Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ginamit ang Puno ng Igos Para Magturo Tungkol sa Pananampalataya
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nakita ni Jesus at ng mga alagad na natuyot ang puno ng igos na walang bunga

      KABANATA 105

      Ginamit ang Puno ng Igos Para Magturo Tungkol sa Pananampalataya

      MATEO 21:19-27 MARCOS 11:19-33 LUCAS 20:1-8

      • ANG NATUYOT NA PUNO NG IGOS—ARAL SA PANANAMPALATAYA

      • KINUWESTIYON ANG AWTORIDAD NI JESUS

      Lunes ng hapon nang umalis si Jesus sa Jerusalem. Pabalik siya ngayon sa Betania sa silangang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. Malamang na nagpalipas siya ng gabi sa bahay ng mga kaibigan niyang sina Lazaro, Maria, at Marta.

      Umaga na ngayon ng Nisan 11. Pabalik na uli si Jesus at ang mga alagad sa Jerusalem, ang huling pagpunta niya sa templo. Ito na rin ang huling araw ng kaniyang ministeryo bago niya ipagdiwang ang Paskuwa, pasinayaan ang Memoryal ng kaniyang kamatayan, at harapin ang paglilitis at kamatayan.

      Mula sa Betania, binagtas nila ang Bundok ng mga Olibo papuntang Jerusalem. Nakita ni Pedro ang punong isinumpa ni Jesus nang nagdaang araw, at sinabi: “Rabbi, tingnan mo! Tuyot na ang puno ng igos na isinumpa mo.”—Marcos 11:21.

      Pero bakit isinumpa ni Jesus ang puno? Sinabi niya: “Sinasabi ko sa inyo, kung may pananampalataya kayo at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ang ginawa ko sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Kahit pa sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umangat ka at mahulog sa dagat,’ mangyayari iyon. At lahat ng hihilingin ninyo sa panalangin ay ibibigay sa inyo kung nananampalataya kayo.” (Mateo 21:21, 22) Pag-uulit ito ng sinabi niya na kaya ng pananampalataya na maglipat ng bundok.—Mateo 17:20.

      Kaya nang isumpang matuyot ang puno, itinuro ni Jesus kung gaano kahalagang manampalataya sa Diyos. Sinabi niya: “Lahat ng bagay na ipinapanalangin ninyo at hinihiling, manampalataya kayo na tinanggap na ninyo iyon, at tatanggapin ninyo iyon.” (Marcos 11:24) Napakahalagang aral nga para sa mga tagasunod ni Jesus! Lalo nang kailangan ito ng mga apostol dahil malapit na silang dumanas ng matinding pagsubok. Pero may kaugnayan din ang natuyot na puno ng igos sa uri ng ating pananampalataya.

      Gaya ng puno ng igos na ito, nakakadaya ang hitsura ng Israel. Nakipagtipan sa Diyos ang bansa, at kung titingnan, mukhang sinusunod nila ang Kautusan niya. Pero sa pangkalahatan, wala silang pananampalataya at mabuting bunga. Itinakwil pa nga nila ang mismong Anak ng Diyos! Kaya nang isumpa ni Jesus na matuyot ang puno ng igos, ipinakita niya ang kahihinatnan ng walang bunga at walang pananampalatayang bayang ito.

      Di-nagtagal, dumating sa Jerusalem si Jesus at ang mga alagad. Gaya ng nakaugalian ni Jesus, pumasok siya sa templo at nagturo. Malamang na sariwa pa sa isip ng mga punong saserdote at matatandang lalaki ang ginawa ni Jesus sa mga nagpapalit ng salapi, kaya kinuwestiyon nila siya: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga ito?”—Marcos 11:28.

      Sumagot si Jesus: “May itatanong ako sa inyo. Sagutin ninyo ako, at sasabihin ko sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito. Ang awtoridad ba ni Juan na magbautismo ay galing sa langit o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” Ang mga kaaway niya ngayon ang nalagay sa alanganin. Kaya nag-usap-usap sila: “Kung sasabihin natin, ‘Sa langit,’ sasabihin niya, ‘Kung gayon, bakit hindi kayo naniwala sa kaniya?’ Pero maglalakas-loob ba tayong sabihin, ‘Sa mga tao’?” Takót sila sa mga tao dahil “lahat ng ito ay naniniwalang talagang propeta si Juan.”—Marcos 11:29-32.

      Walang maisagot kay Jesus ang mga mananalansang. Kaya sinabi nila: “Hindi namin alam.” Sumagot si Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng awtoridad na gawin ang mga ito.”—Marcos 11:33.

      • Anong mahalagang pangyayari ang naganap noong Nisan 11?

      • Ano ang itinuturo ni Jesus gamit ang puno ng igos na isinumpa niyang matuyot?

      • Paano sinagot ni Jesus ang mga kumukuwestiyon sa kaniyang awtoridad?

  • Dalawang Ilustrasyon Tungkol sa Ubasan
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Mga magsasaka na pinapatay ang anak ng may-ari ng ubasan

      KABANATA 106

      Dalawang Ilustrasyon Tungkol sa Ubasan

      MATEO 21:28-46 MARCOS 12:1-12 LUCAS 20:9-19

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA DALAWANG ANAK

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA MGA MAGSASAKA NG UBASAN

      Sa templo, katatapos lang komprontahin ni Jesus ang mga punong saserdote at matatandang lalaking kumuwestiyon sa awtoridad niya. Napatahimik sila ni Jesus. Nagbigay siya ngayon ng isang ilustrasyon na naglantad sa tunay na kulay nila.

      Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang may dalawang anak. Nilapitan niya ang nakatatandang anak at sinabi rito, ‘Anak, magtrabaho ka ngayon sa ubasan.’ Sinabi nito, ‘Ayoko po,’ pero nakonsensiya ito at nagpunta sa ubasan. Nilapitan niya ang nakababatang anak at ganoon din ang sinabi niya. Sumagot ito, ‘Sige po,’ pero hindi ito nagpunta. Sino sa dalawa ang gumawa ng kalooban ng kaniyang ama?” (Mateo 21:28-31) Maliwanag ang sagot—ang nakatatandang anak na sumunod sa ama nang bandang huli.

      Kaya sinabi ni Jesus sa mga mananalansang: “Sinasabi ko sa inyo na ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna na sa inyo sa Kaharian ng Diyos.” Noong una, ayaw ng mga maniningil ng buwis at ng mga babaeng bayaran na maglingkod sa Diyos. Pero gaya ng nakatatandang anak, nagsisi sila at naglilingkod na ngayon sa Diyos. Ang mga lider ng relihiyon naman ay gaya ng nakababatang anak na nagsasabing naglilingkod sa Diyos pero hindi naman. Sinabi ni Jesus: “Si Juan [Bautista] ay dumating sa inyo na nagtuturo ng matuwid na daan, pero hindi kayo naniwala sa kaniya. Ang mga maniningil ng buwis at mga babaeng bayaran ay naniwala sa kaniya. Nakita ninyo ito, pero hindi pa rin kayo nagsisi at hindi kayo naniwala sa kaniya.”—Mateo 21:31, 32.

      Naglahad si Jesus ng isa pang ilustrasyon, at dito, ipinakita niya na mas malala pa sa hindi paglilingkod sa Diyos ang ginawa nila. Ang totoo, napakasama nila. Sinabi ni Jesus: “Isang tao ang nagtanim ng ubas sa kaniyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, gumawa rito ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang tore; pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka, at naglakbay siya sa ibang lupain. Pagdating ng anihan, pinapunta niya ang alipin niya sa mga magsasaka para kunin ang parte niya sa mga inaning ubas. Pero sinunggaban nila ito, binugbog, at pinauwing walang dala. Pinapunta ng may-ari ng ubasan ang isa pang alipin, at ang isang iyon ay pinalo nila sa ulo at hiniya. At nagpapunta siya ng isa pa, at ang isang iyon ay pinatay nila. Marami pa siyang pinapunta. Ang ilan sa mga ito ay binugbog nila, at ang ilan naman ay pinatay nila.”—Marcos 12:1-5.

      Maiintindihan kaya ng mga tagapakinig ni Jesus ang ilustrasyon? Maaaring naalala nila ang salita ni Isaias: “Ang ubasan ni Jehova ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay siyang taniman na kaniyang kinagiliwan. At patuloy niyang inaasahan ang kahatulan, ngunit, narito! ang paglabag sa kautusan.” (Isaias 5:7) Katulad ito ng ilustrasyon ni Jesus. Si Jehova ang may-ari ng ubasan, at ang Israel ang ubasan, na nababakuran at napoprotektahan ng Kautusan ng Diyos. Nagsugo si Jehova ng mga propeta para turuan ang bayan at tulungang mamunga ng mabuting bunga.

      Pero minaltrato at pinatay ng “mga magsasaka” ang mga “alipin” na isinugo sa kanila. Ipinaliwanag ni Jesus: “May isa pa siyang [ang may-ari ng ubasan] puwedeng papuntahin, ang minamahal niyang anak. Ito ang huling pinapunta niya sa kanila. Sa loob-loob niya, ‘Igagalang nila ang anak ko.’ Pero nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Siya ang tagapagmana. Patayin natin siya para mapunta sa atin ang mana niya.’ Kaya sinunggaban nila siya at pinatay.”—Marcos 12:6-8.

      Nagtanong si Jesus: “Ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” (Marcos 12:9) Sumagot ang mga lider ng relihiyon: “Dahil masama sila, pupuksain niya sila at pauupahan ang ubasan sa ibang mga magsasaka, na magbibigay sa kaniya ng parte niya kapag anihan na.”—Mateo 21:41.

      Wala silang kamalay-malay na hinatulan nila ang sarili nila, dahil kabilang sila sa “mga magsasaka” sa “ubasan” ni Jehova, ang bansang Israel. Kasama sa ani na inaasahan ni Jehova sa mga magsasakang iyon ang pananampalataya sa Anak niya, ang Mesiyas. Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Hindi ba ninyo nabasa ang kasulatang ito: ‘Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging pangunahing batong-panulok. Nagmula ito kay Jehova at kahanga-hanga ito sa paningin natin’?” (Marcos 12:10, 11) Tinumbok ni Jesus ang punto: “Ang Kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang gumagawa ng kalooban ng Diyos.”—Mateo 21:43.

      Nahalata ng mga eskriba at mga punong saserdote na “sila ang nasa isip ni Jesus nang sabihin niya ang ilustrasyong ito.” (Lucas 20:19) Kaya lalo silang nagpursiging patayin siya, ang legal na “tagapagmana.” Pero takót sila sa mga tao, na ang turing kay Jesus ay propeta, kaya hindi nila tinangkang patayin si Jesus sa pagkakataong iyon.

      • Kanino lumalarawan ang dalawang anak sa ilustrasyon ni Jesus?

      • Sa ikalawang ilustrasyon, kanino lumalarawan ang “may-ari ng ubasan,” ang “ubasan,” ang “mga magsasaka,” ang mga “alipin,” at ang “tagapagmana”?

      • Ano ang mangyayari sa “mga magsasaka”?

  • Tinawag ng Hari ang mga Imbitado sa Handaan ng Kasal
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Iniutos ng Hari na ihagis sa labas ang lalaki na hindi nakadamit pangkasalan

      KABANATA 107

      Tinawag ng Hari ang mga Imbitado sa Handaan ng Kasal

      MATEO 22:1-14

      • ILUSTRASYON TUNGKOL SA HANDAAN NG KASAL

      Habang palapit ang wakas ng ministeryo ni Jesus, patuloy siyang gumamit ng mga ilustrasyon para ilantad ang mga eskriba at mga punong saserdote. Kaya gusto nila siyang patayin. (Lucas 20:19) Pero hindi pa tapos si Jesus sa kanila. Naglahad siya ng isa pang ilustrasyon:

      “Ang Kaharian ng langit ay katulad ng isang hari na nagsaayos ng handaan para sa kasal ng anak niyang lalaki. At inutusan niya ang mga alipin niya para tawagin ang mga imbitado sa handaan, pero ayaw nilang pumunta.” (Mateo 22:2, 3) Sinimulan ni Jesus ang ilustrasyon sa pagbanggit ng “Kaharian ng langit.” Kaya maliwanag na ang Diyos na Jehova ang “hari.” Sino naman ang anak ng hari at ang mga inimbitahan? Malinaw na ang anak ng hari ay ang Anak ni Jehova, ang mismong naglalahad ng ilustrasyon. Malinaw rin na ang mga inimbitahan ay ang mga makakasama ng Anak sa Kaharian ng langit.

      Sino ang mga unang inimbitahan? Buweno, kanino ba ipinangaral ni Jesus at ng mga apostol ang Kaharian? Sa mga Judio. (Mateo 10:6, 7; 15:24) Tinanggap ng bansang ito ang tipang Kautusan noong 1513 B.C.E., kaya unang-una sila sa listahan ng mapapabilang sa “isang kaharian ng mga saserdote.” (Exodo 19:5-8) Pero kailan sila tatawagin sa “handaan para sa kasal”? Nagsimulang mangaral si Jesus tungkol sa Kaharian noong 29 C.E., kaya nang taon ding ito nagsimula ang pag-iimbita.

      Ano ang tugon ng karamihan sa mga Israelita? Gaya ng sabi ni Jesus, “ayaw nilang pumunta.” Hindi tinanggap ng karamihan sa mga lider ng relihiyon at ng mga tao si Jesus bilang ang Mesiyas at Haring pinili ng Diyos.

      Pero ipinakita ni Jesus na may isa pang pagkakataon ang mga Judio: “Inutusan [ng hari] ang iba pang alipin, ‘Sabihin ninyo sa mga imbitado: “Inihanda ko na ang tanghalian, ang aking mga baka at mga pinatabang hayop ay nakatay na, at nakahanda na ang lahat. Halina kayo sa handaan.”’ Pero hindi nila pinansin ang imbitasyon. Ang ilan sa kanila ay pumunta sa bukid, at ang iba ay sa negosyo nila; sinunggaban naman ng iba pa ang mga alipin ng hari, ininsulto ang mga ito, binugbog, at pinatay.” (Mateo 22:4-6) Tumutukoy iyan sa mangyayari kapag naitatag na ang kongregasyong Kristiyano. Sa panahong iyon, may pagkakataon pa ang mga Judio na makapasok sa Kaharian ng Diyos, pero ayaw pa rin ng marami; pinagmalupitan pa nga nila ang mga ‘alipin ng hari.’—Gawa 4:13-18; 7:54, 58.

      Ano ang kahihinatnan ng bansa? Sinabi ni Jesus: “Nagalit nang husto ang hari, kaya isinugo niya ang mga hukbo niya para puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang lunsod nila.” (Mateo 22:7) Naranasan iyan ng mga Judio noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang “lunsod nila,” ang Jerusalem.

      Nang tanggihan nila ang imbitasyon, nangangahulugan ba na wala nang iimbitahan ang hari? Hindi. Ipinagpatuloy ni Jesus ang ilustrasyon: “Pagkatapos, sinabi [ng hari] sa mga alipin niya, ‘Ang handaan ng kasalan ay nakaayos na, pero ang mga inimbitahan ay hindi karapat-dapat. Kaya pumunta kayo sa mga daan na papalabas ng lunsod, at imbitahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’ Kaya pumunta sa mga daan ang mga aliping iyon at inimbitahan ang sinumang makita nila, masamang tao man o mabuti; at ang bulwagan para sa seremonya ng kasal ay napuno ng mga bisita.”—Mateo 22:8-10.

      Kaugnay nito, tutulungan ni apostol Pedro sa kalaunan ang mga Gentil—mga di-likas na Judio o proselita—na maging tunay na Kristiyano. Pagsapit ng 36 C.E., ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio at ang pamilya nito ay makatatanggap ng espiritu ng Diyos, at nakalinyang mapabilang sa Kaharian ng langit na binanggit ni Jesus.—Gawa 10:1, 34-48.

      Ipinahiwatig ni Jesus na hindi lahat ng pumunta sa handaan ay magiging katanggap-tanggap sa “hari.” Sinabi niya: “Nang dumating ang hari para tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaki na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan. Kaya sinabi niya rito, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakasuot ng damit para sa kasalan?’ Hindi ito nakapagsalita. Kaya sinabi ng hari sa mga lingkod niya, ‘Itali ninyo ang mga kamay at paa niya at ihagis siya sa kadiliman sa labas. Iiyak siya roon at magngangalit ang mga ngipin niya.’ Marami ang inimbitahan, pero kakaunti ang pinili.”—Mateo 22:11-14.

      Maaaring hindi naintindihan ng mga lider ng relihiyon ang kahulugan o epekto sa kanila ng sinabi ni Jesus. Pero hindi sila natuwa. Mas nagpursigi silang ipapatay si Jesus, ang naglantad ng tunay na kulay nila.

      • Sa ilustrasyon ni Jesus, sino ang “hari,” ang “anak,” at ang mga unang inimbitahan sa handaan ng kasal?

      • Kailan inimbitahan ang mga Judio, at sino ang iba pang inimbitahan?

      • Ano ang ipinakikita ng sinabi ni Jesus na marami ang inimbitahan pero kakaunti ang pinili?

  • Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Hawak ni Jesus ang baryang pambayad ng buwis nang sagutin niya ang tusong tanong ng mga Pariseo

      KABANATA 108

      Binigo ni Jesus ang Pakanang Hulihin Siya

      MATEO 22:15-40 MARCOS 12:13-34 LUCAS 20:20-40

      • IBAYAD KAY CESAR ANG MGA BAGAY NA KAY CESAR

      • PUWEDE BANG MAG-ASAWA ANG MGA BUBUHAYING MULI?

      • ANG PINAKAMAHALAGANG UTOS

      Inis na inis ang mga kaaway ni Jesus. Katatapos lang niyang magbigay ng ilustrasyon na nagbunyag sa tunay na kulay nila. Nagpakana ngayon ang mga Pariseo para hulihin siya. Gusto nilang may masabi siya na puwedeng gamitin laban sa kaniya at ipaaresto siya sa Romanong gobernador. Binayaran nila ang ilang alipores nila para gawin ito.—Lucas 6:7.

      “Guro,” ang sabi ng mga ito, “alam naming nagsasabi ka at nagtuturo ng katotohanan at hindi ka nagtatangi, at tama ang itinuturo mo tungkol sa Diyos: Tama bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi?” (Lucas 20:21, 22) Hindi nila mauuto si Jesus; kabisado niya ang kanilang pagkukunwari at katusuhan. Kung sasabihin niya, ‘Hindi tamang magbayad ng buwis,’ puwede siyang maakusahan ng sedisyon. Kung sasabihin naman niya, ‘Oo, dapat magbayad ng buwis,’ baka magalit ang taumbayan, na nasusuklam sa pananakop ng Roma. Kaya ano ang isasagot niya?

      Sumagot si Jesus: “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? Ipakita ninyo sa akin ang baryang pambayad ng buwis.” Pagkabigay sa kaniya ng isang denario, nagtanong siya: “Kaninong larawan at pangalan ito?” Sinabi nila: “Kay Cesar.” Nagbigay ngayon si Jesus ng napakahusay na sagot: “Kung gayon, ibayad ninyo kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, pero sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.”—Mateo 22:18-21.

      Humanga sila sa sagot ni Jesus. Hindi sila nakakibo at umalis na lang. Pero hindi pa tapos ang araw, pati na ang pagtatangkang hulihin siya. Matapos pumalya ang mga Pariseo, mga lider naman ng ibang relihiyon ang lumapit kay Jesus.

      Ang mga Saduceo naman, na nagsasabing walang pagkabuhay-muli, ang nagtanong tungkol sa pagkabuhay-muli at pagkuha sa biyuda ng namatay na kapatid bilang asawa: “Guro, sinabi ni Moises: ‘Kung mamatay ang isang lalaki nang walang anak, ang asawa niya ay pakakasalan ng kapatid niyang lalaki para magkaroon ng anak ang namatay na kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki dito sa amin. Ang una ay nag-asawa at namatay, at dahil hindi siya nagkaroon ng anak, naiwan ang asawa niya sa kapatid niyang lalaki. Ganoon din ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. Bandang huli, namatay rin ang babae. Ngayon, dahil siya ay napangasawa nilang lahat, sino sa pito ang magiging asawa ng babae kapag binuhay silang muli?”—Mateo 22:24-28.

      Mula sa mga akda ni Moises, na pinaniniwalaan ng mga Saduceo, sumagot si Jesus: “Hindi ninyo alam ang Kasulatan o ang kapangyarihan ng Diyos, kaya mali ang iniisip ninyo. Dahil sa pagkabuhay-muli, hindi mag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, kundi sila ay magiging gaya ng mga anghel sa langit. Pero tungkol sa pagkabuhay-muli, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa ulat tungkol sa matinik na halaman, na sinabi ng Diyos sa kaniya: ‘Ako ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob’? Siya ay Diyos, hindi ng mga patay, kundi ng mga buháy. Maling-mali kayo.” (Marcos 12:24-27; Exodo 3:1-6) Humanga ang mga tao sa sagot na iyon.

      Napatahimik ni Jesus ang mga Pariseo at Saduceo, kaya nagsanib-puwersa ang mga kaaway ni Jesus. Isang eskriba ang nagtanong: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?”—Mateo 22:36.

      Sumagot si Jesus: “Ang pinakamahalaga ay ‘Makinig kayo, O Israel, si Jehova na Diyos natin ay nag-iisang Jehova, at dapat mong ibigin si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo at nang buong lakas mo.’ Ang ikalawa ay ito, ‘Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa sa mga ito.”—Marcos 12:29-31.

      Pagkarinig sa sagot, sinabi ng eskriba: “Guro, mahusay! Totoo ang sinabi mo, ‘Siya ay nag-iisa, at wala nang iba pa bukod sa kaniya’; at ang pag-ibig sa kaniya nang buong puso, buong pag-iisip, at buong lakas at ang pagmamahal sa kapuwa gaya ng pagmamahal sa sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng handog na sinusunog at mga hain.” Dahil sa mahusay na sagot ng eskriba, sinabi rito ni Jesus: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.”—Marcos 12:32-34.

      Tatlong araw (Nisan 9, 10, at 11) nang nagtuturo si Jesus sa templo. Nasiyahan ang ilan, gaya ng eskribang ito, sa pakikinig sa kaniya. Pero hindi ang mga lider ng relihiyon, na nawalan ng “lakas ng loob na magtanong sa kaniya.”

      • Paano tinangka ng mga Pariseo na hulihin si Jesus? Ano ang resulta?

      • Nang tangkain ng mga Saduceo na siluin siya, paano sila sinagot ni Jesus?

      • Sa sagot ni Jesus sa tanong ng eskriba, ano ang idiniin niyang pinakamahalagang utos?

  • Binatikos ang mga Mananalansang
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Inilalantad ni Jesus ang tunay na kulay ng mga sumasalansang sa kaniya

      KABANATA 109

      Binatikos ang mga Mananalansang

      MATEO 22:41–23:24 MARCOS 12:35-40 LUCAS 20:41-47

      • KANINONG ANAK ANG KRISTO?

      • INILANTAD NI JESUS ANG MGA MAPAGKUNWARING MANANALANSANG

      Nabigo ang mga mananalansang na siraan si Jesus o hulihin siya sa kaniyang salita at ipaaresto sa mga Romano. (Lucas 20:20) Nasa templo pa rin si Jesus noong Nisan 11, at siya naman ang nagtanong sa kanila para ipakita kung sino talaga siya: “Ano ang tingin ninyo sa Kristo? Kaninong anak siya?” (Mateo 22:42) Alam ng lahat na ang Kristo, o Mesiyas, ay manggagaling sa angkan ni David. At iyan ang isinagot nila.—Mateo 9:27; 12:23; Juan 7:42.

      Nagtanong uli si Jesus: “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na Panginoon? Sinabi ni David udyok ng banal na espiritu: ‘Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: “Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ilagay ko ang mga kaaway mo sa ilalim ng iyong mga paa.”’ Ngayon, kung tinatawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak ni David?”—Mateo 22:43-45.

      Walang maisagot ang mga Pariseo, dahil isang tao sa angkan ni David ang inaasahan nilang darating para palayain sila mula sa Roma. Pero gamit ang salita ni David sa Awit 110:1, 2, ipinakita ni Jesus na ang Mesiyas ay hindi lang basta isang tagapamahalang tao; Panginoon siya ni David. At matapos umupo sa kanan ng Diyos, mamamahala siya bilang Hari. Sa sagot ni Jesus, hindi nakakibo ang mga kaaway niya.

      Bukod sa mga alagad, marami pang iba ang nakikinig. Ngayon, nagbabala si Jesus tungkol sa mga eskriba at Pariseo. Ang mga ito ay “umupo sa upuan ni Moises” para magturo ng Kautusan ng Diyos. Pinayuhan ni Jesus ang mga nakikinig: “Gawin ninyo ang lahat ng sinasabi nila, pero huwag ninyong gayahin ang ginagawa nila, dahil hindi nila ginagawa ang sinasabi nila.”—Mateo 23:2, 3.

      Nagbigay si Jesus ng halimbawa ng pagkukunwari nila: “Pinalalaki nila ang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan na isinusuot nila bilang proteksiyon.” Ang ilang Judio ay naglalagay sa noo o sa braso nila ng maliliit na lalagyan na may maiikling pagsipi sa Kautusan. Pero pinalaki ng mga Pariseo ang lalagyan nila para palabasing may debosyon sila sa Kautusan. Kanila ring “pinahahaba ang mga palawit ng mga damit nila.” Dapat maglagay ng palawit sa damit ang mga Israelita, pero mas pinahaba ng mga Pariseo ang palawit ng damit nila. (Bilang 15:38-40) Ginagawa nila ang mga ito “para makita ng mga tao.”—Mateo 23:5.

      Kahit ang mga alagad ni Jesus ay may tendensiyang maghangad ng posisyon, kaya pinayuhan niya sila: “Huwag kayong patawag na Rabbi, dahil iisa ang inyong Guro, at lahat kayo ay magkakapatid. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama, ang nasa langit. At huwag kayong patawag na mga lider, dahil iisa ang inyong Lider, ang Kristo.” Kaya ano ang dapat na tingin ng mga alagad sa sarili? At paano sila dapat gumawi? Idinagdag ni Jesus: “Ang pinakadakila sa inyo ay dapat na maglingkod. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.”—Mateo 23:8-12.

      Pagkatapos, ipinahayag ni Jesus ang miserableng kalagayan ng mapagkunwaring mga eskriba at Pariseo: “Kaawa-awa kayo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagkunwari! Isinasara ninyo ang Kaharian ng langit sa mga tao; dahil kayo mismo ay hindi pumapasok, at hinahadlangan ninyo ang mga papasók na rito.”—Mateo 23:13.

      Binatikos ni Jesus ang mga Pariseo dahil wala silang pakialam sa kung ano ang mahalaga sa Diyos, gaya ng makikita sa mga tuntuning gawa-gawa nila. Halimbawa, sinasabi nila: “Kung ipanumpa ng isa ang templo, hindi siya obligadong tuparin ang isinumpa niya; pero kung ipanumpa niya ang ginto ng templo, obligado siyang tuparin ito.” Kitang-kita ang baluktot na pangangatuwiran nila. Mas mahalaga sa kanila ang ginto ng templo kaysa sa layunin kung bakit may templo—sambahin si Jehova at mapalapít sa kaniya. At binabale-wala nila ang “mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:16, 23; Lucas 11:42.

      Tinawag ni Jesus na “mga bulag na tagaakay” ang mga Pariseong ito, “na sumasala ng niknik pero lumululon ng kamelyo!” (Mateo 23:24) Sinasala nila ang niknik mula sa alak dahil marumi ito sa seremonyal na paraan. Pero ang pagbale-wala nila sa mas mahahalagang bagay sa Kautusan ay tulad ng paglulon ng kamelyo, na marumi rin sa seremonyal na paraan at di-hamak na mas malaki kaysa sa niknik.—Levitico 11:4, 21-24.

      • Nang tanungin ni Jesus ang mga Pariseo tungkol sa sinabi ni David sa Awit 110, bakit hindi sila nakakibo?

      • Bakit ginagawang mas malaki ng mga Pariseo ang kanilang mga sisidlang naglalaman ng kasulatan at pinahahaba ang mga palawit ng kanilang damit?

      • Ano ang ipinayo ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

  • Ang Huling Araw ni Jesus sa Templo
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Pinagmamasdan ni Jesus ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang maliliit na barya sa kabang-yaman ng templo

      KABANATA 110

      Ang Huling Araw ni Jesus sa Templo

      MATEO 23:25–24:2 MARCOS 12:41–13:2 LUCAS 21:1-6

      • LALO PANG BINATIKOS NI JESUS ANG MGA LIDER NG RELIHIYON

      • WAWASAKIN ANG TEMPLO

      • ISANG MAHIRAP NA BIYUDA ANG NAG-ABULOY NG DALAWANG MALILIIT NA BARYA

      Noong huling araw ni Jesus sa templo, ipinagpatuloy niya ang paglalantad sa mga eskriba at Pariseo, at tinawag niya silang mapagkunwari. Ganito niya sila inilarawan: “Nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, pero ang loob naman nito ay punô ng kasakiman at pagpapakasasa. Bulag na Pariseo, linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan para ang labas nito ay maging malinis din.” (Mateo 23:25, 26) Metikuloso ang mga Pariseo pagdating sa seremonyal na kalinisan at sa hitsura nila, pero marumi ang kanilang pagkatao pati ang kanilang puso.

      Ginagawan nila ng libingan ang mga propeta at pinapalamutian ang mga ito, pero pagpapaimbabaw ito! Gaya ng sinabi ni Jesus, mga anak sila ng “mga pumatay sa mga propeta.” (Mateo 23:31) Kitang-kita ito sa pagsisikap nilang patayin si Jesus.—Juan 5:18; 7:1, 25.

      Sinabi ngayon ni Jesus ang kahihinatnan ng mga lider ng relihiyon kung hindi sila magsisisi: “Mga ahas, anak ng mga ulupong, paano kayo makatatakas sa parusa sa Gehenna?” (Mateo 23:33) Sa Lambak ng Hinom sinusunog ang mga basura, isang malinaw na larawan ng permanenteng pagkapuksang naghihintay sa napakasamang mga eskriba at Pariseo.

      Ang mga alagad ni Jesus ang kakatawan sa kaniya bilang “mga propeta at mga taong marurunong at mga pangmadlang tagapagturo.” Paano sila tatratuhin? Sinabi ni Jesus sa mga lider ng relihiyon: “Papatayin ninyo at ibabayubay sa tulos ang ilan sa [mga alagad ko], at ang iba ay hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at pag-uusigin sa bawat lunsod. Kaya mananagot kayo sa lahat ng dumanak na dugo ng matuwid na mga tao, mula sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias . . . na pinatay ninyo.” Nagbabala si Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, mangyayari ang lahat ng ito sa henerasyong ito.” (Mateo 23:34-36) At iyan nga ang nangyari noong 70 C.E. nang wasakin ng hukbong Romano ang Jerusalem at libo-libong Judio ang namatay.

      Lungkot na lungkot si Jesus sa mangyayaring ito. Sinabi niya: “Jerusalem, Jerusalem, ang pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinugo sa kaniya—ilang ulit kong sinikap na tipunin ang mga anak mo, kung paanong tinitipon ng inahing manok ang mga sisiw niya sa ilalim ng kaniyang mga pakpak! Pero ayaw ninyo. Kaya pababayaan ng Diyos ang bahay ninyo.” (Mateo 23:37, 38) Tiyak na napaisip ang mga tagapakinig kung anong “bahay” ang tinutukoy niya. Ito kaya ay ang maringal na templo sa Jerusalem, na para bang pinoprotektahan ng Diyos?

      Idinagdag ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita mula ngayon hanggang sa sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang isa na dumarating sa pangalan ni Jehova!’” (Mateo 23:39) Sinipi niya ang mga salitang inihula sa Awit 118:26: “Pagpalain nawa ang Isa na dumarating sa pangalan ni Jehova; pinagpala namin kayo mula sa bahay ni Jehova.” Maliwanag, kapag nawasak ang literal na templong ito, wala nang pupunta roon para sumamba sa Diyos.

      Pumunta ngayon si Jesus sa isang lugar sa templo kung saan nakalagay ang mga kabang-yaman na hugis trumpetang nakataob. Sa maliit na butas sa ibabaw ng mga ito inihuhulog ng mga tao ang kontribusyon nila. Nakita ni Jesus na ginagawa iyan ng mga Judio, at ang mayayaman ay “naghuhulog ng malaking halaga.” Pagkatapos, pinagmasdan ni Jesus ang isang mahirap na biyuda na naghuhulog ng “dalawang maliliit na barya, na napakaliit ng halaga.” (Marcos 12:41, 42) Alam ni Jesus na tuwang-tuwa ang Diyos sa inihulog ng biyuda.

      Tinawag ni Jesus ang mga alagad, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inihulog ng mahirap na biyudang ito kaysa sa lahat ng iba pa na naghulog ng pera sa mga kabang-yaman.” Bakit? Ipinaliwanag niya: “Silang lahat ay naghulog mula sa kanilang sobra, pero siya, kahit na kapos, ay naghulog ng lahat ng pera niya, ang buong ikabubuhay niya.” (Marcos 12:43, 44) Talagang ibang-iba ang biyuda sa mga lider ng relihiyon!

      Papatapos na ang Nisan 11, at umalis na si Jesus sa templo sa huling pagkakataon. Sinabi ng isang alagad: “Guro, tingnan mo! Napakalaking mga bato at napakagandang mga gusali!” (Marcos 13:1) Talagang napakalaki ng ilang bato sa pader ng templo, kaya hindi maiisip ninuman na magigiba ito. Kaya nakapagtataka ang sinabing ito ni Jesus: “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitirang magkapatong na bato rito. Lahat ay ibabagsak.”—Marcos 13:2.

      Pagkasabi niya nito, tumawid si Jesus at ang mga apostol sa Lambak ng Kidron at umahon sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo. May pagkakataon na apat lang sa mga apostol ang kasama niya—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Mula sa kanilang kinaroroonan, tanaw nila ang kahanga-hangang templo.

      • Ano ang ginawa ni Jesus noong huling araw niya sa templo?

      • Ano ang inihula ni Jesus tungkol sa kahihinatnan ng templo?

      • Bakit sinabi ni Jesus na mas malaki ang inihulog ng biyuda kaysa sa mayayaman?

  • Humingi ng Tanda ang mga Apostol
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Sinasagot ni Jesus ang tanong ng apat na apostol

      KABANATA 111

      Humingi ng Tanda ang mga Apostol

      MATEO 24:3-51 MARCOS 13:3-37 LUCAS 21:7-38

      • APAT NA APOSTOL ANG HUMINGI NG TANDA

      • KATUPARAN NG MGA HULA NOONG UNANG SIGLO AT SA HINAHARAP

      • DAPAT TAYONG PATULOY NA MAGBANTAY

      Martes ng hapon noon, at matatapos na ang Nisan 11. Patapos na rin ang abalang gawain ni Jesus dito sa lupa. Nagtuturo siya sa templo kung araw, at nagpapalipas ng gabi sa labas ng lunsod. Interesadong-interesado ang mga tao, at sila ay “maagang pumupunta sa templo para makinig sa kaniya.” (Lucas 21:37, 38) Ngayon, nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo kasama ng apat na apostol—sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan.

      Lumapit nang sarilinan kay Jesus ang apat na ito. Iniisip nila ang templo dahil kasasabi lang ni Jesus na walang matitirang magkapatong na bato rito. Pero hindi lang ito ang iniisip nila. Bago nito, sinabi sa kanila ni Jesus: “Manatili rin kayong handa, dahil sa oras na hindi ninyo inaasahan, darating ang Anak ng tao.” (Lucas 12:40) Sinabi rin niya ang tungkol sa “araw . . . kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Lucas 17:30) Kaugnay kaya ito ng sinabi ni Jesus tungkol sa templo? Interesado ang mga apostol. “Sabihin mo sa amin,” ang sabi nila, “kailan mangyayari ang mga ito, at ano ang magiging tanda ng presensiya mo at ng katapusan ng sistemang ito?”—Mateo 24:3.

      Maaaring iniisip nila ang pagkawasak ng mismong templong natatanaw nila. Nagtanong din sila tungkol sa presensiya ng Anak ng tao. Baka naalaala nila ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa “isang taong ipinanganak na maharlika” na naglakbay “para makakuha ng kapangyarihan bilang hari” at pagkatapos ay bumalik. (Lucas 19:11, 12) Isa pa, iniisip din nila kung ano ang nasasangkot sa “katapusan ng sistemang ito.”

      Sa sagot ni Jesus, nagbigay siya ng tanda na nagpapahiwatig kung kailan magwawakas ang umiiral na Judiong sistema, pati na ang templo. Pero hindi lang iyan. Ang tanda ay makatutulong sa mga Kristiyano sa makabagong panahon na malaman kung sila ay nasa panahon na ng kaniyang “presensiya” at sa katapusan ng buong sistema ng mga bagay sa lupa.

      Sa pagdaan ng mga taon, nakita ng mga apostol ang katuparan ng hula ni Jesus. Oo, marami sa mga bagay na inihula niya ang nagsimulang matupad noong nabubuhay pa sila. Kaya hindi ikinagulat ng mapagbantay na mga Kristiyano na nabuhay 37 taon pagkalipas nito, noong 70 C.E., ang pagkawasak ng Judiong sistema at ng templo. Pero hindi lahat ng inihula ni Jesus ay naganap sa mga taon bago ang 70 C.E. at noong 70 C.E. mismo. Kaya ano ang magiging tanda ng kaniyang presensiya bilang Hari sa Kaharian? Isiniwalat ni Jesus sa mga apostol ang sagot.

      Inihula ni Jesus na magkakaroon ng mga “digmaan at ng mga ulat ng digmaan” at “maglalabanan ang mga bansa at mga kaharian.” (Mateo 24:6, 7) Sinabi rin niya na “magkakaroon ng malalakas na lindol, gayundin ng mga epidemya at taggutom sa iba’t ibang lugar.” (Lucas 21:11) Nagbabala si Jesus sa kaniyang mga alagad: “Aarestuhin kayo ng mga tao at pag-uusigin kayo.” (Lucas 21:12) May mga magkukunwaring propeta at marami silang maililigaw. Lalaganap ang kasamaan, at manlalamig ang pag-ibig ng maraming tao. Sinabi rin ni Jesus na ang “mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.

      Bagaman natupad ang ilang bahagi ng hula ni Jesus hanggang sa wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, may mas malaki kayang katuparan sa hinaharap ang hula ni Jesus? May nakikita ka bang ebidensiya na natutupad sa panahon natin ang napakahalagang hula ni Jesus?

      Kasama sa tanda ng presensiya ni Jesus ang paglitaw ng “kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.” (Mateo 24:15) Noong 66 C.E., ang kasuklam-suklam na bagay na ito ay ang “nagkakampong mga hukbo” ng Roma, na may dalang idolatrosong simbolo, o watawat. Pinaligiran ng mga Romano ang Jerusalem at giniba ang ilang bahagi ng pader nito. (Lucas 21:20) Kaya tumayo ang “kasuklam-suklam na bagay” sa isang dako na para sa mga Judio ay “isang banal na lugar.”

      Inihula pa ni Jesus: “Magkakaroon ng malaking kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng mundo hanggang sa ngayon at hindi na mangyayari pang muli.” Noong 70 C.E., winasak ng mga Romano ang Jerusalem. Ang ginawang ito ng mga Romano sa “banal na lunsod” ng mga Judio, pati na sa templo, ay naging malaking kapighatian, at libo-libo ang napatay. (Mateo 4:5; 24:21) Ito ang pinakamatinding pagkawasak na naranasan ng lunsod at ng mga Judio, at winakasan nito ang daan-daang taon nang sistema ng pagsamba ng mga Judio. Kaya sa mas malaking katuparan ng hula ni Jesus sa hinaharap, tiyak na magiging kagimbal-gimbal ito.

      PAMPATIBAY KAPAG DUMATING ANG INIHULANG MGA ARAW

      Hindi pa tapos ang pakikipag-usap ni Jesus sa mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya bilang Hari sa Kaharian at sa wakas ng sistemang ito. Nagbabala siya tungkol sa pagsunod sa mga ‘nagpapanggap na Kristo at nagkukunwaring mga propeta.’ Tatangkain ng mga ito na “iligaw, kung posible, maging ang mga pinili.” (Mateo 24:24) Pero hindi maililigaw ang mga piniling ito. Ang nagpapanggap na mga Kristo ay nakikita, samantalang ang presensiya ni Jesus ay hindi nakikita.

      Tungkol sa malaking kapighatian na magaganap sa wakas ng kasalukuyang sistema, sinabi ni Jesus: “Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay hindi magliliwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.” (Mateo 24:29) Hindi alam ng mga apostol na nakarinig sa nakapangingilabot na paglalarawang ito kung ano ang eksaktong mangyayari, pero siguradong kakila-kilabot iyon!

      Paano ito makaaapekto sa sangkatauhan? Sinabi ni Jesus: “Ang mga tao ay mahihimatay sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na mangyayari sa lupa, dahil ang mga kapangyarihan ng mga langit ay mayayanig.” (Lucas 21:26) Oo, inilalarawan dito ni Jesus ang magiging pinakamalagim na yugto sa kasaysayan ng tao.

      Pero ang nakapagpapatibay, nilinaw ni Jesus sa mga apostol na hindi lahat ay magdadalamhati kapag ang ‘Anak ng tao ay dumating na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.’ (Mateo 24:30) Sinabi niyang may gagawin ang Diyos para “sa mga pinili.” (Mateo 24:22) Kaya ano ang dapat na maging reaksiyon ng gayong tapat na mga alagad sa kahindik-hindik na katuparan ng hula ni Jesus? Pinatibay ni Jesus ang mga tagasunod niya: “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, dahil nalalapit na ang kaligtasan ninyo.”—Lucas 21:28.

      Pero paano malalaman ng mga alagad ni Jesus sa inihulang panahong ito na malapit na ang wakas? Nagbigay si Jesus ng ilustrasyon tungkol sa puno ng igos: “Sa sandaling tubuan ito ng malalambot na sanga at umusbong ang mga dahon nito, alam ninyo na malapit na ang tag-araw. Sa katulad na paraan, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng ito, makatitiyak kayong malapit na siya at nasa pintuan na. Sinasabi ko sa inyo na ang henerasyong ito ay hindi lilipas hanggang sa mangyari ang lahat ng ito.”—Mateo 24:32-34.

      Kaya kapag nakita ng mga alagad na natutupad na ang iba’t ibang bahagi ng tanda, mauunawaan nilang malapit na ang wakas. Bilang babala sa mga alagad na mabubuhay sa napakahalagang panahong ito, sinabi ni Jesus:

      “Tungkol sa araw at oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak, kundi ang Ama lang. Dahil ang presensiya ng Anak ng tao ay magiging gaya noong panahon ni Noe. Noong panahong iyon bago ang Baha, ang mga tao ay kumakain at umiinom, ang mga lalaki at babae ay nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka, at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang Baha at tinangay silang lahat. Magiging gayon ang presensiya ng Anak ng tao.” (Mateo 24:36-39) Ikinumpara ni Jesus ang presensiya ng Anak ng tao sa Baha noong panahon ni Noe para ipakitang pambuong daigdig ang epekto nito.

      Tiyak na naunawaan ng mga apostol na nakikinig kay Jesus sa Bundok ng mga Olibo na kailangang patuloy na magbantay. Sinabi ni Jesus: “Bigyang-pansin ninyo ang inyong sarili para hindi mapabigatan ang inyong puso ng sobrang pagkain, sobrang pag-inom, at mga alalahanin sa buhay, at bigla na lang dumating ang araw na iyon na gaya ng bitag at ikagulat ninyo. Dahil darating ito sa lahat ng naninirahan sa buong lupa. Kaya manatili kayong gising, na nagsusumamo sa lahat ng panahon para makaligtas kayo mula sa lahat ng ito na kailangang maganap at makatayo kayo sa harap ng Anak ng tao.”—Lucas 21:34-36.

      Ipinakita ulit ni Jesus na hindi sa iisang lugar lang matutupad ang hula niya. Hindi lang siya humuhula tungkol sa mga pangyayaring matutupad pagkalipas ng ilang dekada at makaaapekto lang sa lunsod ng Jerusalem o sa bansang Judio. Ang inihuhula niya ay mangyayari “sa lahat ng naninirahan sa buong lupa.”

      Sinabi niya na kailangan ng kaniyang mga alagad na maging alerto, mapagbantay, at handa. Idiniin ni Jesus ang babalang ito gamit ang isa pang ilustrasyon: “Isipin ninyo ito: Kung nalaman lang ng may-bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, nanatili sana siyang gising at hindi hinayaang mapasok ang bahay niya. Kaya maging handa rin kayo, dahil ang Anak ng tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”—Mateo 24:43, 44.

      Patuloy pang pinatibay ni Jesus ang mga alagad niya. Tiniyak niya sa kanila na kapag natutupad na ang hula niya, magkakaroon ng “alipin” na alerto at aktibo. Ginamit ni Jesus ang isang sitwasyon na madaling mauunawaan ng mga apostol: “Sino talaga ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng panginoon niya sa mga lingkod ng sambahayan nito, para magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon? Maligaya ang aliping iyon kung sa pagdating ng panginoon niya ay madatnan siyang gayon ang ginagawa! Sinasabi ko sa inyo, aatasan siya ng panginoon sa lahat ng pag-aari nito.” Pero kapag naging masama ang “alipin” at minaltrato ang iba, “parurusahan siya nang napakatindi” ng panginoon.—Mateo 24:45-51; ihambing ang Lucas 12:45, 46.

      Pero hindi sinasabi ni Jesus na may grupo ng mga tagasunod niya na magiging masama. Kaya ano ang idiniriin ni Jesus sa kaniyang mga alagad? Gusto niyang manatili silang alerto at aktibo, gaya ng ipinakita niya sa kasunod na ilustrasyon.

      • Bakit nagtanong ang mga apostol tungkol sa mangyayari sa hinaharap, at ano pa ang malamang na iniisip nila?

      • Kailan nagsimulang matupad ang hula ni Jesus, at paano?

      • Ano ang ilang pangyayari na magiging tanda ng presensiya ni Kristo?

      • Paano lilitaw ang “kasuklam-suklam na bagay,” at ano ang kasunod na mangyayari?

      • Ano ang magiging reaksiyon ng mga tao kapag nakita nila ang katuparan ng hula ni Jesus?

      • Anong ilustrasyon ang ibinigay ni Jesus para tulungan ang mga alagad niya na maunawaang malapit na ang wakas?

      • Ano ang nagpapahiwatig na pandaigdig ang katuparan ng hula ni Jesus?

      • Ano ang payo ni Jesus sa mga alagad na mabubuhay sa kawakasan ng sistemang ito?

  • Aral sa Pagiging Mapagbantay—Ang mga Dalaga
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Ang limang matatalinong dalaga na may nakasinding lampara

      KABANATA 112

      Aral sa Pagiging Mapagbantay—Ang mga Dalaga

      MATEO 25:1-13

      • INILAHAD NI JESUS ANG ILUSTRASYON TUNGKOL SA 10 DALAGA

      Sinagot ni Jesus ang tanong ng mga apostol tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya at ng katapusan ng sistemang ito. May kinalaman dito, nagbigay siya ngayon ng magandang payo sa pamamagitan ng isa pang ilustrasyon. Ang katuparan nito ay makikita ng mga taong mabubuhay sa panahon ng presensiya ni Jesus.

      Ganito niya sinimulan ang ilustrasyon: “Ang Kaharian ng langit ay gaya ng 10 dalaga na nagdala ng kanilang lampara at lumabas para salubungin ang lalaking ikakasal. Ang lima sa kanila ay mangmang, at ang lima ay matalino.”—Mateo 25:1, 2.

      Hindi ibig sabihin ni Jesus na kalahati sa kaniyang mga alagad na magmamana ng Kaharian ng langit ay mangmang at ang kalahati ay matalino. Sa halip, gusto niyang idiin na may kinalaman sa Kaharian, nasa pagpapasiya ng bawat alagad kung magiging mapagbantay sila o hindi. Pero tiwala si Jesus na lahat ng kaniyang lingkod ay mananatiling tapat at makatatanggap ng pagpapala ng kaniyang Ama.

      Sa ilustrasyon, lumabas ang 10 dalaga para salubungin ang lalaking ikakasal at sumama sa prusisyon ng kasal. Kapag dumating ang lalaking ikakasal, iilawan ng mga dalaga ang daraanan niya gamit ang lampara nila, na pinararangalan siya habang dinadala niya ang kaniyang magiging asawa sa bahay na inihanda niya. Pero ano ang nangyari?

      Sinabi ni Jesus: “Dinala ng mga mangmang ang mga lampara nila pero hindi sila nagdala ng langis. Ang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis kasama ng kanilang mga lampara. Hindi agad dumating ang lalaking ikakasal, kaya silang lahat ay inantok at nakatulog.” (Mateo 25:3-5) Hindi dumating ang lalaking ikakasal sa oras na inaasahan. Matagal na naghintay ang mga dalaga hanggang sa nakatulog sila. Maaaring naalala ng mga apostol ang inilahad ni Jesus tungkol sa isang taong ipinanganak na maharlika na umalis at nang maglaon ay bumalik “matapos na makuha ang kapangyarihan bilang hari.”—Lucas 19:11-15.

      Sa ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga, inilarawan ni Jesus ang nangyari nang dumating ang lalaking ikakasal: “Nang hatinggabi na, may sumigaw, ‘Nandiyan na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo para salubungin siya.’” (Mateo 25:6) Kumusta ang mga dalaga? Handa ba sila at nagbabantay?

      Nagpatuloy si Jesus: “Kaya tumayo ang lahat ng dalagang iyon at inayos ang mga lampara nila. Sinabi ng mga mangmang sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng kaunting langis dahil mamamatay na ang mga lampara namin.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka hindi na ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa, magpunta kayo sa mga nagtitinda nito, at bumili kayo ng para sa inyo.’”—Mateo 25:7-9.

      Hindi naging mapagbantay ang limang mangmang na dalaga at hindi sila handa sa pagdating ng lalaking ikakasal. Kulang ang langis nila para sa kanilang lampara kaya kailangan nilang maghanap nito. Sinabi ni Jesus: “Pag-alis nila para bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga dalagang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa bahay na pagdarausan ng handaan, at isinara na ang pinto. Pagkatapos, dumating din ang ibang mga dalaga at nagsabi, ‘Ginoo, Ginoo, pagbuksan mo kami!’ Sumagot siya, ‘Hindi ko kayo kilala.’” (Mateo 25:10-12) Masaklap ang naging resulta dahil hindi sila handa at mapagbantay!

      Malinaw sa mga apostol na kay Jesus tumutukoy ang lalaking ikakasal. Tinukoy na dati ni Jesus ang kaniyang sarili bilang lalaking ikakasal. (Lucas 5:34, 35) Kanino naman tumutukoy ang matatalinong dalaga? Tungkol sa “munting kawan,” na magmamana ng Kaharian, sinabi ni Jesus: “Magbihis kayo at maging handa, at sindihan ninyo ang inyong mga lampara.” (Lucas 12:32, 35) Mauunawaan ng mga apostol na sa mga tulad nila tumutukoy ang mga dalaga. Kaya ano ang gustong itawid ni Jesus sa ilustrasyong ito?

      Malinaw ang mensahe ni Jesus. Sinabi niya: “Patuloy kayong magbantay dahil hindi ninyo alam ang araw o ang oras.”—Mateo 25:13.

      Pinapayuhan ni Jesus ang kaniyang mga tapat na tagasunod na ‘patuloy na magbantay’ sa panahon ng kaniyang presensiya. Darating siya, at kailangang handa sila at mapagbantay—tulad ng limang matatalinong dalaga—para hindi nila maiwala ang kanilang napakahalagang pag-asa at ang gantimpalang naghihintay sa kanila.

      • May kaugnayan sa pagiging mapagbantay at handa, paano naiiba ang limang matatalinong dalaga sa limang mangmang na dalaga?

      • Kanino tumutukoy ang lalaking ikakasal, at kanino naman tumutukoy ang mga dalaga?

      • Anong mensahe ang gustong itawid ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga?

  • Isang Aral sa Kasipagan—Ang mga Talento
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Ibinabaon ng isang alipin ang isang supot na pera

      KABANATA 113

      Isang Aral sa Kasipagan—Ang mga Talento

      MATEO 25:14-30

      • ILUSTRASYON NI JESUS TUNGKOL SA MGA TALENTO

      Nasa Bundok ng mga Olibo pa rin si Jesus kasama ang apat sa kaniyang mga apostol, at isa pang ilustrasyon ang inilahad niya. Noong nasa Jerico siya, ilang araw ang nakararaan, naglahad siya ng ilustrasyon tungkol sa mina para ipakita na sa hinaharap pa darating ang Kaharian. May pagkakapareho rito ang ilustrasyong ibibigay niya ngayon. Bahagi ito ng sagot niya sa tanong tungkol sa kaniyang presensiya at sa katapusan ng sistemang ito. Idiriin nito na dapat maging masipag ang kaniyang mga alagad para lumago ang ipagkakatiwala niya sa kanila.

      Nagsimula si Jesus: “Ang Kaharian ay gaya ng isang taong maglalakbay sa ibang bayan. Ipinatawag niya ang mga alipin niya at ipinagkatiwala sa kanila ang mga pag-aari niya.” (Mateo 25:14) Yamang dati nang inihalintulad ni Jesus ang kaniyang sarili sa isang lalaki na nagpunta sa isang malayong lupain “para makakuha ng kapangyarihan bilang hari,” naintindihan agad ng mga apostol na siya rin ang “taong maglalakbay” na binanggit ngayon.—Lucas 19:12.

      Bago maglakbay ang tao sa ilustrasyon, ipinagkatiwala niya sa mga alipin ang kaniyang mahahalagang pag-aari. Sa loob ng tatlo’t kalahating taon ng ministeryo ni Jesus, nagpokus siya sa pangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos, at sinanay niya ang mga alagad sa gawaing ito. Ngayon ay aalis siya, na nagtitiwalang ipagpapatuloy nila ang gawain.—Mateo 10:7; Lucas 10:1, 8, 9; ihambing ang Juan 4:38; 14:12.

      Sa ilustrasyon, paano ipinamahagi ng taong maglalakbay ang kaniyang mga pag-aari? Sinabi ni Jesus: “Nagbigay siya sa kanila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa: sa isa ay lima, sa isa naman ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento. Pagkatapos, pumunta siya sa ibang bayan.” (Mateo 25:15) Ano ang gagawin ng mga alipin sa ipinagkatiwala sa kanila? Magiging masipag ba sila para mapalago ang mga pag-aari ng kanilang panginoon? Sinabi ni Jesus sa mga apostol:

      “Ang tumanggap ng limang talento ay kumilos agad at ginamit ang mga iyon sa negosyo, at kumita siya ng lima pa. Ang tumanggap naman ng dalawang talento ay kumita ng dalawa pa. Pero ang alipin na tumanggap lang ng isa ay umalis, humukay sa lupa, at ibinaon doon ang pera ng panginoon niya.” (Mateo 25:16-18) Ano ang mangyayari pagbalik ng panginoon?

      “Pagkatapos ng mahabang panahon,” ang pagpapatuloy ni Jesus, “dumating ang panginoon ng mga aliping iyon at inalam kung ano ang ginawa nila sa pera niya.” (Mateo 25:19) Ginawa ng unang dalawang alipin ang lahat ng magagawa nila, “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Ang dalawang ito ay masipag, masikap, at produktibo sa paggamit ng ipinagkatiwala sa kanila. Tumubo nang doble ang binigyan ng limang talento, pati na ang tumanggap ng dalawang talento. (Noon, mga 19 na taóng magtatrabaho ang isang manggagawa para makaipon ng katumbas ng isang talento.) Pareho ang komendasyon ng panginoon sa dalawang alipin: “Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin! Naging tapat ka sa kaunting bagay. Aatasan kita sa maraming bagay. Makipagsaya ka sa panginoon mo.”—Mateo 25:21.

      1. Ibinabaon ng isang alipin ang isang supot na pera; 2. Ang aliping ito ay inihagis sa kadiliman sa labas

      Pero iba ang ginawa ng aliping binigyan ng isang talento. Sinabi nito: “Panginoon, alam kong mahigpit ka. Umaani ka nang hindi nagtatanim at nagtitipon nang hindi nagtatahip. Kaya natakot ako at umalis, at ibinaon ko ang talento mo sa lupa. Heto na ang talento mo.” (Mateo 25:24, 25) Hindi man lang idineposito ng alipin sa bangko ang pera para tumubo ito kahit paano. Kung tutuusin, ang ginawa ng aliping ito ay salungat sa gusto ng kaniyang panginoon.

      Kaya naman tinawag siya ng panginoon na “masama at tamad na alipin.” Binawi ang talentong nasa kaniya at ibinigay sa masipag na alipin. Sinabi ng panginoon: “Ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya. Pero ang sinumang wala, kahit ang nasa kaniya ay kukunin.”—Mateo 25:26, 29.

      Ang mga alagad ni Jesus habang nangangaral

      Maraming dapat pag-isipan ang mga alagad ni Jesus, kasama na ang ilustrasyong ito. Nakita nila na napakahalaga ng ipinagkatiwala ni Jesus sa kanila—ang napakagandang pribilehiyo na gumawa ng mga alagad. At inaasahan ni Jesus na magiging masipag sila. Pero hindi naman iniisip ni Jesus na pare-pareho ang magagawa nila sa pangangaral na iniutos niyang gawin nila. Gaya ng nabanggit sa ilustrasyon, dapat magsikap ang mga alagad “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Pero hindi ibig sabihin nito na matutuwa si Jesus kung “tamad” ang isa at hindi ginawa ang kaniyang buong makakaya para mapalago ang pag-aari ng Panginoon.

      Siguradong natuwa ang mga apostol sa katiyakang ito: “Ang bawat isa na mayroon ay bibigyan pa, at magiging masagana siya”!

      • Sa ilustrasyon ng mga talento, sino ang gaya ng panginoon, at sino ang gaya ng mga alipin?

      • Anong mga aral ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

  • Pagdating ni Kristo, Hahatulan Niya ang mga Tupa at Kambing
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Mga tao mula sa lahat ng bansa na nakatingin sa langit habang hinihintay ang hatol ni Jesus

      KABANATA 114

      Pagdating ni Kristo, Hahatulan Niya ang mga Tupa at Kambing

      MATEO 25:31-46

      • INILAHAD NI JESUS ANG ILUSTRASYON TUNGKOL SA MGA TUPA AT KAMBING

      Habang nasa Bundok ng mga Olibo, ibinigay ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga at mga talento. Paano tinapos ni Jesus ang sagot niya sa tanong tungkol sa tanda ng kaniyang presensiya at ng katapusan ng sistemang ito? Nagbigay siya ng huling ilustrasyon; tungkol ito sa mga tupa at kambing.

      Sinimulan ito ni Jesus sa pagbanggit sa tagpo, na sinasabi: “Sa pagdating ng Anak ng tao na may malaking awtoridad, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kaniyang maluwalhating trono.” (Mateo 25:31) Maliwanag sa mga salita ni Jesus na siya ang pangunahing tauhan sa ilustrasyon. Madalas niyang tukuyin ang sarili bilang “ang Anak ng tao.”—Mateo 8:20; 9:6; 20:18, 28.

      Nakaupo si Jesus sa maluwalhating trono at hinahatulan ang tapat na mga tao bilang mga tupa

      Kailan matutupad ang ilustrasyong ito? Ito ay sa “pagdating” ni Jesus “na may malaking awtoridad” kasama ang mga anghel at pag-upo niya “sa kaniyang maluwalhating trono.” Dati na niyang binanggit ang tungkol sa “Anak ng tao na dumarating na nasa mga ulap sa langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” at kasama ang mga anghel. Kailan mangyayari iyon? “Agad-agad pagkatapos ng kapighatian.” (Mateo 24:29-31; Marcos 13:26, 27; Lucas 21:27) Kaya ang ilustrasyong ito ay matutupad sa hinaharap pagdating ni Jesus na may malaking awtoridad. Ano ang susunod na gagawin niya?

      Ipinaliwanag ni Jesus: “Sa pagdating ng Anak ng tao . . . , ang lahat ng bansa ay titipunin sa harap niya, at pagbubukod-bukurin niya ang mga tao, kung paanong ibinubukod ng pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, pero ang mga kambing ay sa kaniyang kaliwa.”—Mateo 25:31-33.

      Tungkol sa mga tupang inilagay sa kanan, sinabi ni Jesus: “Pagkatapos, sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang Kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa pasimula ng sangkatauhan.’” (Mateo 25:34) Bakit pinagpala ng Hari ang mga tupa?

      Ipinaliwanag ng Hari: “Nang magutom ako, binigyan ninyo ako ng makakain; nang mauhaw ako, binigyan ninyo ako ng maiinom. Tagaibang bayan ako, at pinatuloy ninyo ako sa bahay ninyo. Hubad ako at dinamtan ninyo. Nagkasakit ako at inalagaan ninyo. Nabilanggo ako at dinalaw ninyo.” Kapag ang mga tupa, “ang mga matuwid,” ay nagtanong kung paano nila nagawa ang mabubuting bagay na ito, sasagot ang Hari: “Anuman ang ginawa ninyo sa isa sa pinakamababa sa mga kapatid ko ay ginawa ninyo sa akin.” (Mateo 25:35, 36, 40, 46) Hindi nila sa langit ginawa ang kabutihang ito dahil wala namang nagkakasakit o nagugutom doon. Tiyak na sa mga kapatid ni Kristo dito sa lupa ginawa ang kabutihang ito.

      Isang grupo ng di-tapat na mga tao na hinatulan bilang mga kambing

      Ano naman ang mangyayari sa mga kambing, na inilagay sa kaliwa? Sinabi ni Jesus: “Pagkatapos, sasabihin naman [ng Hari] sa mga nasa kaliwa niya: ‘Lumayo kayo sa akin, mga isinumpa, papunta sa walang-hanggang apoy na inihanda para sa Diyablo at sa mga anghel niya. Dahil nang magutom ako, hindi ninyo ako binigyan ng makakain; at nang mauhaw ako, hindi ninyo ako binigyan ng maiinom. Tagaibang bayan ako, pero hindi ninyo ako pinatuloy sa bahay ninyo. Nakita ninyo akong hubad, pero hindi ninyo ako dinamtan; may sakit at nakabilanggo, pero hindi ninyo ako inalagaan.’” (Mateo 25:41-43) Tama lang sa mga kambing ang hatol na ito dahil hindi nila ginawan ng mabuti ang mga kapatid ni Kristo dito sa lupa.

      Naunawaan ng mga apostol na ang epekto ng paghatol na ito sa hinaharap ay permanente—walang hanggan. Sinabi ni Jesus sa kanila: “Sasagot [ang Hari] sa kanila: ‘Sinasabi ko sa inyo, ang hindi ninyo ginawa sa isa sa mga pinakamababang ito ay hindi ninyo ginawa sa akin.’ Sila ay parurusahan ng walang-hanggang kamatayan, pero ang mga matuwid ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.”—Mateo 25:45, 46.

      Magandang pag-isipan ng mga tagasunod ni Jesus ang sagot niya sa tanong ng mga apostol para masuri nila ang kanilang saloobin at ginagawa.

      • Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at kambing, sino ang “Hari,” at kailan matutupad ang ilustrasyon?

      • Bakit makatatanggap ng pagsang-ayon ni Jesus ang mga tupa?

      • Ano ang batayan kung bakit mahahatulan bilang mga kambing ang ilan? Ano ang mangyayari sa mga tupa at sa mga kambing?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share