Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • ip-1 kab. 10 p. 117-132
  • Ang Ipinangakong Prinsipe ng Kapayapaan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Ipinangakong Prinsipe ng Kapayapaan
  • Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbaling sa mga Demonyo
  • ‘Kautusan at Katibayan’ ng Diyos
  • “Taggutom, Hindi sa Tinapay”
  • “Hinahamak” ang Isang Lupain
  • Ang “Isang Malaking Liwanag”
  • “Gaya Noong Araw ng Midian”
  • “Kamangha-manghang Tagapayo”
  • “Makapangyarihang Diyos” at “Walang-hanggang Ama”
  • “Prinsipe ng Kapayapaan”
  • Ang Pinakadakilang Kapanganakan sa Lupa ang Nauuna sa Pandaigdig na Katiwasayan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Pagsasaya Para sa mga Lumalakad sa Liwanag
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Patuloy na Maghintay kay Jehova
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
  • Kaligtasan at Kagalakan sa Ilalim ng Paghahari ng Mesiyas
    Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
Iba Pa
Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I
ip-1 kab. 10 p. 117-132

Ikasampung Kabanata

Ang Ipinangakong Prinsipe ng Kapayapaan

Isaias 8:19–9:7

1. Ano ang naranasan ng sangkatauhan buhat pa noong kaarawan ni Cain?

MGA anim na libong taon na ang nakararaan, ang unang sanggol na tao ay ipinanganak. Ang kaniyang pangalan ay Cain, at ang pagsilang niya ay lubhang natatangi. Hindi pa nakakita ng isang taong sanggol ang kaniyang mga magulang, ni ang mga anghel, maging ang Maylalang mismo. Ang bagong kasisilang na sanggol na ito ay maaari sanang makapagdala ng pag-asa sa isang isinumpang lahi ng sangkatauhan. Anong laking kabiguan nga nang, paglaki niya, siya’y naging isang mamamaslang! (1 Juan 3:12) Mula noon nasaksihan ng sangkatauhan ang iba pang di-mabilang na pamamaslang. Ang mga tao, palibhasa’y nakahilig sa paggawa ng masama, ay walang pakikipagpayapaan sa isa’t isa o sa Diyos.​—Genesis 6:5; Isaias 48:22.

2, 3. Anong mga pag-asa ang nabuksan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, at ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang gayong mga pagpapala?

2 Mga apat na milenyo pagkatapos isilang si Cain, isa pang sanggol ang isinilang. Ang kaniyang pangalan ay Jesus, at ang kaniyang pagsilang ay lubhang natatangi rin. Siya’y ipinanganak ng isang birhen, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na espiritu​—ang kaisa-isang gayong pagsilang sa buong kasaysayan. Sa panahon ng kaniyang pagsilang, isang pulutong ng nagagalak na mga anghel ang umawit ng papuri sa Diyos, na nagsasabi: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:13, 14) Malayo sa pagiging isang mamamaslang, binuksan ni Jesus ang daan para makipagpayapaan ang mga tao sa Diyos at tamuhin ang buhay na walang hanggan.​—Juan 3:16; 1 Corinto 15:55.

3 Inihula ni Isaias na si Jesus ay tatawaging “Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Kaniyang ihahandog ang kaniyang sariling buhay sa kapakanan ng sangkatauhan anupat pinagiging posible ang kapatawaran ng mga kasalanan. (Isaias 53:11) Sa ngayon, ang pakikipagpayapaan sa Diyos at ang kapatawaran ng mga kasalanan ay maaaring matamo salig sa pananampalataya kay Jesu-Kristo. Subalit ang gayong mga pagpapala ay hindi awtomatiko. (Colosas 1:21-23) Ang mga nagnanais nito ay dapat matutong tumalima sa Diyos na Jehova. (1 Pedro 3:11; ihambing ang Hebreo 5:8, 9.) Noong kaarawan ni Isaias, mismong kabaligtaran nito ang ginawa ng Israel at ng Juda.

Pagbaling sa mga Demonyo

4, 5. Anong kalagayan ang umiral noong kaarawan ni Isaias, at kanino bumabaling ang ilan?

4 Dahil sa kanilang pagsuway, ang mga kapanahon ni Isaias ay nasa isang kaaba-abang kalagayang moral, isang mistulang lungaw ng espirituwal na kadiliman. Maging sa kaharian ng Juda sa timog, ang lugar ng templo ng Diyos, ay walang kapayapaan. Bilang resulta ng kanilang kataksilan, ang mga mamamayan ng Juda ay pinagbantaang sasalakayin ng mga Asiryano, at isang panahon ng kagipitan ang nasa unahan nila. Kanino sila hihingi ng tulong? Nakalulungkot, marami ang bumaling kay Satanas, hindi kay Jehova. Hindi, hindi sila tumawag sa pangalan ni Satanas. Sa halip, gaya ni Haring Saul noon, sila’y bumaling sa espiritismo, na humahanap ng kasagutan sa kanilang mga suliranin sa pamamagitan ng pagtatangkang makipag-usap sa mga patay.​—1 Samuel 28:1-20.

5 Itinataguyod pa nga ng ilan ang gawaing ito. Tinukoy ni Isaias ang gayong apostasya nang kaniyang sabihin: “Kung sasabihin nila sa inyo: ‘Sumangguni kayo sa mga espiritista o sa mga may espiritu ng panghuhula na humuhuni at nagsasalita nang pabulong,’ hindi ba sa Diyos nito dapat sumangguni ang alinmang bayan? Dapat bang sumangguni sa mga patay para sa mga buháy?” (Isaias 8:19) Maaaring dayain ng mga espiritista ang mga tao, “na humuhuni at nagsasalita nang pabulong.” Ang gayong mga sound effect, na ipinalalagay na galing sa espiritu ng mga patay, ay maaaring pangyarihin ng isang buháy na midyum sa pamamagitan ng bentrilokismo. Gayunman, may mga pagkakataon na maaaring masangkot nang tuwiran ang mga demonyo at magkunwang yaong mga namatay, gaya ng maliwanag na nangyari nang sumangguni si Saul sa mangkukulam ng Endor.​—1 Samuel 28:8-19.

6. Bakit ang mga Israelita na bumaling sa espiritismo ay lalo nang dapat sisihin?

6 Ang lahat ng ito ay nagaganap sa Juda sa kabila ng pagbabawal ni Jehova sa espiritismo. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, ito ay pinarurusahan ng kamatayan. (Levitico 19:31; 20:6, 27; Deuteronomio 18:9-12) Bakit ang isang bayan na pantanging pag-aari ni Jehova ay makagagawa ng gayong malubhang pagkakasala? Sapagkat kanilang itinakwil ang Kautusan at payo ni Jehova at naging “mapagmatigas dahil sa mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan.” (Hebreo 3:13) “Ang kanilang puso ay naging manhid na tulad ng taba,” at sila’y napahiwalay sa kanilang Diyos.​—Awit 119:70.a

7. Paano tinutularan ng marami ngayon ang mga Israelita noong kaarawan ni Isaias, at ano ang magiging kinabukasan ng gayong mga tao kung sila’y hindi magsisisi?

7 Kaypala’y nangatuwiran sila, ‘Anong kabuluhan ng Kautusan ni Jehova samantalang malapit na tayong salakayin ng mga Asiryano?’ Ang gusto nila’y isang mabilis at madaling solusyon sa kanilang gipit na kalagayan at hindi na sila makapaghihintay pa na pangyarihin ni Jehova ang kaniyang kalooban. Sa atin ding kaarawan, marami ang nagwawalang-bahala sa kautusan ni Jehova at sumasangguni sa mga espiritung midyum, kumukonsulta sa mga horoscope, at bumabaling sa iba pang anyo ng okultismo upang malutas ang kanilang mga suliranin. Gayunman, ang paghingi ng mga buháy sa mga patay ng mga kasagutan ay kakatwa ngayon na gaya rin noon. Ang kinabukasan ng sinumang gumagawa ng gayong mga bagay na hindi nagsisisi ay mapapabilang sa “mga mamamaslang at sa mga mapakiapid at . . . sa mga mananamba sa idolo at sa lahat ng sinungaling.” Wala silang anumang pag-asa sa buhay sa hinaharap.​—Apocalipsis 21:8.

‘Kautusan at Katibayan’ ng Diyos

8. Ano ‘ang kautusan’ at ‘ang katibayan’ na dapat nating konsultahin sa ngayon ukol sa patnubay?

8 Ang kautusan ni Jehova na nagbabawal sa espiritismo, lakip na ang iba pang mga utos niya ay hindi lingid sa Juda. Ito’y iningatang nakasulat. Sa ngayon ang kaniyang Salita ay makukuha sa kumpletong pagkakasulat nito. Ito’y ang Bibliya, na naglalakip hindi lamang sa kalipunan ng mga kautusan at regulasyon ng Diyos kundi sa ulat din ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan. Ang ulat na ito ng Bibliya hinggil sa mga pakikitungo ni Jehova ay bumubuo ng isang katibayan, o patotoo, na nagtuturo sa atin ng hinggil sa personalidad at mga katangian ni Jehova. Sa halip na kumonsulta sa patay, saan dapat bumaling ang mga Israelita ukol sa patnubay? Sumagot si Isaias: “Sa kautusan at sa katibayan!” (Isaias 8:20a) Oo, yaong mga naghahanap ng tunay na kaliwanagan ay dapat na bumaling sa nasusulat na Salita ng Diyos.

9. May anumang kabuluhan ba ang paminsan-minsang pagsipi sa Bibliya ng mga di-nagsisising makasalanan?

9 Ang ilang Israelitang nasasangkot sa espiritismo ay maaaring magkunwang may paggalang sa nasusulat na Salita ng Diyos. Subalit ang gayong pag-aangkin ay walang-saysay at mapagpaimbabaw. Sinabi ni Isaias: “Tiyak na lagi nilang sasalitain ang ayon sa kapahayagang ito na hindi magkakaroon ng liwanag ng bukang-liwayway.” (Isaias 8:20b) Anong kapahayagan ang tinutukoy rito ni Isaias? Marahil ay ang pananalitang: “Sa kautusan at sa katibayan!” Posible na ang ilang apostatang Israelita ay gumagamit ng Salita ng Diyos, kung paanong ang mga apostata at ang iba pa sa ngayon ay sumisipi rin sa Kasulatan. Subalit ang mga ito’y salita lamang. Ang pagsipi sa Kasulatan ay hindi aakay sa anumang “liwanag ng bukang-liwayway,” o kaliwanagan mula kay Jehova, kung hindi kalakip ang paggawa ng kalooban ni Jehova at paglayo sa maruruming gawain.b

“Taggutom, Hindi sa Tinapay”

10. Paano nagdurusa ang mga tao sa Juda dahil sa pagtatakwil kay Jehova?

10 Ang pagsuway kay Jehova ay nagbubunga ng kadiliman ng kaisipan. (Efeso 4:17, 18) Sa espirituwal na diwa, ang mga tao sa Juda ay naging bulag, walang kaunawaan. (1 Corinto 2:14) Inilarawan ni Isaias ang kanilang kalagayan: “Ang bawat isa ay tiyak na daraan sa lupain na nagigipit at gutóm.” (Isaias 8:21a) Dahil sa kataksilan ng bansa​—lalo na noong namamahala si Haring Ahaz​—ang pananatili ng Juda bilang isang nagsasariling kaharian ay nanganganib. Ang bansa ay napalilibutan ng mga kaaway. Sunud-sunod na sinalakay ng hukbong Asiryano ang mga lunsod ng Judea. Itiniwangwang ng kaaway ang mabungang lupain, anupat nagkaroon ng kasalatan sa pagkain. Marami ang “nagigipit at gutóm.” Subalit may iba pang uri ng gutom na nagpapahirap sa lupain. Ilang dekada bago pa nito, si Amos ay humula: “‘Narito! May mga araw na dumarating,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at ako ay magpapasapit ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.’” (Amos 8:11) Ang Juda ay dumaranas na ngayon ng gayong espirituwal na taggutom!

11. Matututo ba ang Juda ng leksiyon mula sa disiplinang tinanggap nito?

11 Matututo ba ang Juda sa leksiyon nito at manunumbalik kay Jehova? Ang kaniya bang mamamayan ay hihiwalay sa espiritismo at sa idolatriya at manunumbalik “sa kautusan at sa katibayan”? Patiunang nakita ni Jehova ang kanilang reaksiyon: “Mangyayari nga na sa dahilang siya ay gutóm at pinag-init niya sa galit ang kaniyang sarili, isusumpa nga niya ang kaniyang hari at ang kaniyang Diyos at titingala.” (Isaias 8:21b) Oo, sisisihin ng marami ang kanilang haring tao sa pagkasadlak nila sa kalagayang ito. May kamangmangan pa ngang sisisihin ng iba si Jehova dahil sa kapahamakang sinapit nila! (Ihambing ang Jeremias 44:15-18.) Sa ngayon, marami ang tumutugon sa gayunding paraan, na sinisisi ang Diyos dahil sa mga trahedyang dulot ng kabalakyutan ng tao.

12. (a) Ang pagtalikod sa Diyos ay nagdulot ng ano para sa Juda? (b) Anong mahahalagang katanungan ang ibinabangon?

12 Magdudulot ba ng kapayapaan sa mga naninirahan sa Juda ang pagsumpa sa Diyos? Hindi. Inihula ni Isaias: “Sa lupa ay titingin siya, at, narito! kabagabagan at kadiliman, karimlan, panahon ng kahirapan at dilim na walang liwanag.” (Isaias 8:22) Pagkatapos na tumingala sa langit upang sisihin ang Diyos, ang tingin nila’y ibinaling naman sa lupa, pabalik sa kanilang kawalang pag-asa. Ang kanilang pagtalikod sa Diyos ay nagdulot ng kalamidad. (Kawikaan 19:3) Kumusta naman ang tungkol sa mga pangako na ginawa ng Diyos kina Abraham, Isaac, at Jacob? (Genesis 22:15-18; 28:14, 15) Si Jehova kaya ay sasala sa pagtupad? Wawakasan kaya ng mga Asiryano o ng iba pang kapangyarihang militar ang ipinangakong maharlikang linya ng Juda at ni David? (Genesis 49:8-10; 2 Samuel 7:11-16) Nakatalaga kayang manatili ang mga Israelita sa karimlan magpakailanman?

“Hinahamak” ang Isang Lupain

13. Ano ang “Galilea ng mga bansa,” at paano ito “hinahamak”?

13 Tinutukoy ngayon ni Isaias ang isa sa pinakamatinding kapahamakan na sinapit ng mga inapo ni Abraham: “Ang karimlan ay hindi magiging gaya noong may kaigtingan sa lupa, gaya noong unang panahon nang ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng Neptali ay hinahamak at nitong huling pagkakataon nang pangyarihin ng isa na iyon ay maparangalan​—ang daan sa tabi ng dagat, sa pook ng Jordan, Galilea ng mga bansa.” (Isaias 9:1) Ang Galilea ay isang teritoryo sa hilagang kaharian ng Israel. Sa hula ni Isaias isinama rito “ang lupain ng Zebulon at ang lupain ng Neptali” at gayundin “ang daan sa tabi ng dagat,” isang sinaunang lansangang-bayan na bumabagtas sa may baybayin ng Dagat ng Galilea patungo sa Dagat Mediteraneo. Noong kaarawan ni Isaias, ang rehiyon ay tinatawag na “Galilea ng mga bansa,” malamang na dahilan sa marami sa mga lunsod nito ay tinitirahan ng mga di-Israelita.c Paano “hinahamak” ang lupaing ito? Sinakop ito ng mga paganong Asiryano, ipinatapon ang mga Israelita, at nilipatan ang buong rehiyong ito ng mga pagano, na hindi mga inapo ni Abraham. Kaya ang sampung-tribong kaharian sa hilaga ay nawala sa kasaysayan bilang isang nakabukod na bansa!​—2 Hari 17:5, 6, 18, 23, 24.

14. Sa anong diwa na ang “karimlan” ng Juda ay hindi magiging kasintindi niyaong sa sampung-tribong kaharian?

14 Ang Juda ay nasa ilalim din ng panggigipit mula sa mga Asiryano. Ito ba’y sasapit sa permanenteng “karimlan” gaya ng sampung-tribong kaharian na kinakatawan ng Zebulon at Neptali? Hindi. Sa “huling pagkakataon,” pagpapalain ni Jehova ang rehiyon sa kaharian ng Juda sa timog at maging ang lupain na dating pinamamahalaan ng kaharian sa hilaga. Paano?

15, 16. (a) Sa anong “huling pagkakataon” magbabago ang kalagayan para sa “distrito ng Zebulun at ng Neptali”? (b) Paanong ang lupain na hinamak ay pinarangalan?

15 Sinagot ni apostol Mateo ang katanungang ito sa kaniyang kinasihang ulat hinggil sa makalupang ministeryo ni Jesus. Sa paglalarawan sa mga unang araw ng ministeryong iyon, sinabi ni Mateo: “Paglisan sa Nazaret, [si Jesus] ay dumating at nanahanan sa Capernaum sa tabi ng dagat sa mga distrito ng Zebulon at Neptali, upang matupad ang sinalita sa pamamagitan ni Isaias na propeta, na nagsasabi: ‘O lupain ng Zebulon at lupain ng Neptali, sa kahabaan ng daan ng dagat, sa kabilang ibayo ng Jordan, Galilea ng mga bansa! ang bayan na nakaupo sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag, at para roon sa mga nakaupo sa pook ng anino ng kamatayan, ang liwanag ay suminag sa kanila.’”​—Mateo 4:13-16.

16 Oo, ang “huling pagkakataon” na inihula ni Isaias ay ang panahon ng makalupang ministeryo ni Kristo. Ang kalakhang bahagi ng makalupang buhay ni Jesus ay ginugol sa Galilea. Sa distrito ng Galilea sinimulan niya ang kaniyang ministeryo at nagsimulang magpahayag: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Sa Galilea, ipinahayag niya ang kaniyang bantog na Sermon sa Bundok, pinili ang kaniyang mga apostol, ginawa ang kaniyang unang himala, at nagpakita sa mga 500 tagasunod matapos na siya’y buhaying-muli. (Mateo 5:1–7:27; 28:16-20; Marcos 3:13, 14; Juan 2:8-11; 1 Corinto 15:6) Sa ganitong paraan tinupad ni Jesus ang hula ni Isaias sa pamamagitan ng pagpaparangal sa “lupain ng Zebulun at lupain ng Neptali.” Sabihin pa, hindi lamang para sa mga taga-Galilea ang ministeryo ni Jesus. Sa pamamagitan ng pangangaral ng mabuting balita sa buong lupain, ‘pinangyari ni Jesus na maparangalan’ ang buong bansang Israel, lakip na ang Juda.

Ang “Isang Malaking Liwanag”

17. Paanong ang “isang malaking liwanag” ay sumikat sa Galilea?

17 Subalit ano ang binanggit ni Mateo na “isang malaking liwanag” sa Galilea? Ito rin ay isang pagsipi mula sa hula ni Isaias. Sumulat si Isaias: “Ang bayan na lumalakad sa kadiliman ay nakakita ng isang malaking liwanag. Para roon sa mga tumatahan sa lupain ng matinding karimlan, ang liwanag ay sumikat sa kanila.” (Isaias 9:2) Pagsapit ng unang siglo C.E., ang liwanag ng katotohanan ay naikubli dahilan sa mga paganong kasinungalingan. Lalo pang pinalaki ng mga Judiong pinuno ng relihiyon ang suliranin sa pamamagitan ng panghahawakan sa kanilang relihiyosong tradisyon anupat ‘pinawalang-bisa nila ang salita ng Diyos.’ (Mateo 15:6) Ang mga mapagpakumbaba ay inaapi at nalilito, na sumusunod sa “mga bulag na tagaakay.” (Mateo 23:2-4, 16) Nang lumitaw ang Mesiyas na si Jesus, ang mga mata ng maraming mapagpakumbabang tao ay nabuksan sa isang kamangha-manghang paraan. (Juan 1:9, 12) Ang gawain ni Jesus samantalang nasa lupa at ang mga pagpapalang idinulot ng kaniyang hain ay angkop na ipinakilala sa hula ni Isaias bilang “isang malaking liwanag.”​—Juan 8:12.

18, 19. Anong dahilan para sa malaking kagalakan ang taglay niyaong mga tumugon sa liwanag?

18 Yaong mga tumugon sa liwanag ay may malaking dahilan upang magalak. Si Isaias ay nagpatuloy: “Pinarami mo ang mga tao sa bansa; para roon ay pinalaki mo ang pagsasaya. Sila ay nagsaya sa harap mo gaya ng pagsasaya sa panahon ng pag-aani, gaya niyaong mga nagagalak kapag pinaghahati-hatian nila ang samsam.” (Isaias 9:3) Bilang resulta ng gawaing pangangaral ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod, lumitaw ang tapat-pusong mga tao, na nagpapakitang sila’y nagnanais na sumamba kay Jehova sa espiritu at katotohanan. (Juan 4:24) Sa loob ng wala pang apat na taon, pulu-pulutong ang yumakap sa Kristiyanismo. Tatlong libo ang nabautismuhan sa araw ng Pentecostes 33 C.E. Di-natagalan pagkatapos niyaon, “ang bilang ng mga lalaki ay naging humigit-kumulang sa limang libo.” (Gawa 2:41; 4:4) Habang masigasig na pinasisikat ng mga alagad ang liwanag, “ang bilang ng mga alagad ay patuloy na lubhang dumarami sa Jerusalem; at isang malaking pulutong ng mga saserdote ang nagsimulang maging masunurin sa pananampalataya.”​—Gawa 6:7.

19 Gaya niyaong mga nagagalak sa saganang ani o natutuwa sa paghahati-hati sa mahahalagang samsam pagkatapos ng isang malaking tagumpay-militar, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagalak dahil sa pagsulong na ito. (Gawa 2:46, 47) Pagsapit ng panahon, pinasikat ni Jehova ang liwanag sa gitna ng mga bansa. (Gawa 14:27) Kaya ang mga tao ng lahat ng lahi ay nagalak na nabuksan sa kanila ang daan ng paglapit kay Jehova.​—Gawa 13:48.

“Gaya Noong Araw ng Midian”

20. (a) Sa anong mga paraan pinatunayan ng mga Midianita na sila’y mga kaaway ng Israel, at paano winakasan ni Jehova ang kanilang ibinabantang panganib? (b) Paano wawakasan ni Jesus sa panghinaharap na “araw ng Midian” ang ibinabantang panganib ng mga kaaway ng bayan ng Diyos?

20 Ang mga epekto ng gawain ng Mesiyas ay permanente, gaya ng ating makikita sa sumunod na mga salita ni Isaias: “Ang pamatok ng kanilang pasan at ang pingga sa kanilang mga balikat, ang baston niyaong sapilitang nagpapatrabaho sa kanila, ay pinagdurug-durog mo gaya noong araw ng Midian.” (Isaias 9:4) Mga ilang siglo bago ang kaarawan ni Isaias, ang mga Midianita ay nakipagsabuwatan sa mga Moabita upang mabuyo ang Israel sa pagkakasala. (Bilang 25:1-9, 14-18; 31:15, 16) Nang maglaon, ang mga Midianita ay lumikha ng malaking sindak sa mga Israelita sa pamamagitan ng pagsalakay at pandarambong sa kanilang mga nayon at mga bukirin sa loob ng pitong taon. (Hukom 6:1-6) Subalit nilupig ni Jehova ang hukbo ng Midian sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Gideon. Pagkatapos ng ‘araw na iyon ng Midian,’ wala nang ebidensiya na muli na namang nagdusa ang bayan ni Jehova sa kamay ng mga Midianita. (Hukom 6:7-16; 8:28) Sa malapit na hinaharap, si Jesu-Kristo, ang lalong dakilang Gideon, ay pupuksa sa makabagong-panahong mga kaaway ng bayan ni Jehova. (Apocalipsis 17:14; 19:11-21) Pagkatapos, “gaya noong araw ng Midian,” matatamo ang lubos at pangwakas na tagumpay, hindi sa pamamagitan ng kagitingan ng tao, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova. (Hukom 7:2-22) Ang bayan ng Diyos ay hindi na kailanman magdurusang muli sa ilalim ng pamatok ng pang-aapi!

21. Ano ang ipinahihiwatig ng hula ni Isaias hinggil sa magiging kinabukasan ng digmaan?

21 Ang mga pagtatanghal ng kapangyarihan ng Diyos ay hindi lumuluwalhati sa digmaan. Ang binuhay-muling si Jesus ay ang Prinsipe ng Kapayapaan, at sa pamamagitan ng paglipol sa kaniyang mga kaaway, pangyayarihin niya ang walang-hanggang kapayapaan. Binabanggit ngayon ni Isaias ang hinggil sa mga kagamitang militar na lubusang pupuksain sa apoy: “Ang bawat bota niyaong yumayapak na may pagyanig at ang balabal na iginulong sa dugo ay naging ukol nga sa pagsunog bilang gatong sa apoy.” (Isaias 9:5) Ang pagyanig na dulot ng yabag ng mga bota ng nagmamartsang mga sundalo ay hindi na kailanman muling mararamdaman. Ang madugong mga uniporme ng mga sundalong manhid na sa digmaan ay hindi na makikita pang muli. Mawawala na ang digmaan!​—Awit 46:9.

“Kamangha-manghang Tagapayo”

22. Ano ang maramihang makahulang pangalan na ibinigay kay Jesus sa aklat ng Isaias?

22 Sa panahon ng kaniyang makahimalang pagsilang, ang isa na ipinanganak upang maging Mesiyas ay tumanggap ng pangalang Jesus, na nangangahulugang “Si Jehova ang Kaligtasan.” Subalit mayroon siyang iba pang mga pangalan, makahulang mga pangalan na bumabalangkas sa kaniyang mahalagang papel at sa kaniyang mataas na posisyon. Ang isa sa mga pangalang iyon ay Emmanuel, na nangangahulugang “Sumasaatin ang Diyos.” (Isaias 7:14, talababa sa Ingles) Inilarawan ngayon ni Isaias ang isa pang makahulang pangalan: “Isang bata ang ipinanganak sa atin, isang anak na lalaki ang ibinigay sa atin; at ang pamamahala bilang prinsipe ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang kaniyang pangalan ay tatawaging Kamangha-manghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.” (Isaias 9:6) Isaalang-alang ang buong kahulugan ng maramihang makahulang pangalang ito.

23, 24. (a) Sa paanong paraan si Jesus ay isang “Kamangha-manghang Tagapayo”? (b) Paano matutularan ng mga Kristiyanong tagapayo ngayon ang halimbawa ni Jesus?

23 Ang tagapayo ay isa na nagbibigay ng payo, o patnubay. Nang narito sa lupa, si Jesu-Kristo ay naglaan ng kamangha-manghang payo. Sa Bibliya ay ating mababasa na “lubhang namangha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo.” (Mateo 7:28) Siya’y isang matalino at madamaying Tagapayo, na may di-karaniwang kaunawaan sa likas na katangian ng tao. Ang kaniyang payo ay hindi limitado sa matinding pagsaway o pagpaparusa. Kadalasan, ito’y sa anyong pagtuturo at maibiging patnubay. Ang payo ni Jesus ay kamangha-mangha dahil sa ito’y laging matalino, sakdal, at walang mali. Kapag sinusunod, ito’y umaakay sa buhay na walang hanggan.​—Juan 6:68.

24 Ang payo ni Jesus ay hindi bunga lamang ng kaniyang matalinong isip. Sa halip, sinabi niya: “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Juan 7:16) Kagaya ni Solomon, ang Diyos na Jehova ang Bukal ng karunungan ni Jesus. (1 Hari 3:7-14; Mateo 12:42) Ang halimbawa ni Jesus ay dapat na mag-udyok sa mga guro at mga tagapayo sa Kristiyanong kongregasyon na laging ibatay ang kanilang pagtuturo sa Salita ng Diyos.​—Kawikaan 21:30.

“Makapangyarihang Diyos” at “Walang-hanggang Ama”

25. Ano ang ipinaaaninaw sa atin ng pangalang “Makapangyarihang Diyos” hinggil sa makalangit na si Jesus?

25 Si Jesus ay tinawag din na “Makapangyarihang Diyos” at “Walang-hanggang Ama.” Hindi ito nangangahulugang kaniyang inaagaw ang awtoridad at posisyon ni Jehova, na siyang “Diyos na ating Ama.” (2 Corinto 1:2) “Siya [si Jesus] . . . ay hindi nag-isip na mang-agaw, samakatuwid nga, na siya ay maging kapantay ng Diyos.” (Filipos 2:6) Siya’y tinawag na Makapangyarihang Diyos, hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Hindi kailanman inisip ni Jesus na siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, yamang tinukoy niya ang kaniyang Ama bilang “ang tanging tunay na Diyos,” alalaong baga, ang tanging Diyos na dapat sambahin. (Juan 17:3; Apocalipsis 4:11) Sa Kasulatan, ang salitang “diyos” ay maaaring mangahulugang “isa na makapangyarihan” o “isa na malakas.” (Exodo 12:12; Awit 8:5; 2 Corinto 4:4) Bago naparito si Jesus sa lupa, siya ay “isang diyos,” “umiiral sa anyong Diyos.” Matapos siyang buhaying-muli, siya’y nagbalik sa isang mas mataas pang posisyon sa langit. (Juan 1:1; Filipos 2:6-11) Karagdagan pa, ang titulong “diyos” ay nagdadala ng higit pang kahulugan. Ang mga hukom sa Israel ay tinawag na “mga diyos”​—minsan ay tinukoy mismo ito ni Jesus. (Awit 82:6) Si Jesus ang Hukom na hinirang ni Jehova, “na itinalagang humatol sa mga buháy at sa mga patay.” (2 Timoteo 4:1; Juan 5:30) Maliwanag, angkop siyang tawagin na Makapangyarihang Diyos.

26. Bakit si Jesus ay matatawag na “Walang-hanggang Ama”?

26 Ang titulong “Walang-hanggang Ama” ay tumutukoy sa kapangyarihan at awtoridad ng Mesiyanikong Hari na magbigay sa sangkatauhan ng pag-asang walang-hanggang buhay sa lupa. (Juan 11:25, 26) Ang pamana ng ating unang magulang, si Adan, ay kamatayan. Si Jesus, ang huling Adan, ay “naging isang espiritung nagbibigay-buhay.” (1 Corinto 15:22, 45; Roma 5:12, 18) Kung paanong si Jesus, ang Walang-hanggang Ama, ay mabubuhay magpakailanman, ang masunuring sangkatauhan ay magtatamasa rin ng mga kapakinabangan ng kaniyang pagiging ama nang walang hanggan.​—Roma 6:9.

“Prinsipe ng Kapayapaan”

27, 28. Anong kamangha-manghang mga kapakinabangan ang sasapit ngayon at sa hinaharap para sa mga sakop ng “Prinsipe ng Kapayapaan”?

27 Bukod sa buhay na walang-hanggan, kailangan din ng tao ang kapayapaan, kapuwa sa Diyos at sa kaniyang kapuwa tao. Maging sa ngayon, yaong mga nagpapasakop sa pamamahala ng “Prinsipe ng Kapayapaan” ay ‘pumukpok na sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.’ (Isaias 2:2-4) Sila’y hindi nagtatanim ng poot dahil sa mga pagkakaiba-iba sa pulitika, teritoryo, lahi, o kabuhayan. Sila’y nagkakaisa sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, at sila’y gumagawa ng paraan upang mapanatili ang mapayapang kaugnayan sa kanilang kapuwa, maging sa loob at labas ng kongregasyon.​—Galacia 6:10; Efeso 4:2, 3; 2 Timoteo 2:24.

28 Sa takdang panahon ng Diyos, paiiralin ni Kristo sa lupa ang isang uri ng kapayapaan na magiging pangglobo, matatag at permanente. (Gawa 1:7) “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas, sa trono ni David at sa kaniyang kaharian upang itatag ito nang matibay at upang alalayan ito sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran, mula ngayon at hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 9:7a) Sa paghawak ng kaniyang awtoridad bilang ang Prinsipe ng Kapayapaan, hindi gagamit si Jesus ng mapaniil na pamamaraan. Ang kaniyang mga sakop ay hindi pagkakaitan ng kanilang malayang kalooban at hindi susupilin sa pamamagitan ng dahas. Sa halip, lahat ng kaniyang isasakatuparan ay “sa pamamagitan ng katarungan at sa pamamagitan ng katuwiran.” Tunay na nakagiginhawang pagbabago!

29. Ano ang dapat nating gawin kung nais nating tamasahin ang pagpapala ng walang-hanggang kapayapaan?

29 Kung isasaalang-alang ang mga kamangha-manghang kahulugan ng makahulang pangalan ni Jesus, ang pagtatapos ni Isaias sa bahaging ito ng kaniyang hula ay tunay na kapana-panabik. Siya’y sumulat: “Ang mismong sigasig ni Jehova ng mga hukbo ang gagawa nito.” (Isaias 9:7b) Oo, si Jehova ay kumikilos taglay ang sigasig. Wala siyang ginagawa sa salawahang paraan. Makatitiyak tayo na anuman ang kaniyang ipinangako, iyo’y lubusan niyang tutuparin. Kung ang sinuman ay naghahangad na magtamasa ng walang-hanggang kapayapaan, hayaang siya’y maglingkod kay Jehova nang buong puso. Kagaya ng Diyos na Jehova at ni Jesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, nawa’y maging “masigasig sa maiinam na gawa” ang lahat ng lingkod ng Diyos.​—Tito 2:14.

[Mga talababa]

a Marami ang naniniwala na ang Awit 119 ay isinulat ni Hezekias bago siya naging hari. Kung gayon, malamang na ito’y isinulat samantalang nanghuhula pa si Isaias.

b Ang pariralang “ayon sa kapahayagang ito” sa Isaias 8:20 ay maaaring tumutukoy sa pananalita hinggil sa espiritismo, na sinipi sa Isaias 8:19. Kung gayon, sinasabi ni Isaias na ang iba ay patuloy na hihimukin ng mga tagapagtaguyod ng espiritismo sa Juda na sumangguni sa mga espiritista anupat sila’y walang tatanggaping kaliwanagan mula kay Jehova.

c Ang iba ay nagsasabi na ang 20 lunsod ng Galilea na inialok ni Haring Solomon kay Hiram na hari ng Tiro ay malamang na tinitirahan ng mga di-Israelita.​—1 Hari 9:10-13.

[Mapa/Larawan sa pahina 122]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Corazin

Betsaida

Capernaum

Kapatagan ng Genesaret

Dagat ng Galilea

Magadan

Tiberias

Ilog Jordan

GADARA

Gadara

[Mga larawan sa pahina 119]

Ang pagsilang kina Cain at Jesus ay kapuwa katangi-tangi. Yaon lamang kay Jesus ang may magandang kinalabasan

[Larawan sa pahina 121]

Magkakaroon ng taggutom na makapupong mas malubha pa kaysa sa pagkagutom sa tinapay at pagkauhaw sa tubig

[Larawan sa pahina 127]

Si Jesus ay ilaw sa lupain

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share