang halimbawa ng matanda sa paggawa nito ay maaaring makaimpluwensiya sa maraming iba pa sa kanilang paraan ng pagtuturo.