Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nagturo ng Kapakumbabaan Noong Huling Paskuwa
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Hinuhugasan ni Jesus ang paa ng mga apostol para turuan sila ng kapakumbabaan

      KABANATA 116

      Nagturo ng Kapakumbabaan Noong Huling Paskuwa

      MATEO 26:20 MARCOS 14:17 LUCAS 22:14-18 JUAN 13:1-17

      • ANG HULING PASKUWA NI JESUS KASAMA ANG MGA APOSTOL

      • HINUGASAN ANG PAA NG MGA APOSTOL PARA MAGTURO NG ARAL

      Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan na magpunta sa Jerusalem para maghanda sa Paskuwa. Di-nagtagal, sumunod doon si Jesus at ang 10 pang apostol. Hapon na, at papalubog na ang araw nang bumaba si Jesus at ang mga kasama niya sa Bundok ng mga Olibo. Ito ang huling pagkakataon na masisilayan niya ang lunsod habang may liwanag pa.

      Pagdating sa lunsod, si Jesus at ang mga kasama niya ay nagpunta sa bahay kung saan nila ipagdiriwang ang Paskuwa. Umakyat sila sa malaking silid. Nakahanda na doon ang lahat para sa hapunan. Pinananabikan ni Jesus ang okasyong ito. Sinabi niya: “Inaasam-asam ko ang sandaling ito na makasalo kayo sa hapunan ng Paskuwa bago ako magdusa.”—Lucas 22:15.

      Maraming taon na ang nakalilipas mula nang idagdag ang kaugaliang pagpapasa ng mga kopa ng alak sa mga nagdiriwang ng Paskuwa. Ngayon, pagkaabot ng isang kopa kay Jesus, nagpasalamat siya sa Diyos at nagsabi: “Kunin ninyo ito at ipasa sa lahat, dahil sinasabi ko sa inyo, mula ngayon, hindi na ako muling iinom ng alak hanggang sa dumating ang Kaharian ng Diyos.” (Lucas 22:17, 18) Talagang malapit na ang kaniyang kamatayan.

      Habang kumakain ng hapunan ng Paskuwa, may isang di-pangkaraniwang nangyari. Tumayo si Jesus, hinubad ang kaniyang panlabas na damit, at kumuha ng tuwalya. Naglagay siya ng tubig sa palanggana. Karaniwan nang tinitiyak ng may-ari ng bahay na mahugasan ang paa ng mga bisita, na ginagawa marahil ng isang alipin. (Lucas 7:44) Wala roon ang may-ari ng bahay, kaya si Jesus ang gumawa nito. Puwede sanang isa sa mga apostol ang gumawa nito, pero walang kumilos sa kanila. Hindi kaya may kompetisyon pa rin sa gitna nila? Anuman ang dahilan, napahiya sila nang si Jesus ang tumayo para hugasan ang mga paa nila.

      Paglapit ni Jesus kay Pedro, tumutol ito: “Hinding-hindi ako papayag na hugasan mo ang mga paa ko.” Sumagot si Jesus: “Kung hindi ko huhugasan ang mga paa mo, hindi mo ako puwedeng makasama.” Sumagot si Pedro: “Panginoon, hugasan mo na rin ang mga kamay ko at ulo, hindi lang ang mga paa ko.” Malamang na nagulat siya sa isinagot ni Jesus: “Kung naligo na ang isa, malinis na siya at mga paa na lang ang kailangang hugasan. At kayo ay malilinis, pero hindi lahat.”—Juan 13:8-10.

      Hinugasan ni Jesus ang mga paa ng 12 apostol, pati na ang kay Hudas Iscariote. Pagkasuot ni Jesus ng kaniyang balabal, bumalik siya sa mesa at nagtanong: “Alam ba ninyo kung bakit ko ginawa iyon? Tinatawag ninyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon,’ at tama kayo, dahil gayon nga ako. Kaya kung ako na Panginoon at Guro ay naghugas ng mga paa ninyo, dapat din kayong maghugas ng mga paa ng isa’t isa. Dahil nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin. Sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa panginoon niya, at ang isinugo ay hindi mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya. Dahil alam na ninyo ito, magiging maligaya kayo kung gagawin ninyo ito.”—Juan 13:12-17.

      Napakagandang halimbawa ng kapakumbabaan! Hindi dapat magmataas ang mga tagasunod ni Jesus, o mag-isip na importante sila at dapat paglingkuran. Sa halip, dapat nilang tularan si Jesus, hindi sa pamamagitan ng anumang ritwal na paghuhugas ng paa, kundi sa pagiging handang maglingkod nang may kapakumbabaan at walang pagtatangi.

      • Noong hapunan ng Paskuwa, ano ang sinabi ni Jesus na nagpapakitang malapit na siyang mamatay?

      • Bakit di-pangkaraniwan ang paghuhugas ni Jesus sa paa ng mga apostol?

      • Sa paghuhugas ng paa ng mga apostol, anong aral ang itinuro ni Jesus?

  • Ang Hapunan ng Panginoon
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Pinasimulan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon kasama ang kaniyang 11 tapat na apostol

      KABANATA 117

      Ang Hapunan ng Panginoon

      MATEO 26:21-29 MARCOS 14:18-25 LUCAS 22:19-23 JUAN 13:18-30

      • NABUNYAG NA TRAIDOR SI HUDAS

      • PINASIMULAN NI JESUS ANG MEMORYAL

      Maaga nang gabing ito, hinugasan ni Jesus ang paa ng mga apostol para turuan sila ng kapakumbabaan. Ngayon, lumilitaw na pagkatapos ng hapunan ng Paskuwa, sinipi niya ang salitang inihula ni David: “Ang taong may pakikipagpayapaan sa akin, na pinagtiwalaan ko, na kumakain ng aking tinapay, ay nag-angat ng kaniyang sakong laban sa akin.” Pagkatapos, ipinaliwanag niya: “Isa sa inyo ang magtatraidor sa akin.”—Awit 41:9; Juan 13:18, 21.

      Nagtinginan sa isa’t isa ang mga apostol, at bawat isa ay nagtanong: “Panginoon, hindi ako iyon, hindi ba?” Nagtanong din pati si Hudas Iscariote. Sinabihan ni Pedro si Juan, na katabi ni Jesus sa mesa, na itanong kung sino iyon. Kaya umusog si Juan palapit kay Jesus at nagtanong: “Panginoon, sino iyon?”—Mateo 26:22; Juan 13:25.

      Sumagot si Jesus: “Siya ang bibigyan ko ng tinapay na isasawsaw ko.” Pagkasawsaw sa tinapay, ibinigay ito ni Jesus kay Hudas, at sinabi: “Ang Anak ng tao ay aalis, gaya ng nasusulat tungkol sa kaniya, pero kaawa-awa ang taong iyon na magtatraidor sa Anak ng tao! Mas mabuti pa para sa taong iyon kung hindi siya ipinanganak.” (Juan 13:26; Mateo 26:24) Pinasok ni Satanas si Hudas. Ang lalaking ito, na dati nang masama, ay nagpadala sa Diyablo kung kaya siya naging “anak ng pagkapuksa.”—Juan 6:64, 70; 12:4; 17:12.

      Sinabi ni Jesus kay Hudas: “Tapusin mo na agad ang ginagawa mo.” Akala ng ibang apostol, ang sinabi kay Hudas na may hawak ng kahon ng pera ay: “‘Bumili ka ng mga kailangan natin para sa kapistahan,’ o na magbigay siya ng anuman sa mahihirap.” (Juan 13:27-30) Pero umalis si Hudas para traidurin si Jesus.

      Noong gabi ring ganapin ang hapunan ng Paskuwa, pinasimulan ni Jesus ang isang bagong uri ng hapunan. Kumuha siya ng tinapay, nagpasalamat sa Diyos, pinagputol-putol ito, at ibinigay sa mga apostol. Sinabi niya: “Sumasagisag ito sa aking katawan na ibibigay ko alang-alang sa inyo. Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Ipinasa ang tinapay, at kinain ito ng mga apostol.

      Kumuha ngayon si Jesus ng kopa ng alak, nanalangin para magpasalamat, at ipinasa ito sa kanila. Bawat isa ay uminom, na tungkol dito ay sinabi ni Jesus: “Ang kopang ito ay sumasagisag sa bagong tipan na magkakabisa sa pamamagitan ng aking dugo, na ibubuhos alang-alang sa inyo.”—Lucas 22:20.

      Kaya isinaayos ni Jesus na ipagdiwang ng mga tagasunod niya ang memoryal ng kaniyang kamatayan taon-taon tuwing Nisan 14. Maipapaalaala nito ang ginawa ni Jesus at ng kaniyang Ama para iligtas mula sa kasalanan at kamatayan ang mga tapat. Higit pa kaysa sa nagawa ng Paskuwa para sa mga Judio ang nagawa nito—tunay na kalayaan para sa lahat ng nananampalataya.

      Sinabi ni Jesus na ang dugo niya ay “ibubuhos para mapatawad ang mga kasalanan ng marami.” Kabilang sa mga ito ang tapat na mga apostol at ang iba pang gaya nila. Sila ang makakasama niya sa Kaharian ng kaniyang Ama.—Mateo 26:28, 29.

      • Anong hula sa Bibliya ang sinipi ni Jesus tungkol sa isang kasama, at paano niya ito ikinapit?

      • Ano ang sinabi ni Jesus na gawin ni Hudas? Pero ano ang intindi ng mga apostol sa sinabi ni Jesus kay Hudas?

      • Anong bagong hapunan ang sinimulan ni Jesus, at ano ang layunin nito?

  • Pagtatalo Kung Sino ang Pinakadakila
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nagtatalo-talo ang mga apostol ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila

      KABANATA 118

      Pagtatalo Kung Sino ang Pinakadakila

      MATEO 26:31-35 MARCOS 14:27-31 LUCAS 22:24-38 JUAN 13:31-38

      • NAGPAYO SI JESUS TUNGKOL SA PAGHAHANGAD NG POSISYON

      • INIHULANG IKAKAILA NI PEDRO SI JESUS

      • SA PAG-IBIG MAKIKILALA ANG MGA TAGASUNOD NI JESUS

      Noong huling gabing kasama ni Jesus ang mga apostol, nagpakita siya ng magandang halimbawa ng kapakumbabaan nang hugasan niya ang kanilang mga paa. Bakit angkop ito? Dahil sa isang kahinaan nila. Makadiyos ang mga apostol, pero madalas pa rin nilang pagtalunan kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Marcos 9:33, 34; 10:35-37) Muling lumabas ang kahinaang ito nang gabing iyon.

      “Nagkaroon ng matinding pagtatalo-talo sa gitna [ng mga apostol] kung sino sa kanila ang pinakadakila.” (Lucas 22:24) Tiyak na ikinalungkot ito ni Jesus! Ano ang ginawa niya?

      Imbes na pagalitan ang mga apostol, matiyagang nangatuwiran si Jesus: “Ang mga hari ng mga bansa ay nag-aastang panginoon sa mga nasasakupan nila, at ang mga may awtoridad sa mga tao ay tinatawag na mga Pilantropo. Pero hindi kayo dapat maging gayon. . . . Dahil sino ang mas dakila, ang kumakain o ang nagsisilbi?” Pagkatapos, ipinaalaala ni Jesus sa kanila ang halimbawa niya: “Pero ako ay nagsisilbi sa inyo.”—Lucas 22:25-27.

      Kahit may mga kahinaan ang mga apostol, nanatili silang kasama ni Jesus sa maraming mahihirap na sitwasyon. Kaya sinabi niya: “Nakikipagtipan ako sa inyo para sa isang kaharian, kung paanong nakipagtipan sa akin ang aking Ama.” (Lucas 22:29) Tapat na tagasunod ni Jesus ang mga lalaking iyon. Tiniyak niyang sa pamamagitan ng pakikipagtipan niya sa kanila, mamamahala silang kasama niya sa Kaharian.

      Kahit napakaganda ng pag-asa ng mga apostol, tao lang sila at may mga kahinaan. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Hinihingi kayo ni Satanas para masala niya kayong lahat na gaya ng trigo,” na nangangalat habang tinatahip. (Lucas 22:31) Nagbabala rin siya: “Sa gabing ito, iiwan ninyo akong lahat, dahil nasusulat: ‘Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay mangangalat.’”—Mateo 26:31; Zacarias 13:7.

      Tumutol si Pedro: “Kahit na iwan ka nilang lahat, hinding-hindi kita iiwan!” (Mateo 26:33) Sinabi ni Jesus kay Pedro na bago tumilaok nang dalawang beses ang tandang sa gabing iyon, ikakaila siya ni Pedro. Pero idinagdag ni Jesus: “Nagsumamo na ako para sa iyo na huwag sanang manghina ang pananampalataya mo; at kapag nakabalik ka na, palakasin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32) Ipinagpilitan pa rin ni Pedro: “Kahit na mamatay akong kasama mo, hinding-hindi kita ikakaila.” (Mateo 26:35) Ganoon din ang sinabi ng iba pang apostol.

      Sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako; at ang sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko rin sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makakapunta kung nasaan ako.’” Idinagdag pa niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”—Juan 13:33-35.

      Pagkarinig sa sinabi ni Jesus na sandali na lang nila siyang makakasama, nagtanong si Pedro: “Panginoon, saan ka pupunta?” Sumagot si Jesus: “Hindi ka pa makakasama ngayon sa pupuntahan ko, pero makakasunod ka rin.” Nagtaka si Pedro, kaya sinabi niya: “Panginoon, bakit hindi ako makakasama sa iyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.”—Juan 13:36, 37.

      Ipinaalaala ngayon ni Jesus ang panahon noong isugo niya ang mga apostol para mangaral sa Galilea. Hindi niya sila pinagdala ng pera o pagkain noon. (Mateo 10:5, 9, 10) Nagtanong siya: “Hindi kayo kinapos ng anuman, hindi ba?” Sumagot sila: “Hindi!” Pero ano ang gagawin nila ngayon? Inutusan sila ni Jesus: “Kung kayo ay may pera o lalagyan ng pagkain, dalhin ninyo iyon, at kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang inyong damit at bumili ng espada. Dahil sinasabi ko sa inyo, kailangang matupad sa akin kung ano ang nakasulat, ‘Ibinilang siyang kasama ng mga kriminal.’ Ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.”—Lucas 22:35-37.

      Tinutukoy ni Jesus ang panahon kung kailan ipapako siya sa tulos kasama ng mga kriminal. Pagkatapos nito, makakaranas ng matinding pag-uusig ang kaniyang mga tagasunod. Sa tingin nila ay handa na sila, kaya sinabi nila: “Panginoon, may dalawang espada rito.” Sumagot siya: “Sapat na iyan.” (Lucas 22:38) May kinalaman sa espada, isa pang mahalagang aral ang ituturo ni Jesus sa kaniyang mga alagad.

      • Bakit nagtatalo ang mga apostol, at paano hinarap ni Jesus ang sitwasyon?

      • Ano ang maisasakatuparan ng pakikipagtipan ni Jesus sa kaniyang tapat na mga alagad?

      • Ano ang sinabi ni Jesus nang sabihin ni Pedro na hinding-hindi niya siya iiwan?

  • Si Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Si Jesus at ang 11 tapat na apostol sa isang silid

      KABANATA 119

      Si Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay

      JUAN 14:1-31

      • AALIS SI JESUS PARA MAGHANDA NG LUGAR

      • PINANGAKUAN NIYA ANG MGA ALAGAD NG ISANG KATULONG

      • MAS DAKILA ANG AMA KAYSA KAY JESUS

      Sa silid sa itaas, pagkatapos ng hapunan ng memoryal, pinatibay ni Jesus ang mga apostol: “Huwag mabagabag ang mga puso ninyo. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin.”—Juan 13:36; 14:1.

      May sinabi si Jesus sa tapat na mga apostol para hindi sila mag-alala sa pag-alis niya: “Maraming tirahan sa bahay ng Ama ko . . . Kapag nakaalis ako at nakapaghanda ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking bahay, para kung nasaan ako ay nandoon din kayo.” Pero hindi nila naintindihan na tungkol sa pagpunta sa langit ang sinasabi niya. Nagtanong si Tomas: “Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?”—Juan 14:2-5.

      “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” ang sagot ni Jesus. Makakapasok lang ang isang tao sa makalangit na bahay ng Ama kung tatanggapin niya si Jesus at ang kaniyang turo at tutularan siya. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6.

      Si Felipe, na nakikinig nang mabuti, ay nagsabi: “Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama at sapat na iyon sa amin.” Tila gusto ni Felipe ng tanda ng presensiya ng Diyos, gaya ng sa pangitain nina Moises, Elias, at Isaias. Pero higit pa sa mga pangitaing iyon ang nasa harapan ng mga apostol. Itinampok ito ni Jesus sa sinabi niya: “Nakasama na ninyo ako nang mahabang panahon, pero hindi mo pa rin ba ako kilala, Felipe? Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” Lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama, at yamang nakasama nila si Jesus, para na rin nilang nakita ang Ama. Siyempre, mas dakila ang Ama kaysa sa Anak, at makikita ito sa sinabi ni Jesus: “Ang mga sinasabi ko sa inyo ay hindi mula sa sarili ko.” (Juan 14:8-10) Nakita ng mga apostol na kinikilala ni Jesus na ang mga itinuturo niya ay galing sa kaniyang Ama.

      Nakita ng mga apostol ang mga himala ni Jesus at narinig ang pangangaral niya tungkol sa Kaharian ng Diyos. Sinabi ngayon ni Jesus: “Ang nananampalataya sa akin ay gagawa rin ng mga ginagawa ko; at ang mga gagawin niya ay makahihigit sa mga ito.” (Juan 14:12) Hindi ibig sabihin ni Jesus na hihigitan nila ang mga himala niya. Pero makapangangaral at makapagtuturo sila nang mas mahabang panahon, sa mas malalayong lugar, at sa mas maraming tao.

      Aalis si Jesus, pero hindi niya sila pababayaan. Nangako siya: “Kung hihingi kayo ng anuman sa pangalan ko, ibibigay ko iyon.” Sinabi pa niya: “Hihiling ako sa Ama at bibigyan niya kayo ng ibang katulong para makasama ninyo magpakailanman, ang espiritu ng katotohanan.” (Juan 14:14, 16, 17) Tiniyak niya sa kanila na tatanggap sila ng banal na espiritu, na magiging katulong nila. Nangyari iyan noong araw ng Pentecostes.

      “Sandali na lang,” ang sabi ni Jesus, “at hindi na ako makikita ng mundo, pero makikita ninyo ako dahil nabubuhay ako at mabubuhay kayo.” (Juan 14:19) Hindi lang magpapakita si Jesus sa kanila matapos siyang buhaying muli kundi sa kalaunan, sila rin ay bubuhayin niyang muli bilang espiritu sa langit para makasama niya.

      Isang simpleng katotohanan ang binanggit ngayon ni Jesus: “Ang nagmamahal sa akin ay ang tumatanggap sa mga utos ko at sumusunod sa mga iyon. At ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng Ama ko, at mamahalin ko siya at lubusan kong ipapakilala sa kaniya ang sarili ko.” Nagtanong ang apostol na si Hudas, na tinatawag ding Tadeo: “Panginoon, bakit sa amin mo na lang lubusang ipapakilala ang sarili mo at hindi na sa sangkatauhan?” Sumagot si Jesus: “Kung ang sinuman ay nagmamahal sa akin, tutuparin niya ang aking salita, at iibigin siya ng aking Ama . . . Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita.” (Juan 14:21-24) Di-tulad ng kaniyang mga tagasunod, hindi kinilala ng mga tao si Jesus bilang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay.

      Pag-alis ni Jesus, paano maaalala ng mga alagad ang lahat ng itinuro niya sa kanila? Sinabi ni Jesus: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa pangalan ko, ang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.” Nakita na ng mga alagad ang kapangyarihan ng banal na espiritu kaya napatibay sila ng sinabi ni Jesus. Idinagdag ni Jesus: “Ang kapayapaang ibinibigay ko sa inyo ay mananatili sa inyo. . . . Huwag kayong mag-alala o matakot.” (Juan 14:26, 27) Kaya hindi dapat matakot ang mga alagad—papatnubayan sila at poprotektahan ng Ama ni Jesus.

      Malapit nang makita ang katibayan ng proteksiyon ng Diyos. Sinabi ni Jesus: “Ang tagapamahala ng mundo ay dumarating, at wala siyang kontrol sa akin.” (Juan 14:30) Nakontrol ng Diyablo si Hudas. Pero hindi kayang kontrolin ni Satanas si Jesus dahil wala siyang kahinaan na puwedeng gamitin ni Satanas para italikod siya sa Diyos. At hindi rin magagamit ng Diyablo ang kamatayan para hadlangan si Jesus. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Ginagawa ko ang mismong iniutos sa akin ng Ama.” Nakatitiyak siyang bubuhayin siyang muli ng kaniyang Ama.—Juan 14:31.

      • Saan pupunta si Jesus, at anong katiyakan ang tinanggap ni Tomas may kinalaman sa daan patungo roon?

      • Ano ang lumilitaw na gusto ni Felipe na ipakita ni Jesus?

      • Paanong mas nakahihigit ang gagawin ng mga tagasunod ni Jesus kaysa sa ginawa niya?

      • Bakit nakapagpapatibay malaman na mas dakila ang Ama kaysa kay Jesus?

  • Mga Sangang Namumunga at mga Kaibigan ni Jesus
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Kausap ni Jesus ang kaniyang mga apostol habang pababa sila mula sa silid

      KABANATA 120

      Mga Sangang Namumunga at mga Kaibigan ni Jesus

      JUAN 15:1-27

      • ANG TUNAY NA PUNONG UBAS AT MGA SANGA

      • KUNG PAANO MANANATILI SA PAG-IBIG NI JESUS

      Masinsinan ang pakikipag-usap ni Jesus sa tapat na mga apostol. Marahil ay pasado alas dose na ng hatinggabi. Nagbigay ngayon si Jesus ng nakapagpapatibay na ilustrasyon:

      “Ako ang tunay na punong ubas, at ang aking Ama ang tagapagsaka,” ang pasimula niya. (Juan 15:1) Kahawig ito ng ilang daang taon nang ilustrasyon tungkol sa bansang Israel, na tinawag na punong ubas ni Jehova. (Jeremias 2:21; Oseas 10:1, 2) Pero itinakwil na ni Jehova ang bansang iyon. (Mateo 23:37, 38) Kaya may bagong itinuturo si Jesus. Siya ang punong ubas na sinasaka ng Ama mula nang pahiran si Jesus ng banal na espiritu noong 29 C.E. Pero ipinakita ni Jesus na hindi lang sa kaniya lumalarawan ang punong ubas nang sabihin niya:

      “Inaalis [ng aking Ama] sa akin ang bawat sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat isa na namumunga para mamunga pa iyon nang higit. . . . Kung paanong ang sanga ay hindi makapamumunga malibang manatili itong bahagi ng punong ubas, hindi rin kayo makapamumunga malibang manatili kayong kaisa ko. Ako ang punong ubas; kayo ang mga sanga.”—Juan 15:2-5.

      Nangako si Jesus sa tapat na mga alagad na pagkaalis niya, magpapadala siya ng katulong, ang banal na espiritu. Makalipas ang 51 araw, nang matanggap ng mga apostol at ng iba ang banal na espiritu, naging sanga sila ng punong ubas. At lahat ng “sanga” ay kailangang manatiling kaisa ni Jesus. Para saan?

      Ipinaliwanag niya: “Siya na nananatiling kaisa ko at ako na kaisa niya ay namumunga ng marami; dahil kung nakahiwalay kayo sa akin, wala kayong magagawang anuman.” Ang “mga sangang” ito—ang kaniyang tapat na mga tagasunod—ay mamumunga nang sagana, tumutulad kay Jesus, masigasig sa pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos, at gumagawa ng mga alagad. Paano kung ang isa ay hindi nananatiling kaisa ni Jesus at hindi namumunga? Sinabi ni Jesus: “Kung ang sinuman ay hindi nananatiling kaisa ko, siya ay itinatapong gaya ng isang sanga.” Pero sinabi rin niya: “Kung mananatili kayong kaisa ko at ang mga pananalita ko ay mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang gusto ninyo at ibibigay iyon sa inyo.”—Juan 15:5-7.

      Pero inulit ni Jesus ang dalawang beses na niyang sinabi noon—pagsunod sa utos niya. (Juan 14:15, 21) Bumanggit siya ng isang paraang magpapatunay na ginagawa nila ito: “Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong sinunod ko ang mga utos ng Ama at nanatili sa pag-ibig niya.” Pero hindi lang pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak ang nasasangkot. Sinabi ni Jesus: “Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo. Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.”—Juan 15:10-14.

      Ilang oras na lang, patutunayan na ni Jesus ang kaniyang pag-ibig. Ibibigay niya ang buhay niya para sa lahat ng nananampalataya sa kaniya. Dapat na mapakilos nito ang mga tagasunod niya na tularan ang gayong mapagsakripisyong pag-ibig. Ang pag-ibig na ito ang magiging pagkakakilanlan nila, gaya ng sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.”—Juan 13:35.

      Kapansin-pansin na tinawag ni Jesus na “mga kaibigan” ang mga apostol. Ipinaliwanag niya: “Tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.” Isa ngang espesyal na ugnayan—ang maging malalapit na kaibigan ni Jesus at malaman ang sinabi ng Ama sa kaniya! Pero posible lang ang ugnayang ito kung ‘patuloy silang mamumunga.’ At kung magiging gayon sila, sinabi ni Jesus, “anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay [ibibigay] niya sa inyo.”—Juan 15:15, 16.

      Ang pag-ibig sa isa’t isa ng “mga sangang” ito, ng mga alagad niya, ay makakatulong sa kanila na makayanan ang anumang pagsubok. Nagbabala siya na kapopootan sila ng sanlibutan, pero sinabi rin niya: “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, tandaan ninyong napoot ito sa akin bago ito napoot sa inyo. Kung bahagi kayo ng sanlibutan, matutuwa sa inyo ang sanlibutan. Pero hindi kayo bahagi ng sanlibutan, . . . kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan.”—Juan 15:18, 19.

      Ipinaliwanag pa ni Jesus kung bakit mapopoot sa kanila ang sanlibutan: “Gagawin nila ang lahat ng ito laban sa inyo dahil sa pangalan ko, dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin.” Sinabi ni Jesus tungkol sa mga napopoot sa kaniya: “Kung hindi nila nakita ang mga himalang ginawa ko na hindi pa nagawa ng sinuman, wala sana silang kasalanan; pero ngayon ay nakita nila ako at kinapootan, gayundin ang aking Ama.” Para bang sinasabi ni Jesus na ang mga himala niya ang saligan ng paghatol sa mga napopoot sa kaniya. Sa katunayan, ang pagkapoot nila ay katuparan ng hula.—Juan 15:21, 24, 25; Awit 35:19; 69:4.

      Muli, nangako si Jesus na ipapadala niya ang katulong, ang banal na espiritu. Ang makapangyarihang puwersang ito ay para sa lahat ng tagasunod niya at tutulungan sila nito na mamunga at makapagpatotoo.—Juan 15:27.

      • Sa ilustrasyon ni Jesus, sino ang tagapagsaka, sino ang punong ubas, at sino-sino ang mga sanga?

      • Anong bunga ang gustong makita ng Diyos sa mga sanga?

      • Paano maaaring maging kaibigan ni Jesus ang kaniyang mga alagad, at ano ang makakatulong sa kanila na harapin ang pagkapoot ng sanlibutan?

  • “Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Kitang-kita sa mga apostol ang takot nang magbabala si Jesus

      KABANATA 121

      “Lakasan Ninyo ang Inyong Loob! Dinaig Ko ang Sanlibutan”

      JUAN 16:1-33

      • MALAPIT NANG HINDI MAKITA NG MGA APOSTOL SI JESUS

      • MAPAPALITAN NG KAGALAKAN ANG PAMIMIGHATI NG MGA APOSTOL

      Palabas na si Jesus at ang mga apostol mula sa silid kung saan sila kumain ng hapunan ng Paskuwa. Maraming ipinayo si Jesus, pero idinagdag niya: “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito para hindi kayo matisod.” Bakit ganito ang babala niya? Sinabi niya: “Ititiwalag kayo ng mga tao mula sa sinagoga. Ang totoo, darating ang panahon na ang bawat isa na pumapatay sa inyo ay mag-aakalang gumagawa siya ng sagradong paglilingkod sa Diyos.”—Juan 16:1, 2.

      Masamang balita iyan para sa mga apostol. Kahit nabanggit na ni Jesus na mapopoot sa kanila ang sanlibutan, hindi niya direktang sinabi na papatayin sila. Bakit? “Hindi ko sinabi ang mga ito sa inyo noong una, dahil kasama pa ninyo ako,” ang sabi niya. (Juan 16:4) Ibinigay niya ang babalang ito bago siya umalis para hindi sila matisod sa kalaunan.

      Nagpatuloy si Jesus: “Ngayon ay pupunta ako sa nagsugo sa akin; gayunman, walang isa man sa inyo ang nagtatanong, ‘Saan ka pupunta?’” Maaga nang gabing iyon, nagtanong sila kung saan siya pupunta. (Juan 13:36; 14:5; 16:5) Pero ngayon, nabalot sila ng pangamba dahil sa sinabi niya tungkol sa pag-uusig. Kaya hindi na sila nagtanong tungkol sa kaluwalhatiang naghihintay sa kaniya o sa magiging epekto nito sa mga tunay na mananamba. Sinabi ni Jesus: “Dahil sinabi ko sa inyo ang mga ito, napuno ng kalungkutan ang mga puso ninyo.”—Juan 16:6.

      Ipinaliwanag ngayon ni Jesus: “Para sa ikabubuti ninyo ang pag-alis ko. Dahil kung hindi ako aalis, ang katulong ay hindi darating sa inyo; pero kung aalis ako, ipadadala ko siya sa inyo.” (Juan 16:7) Kailangang mamatay si Jesus at umakyat sa langit para maipadala niya ang banal na espiritu, na magiging katulong ng mga alagad niya saanman sa lupa.

      Ang banal na espiritu ay “magbibigay . . . sa mundo ng nakakukumbinsing katibayan may kinalaman sa kasalanan at sa katuwiran at sa paghatol.” (Juan 16:8) Oo, ilalantad ang kawalan ng pananampalataya ng sanlibutan sa Anak ng Diyos. Ang pag-akyat ni Jesus sa langit ay magiging matibay na ebidensiya ng kaniyang matuwid na katayuan at magpapakita na karapat-dapat sa matinding hatol si Satanas, “ang tagapamahala ng mundong ito.”—Juan 16:11.

      “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo,” ang patuloy ni Jesus, “pero hindi pa ninyo iyon mauunawaan sa ngayon.” Kapag ibinuhos niya ang banal na espiritu, tutulong ito sa kanila na maintindihan “ang katotohanan” at makapamuhay kaayon ng katotohanang iyan.—Juan 16:12, 13.

      Hindi naintindihan ng mga apostol ang sumunod na sinabi ni Jesus: “Kaunting panahon na lang at hindi na ninyo ako makikita, pero pagkalipas ng kaunting panahon ay makikita ninyo ako.” Nagtanungan sila sa isa’t isa kung ano ang ibig niyang sabihin. Nahalata ito ni Jesus, kaya ipinaliwanag niya: “Tinitiyak ko sa inyo, iiyak kayo at hahagulgol, pero magsasaya ang mundo; mamimighati kayo, pero mapapalitan ng kagalakan ang inyong pamimighati.” (Juan 16:16, 20) Kapag pinatay si Jesus, magsasaya ang mga lider ng relihiyon, pero malulungkot nang husto ang mga alagad. Gayunman, mapapalitan ito ng kagalakan kapag binuhay-muli si Jesus! At magpapatuloy pa iyon kapag ibinuhos na sa mga alagad ang banal na espiritu ng Diyos.

      Inihambing ni Jesus ang sitwasyon ng mga apostol sa isang babaeng nanganganak. Sinabi niya: “Kapag nanganganak ang isang babae, napakatindi ng paghihirap niya dahil dumating na ang oras niya, pero kapag naisilang na niya ang sanggol, hindi na niya naaalaala ang naranasan niyang hirap dahil sa kagalakan na isang tao ang ipinanganak sa mundo.” Pinatibay sila ni Jesus, na sinasabi: “Kayo rin naman ay namimighati sa ngayon; pero makikita ko kayong muli, at magsasaya ang mga puso ninyo, at walang sinumang makapag-aalis ng inyong kagalakan.”—Juan 16:21, 22.

      Hanggang sa oras na ito, wala pang hinihiling ang mga apostol sa pangalan ni Jesus. Sinabi niya ngayon: “Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa pangalan ko.” Bakit sila hihingi sa pangalan ni Jesus? Hindi dahil ayaw o nagdadalawang-isip ang Ama na ibigay ang hiling nila. Sa katunayan, sinabi ni Jesus: “Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako . . . bilang kinatawan ng Diyos.”—Juan 16:26, 27.

      Malamang na sa sinabi ni Jesus, lumakas ang loob ng mga apostol na sabihin: “Dahil dito, naniniwala kaming galing ka sa Diyos.” Pero masusubok ang kanilang kombiksiyon. Inilarawan ni Jesus ang mangyayari: “Sinasabi ko sa inyo, malapit nang dumating ang oras na mangangalat kayo, bawat isa sa sarili niyang bahay, at iiwan ninyo akong mag-isa.” Pero tiniyak niya sa kanila: “Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko. Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:30-33) Hindi sila pababayaan ni Jesus. Sigurado siyang gaya niya, madaraig nila ang sanlibutan kung patuloy nilang gagawin ang kalooban ng Diyos sa kabila ng pagtatangka ni Satanas at ng sanlibutang ito na sirain ang kanilang katapatan.

      • Anong babala ni Jesus ang ikinatakot ng mga apostol?

      • Bakit hindi na nagtanong pa kay Jesus ang mga apostol?

      • Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus para ipakitang mapapalitan ng kagalakan ang kalungkutan ng mga apostol?

  • Pansarang Panalangin ni Jesus sa Silid sa Itaas
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nakatingin si Jesus sa langit at nananalangin kasama ng mga apostol niya

      KABANATA 122

      Pansarang Panalangin ni Jesus sa Silid sa Itaas

      JUAN 17:1-26

      • RESULTA NG PAGKAKILALA SA DIYOS AT SA KANIYANG ANAK

      • ANG PAGIGING ISA NI JEHOVA, NI JESUS, AT NG MGA ALAGAD

      Mahal na mahal ni Jesus ang mga apostol kaya inihahanda niya sila sa kaniyang pag-alis. Tumingala siya at nanalangin sa kaniyang Ama: “Luwalhatiin mo ang iyong anak para maluwalhati ka ng iyong anak. Binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng tao para mabigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kaniya.”—Juan 17:1, 2.

      Maliwanag, pinakamahalaga kay Jesus ang pagluwalhati sa kaniyang Ama. Pero nakapagpapatibay ang pag-asang binanggit ni Jesus—buhay na walang hanggan! Yamang siya ay may “awtoridad sa lahat ng tao,” puwede niyang gamitin ang bisa ng haing pantubos sa buong sangkatauhan. Pero hindi ganoon karami ang pagpapalain. Bakit? Dahil gagamitin lang ito ni Jesus sa mga tutupad sa sinabi niyang ito: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.

      Dapat na makilala nang husto ng isang tao ang Ama at ang Anak, at maging malapít sa kanila. Ang saloobin niya ay dapat na kaayon ng saloobin nila. Dapat din niyang sikaping tularan ang kanilang mga katangian kapag nakikitungo sa iba. At dapat niyang maunawaan na mas mahalaga ang kapurihan ng Diyos kaysa sa pagtanggap ng buhay na walang hanggan. Tungkol dito, idinagdag ni Jesus:

      “Naluwalhati kita sa lupa dahil tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin. Kaya, Ama, luwalhatiin mo ako; hayaan mong makasama kitang muli at magkaroon ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong kasama kita bago pa umiral ang sanlibutan.” (Juan 17:4, 5) Oo, hiniling ni Jesus na ibalik siya sa kaluwalhatian sa langit sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli.

      Pero hindi nalimutan ni Jesus ang nagawa niya sa kaniyang ministeryo sa lupa. Nanalangin siya: “Ipinakilala ko ang pangalan mo sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita.” (Juan 17:6) Hindi lang basta ginamit ni Jesus ang pangalan ng Diyos, Jehova, sa pangangaral at pagtuturo. Tinulungan din niya ang mga apostol na makilala si Jehova—malaman ang kaniyang mga katangian at kung paano siya nakikitungo sa mga tao.

      Nakilala ng mga apostol si Jehova, nalaman ang papel ng kaniyang Anak, at natuto kay Jesus. Mapagpakumbabang sinabi ni Jesus: “Nang sabihin ko sa kanila ang mga sinabi mo sa akin, tinanggap nila iyon at naunawaan nilang dumating ako bilang kinatawan mo, at naniwala sila na isinugo mo ako.”—Juan 17:8.

      Pagkatapos, ipinakita ni Jesus ang kaibahan ng kaniyang mga tagasunod sa mga tao sa pangkalahatan: “Nakikiusap ako, hindi para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo . . . Amang Banal, bantayan mo sila alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin, para sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. . . . Iningatan ko sila, at walang isa man sa kanila ang napuksa maliban sa anak ng pagkapuksa,” samakatuwid nga, si Hudas Iscariote, na malapit nang magtraidor kay Jesus.—Juan 17:9-12.

      “Napoot sa kanila ang sanlibutan,” ang sabi pa ni Jesus sa panalangin. “Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi hinihiling ko na bantayan mo sila dahil sa isa na masama. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) Ang mga apostol at ang iba pang alagad ay nasa sanlibutan, ang lipunan ng mga tao na pinamamahalaan ni Satanas. Pero dapat silang manatiling hiwalay rito at sa kasamaan nito. Paano?

      Dapat silang manatiling banal, ibinukod para maglingkod sa Diyos, sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga katotohanang makikita sa Hebreong Kasulatan at sa mga turo ni Jesus. Nanalangin si Jesus: “Pabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Sa kalaunan, papatnubayan ng Diyos ang ilang apostol para sumulat ng mga aklat na magiging bahagi ng “katotohanan” na makatutulong para mapabanal ang isang tao.

      Pero darating ang panahon na may iba pang tatanggap sa katotohanang iyon. Kaya nanalangin si Jesus “hindi lang para sa kanila [ang mga naroroon nang panahong iyon], kundi para din sa mga nananampalataya sa [kaniya] dahil sa kanilang pagtuturo.” Ano ang hiniling ni Jesus para sa kanilang lahat? Na “silang lahat ay maging isa, kung paanong ikaw, Ama, ay kaisa ko at ako ay kaisa mo, para sila rin ay maging kaisa natin.” (Juan 17:20, 21) Hindi literal na iisang persona si Jesus at ang kaniyang Ama. Iisa sila dahil nagkakaisa sila sa lahat ng bagay. Idinalangin ni Jesus na magkaisa rin ang kaniyang mga tagasunod.

      Hindi pa natatagalan, sinabi ni Jesus kay Pedro at sa iba pa na aalis siya at maghahanda ng lugar para sa kanila sa langit. (Juan 14:2, 3) Binanggit ni Jesus sa panalangin ang tungkol dito: “Ama, gusto ko sana na kung nasaan ako, naroon ding kasama ko ang mga ibinigay mo sa akin, para makita nila ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, dahil inibig mo ako bago pa maitatag ang sanlibutan.” (Juan 17:24) Dito, ipinakita ni Jesus na noon pa man—matagal pa bago magkaanak sina Adan at Eva—mahal na ng Diyos ang kaniyang kaisa-isang Anak, na naging si Jesu-Kristo.

      Sa pagtatapos ng kaniyang panalangin, muling idiniin ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama at na mahal ng Diyos ang mga apostol at ang iba pa na tatanggap sa katotohanan. Sinabi niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala, para maipakita nila sa iba ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin at ako ay maging kaisa nila.”—Juan 17:26.

      • Ano ang kahulugan ng pagkilala sa Diyos at sa kaniyang Anak?

      • Paano ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos?

      • Paanong iisa ang Diyos, ang kaniyang Anak, at ang lahat ng tunay na mananamba?

  • Nanalangin sa Panahon ng Labis na Kalungkutan
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nananalangin si Jesus sa hardin ng Getsemani habang natutulog sina Pedro, Santiago, at Juan

      KABANATA 123

      Nanalangin sa Panahon ng Labis na Kalungkutan

      MATEO 26:30, 36-46 MARCOS 14:26, 32-42 LUCAS 22:39-46 JUAN 18:1

      • SI JESUS SA HARDIN NG GETSEMANI

      • ANG KANIYANG PAWIS AY NAGING GAYA NG DUGO

      Tapos nang manalangin si Jesus kasama ng kaniyang tapat na mga apostol. Pagkatapos nilang “umawit ng mga papuri,” pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. (Marcos 14:26) Huminto sila sa hardin ng Getsemani sa silangan, na laging pinupuntahan ni Jesus.

      Sa magandang lugar na ito na maraming puno ng olibo, iniwan ni Jesus ang walong apostol, marahil sa bukana ng hardin, at sinabi sa kanila: “Umupo kayo rito at pupunta ako roon para manalangin.” Isinama niya ang tatlong apostol—sina Pedro, Santiago, at Juan—sa loob ng hardin. Balisang-balisa si Jesus at sinabi sa tatlo: “Sukdulan ang kalungkutang nararamdaman ko. Dito lang kayo at patuloy na magbantay na kasama ko.”—Mateo 26:36-38.

      Lumayo nang kaunti si Jesus sa kanila, at saka siya ‘sumubsob sa lupa at nanalangin.’ Ano ang hiniling niya sa Diyos sa ganito kaigting na sandali? “Ama, ang lahat ng bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Pero mangyari nawa, hindi ang gusto ko, kundi ang gusto mo.” (Marcos 14:35, 36) Ano ang ibig niyang sabihin? Tinatalikuran ba niya ang kaniyang papel bilang Manunubos? Hindi!

      Naobserbahan ni Jesus mula sa langit ang matinding paghihirap ng mga pinapatay ng mga Romano. Ngayon, bilang taong may pakiramdam at nasasaktan, natural lang na hindi niya panabikan ang malapit nang mangyari sa kaniya. Higit sa lahat, hirap na hirap siya sa kaiisip na baka makasira sa pangalan ng kaniyang Ama na mamamatay siyang parang kriminal. Ilang oras na lang, siya ay ipapako sa tulos na para bang isang mamumusong sa Diyos.

      Pagkatapos manalangin nang matagal, bumalik si Jesus at nadatnang tulog ang tatlong apostol. Sinabi niya kay Pedro: “Hindi ba ninyo kayang magbantay na kasama ko kahit isang oras? Patuloy kayong magbantay at manalangin para hindi kayo mahulog sa tukso.” Nakita ni Jesus na pagód at balisa na rin ang mga apostol, at gabing-gabi na. Sinabi niya: “Totoo naman, gusto ng puso, pero mahina ang laman.”—Mateo 26:40, 41.

      Pagkatapos, umalis si Jesus sa ikalawang pagkakataon at hiniling sa Diyos na alisin sa kaniya ang “kopang ito.” Pagbalik niya, tulog na naman ang tatlong apostol, na dapat sana’y nananalangin para hindi sila matukso. Nang kausapin sila ni Jesus, hindi nila “malaman kung ano ang isasagot sa kaniya.” (Marcos 14:40) Umalis si Jesus sa ikatlong pagkakataon, at lumuhod para manalangin.

      Sobra ang pag-aalala ni Jesus sa kasiraang idudulot sa pangalan ng kaniyang Ama ng kamatayan niya bilang kriminal. Pero pinakikinggan ni Jehova ang panalangin ng kaniyang Anak, at nagsugo siya ng anghel para patibayin si Jesus. Gayunman, hindi huminto si Jesus sa pagsusumamo sa kaniyang Ama, kundi “nanalangin pa siya nang mas marubdob.” Napakatindi ng paghihirap ng kalooban niya. Mabigat ang nakaatang sa balikat ni Jesus! Buhay na walang hanggan ang nakataya—ni Jesus at ng mga taong nananampalataya. Sa tindi ng nararamdaman niya, ang “pawis niya ay naging parang dugo na pumapatak sa lupa.”—Lucas 22:44.

      Pagbalik ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, nadatnan niya uling natutulog ang mga apostol. “Sa panahong gaya nito,” ang sabi ni Jesus, “natutulog kayo at nagpapahinga? Malapit na ang oras kung kailan ibibigay ang Anak ng tao sa kamay ng mga makasalanan. Tumayo kayo, at umalis na tayo. Parating na ang magtatraidor sa akin.”—Mateo 26:45, 46.

      ANG PAWIS NIYA AY PARANG DUGO

      Hindi ipinaliwanag ng doktor na si Lucas kung paanong ang pawis ni Jesus ay “naging parang dugo.” (Lucas 22:44) Maaaring inihahambing lang ito ni Lucas sa pagdurugo ng sugat. Pero sinabi ni Dr. William D. Edwards sa The Journal of the American Medical Association (JAMA): “Bagaman bihira itong mangyari, ang pagpapawis ng dugo (hematidrosis . . . ) ay nangyayari sa mga pagkakataong napakatindi ng emosyon . . . Dahil sa paglabas ng dugo sa mga glandula ng pawis, nagiging sensitibo at mahapdi ang balat.”

      • Pagkaalis sa silid sa itaas, saan nagpunta si Jesus at ang mga apostol?

      • Ano ang ginagawa ng tatlong apostol habang nananalangin si Jesus?

      • Ano ang malamang na nadarama ni Jesus kung kaya naging parang dugo ang pawis niya?

  • Tinraidor si Kristo at Inaresto
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Sinaway ni Jesus si Pedro nang tagpasin nito ang tainga ni Malco; handa nang arestuhin ng mga sundalo si Jesus

      KABANATA 124

      Tinraidor si Kristo at Inaresto

      MATEO 26:47-56 MARCOS 14:43-52 LUCAS 22:47-53 JUAN 18:2-12

      • TINRAIDOR NI HUDAS SI JESUS SA HARDIN

      • TINAGPAS NI PEDRO ANG TAINGA NG ISANG LALAKI

      • INARESTO SI JESUS

      Lampas hatinggabi na. Nagkasundo ang mga saserdote na bayaran si Hudas ng 30 pirasong pilak para traidurin si Jesus. Isang malaking grupo ng mga punong saserdote at Pariseo ang kasama ni Hudas sa paghahanap kay Jesus. Kasama rin nila ang isang hukbo ng armadong sundalong Romano at ang kumandante nito.

      Lumilitaw na nang paalisin ni Jesus si Hudas noong hapunan ng Paskuwa, nagpunta agad ito sa mga punong saserdote. (Juan 13:27) Tinipon nila ang mga guwardiya nila at isang pangkat ng mga sundalo. Maaaring dinala muna sila ni Hudas sa silid kung saan ipinagdiwang ni Jesus at ng mga apostol ang Paskuwa. Pero ngayon, tumawid ang grupong kasama ni Hudas sa Lambak ng Kidron at papunta na sa hardin. Bukod sa mga sandata, may dala silang mga lampara at sulo; determinado silang hanapin si Jesus.

      Nasa unahan ng grupo si Hudas papunta sa Bundok ng mga Olibo dahil alam niya kung saan nila makikita si Jesus. Noong nagdaang linggo, habang pabalik-balik si Jesus at ang mga apostol sa Betania at Jerusalem, madalas silang huminto sa hardin ng Getsemani. Pero gabi na, at maaaring natatakpan si Jesus ng anino ng mga puno ng olibo sa hardin. Kaya paano siya makikilala ng mga sundalong maaaring hindi pa siya nakita kahit kailan? Binigyan sila ni Hudas ng tanda. Sinabi nito: “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon; dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.”—Marcos 14:44.

      Nakita ni Hudas si Jesus sa hardin kasama ang mga apostol, at agad nitong nilapitan si Jesus. “Magandang gabi, Rabbi!” ang sabi ni Hudas, sabay halik kay Jesus. “Kaibigan, bakit ka nandito?” ang sabi ni Jesus. (Mateo 26:49, 50) Sinagot ni Jesus ang sariling tanong at sinabi: “Hudas, tinatraidor mo ba ang Anak ng tao sa pamamagitan ng isang halik?” (Lucas 22:48) Pero hindi na mahalaga kay Jesus ang sagot ng traidor na ito!

      Nagpakita ngayon si Jesus sa grupo, sa liwanag ng dala nilang mga sulo at lampara, at nagtanong: “Sino ang hinahanap ninyo?” Sumagot sila: “Si Jesus na Nazareno.” Buong-tapang na sinabi ni Jesus: “Ako ang hinahanap ninyo.” (Juan 18:4, 5) Nagulat ang mga lalaki kaya napaatras sila at natumba.

      Imbes na tumakas, muling nagtanong si Jesus kung sino ang hinahanap nila. Nang sabihin nilang “si Jesus na Nazareno,” kalmado siyang sumagot: “Sinabi ko na sa inyo na ako iyon. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga lalaking ito.” Kahit sa kritikal na sandaling iyon, naalala ni Jesus ang sinabi niyang wala siyang maiwawalang sinuman. (Juan 6:39; 17:12) Naingatan ni Jesus ang kaniyang tapat na mga apostol at walang isa man sa kanila ang nawala maliban sa “anak ng pagkapuksa”—si Hudas. (Juan 18:7-9) Kaya nakiusap siya na hayaang umalis ang tapat na mga tagasunod niya.

      Nang tumayo at lumapit ang mga sundalo kay Jesus, saka lang napag-isip-isip ng mga apostol ang nangyayari. “Panginoon, gagamitin na ba namin ang espada?” tanong nila. (Lucas 22:49) Bago pa man makasagot si Jesus, humugot ng isang espada si Pedro at tinagpas ang kanang tainga ni Malco, na alipin ng mataas na saserdote.

      Hinipo ni Jesus ang tainga ni Malco at pinagaling ang sugat. Pagkatapos, isang mahalagang aral ang itinuro ni Jesus nang utusan niya si Pedro: “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito, dahil ang lahat ng gumagamit ng espada ay mamamatay sa pamamagitan ng espada.” Handang magpaaresto si Jesus. Sinabi niya: “Paano matutupad ang sinasabi ng Kasulatan na dapat itong mangyari sa ganitong paraan?” (Mateo 26:52, 54) Idinagdag pa niya: “Hindi ko ba dapat inuman ang kopa na ibinigay sa akin ng Ama?” (Juan 18:11) Sang-ayon si Jesus sa kalooban ng Diyos para sa kaniya, kahit kamatayan pa ito.

      Tinanong ni Jesus ang grupong nandoon: “Ako ba ay isang magnanakaw at may dala pa kayong mga espada at mga pamalo para arestuhin ako? Araw-araw akong nakaupo noon sa templo at nagtuturo, pero hindi ninyo ako dinarakip. Pero ang lahat ng ito ay nangyari para matupad ang isinulat ng mga propeta.”—Mateo 26:55, 56.

      Sinunggaban si Jesus ng hukbo, ng kumandante, at ng mga guwardiya at tinalian siya. Nang makita ito ng mga apostol, tumakas sila. Pero “isang kabataang lalaki”—marahil ay si Marcos—ang nanatili at humalo sa grupo para masundan si Jesus. (Marcos 14:51) Nakilala ng mga tao ang kabataang ito at nang tangkain nilang dakpin siya, nahubad ang kaniyang damit na lino at tumakas.

      • Bakit sa hardin ng Getsemani hinanap ni Hudas si Jesus?

      • Ano ang ginawa ni Pedro para ipagtanggol si Jesus? Pero ano ang sinabi ni Jesus tungkol dito?

      • Ano ang sinabi ni Jesus para ipakitang sang-ayon siya sa kalooban ng Diyos para sa kaniya?

      • Nang iwanan ng mga apostol si Jesus, sino ang nanatili, at ano ang nangyari?

  • Dinala si Jesus kay Anas, Pagkatapos ay kay Caifas
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Pinupunit ni Caifas ang kaniyang damit; sinampal ng iba si Jesus, ginawa siyang katatawanan, at sinuntok

      KABANATA 125

      Dinala si Jesus kay Anas, Pagkatapos ay kay Caifas

      MATEO 26:57-68 MARCOS 14:53-65 LUCAS 22:54, 63-65 JUAN 18:13, 14, 19-24

      • DINALA SI JESUS SA DATING MATAAS NA SASERDOTENG SI ANAS

      • ISANG ILEGAL NA PAGLILITIS SA SANEDRIN

      Matapos talian si Jesus na gaya ng isang kriminal, dinala siya kay Anas, ang mataas na saserdote noong magpunta ang 12-anyos na si Jesus sa templo at mapahanga ang mga guro doon. (Lucas 2:42, 47) Naging mataas na saserdote rin ang ilan sa mga anak ni Anas, at ang manugang niyang si Caifas ang nasa posisyong iyan ngayon.

      Habang pinagtatatanong ni Anas si Jesus, tinipon ni Caifas ang mga miyembro ng Sanedrin. Kabilang sa 71 miyembro ng hukumang iyan ang kasalukuyan at mga dating mataas na saserdote.

      Tinanong ni Anas si Jesus “tungkol sa mga alagad niya at sa kaniyang turo.” Sumagot si Jesus: “Hayagan akong nagsalita sa lahat ng tao. Lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, kung saan nagtitipon ang lahat ng Judio, at wala akong sinabi nang palihim. Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa mga sinabi ko.”—Juan 18:19-21.

      Sinampal ng isang guwardiya si Jesus at sinabi: “Ganiyan ka ba sumagot sa punong saserdote?” Pero alam ni Jesus na wala siyang ginawang masama, kaya sinabi niya: “Kung may sinabi akong mali, patunayan mo; pero kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” (Juan 18:22, 23) Pagkatapos, ipinadala ni Anas si Jesus sa kaniyang manugang na si Caifas.

      Kumpleto na ngayon ang mga miyembro ng Sanedrin—ang kasalukuyang mataas na saserdote, matatandang lalaki, at mga eskriba. Nagtipon sila sa bahay ni Caifas. Ilegal na maglitis sa gabi ng Paskuwa, pero tuloy pa rin ang kanilang maitim na balak.

      Malabong maging patas ang grupong ito. Matapos buhaying muli ni Jesus si Lazaro, nagpasiya ang Sanedrin na patayin si Jesus. (Juan 11:47-53) At ilang araw pa lang ang nakalilipas mula noong magsabuwatan ang mga lider ng relihiyon para dakpin si Jesus at patayin. (Mateo 26:3, 4) Oo, bago pa man litisin si Jesus, sentensiyado na siya ng kamatayan!

      Bukod sa ilegal na paglilitis, naghanap din ang mga punong saserdote at iba pang miyembro ng Sanedrin ng mga testigong handang magsinungaling. Maraming gustong tumestigo laban kay Jesus, pero hindi magkakatugma ang testimonya nila. Di-nagtagal, dalawang testigo ang nagsabi: “Narinig naming sinabi niya, ‘Ibabagsak ko ang templong ito na ginawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi ginawa ng mga kamay.’” (Marcos 14:58) Pero may pagkakasalungatan din ang testimonya ng dalawang ito.

      Tinanong ni Caifas si Jesus: “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” (Marcos 14:60) Nanatiling tahimik si Jesus sa kabila ng maling paratang ng mga testigong hindi magkakatugma ang testimonya. Kaya nag-iba ng taktika ang mataas na saserdoteng si Caifas.

      Alam ni Caifas na malaking isyu sa mga Judio ang pag-aangkin ng sinuman na siya ay Anak ng Diyos. Kamakailan lang, nang tawagin ni Jesus na Ama ang Diyos, nagalit ang mga Judio at gusto siyang patayin dahil para sa kanila, “ginagawa niyang kapantay ng Diyos ang sarili niya.” (Juan 5:17, 18; 10:31-39) Iyan ang ginamit ni Caifas laban kay Jesus, at sinabi: “Pinanunumpa kita sa harap ng Diyos na buháy na sabihin sa amin kung ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos!” (Mateo 26:63) Dati nang ipinakikilala ni Jesus ang kaniyang sarili bilang ang Anak ng Diyos. (Juan 3:18; 5:25; 11:4) Kung hindi niya ito aaminin ngayon, para na rin niyang itinanggi na siya ang Anak ng Diyos at ang Kristo. Kaya sinabi ni Jesus: “Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan-sa-lahat at dumarating na kasama ng mga ulap sa langit.”—Marcos 14:62.

      Gumawa ngayon ng eksena si Caifas—pinunit niya ang damit niya at sinabi: “Siya ay namusong! Bakit pa natin kailangan ng mga testigo? Narinig na ninyo ang pamumusong niya. Ano sa palagay ninyo?” Nagkaisa ang Sanedrin sa kanilang di-makatarungang hatol: “Dapat siyang mamatay.”—Mateo 26:65, 66.

      Pagkatapos, pinagtawanan nila si Jesus at sinuntok siya. Sinampal naman siya ng iba at dinuraan sa mukha. Matapos nilang takpan ang kaniyang mukha, sinampal nila siya at sinabi: “Hulaan mo kung sino ang humampas sa iyo!” (Lucas 22:64) Isip-isipin iyan! Minamaltrato at nililitis nang ilegal ang Anak ng Diyos!

      • Saan unang dinala si Jesus, at ano ang nangyari sa kaniya roon?

      • Saan sumunod na dinala si Jesus, at ano ang ginawa ni Caifas para mahatulan ng Sanedrin si Jesus ng kamatayan?

      • Paano minaltrato si Jesus noong nililitis siya?

  • Ikinaila ni Pedro si Jesus
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Mula sa balkonahe, tiningnan ni Jesus si Pedro na nagkaila sa kaniya; isang tandang ang nasa likuran

      KABANATA 126

      Ikinaila ni Pedro si Jesus

      MATEO 26:69-75 MARCOS 14:66-72 LUCAS 22:54-62 JUAN 18:15-18, 25-27

      • IKINAILA NI PEDRO SI JESUS

      Nang arestuhin si Jesus sa hardin ng Getsemani, nagtakbuhan ang mga apostol at iniwan siya. Pero dalawa sa kanila ang huminto at bumalik, si Pedro “pati na ang isa pang alagad,” na lumilitaw na si apostol Juan. (Juan 18:15; 19:35; 21:24) Marahil ay naabutan nila si Jesus noong dinadala siya kay Anas. Nang ipadala ni Anas si Jesus sa mataas na saserdoteng si Caifas, sumunod sa di-kalayuan sina Pedro at Juan. Takót na takót silang madamay pero nag-aalala rin sila sa kanilang Panginoon.

      Kilala si Juan ng mataas na saserdote kaya nakapasok siya sa looban, o bakuran, ng bahay ni Caifas. Nasa labas si Pedro pero bumalik si Juan at nakipag-usap sa alilang babae na nagbabantay sa pinto para makapasok si Pedro.

      Malamig nang gabing ito, kaya nagpaningas ng apoy ang mga tao sa looban ng bahay. Nakiupo si Pedro sa tabi nila para magpainit habang hinihintay ang resulta ng paglilitis kay Jesus. (Mateo 26:58) Dahil sa liwanag ng apoy, namukhaan si Pedro ng nagbabantay sa pinto. “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” ang sabi nito. (Juan 18:17) Hindi lang siya ang nakakilala kay Pedro at nagsabing kasamahan siya ni Jesus.—Mateo 26:69, 71-73; Marcos 14:70.

      Kinabahan nang husto si Pedro. Sinisikap na nga niyang huwag mapansin, pero napansin pa rin siya. Kaya ikinaila ni Pedro na kasama siya ni Jesus, na sinasabi: “Hindi ko siya kilala at hindi ko alam ang sinasabi mo.” (Marcos 14:67, 68) Sinabi pa ni Pedro na “sumpain nawa siya kung nagsisinungaling siya,” ibig sabihin, handa siyang maparusahan kung hindi totoo ang sinasabi niya.—Mateo 26:74.

      Samantala, tuloy ang paglilitis kay Jesus, marahil sa isang mataas na bahagi ng bahay ni Caifas. Nakikita marahil ni Pedro at ng iba pang naghihintay sa ibaba ang mga testigong dumarating at umaalis.

      Hindi maitago ni Pedro na taga-Galilea siya dahil sa punto ng pagsasalita niya, kaya halatang nagsisinungaling siya. Isa pa, nandoon sa grupo ang kamag-anak ni Malco, na natagpasan ni Pedro ng tainga. Kaya sinabi nito kay Pedro: “Hindi ba kasama ka niya sa hardin? Nakita kita!” Nang magkaila si Pedro sa ikatlong pagkakataon, tumilaok ang tandang, gaya ng inihula.—Juan 13:38; 18:26, 27.

      Sa pagkakataong ito, posibleng nasa balkonahe si Jesus. Lumingon ang Panginoon at nang tingnan niya si Pedro, parang sinaksak si Pedro sa puso. Naalala niya ang sinabi ni Jesus sa malaking silid sa itaas, ilang oras pa lang ang nakalilipas. Gunigunihin ang nadama ni Pedro nang mapag-isip-isip niya kung gaano kasamâ ang nagawa niya! Lumabas si Pedro at humagulgol.—Lucas 22:61, 62.

      Paano nangyari ito? Paano naikaila ni Pedro ang kaniyang Panginoon samantalang siguradong-sigurado siya sa kaniyang espirituwalidad at katapatan? Pinilipit ang katotohanan, at pinalabas na kriminal si Jesus. Imbes na ipagtanggol ang isang lalaking walang kasalanan, tinalikuran ni Pedro ang Isa na may mga “salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”—Juan 6:68.

      Ipinakikita ng masaklap na karanasan ni Pedro na kahit ang isa na may pananampalataya at debosyon ay puwedeng magkamali kung hindi handa sa mga di-inaasahang pagsubok o tukso. Sana’y maging aral sa lahat ng lingkod ng Diyos ang nangyari kay Pedro!

      • Paano nakapasok sina Pedro at Juan sa looban ng bahay ni Caifas?

      • Habang nasa bakuran sina Pedro at Juan, ano ang nangyayari sa loob ng bahay?

      • Ano ang ibig sabihin ng pagsumpa ni Pedro?

      • Anong aral mula sa karanasan ni Pedro ang dapat nating tandaan?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share