Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Tagapangasiwa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • Ipinakikita ng pagsasaalang-alang sa Kristiyanong Griegong Kasulatan na magkakapantay ang awtoridad ng mga tagapangasiwa, o matatandang lalaki, sa alinmang kongregasyon. Sa kaniyang mga liham sa mga kongregasyon, hindi tinukoy ni Pablo ang sinumang indibiduwal bilang ang tagapangasiwa, ni ipinatungkol man niya ang mga liham na ito sa kaninumang indibiduwal na nasa gayong katayuan. Ang liham sa mga taga-Filipos ay ipinatungkol “sa lahat ng mga banal na kaisa ni Kristo Jesus na nasa Filipos, kasama ng mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod.” (Fil 1:1) May kinalaman dito, sinabi ni Manuel Guerra y Gomez: “Tiyak na ang episcopos sa rekord ng liham sa mga taga-Filipos ay hindi nagpapahiwatig ng awtoridad na tulad ng sa isang monarka; sa halip, isa itong termino na tumutukoy sa maraming tao na maliwanag na magkakapantay ang awtoridad at may tungkuling pumatnubay at mamahala sa Kristiyanong komunidad sa lunsod na iyon ng Macedonia. Kasabay nito, ang mga diaconos, ayon sa pangkalahatang kahulugan ng salitang ito, ay mga katulong, mga ministro ng episcopos at sa katulad na paraan ay naglilingkod sa mga mananampalataya.”​—Episcopos y Presbyteros, Burgos, Espanya, 1962, p. 320.

      Mga kuwalipikasyon ng isang tagapangasiwa, o matanda. Upang maatasan bilang tagapangasiwa, kailangang matugunan ang sumusunod na mga kuwalipikasyon: “Ang tagapangasiwa kung gayon ay dapat na di-mapupulaan, asawa ng isang babae, katamtaman ang mga pag-uugali, matino ang pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, kuwalipikadong magturo, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, kundi makatuwiran, hindi palaaway, hindi maibigin sa salapi, isang lalaking namumuno sa kaniyang sariling sambahayan sa mahusay na paraan, may mga anak na nagpapasakop nang buong pagkaseryoso; . . . hindi bagong kumberteng lalaki, . . . dapat din siyang magkaroon ng mainam na patotoo mula sa mga tao sa labas.”​—1Ti 3:1-7.

      Gayundin, sa liham ni Pablo kay Tito, nang talakayin niya ang pag-aatas ng matatanda, sinabi niya na upang maging kuwalipikado ang isang lalaki sa gayong katungkulan, dapat itong “malaya sa akusasyon, asawa ng isang babae, na may nananampalatayang mga anak na hindi mapararatangan ng kabuktutan o di-masupil. Sapagkat ang isang tagapangasiwa ay dapat na malaya sa akusasyon bilang katiwala ng Diyos, hindi mapaggiit ng sarili, hindi magagalitin, hindi lasenggong basag-ulero, hindi nambubugbog, hindi sakim sa di-tapat na pakinabang, kundi mapagpatuloy, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, matapat, mapagpigil sa sarili, nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita may kinalaman sa kaniyang sining ng pagtuturo, upang magawa niyang kapuwa magpayo sa pamamagitan ng turo na nakapagpapalusog at sumaway doon sa mga sumasalungat.” (Tit 1:5-9) Maliwanag na may mga pagkakaiba ang huling nabanggit na talaang ito ng mga kuwalipikasyon dahil isinaalang-alang dito ang pantanging mga pangangailangan ng mga kongregasyon sa Creta, kung saan naglilingkod noon si Tito.​—Tit 1:10-14.

      Ang Kataas-taasang Tagapangasiwa. Maliwanag na sinipi ng 1 Pedro 2:25 ang Isaias 53:6 may kinalaman sa mga ‘tulad ng mga tupa na naligaw,’ at pagkatapos ay sinabi ni Pedro: “Ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa pastol at tagapangasiwa ng inyong mga kaluluwa.” Tiyak na ang Diyos na Jehova ang tinutukoy nito, yamang yaong mga sinulatan ni Pedro ay hindi naligaw mula kay Kristo Jesus kundi sa halip, sa pamamagitan niya ay naakay ang mga ito pabalik sa Diyos na Jehova, na Dakilang Pastol ng kaniyang bayan. (Aw 23:1; 80:1; Jer 23:3; Eze 34:12) Isa ring tagapangasiwa si Jehova, ang isa na nagsisiyasat. (Aw 17:3) Ang pagsisiyasat (sa Gr., e·pi·sko·peʹ) ay maaaring may kaugnayan sa kapahayagan ng kaniyang paghatol, gaya noong unang siglo C.E. sa kaso ng Jerusalem, na hindi nakaunawa sa panahon ng “pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ]” sa kaniya. (Luc 19:44) O maaari itong magdulot ng kaayaayang epekto at mga pakinabang, gaya sa kaso niyaong mga lumuluwalhati sa Diyos sa araw ng “kaniyang pagsisiyasat [sa Gr., e·pi·sko·pesʹ].”​—1Pe 2:12.

      “Mapakialam sa mga Bagay-bagay ng Ibang Tao.” Nagbabala ang apostol na si Pedro laban sa pagiging “isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.” (1Pe 4:15) Ang pananalitang ito ay salin ng salitang Griego na al·lo·tri·e·piʹsko·pos, na literal na nangangahulugang “tagapangasiwa ng pag-aari ng ibang tao.” Binibigyang-katuturan ni Francisco Zorell ang salitang ito bilang “isa na umaako ng tungkuling asikasuhin at ituwid ang mga bagay-bagay ng ibang tao, ang isa na may-kamangmangang nanghihimasok sa buhay-buhay ng ibang tao.”​—Lexicon Graecum Novi Testamenti, Paris, 1961, tud. 70.

  • Tagapangitain
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGAPANGITAIN

      Taong tumanggap o nag-aangking tumanggap ng mga pangitain mula sa Diyos tungkol sa mga bagay na nakakubli o may kinalaman sa hinaharap. Ang salitang Hebreo para sa “tagapangitain” ay cho·zehʹ, mula sa cha·zahʹ, na nangangahulugang “makita; mamasdan; magpangitain.” Ang cha·zahʹ at ang mga salitang hinango rito ay ginagamit may kinalaman sa pagkakita ng mga pangitain.​—Bil 24:4; Isa 1:1; 21:2; 22:1; Eze 13:7; Dan 8:1; tingnan ang TAGAKITA.

      May mga tagapangitain na bulaan at hindi sinang-ayunan ng Diyos. (Isa 29:10; Mik 3:7) Ang iba naman ay isinugo ni Jehova at nagsalita sa kaniyang pangalan. (2Ha 17:13; 2Cr 33:18) Ang terminong “tagapangitain” ay ikinapit sa mga lalaking gaya nina Heman, Ido, Hanani, Gad, Asap, Jedutun, at Amos. (1Cr 25:5; 2Cr 12:15; 19:2; 29:25, 30; 35:15; Am 7:12) May ilan, gaya nina Gad at Ido, na nagtala ng kanilang mga pangitain o sumulat ng iba pang mga ulat. (1Cr 29:29; 2Cr 9:29; 33:19) Hindi lahat ng propeta ni Jehova ay mga tagapangitain. Gayunman, si Gad ay tinawag na isang “propeta” at “tagapangitain ni David.” Lumilitaw na ito’y dahil ang ilan sa mga mensaheng tinanggap niya mula sa Diyos ay dumating sa pamamagitan ng mga pangitaing naglalaman ng mga tagubilin o payo ng Diyos para kay Haring David.​—2Sa 24:11; 1Cr 21:9.

  • Tagapayo
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGAPAYO

      Tingnan ang PAYO, TAGAPAYO.

  • Taga-Silangan, Mga
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGA-SILANGAN, MGA

      Ang taong-bayan ng mga lupaing iyon na minalas ng mga Hebreong manunulat bilang “Silangan.” Ang lugar na ito ay lampas pa sa hangganan ng Israel hindi lamang sa dakong silangan kundi sa malayo pang hilagang-silangan at sa dakong timog-silangan sa Arabia. (Gen 25:6; Jer 49:28) Kaya, nang pumaroon si Jacob sa sambahayan ni Laban sa Haran, pumaroon siya sa “lupain ng mga taga-Silangan,” sa HS ng Canaan.​—Gen 29:1.

      Si Job ay tinatawag na “ang pinakadakila sa lahat ng mga taga-Silangan [sa literal, mga anak ng Silangan].” (Job 1:3, tlb sa Rbi8) Ang mga hukbong naniil sa Israel bago bumangon si Gideon at nilupig sila ay binubuo ng mga Amalekita at mga Midianita bukod pa sa “mga taga-Silangan,” na maliban dito ay wala nang ibang pagkakakilanlan. (Huk 6:3, 33; 7:12; 8:10) Bagaman ang mga taga-Silangan ay kilala sa kanilang karunungan, nahigitan sila ni Solomon sa bagay na ito. (1Ha 4:30) Ang tinatawag na mga taong marurunong, o mga Mago, na dumalaw sa batang si Jesus ay “mga astrologo mula sa mga silanganing bahagi.”​—Mat 2:1, 2, 11.

  • Tagatibag ng Bato
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGATIBAG NG BATO

      Isang tagatabas ng bato; isang umuuka, nag-uukit, o naghahanda ng mga bato para sa pagtatayo. (2Ha 12:11, 12; 2Cr 24:12) Inatasan ni Haring David ang mga naninirahang dayuhan sa Israel bilang mga tagatabas ng bato “upang tumabas ng mga eskuwaladong bato” (anupat pinuputol ang mga iyon sa tamang laki) para sa itatayong templo ni Jehova.​—1Cr 22:2, 15; ihambing ang 1Ha 6:7; tingnan ang TIBAGAN.

  • Taga-Tiro
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGA-TIRO

      Tingnan ang TIRO.

  • Taggutom
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
    • TAGGUTOM

      Matinding kakapusan sa pagkain; gayundin, kasalatan sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova, samakatuwid nga, espirituwal na taggutom. (Am 8:11) Isa sa mga salot na sasapit sa makasagisag na Babilonyang Dakila ay ang taggutom.​—Apo 18:8.

      Mga Sanhi at Epekto ng Taggutom. Noong panahon ng Bibliya, kabilang sa karaniwang mga sanhi ng taggutom ang tagtuyot, mapaminsalang mga bagyo ng graniso (Exo 9:23-25), mga peste, pagkatuyot at pagkakaroon ng amag ng mga pananim, at digmaan. (Am 4:7-10; Hag 2:17) Ang mga balang, na kung minsa’y pagkarami-rami at pulu-pulutong kung dumating, ay partikular na kapaha-pahamak sa pananim. (Exo 10:15) Kung minsan naman, ang suliranin ay hindi ang kawalan ng ulan, kundi ang pag-ulan sa di-tamang kapanahunan, halimbawa’y sa panahon ng pag-aani ng trigo o sebada.​—Ihambing ang Lev 26:4; 1Sa 12:17, 18.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share