Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nilitis ng Sanedrin, Pagkatapos ay ni Pilato
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nakatayo si Jesus sa harap ni Poncio Pilato

      KABANATA 127

      Nilitis ng Sanedrin, Pagkatapos ay ni Pilato

      MATEO 27:1-11 MARCOS 15:1 LUCAS 22:66–23:3 JUAN 18:28-35

      • NILITIS NANG UMAGA SA HARAP NG SANEDRIN

      • TINANGKANG MAGBIGTI NI HUDAS ISCARIOTE

      • DINALA SI JESUS KAY PILATO PARA HATULAN

      Matatapos na ang gabi nang ikaila ni Pedro si Jesus sa ikatlong pagkakataon. Katatapos lang ng ilegal na paglilitis ng Sanedrin at nag-uwian na ang mga miyembro nito. Madaling-araw ng Biyernes, nagtipon uli sila para magmukhang legal ang ilegal na paglilitis nila nang nagdaang gabi. Dinala si Jesus sa harap nila.

      Sinabi uli nila: “Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin.” Sumagot si Jesus: “Kahit sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala. At kung tatanungin ko kayo, hindi rin naman kayo sasagot.” Pero buong-tapang na ipinakita ni Jesus na sa kaniya tumutukoy ang Anak ng tao na inihula sa Daniel 7:13. Sinabi niya: “Mula ngayon, ang Anak ng tao ay uupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos.”—Lucas 22:67-69; Mateo 26:63.

      Kaya sinabi nila: “Kung gayon, ikaw ba ang Anak ng Diyos?” Sumagot si Jesus: “Kayo mismo ang nagsasabi niyan.” Mukhang lumakas ang kasong pamumusong laban kay Jesus at mas tumibay ang dahilan nila para patayin siya. “Bakit kakailanganin pa natin ng mga testigo?” ang tanong nila. (Lucas 22:70, 71; Marcos 14:64) Kaya tinalian nila si Jesus at dinala sa Romanong si Gobernador Poncio Pilato.

      Maaaring nakita ni Hudas Iscariote si Jesus habang dinadala kay Pilato. Nang mapag-isip-isip ni Hudas na nahatulan si Jesus, nabagabag siya at nalungkot. Pero imbes na magsumamo sa Diyos para ipakitang nagsisisi siya, nagpunta siya sa mga punong saserdote at ibinalik ang 30 pirasong pilak. Sinabi ni Hudas sa kanila: “Nagkasala ako. Nagtraidor ako sa isang taong matuwid.” Pero walang-awa nilang sinabi: “Ano ngayon sa amin? Problema mo na iyan!”—Mateo 27:4.

      Itinapon ni Hudas sa templo ang 30 pirasong pilak. At dinagdagan pa niya ang kaniyang kasalanan nang tangkain niyang magpakamatay. Habang nagbibigti si Hudas, lumilitaw na nabali ang sanga na pinagtalian niya ng lubid. Nahulog siya sa batuhan at nagkalasog-lasog ang katawan niya.—Gawa 1:17, 18.

      Umaga pa rin nang dalhin si Jesus sa palasyo ni Poncio Pilato. Pero ayaw pumasok ng mga Judiong nagdala sa kaniya. Iniisip nila na magiging marumi sila kung papasok sila sa bahay ng isang Gentil. Kung magiging marumi sila, hindi sila makakakain ng hapunan sa Nisan 15, ang unang araw ng Kapistahan ng Tinapay na Walang Lebadura, na para sa kanila ay bahagi ng Paskuwa.

      Lumabas si Pilato at nagtanong: “Ano ang akusasyon ninyo sa taong ito?” Sumagot sila: “Kung hindi gumawa ng masama ang taong ito, hindi namin siya dadalhin sa iyo.” Naramdaman siguro ni Pilato na gusto nilang gipitin siya, kaya sinabi niya: “Kung gayon, kunin ninyo siya at hatulan ninyo ayon sa inyong kautusan.” Lumitaw ngayon ang kaitiman ng budhi ng mga Judio nang sabihin nila: “Wala kaming awtoridad na pumatay ng sinuman.”—Juan 18:29-31.

      Ang totoo, kung papatayin nila si Jesus sa kapistahan ng Paskuwa, magkakagulo ang mga tao. Pero kung magagawa nilang ipapatay sa mga Romano si Jesus dahil sa krimen laban sa gobyerno ng Roma, na awtorisadong gawin ng mga Romano, maaabsuwelto ang mga Judiong ito.

      Hindi sinabi ng mga lider ng relihiyon kay Pilato na hinatulan nila ng pamumusong si Jesus. Gumawa sila ng ibang paratang: “[1] Sinusulsulan ng taong ito ang mga kababayan namin na maghimagsik, [2] ipinagbabawal ang pagbabayad ng buwis kay Cesar, at [3] sinasabing siya ang Kristo na hari.”—Lucas 23:2.

      Bilang kinatawan ng Roma, dapat lang na mabahala si Pilato sa paratang na inaangkin ni Jesus na isa siyang hari. Kaya pumasok uli sa palasyo si Pilato, ipinatawag si Jesus, at tinanong: “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sa ibang pananalita, ‘Nilabag mo ba ang batas ng imperyo sa pagsasabing ikaw ay isang hari na laban kay Cesar?’ Marahil para malaman kung ano na ang nabalitaan ni Pilato tungkol sa kaniya, sinabi ni Jesus: “Tinatanong mo ba iyan dahil iyan ang iniisip mo, o may mga nagsabi sa iyo tungkol sa akin?”—Juan 18:33, 34.

      Aminado si Pilato na wala siyang alam tungkol kay Jesus pero gusto niyang makilala ito, kaya sinabi niya: “Hindi naman ako Judio.” Sinabi pa niya: “Sarili mong bansa at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo sa akin. Ano ba ang ginawa mo?”—Juan 18:35.

      Hindi iniwasan ni Jesus ang pangunahing isyu—kung siya ba ay isang hari. Tiyak na nagulat si Gobernador Pilato sa sagot ni Jesus.

      BUKID NG DUGO

      Itinapon ni Hudas sa templo ang 30 pirasong pilak

      Hindi alam ng mga punong saserdote ang gagawin sa pilak na itinapon ni Hudas sa templo. “Hindi tama na ihulog ang mga iyon sa sagradong kabang-yaman,” ang sabi nila, “dahil ang mga iyon ay halaga ng dugo.” Kaya ipinambili nila iyon ng bukid ng magpapalayok, na naging libingan ng mga estranghero. Tinawag iyon na “Bukid ng Dugo.”—Mateo 27:6-8.

      • Bakit nagtipon ulit kinaumagahan ang Sanedrin?

      • Paano namatay si Hudas, at ano ang ginawa sa 30 pirasong pilak?

      • Ano-anong paratang ang ginamit ng mga Judio para hatulan ni Pilato ng kamatayan si Jesus?

  • Napatunayang Walang-Sala sa Harap ni Pilato at ni Herodes
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Ginawang katatawanan ni Herodes at ng kaniyang mga sundalo si Jesus

      KABANATA 128

      Napatunayang Walang-Sala sa Harap ni Pilato at ni Herodes

      MATEO 27:12-14, 18, 19 MARCOS 15:2-5 LUCAS 23:4-16 JUAN 18:36-38

      • NILITIS NI PILATO AT NI HERODES SI JESUS

      Hindi itinago ni Jesus kay Pilato na isa siyang hari. Pero hindi banta sa Roma ang Kaharian niya. “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito,” ang sabi ni Jesus. “Kung ang Kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, lumaban sana ang mga tagasunod ko para hindi ako madakip ng mga Judio. Pero ang totoo, hindi nagmumula rito ang Kaharian ko.” (Juan 18:36) Oo, may Kaharian si Jesus, pero hindi sa sanlibutang ito.

      Hindi pa kontento si Pilato. Nagtanong siya: “Kung gayon, hari ka nga ba?” Ipinakita ni Jesus kay Pilato na tama ang konklusyon nito, na sinasabi: “Ikaw mismo ang nagsasabi na ako ay hari. Ipinanganak ako at dumating ako sa sanlibutan para magpatotoo tungkol sa katotohanan. Bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.”—Juan 18:37.

      Matatandaang sinabi ni Jesus kay Tomas: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.” Ngayon, narinig maging ni Pilato na ang layunin ng pagpunta ni Jesus sa lupa ay para magpatotoo sa “katotohanan,” lalo na ang katotohanan tungkol sa Kaharian niya. Determinado si Jesus na maging tapat sa katotohanang iyon kahit buhay pa niya ang nakataya. Nagtanong si Pilato: “Ano ang katotohanan?” pero hindi na siya naghintay ng sagot. Para sa kaniya, sapat na ang narinig niya para hatulan ang lalaking ito.—Juan 14:6; 18:38.

      Bumalik si Pilato sa mga tao na naghihintay sa labas ng palasyo. Lumilitaw na nasa tabi niya si Jesus nang sabihin niya sa mga punong saserdote at sa mga kasama nila: “Wala akong makitang dahilan para hatulan siya.” Nagalit ang mga tao. Ipinilit nila: “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea; nagsimula siya sa Galilea at nakaabot dito.”—Lucas 23:4, 5.

      Tiyak na nagulat si Pilato sa pagkapanatiko ng mga Judio. Habang sumisigaw ang mga punong saserdote at matatandang lalaki, tinanong ni Pilato si Jesus: “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ipinaparatang nila sa iyo?” (Mateo 27:13) Hindi sumagot si Jesus. Humanga si Pilato sa pagiging kalmado ni Jesus sa kabila ng matitinding akusasyon sa kaniya.

      Sinabi ng mga Judio na “nagsimula [si Jesus] sa Galilea.” Kaya nalaman ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea. Nagkaideya ngayon si Pilato kung paano siya makakaiwas sa paghatol kay Jesus. Si Herodes Antipas (anak ni Herodes na Dakila) ang tagapamahala sa Galilea, at nasa Jerusalem siya para sa Paskuwa. Kaya ipinadala ni Pilato si Jesus kay Herodes. Ito ang Herodes Antipas na nagpapugot kay Juan Bautista. Nang mabalitaan ni Herodes na naghihimala si Jesus, natakot siyang baka si Jesus ay si Juan na binuhay-muli.—Lucas 9:7-9.

      Natuwa si Herodes dahil sa wakas, makikita na niya si Jesus. Pero hindi dahil gusto niyang tulungan si Jesus o para alamin kung talagang may basehan ang mga paratang sa kaniya. Gusto lang mag-usisa ni Herodes, at “gusto niyang makita na gumawa ng himala si Jesus.” (Lucas 23:8) Pero hindi siya pinagbigyan ni Jesus. Sa katunayan, hindi sinagot ni Jesus ang alinman sa mga tanong ni Herodes. Dismayado si Herodes kaya “hinamak” niya at ng mga sundalo niya si Jesus. (Lucas 23:11) Sinuotan nila siya ng magarbong damit at pinagtawanan. Pagkatapos, ipinabalik ni Herodes si Jesus kay Pilato. Matagal nang magkaaway sina Herodes at Pilato, pero magkaibigan sila ngayon.

      Nang ibalik si Jesus kay Pilato, ipinatawag nito ang mga punong saserdote, mga tagapamahalang Judio, at ang mga tao, at sinabi: “Sinuri ko siya sa harap ninyo at wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya. Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya, dahil ibinalik niya siya sa atin, at wala siyang anumang nagawa na karapat-dapat sa kamatayan. Kaya parurusahan ko siya at palalayain.”—Lucas 23:14-16.

      Gustong-gusto nang palayain ni Pilato si Jesus dahil nakita niyang naiinggit lang ang mga saserdote kay Jesus kung kaya dinala nila siya sa kaniya. At may isa pang mas mabigat na dahilan para gawin ito. Habang nakaupo siya sa hukuman, nagpadala ng mensahe ang kaniyang asawa: “Huwag kang makialam sa taong iyan na walang kasalanan, dahil labis akong pinahirapan ngayon ng isang panaginip [maliwanag na mula sa Diyos] dahil sa kaniya.”—Mateo 27:19.

      Paano kaya mapalalaya ni Pilato ang walang-salang lalaking ito, gaya ng nararapat niyang gawin?

      • Paano sinabi ni Jesus ang “katotohanan” tungkol sa kaniyang pagkahari?

      • Ano ang naging konklusyon ni Pilato tungkol kay Jesus, at ano ang reaksiyon ng mga tao? Ano ang ginawa ni Pilato?

      • Bakit gustong makita ni Herodes Antipas si Jesus, at ano ang ginawa niya kay Jesus?

      • Bakit gustong palayain ni Pilato si Jesus?

  • Sinabi ni Pilato: “Narito ang Tao!”
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Si Jesus, na may suot na koronang tinik at magarbong balabal, ay dinala ni Pilato sa labas

      KABANATA 129

      Sinabi ni Pilato: “Narito ang Tao!”

      MATEO 27:15-17, 20-30 MARCOS 15:6-19 LUCAS 23:18-25 JUAN 18:39–19:5

      • SINUBUKAN NI PILATO NA PALAYAIN SI JESUS

      • GUSTO NG MGA JUDIO NA PALAYAIN SI BARABAS

      • TINUYA AT MINALTRATO SI JESUS

      Sinabi ni Pilato sa mga taong gustong magpapatay kay Jesus: “Wala akong makitang dahilan para hatulan ang taong ito ayon sa mga paratang ninyo sa kaniya. Sa katunayan, wala ring nakitang kasalanan si Herodes sa kaniya.” (Lucas 23:14, 15) Ngayon, sumubok si Pilato ng ibang paraan para mapalaya si Jesus. Sinabi niya sa mga tao: “May kaugalian kayo na magpapalaya ako ng isang tao kapag Paskuwa. Gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?”—Juan 18:39.

      Alam ni Pilato na may isa pang bilanggo, si Barabas, na isang magnanakaw, rebelde, at mamamatay-tao. Kaya nagtanong si Pilato: “Sino ang gusto ninyong palayain ko, si Barabas o si Jesus na tinatawag na Kristo?” Sa sulsol ng mga punong saserdote, hiniling ng mga tao na palayain si Barabas, hindi si Jesus. Tinanong sila ulit ni Pilato: “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw ang mga tao: “Si Barabas”!—Mateo 27:17, 21.

      Dismayado si Pilato. Nagtanong siya: “Ano naman ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Kristo?” Sinabi ng mga tao: “Ibayubay siya sa tulos!” (Mateo 27:22) Hindi na sila nahiyang ipapatay ang isang inosenteng tao. Nakiusap si Pilato: “Bakit? Ano ba ang ginawang masama ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na karapat-dapat sa kamatayan; kaya parurusahan ko siya at palalayain.”—Lucas 23:22.

      Sa kabila ng pagsisikap ni Pilato, nagkakaisang isinigaw ng mga tao: “Ibayubay siya sa tulos!” (Mateo 27:23) Tagumpay ang mga lider ng relihiyon sa pagsulsol sa mga tao. Gusto nilang may dumanak na dugo—hindi ng isang kriminal kundi ng isang inosenteng tao, na limang araw lang ang nakararaan ay pumasok sa Jerusalem at ipinagbunyi bilang Hari. Naroon man ang mga alagad ni Jesus, nanatili silang tahimik at hindi nagpahalata.

      Nakita ni Pilato na hindi umuubra ang pagsisikap niya. Lalo pang umiinit ang sitwasyon, kaya kumuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. Sinabi niya: “Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito. Kayo na ang may pananagutan diyan.” Pero wala pa rin itong epekto sa mga tao. Sumagot pa nga sila: “Kami at ang mga anak namin ang may pananagutan sa dugo niya.”—Mateo 27:24, 25.

      Mas gusto ng gobernador na pagbigyan ang mga tao kaysa gawin ang alam niyang tama. Kaya pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero iniutos niyang hubaran si Jesus at hagupitin.

      Matapos hagupitin nang walang awa, dinala ng mga sundalo si Jesus sa palasyo ng gobernador. Pinalibutan siya ng mga sundalo at lalo pang pinagmalupitan si Jesus. Gumawa sila ng koronang tinik at isinuot iyon sa ulo niya. Pinahawak nila siya ng isang tambo sa kanang kamay niya at binihisan siya ng matingkad-na-pulang balabal, gaya ng isinusuot ng mga maharlika. Tinuya nila siya: “Magandang araw, Hari ng mga Judio!” (Mateo 27:28, 29) Dinuraan pa nila si Jesus at pinagsasampal. Kinuha nila kay Jesus ang tambo at ipinalo ito sa ulo niya, kaya lalong bumaon ang “koronang tinik” sa kaniyang anit.

      Dahil sa paninindigan at katatagan ni Jesus sa kabila ng lahat ng ito, namangha si Pilato, kaya sinubukan niya muling palayain si Jesus, na sinasabi: “Tingnan ninyo! Inihaharap ko siya sa inyo para malaman ninyo na wala akong makitang dahilan para hatulan siya.” Iniisip kaya ni Pilato na magbabago ang isip ng mga tao ngayong nakita nilang bugbog na at duguan si Jesus? Habang nakatayo si Jesus sa harap ng walang-pusong mga tao, sinabi ni Pilato sa kanila: “Narito ang tao!”—Juan 19:4, 5.

      Kahit sugatan at duguan, kalmado pa rin si Jesus. Talagang hinangaan ni Pilato ang katangiang ito ni Jesus dahil mapapansin sa pananalita niya ang paggalang at awa.

      PAGHAGUPIT

      Isang panghagupit

      Inilarawan ni Dr. William D. Edwards sa The Journal of the American Medical Association kung paano ginagawa ng mga Romano ang paghagupit:

      “Ang karaniwang ginagamit ay isang maikling latigo (flagrum o flagellum) na gawa sa magkakahiwalay o nakatirintas na mga pahabang piraso ng katad [o, balat ng hayop] na iba’t iba ang haba, at ang dulo ay may maliliit na bolang bakal o matatalas na piraso ng buto ng tupa na itinali nang may pagitan. . . . Habang ubod-lakas na hinahagupit ng mga sundalong Romano ang likod ng biktima, ang mga bolang bakal ay nagdudulot ng malalalim na pasâ, at ang mga pahabang piraso ng katad at mga buto ng tupa ay sumusugat sa balat at sa laman. Pagkatapos, habang nagpapatuloy ang paghagupit, ang mga sugat ay lalong lumalalim hanggang sa mga kalamnan ng buto at nawawakwak ang nagdurugong kalamnan.”

      • Paano sinubukan ni Pilato na palayain si Jesus nang sa gayon ay hindi siya managot sa dugo ni Jesus?

      • Paano ginagawa ang paghagupit?

      • Matapos hagupitin si Jesus, paano pa siya minaltrato?

  • Ibinigay si Jesus Para Patayin
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Hiráp na hiráp si Jesus habang pasan-pasan ang pahirapang tulos, at inutusan ng isang sundalo si Simon na taga-Cirene na buhatin ang tulos

      KABANATA 130

      Ibinigay si Jesus Para Patayin

      MATEO 27:31, 32 MARCOS 15:20, 21 LUCAS 23:24-31 JUAN 19:6-17

      • SINUBUKANG PALAYAIN NI PILATO SI JESUS

      • HINATULAN SI JESUS AT IBINIGAY PARA PATAYIN

      Sa kabila ng walang-awang pagpapahirap at pang-iinsulto kay Jesus, hindi natinag ang mga punong saserdote at ang mga kasabuwat nila sa pagsisikap ni Pilato na palayain siya. Ayaw nilang mahadlangan ng anuman ang pagpatay kay Jesus. Patuloy silang sumisigaw: “Ibayubay siya sa tulos! Ibayubay siya sa tulos!” Sinabi ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo ang pumatay sa kaniya dahil wala akong makitang dahilan para hatulan siya.”—Juan 19:6.

      Hindi nakumbinsi ng mga Judio si Pilato na hatulan si Jesus ng kamatayan sa salang paglaban sa gobyerno ng Roma. Kaya ginamit ng mga lider ng relihiyon ang paratang nila kay Jesus na pamumusong nang litisin siya sa harap ng Sanedrin. “May kautusan kami,” ang sabi nila, “at ayon sa kautusan, dapat siyang mamatay dahil inaangkin niyang anak siya ng Diyos.” (Juan 19:7) Bago kay Pilato ang paratang na ito.

      Pumasok si Pilato sa palasyo at nag-isip ng paraan kung paano mapapalaya ang taong ito, na nagtiis ng matinding pagpapahirap at napanaginipan pa nga ng kaniyang asawa. (Mateo 27:19) At ano naman itong bagong paratang ng mga Judio—na diumano, ang bilanggo ay ‘anak ng Diyos’? Alam ni Pilato na si Jesus ay taga-Galilea. (Lucas 23:5-7) Pero tinanong niya pa rin si Jesus: “Saan ka nagmula?” (Juan 19:9) Iniisip kaya ni Pilato na nabuhay na si Jesus noon at na galing siya sa Diyos?

      Nasabi na ni Jesus kay Pilato na isa siyang hari, pero ang Kaharian niya ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Hindi na kailangan pang ipaliwanag ni Jesus ang sinabi niya, kaya nanatili siyang tahimik. Nainsulto si Pilato sa hindi pagsagot ni Jesus kaya sinabi niya: “Hindi mo ba ako sasagutin? Hindi mo ba alam na may awtoridad akong palayain ka o patayin ka?”—Juan 19:10.

      Sumagot si Jesus: “Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng awtoridad, wala ka sanang awtoridad sa akin. Kaya mas malaki ang kasalanan ng taong nagbigay sa akin sa kamay mo.” (Juan 19:11) Malamang na hindi iisang tao ang iniisip ni Jesus. Sa halip, ang tinutukoy ni Jesus na may mas mabigat na kasalanan ay si Caifas, ang mga kasama nito, at si Hudas Iscariote.

      Dahil sa paghanga sa disposisyon at pananalita ni Jesus, at sa tumitinding pangamba na galing si Jesus sa Diyos, sinubukan uli ni Pilato na palayain si Jesus. Pero tinakot ng mga Judio si Pilato. Sinabi nila: “Kung palalayain mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang sinuman na ginagawang hari ang sarili niya ay nagsasalita laban kay Cesar.”—Juan 19:12.

      Inilabas ulit ng gobernador si Jesus, at habang nakaupo si Pilato sa hukuman, sinabi niya sa mga tao: “Tingnan ninyo! Ang inyong hari!” Pero ayaw tumigil ng mga Judio. “Patayin siya! Patayin siya! Ibayubay siya sa tulos!” ang sigaw nila. Nakiusap si Pilato: “Papatayin ko ba ang hari ninyo?” Matagal nang kinamumuhian ng mga Judio ang pamamahala ng Roma; pero sumagot ang mga punong saserdote: “Wala kaming ibang hari kundi si Cesar.”—Juan 19:14, 15.

      Hindi tinantanan ng mga Judio si Pilato kaya wala na siyang nagawa at ibinigay na lang si Jesus para patayin. Hinubad ng mga sundalo kay Jesus ang matingkad-na-pulang balabal at isinuot sa kaniya ang damit niya. Habang naglalakad, pasan ni Jesus ang tulos na pagpapakuan sa kaniya.

      Mataas na ngayon ang araw, Biyernes ng umaga, Nisan 14. Mula Huwebes, wala pang tulog si Jesus, at sunod-sunod ang dinanas niyang paghihirap. Napakabigat ng tulos at hiráp na hiráp siyang buhatin ito hanggang sa sumuko na ang katawan niya. Kaya ipinabuhat ng mga sundalo sa isang dumaraan, si Simon na taga-Cirene sa Africa, ang tulos papunta sa lugar na pagtitirikan nito. Marami ang sumusunod, at sinusuntok ng ilan ang dibdib nila at humahagulgol.

      Sinabi ni Jesus sa mga babaeng umiiyak: “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag na kayong umiyak para sa akin. Umiyak kayo para sa inyong sarili at sa inyong mga anak; dahil darating ang panahon kung kailan sasabihin ng mga tao, ‘Maligaya ang mga babaeng baog, ang mga sinapupunang hindi nanganak at ang mga dibdib na hindi nagpasuso!’ At sasabihin nila sa mga bundok, ‘Itago ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Takpan ninyo kami!’ Kung ito ang nangyayari habang buháy pa ang puno, ano na lang ang mangyayari kung tuyot na ito?”—Lucas 23:28-31.

      Ang bansang Judio ang tinutukoy ni Jesus. Gaya ito ng puno na malapit nang mamatay, pero may natitira pa itong buhay dahil naroon pa si Jesus at ang ilang Judio na nananampalataya sa kaniya. Kapag inihiwalay ang mga ito, ang maiiwan na lang ay ang bansang Judio na wala nang kaugnayan sa Diyos, gaya ng tuyot at patay na puno. Magkakaroon ng matinding paghagulgol kapag ginamit ng Diyos ang hukbong Romano para puksain ang bansa!

      • Ano ang ipinaratang ng mga lider ng relihiyon kay Jesus?

      • Bakit natakot si Pilato na ipapatay si Jesus?

      • Paano napapayag ng mga punong saserdote si Pilato na ipapatay si Jesus?

      • Nang banggitin ni Jesus ang tungkol sa isang puno na matutuyot, ano ang ibig niyang sabihin?

  • Isang Haring Walang Kasalanan ang Ipinako sa Tulos
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Pinangakuan ni Jesus ang kriminal na nakapako sa tabi niya, “Makakasama kita sa Paraiso”

      KABANATA 131

      Isang Haring Walang Kasalanan ang Ipinako sa Tulos

      MATEO 27:33-44 MARCOS 15:22-32 LUCAS 23:32-43 JUAN 19:17-24

      • IPINAKO SI JESUS SA PAHIRAPANG TULOS

      • ININSULTO SI JESUS DAHIL SA PASKIL SA ULUNAN NIYA

      • NANGAKO SI JESUS NG BUHAY NA WALANG HANGGAN SA LUPA

      Dinala si Jesus sa isang lugar na di-kalayuan sa lunsod kung saan siya at ang dalawang magnanakaw ay papatayin. Ang lugar ay tinatawag na Golgota, o Bungo, na tanaw kahit “mula sa malayo.”—Marcos 15:40.

      Hinubad ang damit ng tatlong sentensiyadong lalaki. Pagkatapos, binigyan sila ng alak na may mira at apdo. Lumilitaw na mga babaeng taga-Jerusalem ang naghanda nito, at hindi ipinagbawal ng mga Romano ang pampamanhid na ito para sa mga papatayin. Pero nang malasahan ito ni Jesus, hindi niya ito ininom. Bakit? Ayaw niyang magroge siya at mawalan ng kontrol sa sarili sa pinakamatinding pagsubok na ito; gusto niyang may malay siya at nasa katinuan ng pag-iisip at makapanatiling tapat hanggang kamatayan.

      Iniunat si Jesus sa tulos. (Marcos 15:25) Pinakuan ng mga sundalo ang mga kamay at paa niya hanggang sa bumaon ang mga pako sa kaniyang kalamnan. Napakasakit nito. Habang itinatayo ang tulos, lalong tumitindi ang sakit habang nababatak ang mga sugat sa bigat ng katawan niya. Pero hindi nagalit si Jesus sa mga sundalo. Nanalangin siya: “Ama, patawarin mo sila, dahil hindi nila alam ang ginagawa nila.”—Lucas 23:34.

      Karaniwan nang ipinapaskil ng mga Romano sa ulunan ng kriminal ang ginawa nitong krimen. Sa pagkakataong ito, ganito ang ipinaskil ni Pilato: “Si Jesus na Nazareno, ang Hari ng mga Judio.” Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin, at Griego kaya mababasa ito ng karamihan. Makikita sa ginawang ito ni Pilato ang pagkamuhi niya sa mga Judiong nagpapatay kay Jesus. Umalma ang mga punong saserdote: “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi isulat mo na sinabi niya, ‘Ako ay Hari ng mga Judio.’” Pero ayaw nang maging sunod-sunuran ni Pilato sa kanila, kaya sumagot siya: “Kapag naisulat ko na, naisulat ko na.”—Juan 19:19-22.

      Ipinagkalat ng galít na mga saserdote ang gawa-gawang testimonya na iniharap sa Sanedrin. Kaya hindi kataka-takang umiiling ang mga dumaraan at iniinsulto si Jesus, na sinasabi: “O, ano? Hindi ba ibabagsak mo ang templo at itatayo ito sa tatlong araw? Iligtas mo ang sarili mo! Bumaba ka riyan sa pahirapang tulos!” Sinasabi rin ng mga punong saserdote at eskriba sa isa’t isa: “Kung makikita lang natin ngayon na bumaba sa pahirapang tulos ang Kristo na Hari ng Israel, maniniwala na tayo.” (Marcos 15:29-32) Ininsulto rin siya ng mga magnanakaw na nasa tabi niya, kahit na siya lang sa kanilang tatlo ang totoong walang kasalanan.

      Ginawang katatawanan din si Jesus ng apat na sundalong Romano. Maaaring umiinom sila ng maasim na alak, at para insultuhin si Jesus, inaalok nila siya ng alak, na para bang maaabot niya ito. Tinutuya siya ng mga Romano dahil sa paskil na nasa ulunan niya, at sinabi: “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang sarili mo.” (Lucas 23:36, 37) Isip-isipin iyan! Ang taong ito na napatunayang ang daan, ang katotohanan, at ang buhay ay walang-awang minamaltrato at iniinsulto. Pero naging determinado siyang tiisin ito, nang hindi hinahamak ang mga Judiong nanonood, ang mga sundalong Romano na nanunuya sa kaniya, o ang dalawang kriminal na nakapakong kasama niya.

      Nagpapalabunutan ang mga sundalo para sa panloob na damit ni Jesus

      Kinuha ng apat na sundalo ang balabal ni Jesus at hinati ito sa apat. Nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang bawat parte. Pero magandang klase ang damit ni Jesus, “wala itong dugtungan at hinabi mula sa itaas hanggang sa ibaba.” Sinabi ng mga sundalo: “Huwag natin itong punitin, kundi magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa paggawa nito, natupad ang hula na nagsasabi: “Pinaghati-hatian nila ang kasuotan ko, at pinagpalabunutan nila ang damit ko.”—Juan 19:23, 24; Awit 22:18.

      Di-nagtagal, napag-isip-isip ng isa sa mga kriminal na totoong hari si Jesus. Sinaway nito ang isa pang kriminal at sinabi: “Wala ka na ba talagang takot sa Diyos? Hinatulan ka ring mamatay tulad niya. Nararapat lang na magdusa tayo dahil sa mga ginawa natin, pero ang taong ito ay walang ginawang masama.” Pagkatapos, nagmakaawa siya kay Jesus: “Alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong Kaharian.”—Lucas 23:40-42.

      Sumagot si Jesus: “Sinasabi ko sa iyo ngayon, makakasama kita,” hindi sa Kaharian, kundi “sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Iba ito sa pangako niya sa mga apostol, na mauupo sa trono kasama niya sa Kaharian. (Mateo 19:28; Lucas 22:29, 30) Pero alam marahil ng kriminal na ito ang tungkol sa Paraisong lupa, na siyang nilayon ni Jehova na tirhan nina Adan at Eva, pati ng kanilang mga supling. Ngayon, mamamatay nang may pag-asa ang magnanakaw na ito.

      • Bakit tumanggi si Jesus na inumin ang alak na may mira at apdo?

      • Ano ang nakapaskil sa ulunan ni Jesus? Ano ang reaksiyon ng mga Judio rito?

      • Paano natupad ang hula tungkol sa gagawin sa mga damit ni Jesus?

      • Anong pag-asa ang ipinangako ni Jesus sa isang kriminal na katabi niya?

  • “Tiyak na ang Taong Ito ang Anak ng Diyos”
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Pagkamatay ni Jesus sa tulos sa gitna ng dalawang kriminal, sinabi ng isang opisyal ng hukbo: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos”

      KABANATA 132

      “Tiyak na ang Taong Ito ang Anak ng Diyos”

      MATEO 27:45-56 MARCOS 15:33-41 LUCAS 23:44-49 JUAN 19:25-30

      • NAMATAY SI JESUS SA TULOS

      • DI-PANGKARANIWANG PANGYAYARI NANG MAMATAY SI JESUS

      Ngayon ay “ikaanim na oras” na, o tanghaling tapat. Nagdilim ang buong lupain “hanggang sa ikasiyam na oras,” o alas tres ng hapon. (Marcos 15:33) Ang nakapangingilabot na kadilimang ito ay hindi dahil sa eklipseng solar, na nangyayari lang kapag panahon ng bagong buwan. Pero ngayon ay panahon ng Paskuwa, at kabilugan ng buwan. At ang kadilimang ito ay di-hamak na mas matagal kaysa sa eklipse. Tiyak na ang Diyos ang gumawa ng kadilimang ito!

      Gunigunihin ang epekto nito sa mga nang-iinsulto kay Jesus. Nang mga oras na ito, apat na babae ang lumapit sa pahirapang tulos—ang ina ni Jesus, si Salome, si Maria Magdalena, at si Maria na ina ni Santiago na Nakabababa.

      Kasama ng nagdadalamhating ina ni Jesus si apostol Juan “sa tabi ng pahirapang tulos.” Pinagmamasdan ni Maria ang anak na isinilang niya at pinalaki, na ngayon ay naghihirap sa tulos. Para siyang sinasaksak ng “isang mahabang espada.” (Juan 19:25; Lucas 2:35) Kahit hiráp na hiráp si Jesus, kapakanan pa rin ng kaniyang ina ang iniisip niya. Pinilit tumango ni Jesus para ituro si Juan sa kaniyang ina at sinabi rito: “Tingnan mo! Ang iyong anak!” Pagkatapos, tumango ulit siya para ituro naman ang kaniyang ina kay Juan, at sinabi rito: “Tingnan mo! Ang iyong ina!”—Juan 19:26, 27.

      Inihabilin ni Jesus sa minamahal niyang apostol ang kaniyang ina, na maliwanag na biyuda na ngayon. Alam ni Jesus na hindi pa nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya sa ina. Kaya tiniyak niyang may mag-aaruga sa kaniyang ina at maglalaan ng espirituwal na pangangailangan nito. Napakaganda ngang halimbawa!

      Noong mga alas tres ng hapon, sinabi ni Jesus: “Nauuhaw ako.” Dito, isa pang hula ang tinupad ni Jesus. (Juan 19:28; Awit 22:15) Naramdaman ni Jesus na hindi siya poprotektahan ng kaniyang Ama sa pagkakataong ito, para lubusang masubok ang katapatan niya. Sumigaw si Kristo, marahil ay sa Aramaiko ng Galilea: “Eli, Eli, lama sabaktani?” na nangangahulugang “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” May ilang nakatayo sa malapit na nagsabi: “Tingnan ninyo! Tinatawag niya si Elias.” Isa sa kanila ang tumakbo at isinawsaw sa maasim na alak ang isang espongha na nakakabit sa dulo ng isang tambo, at ibinigay kay Jesus para painumin. Pero may nagsabi: “Tingnan lang natin kung darating si Elias para ibaba siya.”—Marcos 15:34-36.

      Pagkatapos, sumigaw si Jesus: “Naganap na!” (Juan 19:30) Oo, naganap niya, o nagampanan, ang lahat ng iniutos ng kaniyang Ama na gawin niya dito sa lupa. Panghuli, sinabi ni Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.” (Lucas 23:46) Sa gayon, ipinaubaya ni Jesus kay Jehova ang kaniyang buhay, buo ang tiwalang ibabalik ito ng Diyos. Pagkatapos, yumuko siya at namatay.

      Nang oras na iyon, lumindol nang napakalakas at nabiyak ang mga bato. Sa lakas ng lindol, nagiba ang mga libingan sa labas ng Jerusalem at tumilapon ang mga bangkay. Nang makita ng mga dumaraan ang mga bangkay, pumasok sila sa “banal na lunsod” at ibinalita ang nakita nila.—Mateo 27:51-53.

      Noong mamatay si Jesus, nahati mula taas hanggang baba ang makapal at mahabang kurtina sa templo ng Diyos na nagbubukod sa Banal at sa Kabanal-banalang silid. Ang kamangha-manghang pangyayaring ito ay kapahayagan ng galit ng Diyos sa mga pumatay sa kaniyang Anak. Ipinakikita rin nito na ang daan tungo sa Kabanal-banalan, sa langit, ay bukás na.—Hebreo 9:2, 3; 10:19, 20.

      Takót na takót ang mga tao. Sinabi ng opisyal ng hukbo na nangasiwa sa pagpatay: “Tiyak na ang taong ito ang Anak ng Diyos.” (Marcos 15:39) Malamang na nandoon siya nang litisin si Jesus sa harap ni Pilato tungkol sa isyu ng pagiging Anak ng Diyos. Ngayon, kumbinsido ang opisyal na si Jesus ay walang kasalanan at na siya nga ang Anak ng Diyos.

      Dahil sa di-pangkaraniwang mga pangyayaring ito, ang iba ay umuwi sa kani-kanilang bahay, na “sinusuntok ang dibdib,” tanda ng matinding pamimighati at pagkapahiya. (Lucas 23:48) Kabilang sa mga nagmamasid mula sa malayo ang maraming alagad na babae na nakasama ni Jesus sa paglalakbay. Malaki rin ang naging epekto sa kanila ng mga pangyayaring ito.

      ‘IBAYUBAY SA TULOS’

      Sumigaw ang mga kaaway ni Jesus: “Ibayubay siya sa tulos!” (Juan 19:15) Ang salitang Griego para sa “tulos” na ginamit sa mga ulat ng Ebanghelyo ay stau·rosʹ. Ganito ang ulat ng aklat na History of the Cross: “Ang stauros ay ‘isang patayong poste,’ isang matibay na tulos, gaya ng ibinabaon ng mga magsasaka sa lupa kapag gumagawa sila ng bakod na mga tulos—wala nang iba.”

      • Bakit hindi isang eklipseng solar ang tatlong-oras na kadiliman?

      • Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa pangangalaga sa may edad nang mga magulang?

      • Ano ang nangyari dahil sa lindol? Ano ang ipinakikita ng pagkahati ng kurtina sa templo?

      • Ano ang naging epekto ng kamatayan ni Jesus at ng mga pangyayari nang panahong iyon sa mga taong nandoon?

  • Inihanda ang Katawan ni Jesus Para Ilibing
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Inihahanda ang katawan ni Jesus para ilibing

      KABANATA 133

      Inihanda ang Katawan ni Jesus Para Ilibing

      MATEO 27:57–28:2 MARCOS 15:42–16:4 LUCAS 23:50–24:3 JUAN 19:31–20:1

      • IBINABA SA TULOS ANG KATAWAN NI JESUS

      • INIHANDA ANG KATAWAN NI JESUS PARA ILIBING

      • NADATNAN NG MGA KABABAIHAN NA WALANG LAMAN ANG LIBINGAN

      Dapit-hapon na ng Biyernes, Nisan 14. Pagkalubog ng araw, simula na ng Sabbath ng Nisan 15. Patay na si Jesus, pero buháy pa ang dalawang magnanakaw na nakapako sa magkabilang tabi. Ayon sa Kautusan, ang bangkay ay “hindi dapat manatili nang buong magdamag sa tulos.” Dapat itong ilibing “sa araw na iyon.”—Deuteronomio 21:22, 23.

      Isa pa, tinatawag na Paghahanda ang Biyernes ng hapon, dahil naghahanda ng pagkain ang mga tao at tinatapos ang mga gawaing dapat matapos bago ang Sabbath. Pagkalubog ng araw, magsisimula ang doble, o “espesyal,” na Sabbath. (Juan 19:31) Ito ay dahil ang Nisan 15 ang unang araw ng pitong-araw na Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at ang unang araw na ito ay laging Sabbath. (Levitico 23:5, 6) At ngayon, ang unang araw ay nagkataong tumapat sa lingguhang Sabbath, ang ikapitong araw.

      Kaya hiniling ng mga Judio kay Pilato na madaliin ang kamatayan ni Jesus at ng dalawang magnanakaw. Paano? Sa pamamagitan ng pagbali sa mga binti nila. Kapag bali na ang binti nila, hindi na nila maiaangat ang katawan nila para makahinga. Pagdating ng mga sundalo, binali nila ang binti ng dalawang magnanakaw. Pero nakita nilang patay na si Jesus kaya hindi na nila binali ang mga binti niya. Katuparan ito ng hula sa Awit 34:20: “Binabantayan niya ang lahat ng mga buto ng isang iyon; walang isa man sa mga iyon ang nabali.”

      Para makatiyak na patay na si Jesus, sinaksak ng sibat ng isang sundalo ang tagiliran ni Jesus, hanggang sa bahaging malapit sa puso. “Agad na lumabas ang dugo at tubig.” (Juan 19:34) Katuparan ito ng isa pang hula: “Titingin sila sa kanilang sinaksak.”—Zacarias 12:10.

      Si Jose na taga-Arimatea, “isang taong mayaman” at iginagalang na miyembro ng Sanedrin, ay naroon nang mamatay si Jesus. (Mateo 27:57) Isa siyang “mabuti at matuwid na tao,” na “naghihintay rin sa Kaharian ng Diyos.” Ang totoo, “alagad siya ni Jesus, pero inilihim niya ito dahil sa takot sa mga Judio.” Pero hindi niya sinuportahan ang hatol ng hukuman kay Jesus. (Lucas 23:50; Marcos 15:43; Juan 19:38) Lakas-loob na hiniling ni Jose ang katawan ni Jesus kay Pilato. Ipinatawag ni Pilato ang opisyal ng hukbo, at kinumpirma nito na patay na si Jesus. Sa gayon, pinagbigyan ni Pilato si Jose.

      Bumili si Jose ng malinis at magandang klaseng lino at ibinaba ang katawan ni Jesus sa tulos. Binalot niya ng lino ang bangkay bilang paghahanda sa libing. Tumulong din si Nicodemo, “ang lalaking pumunta noon kay Jesus nang gabi.” (Juan 19:39) Nagdala siya ng mga 100 librang Romano (33 kilo) ng pinaghalong mira at aloe, isang mamahaling timpla. Ibinalot sa mga telang lino na may mababangong sangkap na ito ang katawan ni Jesus, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.

      Inilagay ang bangkay ni Jesus sa isang bagong libingang inuka sa bato na pagmamay-ari ni Jose. Iginulong ang malaking bato sa pasukan ng libingan. Mabilisan nila itong ginawa bago magsimula ang Sabbath. Malamang na tumulong din sa paghahanda sa katawan ni Jesus sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Santiago na Nakabababa. Agad silang umuwi “para maghanda ng mabangong langis at iba pang mababangong sangkap” na gagamitin nila sa katawan ni Jesus pagkatapos ng Sabbath.—Lucas 23:56.

      Kinabukasan, araw ng Sabbath, nagpunta ang mga punong saserdote at mga Pariseo kay Pilato, at sinabi: “Naalaala namin ang sinabi ng impostor na iyon noong buháy pa siya, ‘Pagkatapos ng tatlong araw ay bubuhayin akong muli.’ Kaya iutos mo na bantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw para hindi pumunta roon ang mga alagad niya at nakawin siya at sabihin sa mga tao, ‘Binuhay siyang muli!’ At ang huling pandarayang ito ay magiging mas masama kaysa sa una.” Sumagot si Pilato: “Puwede kayong maglagay ng mga bantay. Pabantayan ninyo iyon nang mabuti.”—Mateo 27:63-65.

      Umagang-umaga ng Linggo, nagpunta sina Maria Magdalena, Maria na ina ni Santiago, at iba pang babae sa libingan dala ang mababangong sangkap na gagamitin sa katawan ni Jesus. Sinabi nila sa isa’t isa: “Sino ang mapapakiusapan nating maggulong ng bato mula sa pasukan ng libingan?” (Marcos 16:3) Pero nagkaroon ng lindol. Gayundin, naigulong na ng anghel ang bato, wala na ang mga bantay, at wala nang laman ang libingan!

      • Bakit tinawag na Paghahanda ang araw ng Biyernes, at bakit “espesyal” ang Sabbath na ito?

      • Ano ang ginawa nina Jose at Nicodemo para sa paglilibing kay Jesus? Ano ang kaugnayan nila kay Jesus?

      • Ano ang gustong ipagawa ng mga saserdote sa libingan ni Jesus? Pero ano ang nangyari kinaumagahan ng Linggo?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share