-
LitidKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
at mga litid [syn·deʹsmon] nito, ay patuloy na lumalaki sa paglaki na ibinibigay ng Diyos.” (Col 2:18, 19) Dito, ang pinahirang kongregasyong Kristiyano ay inihahalintulad sa isang katawan na may ulo. Ang pagtutulungan ng mga sangkap, o mga miyembro, sa isa’t isa ay ipinakikita ng pananalita na ito ay “magkakasuwatong pinagbubuklod sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid nito,” sa gayon ay ginagamit ni Pablo ang “mga litid” bilang metapora may kaugnayan sa espirituwal na katawan ni Kristo, na ang ulo nito ay si Jesus. Bilang ulo, pinaglalaanan ni Jesus ang mga sangkap ng katawan ng mga bagay na kinakailangan nila sa pamamagitan ng “mga kasukasuan at mga litid,” ang mga paraan at mga kaayusan sa paglalaan ng espirituwal na pagkain, gayundin ng komunikasyon at koordinasyon. (Ihambing ang 1Co 12:12-30; Ju 15:4-10.) Sa literal na katawan ng tao, ang bawat sangkap ay may bahaging ginagampanan upang maging maayos ang paggana at paglaki nito, kapuwa sa pagtanggap ng pagkain at direksiyon at sa paghahatid ng mga iyon sa iba pang mga sangkap ng katawan. Ganito rin ang mga kalagayan sa kongregasyong katawan ni Kristo.
-
-
Liwanag, TanglawKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
LIWANAG, TANGLAW
[sa Ingles, light].
Ang terminong Hebreo na ʼohr at ang terminong Griego na phos ay tumutukoy sa sinag na nanggagaling sa isang bagay na nagbibigay ng liwanag gaya ng isang lampara (Jer 25:10) o ng araw, anupat tumutukoy rin sa kabaligtaran ng kadiliman, sa literal at sa makasagisag na mga paraan. (Isa 5:20; Ju 11:10, 11) Karaniwang pinaniniwalaan na ang liwanag ay binubuo ng mga partikula ng enerhiya na may mga wave property. Gayunman, hanggang sa araw na ito, hindi pa rin lubusang masagot ng tao ang tanong na iniharap ng Maylalang ng liwanag mahigit sa tatlong milenyo na ang nakararaan: “Saan nga dumaraan ang liwanag kapag iyon ay nangangalat?”—Job 38:24.
Ang liwanag mula sa araw ay kombinasyon ng mga kulay, anupat bawat kulay ay may naiibang wavelength. Ang kulay ng isang bagay ay depende sa partikular na bahagi ng liwanag na mababanaag sa ibabaw nito. Sa gayon, ang liwanag ang lumilikha ng maraming kulay na kalugud-lugod sa mga mata ng tao. Mahalaga rin ito upang ang buhay sa lupa—mga halaman, mga hayop, at mga tao—ay magpatuloy.
Ang Bukal ng Liwanag. Ang Diyos na Jehova ang Nag-anyo ng liwanag at ang Maylalang ng kadiliman. (Isa 45:7) Unang araw ng paglalang noon nang sabihin niya: “Magkaroon ng liwanag.” (Gen 1:3) Bago nito, nilalang niya ang langit (kasama ang “malalaking tanglaw” [great lights]—ang araw, buwan, at mga bituin; ihambing ang Aw 136:7-9) at ang lupa. (Gen 1:1) Kaya lumilitaw na kasangkot sa pagpapairal ng liwanag may kaugnayan sa lupa ang unti-unting pag-aalis niyaong dating humaharang sa mga sinag ng araw anupat hindi makarating ang mga iyon sa planetang ito. At malamang na naganap ang ‘paghihiwalay’ ng liwanag at ng kadiliman dahil sa pag-inog ng lupa habang umiikot ito sa palibot ng araw. (Gen 1:4, 5) Nang dakong huli, nagpasapit si Jehova sa mga Ehipsiyong sumasamba sa araw ng isang salot ng kadiliman, kadilimang hindi nakaapekto sa mga Israelita. (Exo 10:21-23) Nang akayin niya ang kaniyang bayan papalabas ng Ehipto, naglaan siya ng liwanag sa pamamagitan ng isang haliging apoy.—Exo 13:21; 14:19, 20; Aw 78:14.
Sa Kasulatan, ang liwanag ay paulit-ulit na iniuugnay sa Maylalang nito. Sinabi ng salmista: “O Jehova na aking Diyos, ikaw ay lubhang dakila. Dinamtan mo ang iyong sarili ng dangal at karilagan, binabalutan mo ang iyong sarili ng liwanag na parang kasuutan.” (Aw 104:1, 2) Ang kapahayagang ito ay kasuwatung-kasuwato ng paglalarawan ni Ezekiel sa nakita niya sa pangitain: “Mayroon akong nakitang tulad ng kisap ng elektrum, gaya ng anyo ng apoy sa buong palibot sa loob nito, mula sa anyo ng kaniyang mga balakang at pataas; at mula sa anyo ng kaniyang mga balakang at pababa ay may nakita akong gaya ng anyo ng apoy, at siya ay may ningning sa buong palibot. May isang anyong gaya ng balantok na lumilitaw sa kaulapan kapag araw na may buhos ng ulan. Ganiyan ang anyo ng kaningningan sa palibot. Iyon ang anyo ng wangis ng kaluwalhatian ni Jehova.” (Eze 1:27, 28) Maraming siglo bago nito, ang bahagyang pagpapamalas lamang ng kaluwalhatiang iyon ay sapat na upang magliwanag ang mukha ni Moises.—Exo 33:22, 23; 34:29, 30.
“Ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman kung kaisa niya.” (1Ju 1:5) Siya ay matuwid, matapat, at banal (Deu 32:4; Apo 4:8), anupat ibang-iba sa karumal-dumal at maruruming gawain na karaniwang iniuugnay sa kadiliman. (Ihambing ang Job 24:14-16; 2Co 6:14; 1Te 5:7, 8.) Samakatuwid, ang mga taong lumalakad sa kadiliman sa pamamagitan ng pagkapoot sa kanilang kapatid at hindi pamumuhay ayon sa katotohanan ay hindi kailanman maaaring maging kaisa niya.—1Ju 1:6; 2:9-11.
Si Jehova ang “Ama ng makalangit na mga liwanag.” (San 1:17) Hindi lamang siya “Tagapagbigay ng araw bilang liwanag kung araw, ng mga batas ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag kung gabi” (Jer 31:35) kundi siya rin ang Bukal ng lahat ng espirituwal na kaliwanagan. (2Co 4:6) Ang kaniyang kautusan, mga hudisyal na pasiya, at salita ay liwanag para roon sa mga nagpapaakay sa mga iyon. (Aw 43:3; 119:105; Kaw 6:23; Isa 51:4) Ipinahayag ng salmista: “Sa pamamagitan ng iyong liwanag ay nakakakita kami ng liwanag.” (Aw 36:9; ihambing ang Aw 27:1; 43:3.) Kung paanong ang liwanag ng araw ay patuloy na tumitindi mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa “ang araw ay malubos,” gayundin na ang landas ng mga matuwid, palibhasa’y tinatanglawan ng makadiyos na karunungan, ay lumiliwanag nang lumiliwanag. (Kaw 4:18) Ang pagsunod sa landasing itinatakda ni Jehova ay nangangahulugan ng paglakad sa kaniyang liwanag. (Isa 2:3-5) Sa kabilang dako, kapag minamalas ng isang tao ang mga bagay-bagay nang may maruming kaisipan o masamang balak, siya ay nasa matinding espirituwal na kadiliman. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Kung ang iyong mata ay balakyot, ang buong katawan mo ay magiging madilim. Kung sa katunayan ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, kay tindi nga ng kadilimang iyon!”—Mat 6:23; ihambing ang Deu 15:9; 28:54-57; Kaw 28:22; 2Pe 2:14.
Ang Liwanag at ang Anak ng Diyos. Mula nang siya ay buhaying-muli at umakyat sa langit, si Kristo Jesus, ang “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon,” ay “tumatahan sa di-malapitang liwanag.” Napakamaluwalhati ng liwanag na iyon anupat imposibleng tingnan siya ng mahihinang mata ng tao. (1Tim 6:15, 16) Sa katunayan, isang tao, si Saul (Pablo) ng Tarso, ang nabulag ng liwanag mula sa langit na nakita niya noong panahong isiwalat ng niluwalhating Anak ng Diyos ang kaniyang sarili sa mang-uusig na ito ng mga tagasunod ni Jesus.—Gaw 9:3-8; 22:6-11.
Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, si Jesu-Kristo ay isang liwanag, anupat naglaan siya ng espirituwal na kaliwanagan tungkol sa mga layunin at kalooban ng Diyos para sa mga magtatamo ng Kaniyang pagsang-ayon. (Ju 9:5; ihambing ang Isa 42:6, 7; 61:1, 2; Luc 4:18-21.) Sa pasimula, tanging ang “nawawalang mga tupa ng sambahayan ng Israel” ang tumanggap ng pakinabang mula sa “malaking liwanag” na iyon. (Isa 9:1, 2; Mat 4:13-16; 15:24) Ngunit ang espirituwal na kaliwanagan ay hindi lamang para sa likas na mga Judio at sa mga proselita. (Ju 1:4-9; ihambing ang Gaw 13:46, 47.) Nang iharap sa templo ang sanggol na si Jesus, tinukoy siya ng matanda nang si Simeon bilang “isang liwanag upang mag-alis ng talukbong mula sa mga bansa.” (Luc 2:32) Gaya ng ipinaliwanag ni Pablo sa mga taga-Efeso, ang di-tuling mga di-Judio ay dating nasa kadiliman may kinalaman sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin: “Kayo noong una ay mga tao ng mga bansa kung tungkol sa laman; tinawag kayong ‘di-pagtutuli’ niyaong tinatawag na ‘pagtutuli’ na ginawa sa laman ng mga kamay—na kayo nang mismong panahong iyon ay walang Kristo, hiwalay sa estado ng Israel at mga taga-ibang bayan sa mga tipan ng pangako, at kayo ay walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan.” (Efe 2:11, 12) Gayunman, nang dalhin sa mga di-Judio ang mabuting balita tungkol sa Kristo, yaong mga malugod na tumugon ay ‘tinawag mula sa kadiliman tungo sa kamangha-manghang liwanag ng Diyos.’ (1Pe 2:9) Ngunit patuloy na hinayaan ng iba na bulagin sila niyaong isa na nag-aanyong “isang anghel ng liwanag” o kaliwanagan (2Co 11:14), ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” upang ‘ang kaliwanagan ng mabuting balita tungkol sa Kristo ay hindi makatagos.’ (2Co 4:4) Mas gusto nila ang kadiliman, sapagkat nais nilang magpatuloy sa kanilang makasariling landasin.—Ihambing ang Ju 3:19, 20.
Ang mga Tagasunod ni Kristo ay Naging mga Liwanag. Yaong mga nanampalataya kay Kristo Jesus bilang “liwanag ng sanlibutan” at naging mga tagasunod niya ay naging “mga anak ng liwanag.” (Ju 3:21; 8:12; 12:35, 36, 46) Ipinaalam nila sa iba ang mga kahilingan para sa pagtatamo ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay, anupat ginawa nila iyon “sa liwanag,” samakatuwid nga ay hayagan. (Mat 10:27) Sa katulad na paraan, si Juan na Tagapagbautismo ay nagsilbing liwanag nang ‘mangaral siya ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi’ at ituro niya ang pagdating ng Mesiyas. (Luc 3:3, 15-17; Ju 5:35) Gayundin, sa pamamagitan ng kanilang maiinam na gawa, sa salita at halimbawa, pinasisikat ng mga tagasunod ni Kristo ang kanilang liwanag. (Mat 5:14, 16; ihambing ang Ro 2:17-24.) “Ang bunga ng liwanag ay binubuo ng bawat uri ng kabutihan at katuwiran at katotohanan.” Sa gayon ay inilalantad nito ang kabuktutan ng kahiya-hiyang mga gawa na nauukol sa kadiliman (pakikiapid, bawat uri ng karumihan, kasakiman, at ang mga katulad nito) na isinasagawa ng “mga anak ng pagsuway.” Dahil dito, ang kahiya-hiyang mga gawang ito ay nakikita ayon sa tunay na liwanag ng mga ito at, sa diwa na nahahayag ang mga ito bilang mga bagay na hinahatulan ng Diyos, ang mga ito ay nagiging liwanag din. (Efe 5:3-18; ihambing ang 1Te 5:4-9.) Palibhasa’y nasasangkapan ng “mga sandata ng liwanag,” ang espirituwal na kagayakang pandigma mula sa Diyos, ang mga Kristiyano ay nakikipagdigma “laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako” at sa gayon ay nakatatayong matatag bilang sinang-ayunang mga lingkod ng Diyos.—Ro 13:12-14; Efe 6:11-18.
Iba Pang Makasagisag na mga Paggamit. Ang Kasulatan ay naglalaman ng maraming makasagisag na pagtukoy sa liwanag. Ang kakayahang makakita ay tinutukoy ng mga salitang ‘liwanag ng aking mga mata.’ (Aw 38:10) Ang ‘pagbibigay ng
-