Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Walang Laman ang Libingan—Buháy si Jesus!
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Gulát na gulát ang mga babae nang makita nilang walang laman ang libingan ni Jesus

      KABANATA 134

      Walang Laman ang Libingan—Buháy si Jesus!

      MATEO 28:3-15 MARCOS 16:5-8 LUCAS 24:4-12 JUAN 20:2-18

      • BINUHAY-MULI SI JESUS

      • MGA PANGYAYARI SA LIBINGAN NI JESUS

      • NAGPAKITA SIYA SA ILANG KABABAIHAN

      Gulát na gulát ang mga babae nang makita nilang walang laman ang libingan ni Jesus! Tumakbo si Maria Magdalena papunta “kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus”—si apostol Juan. (Juan 20:2) Pero ang mga babaeng naiwan sa libingan ay nakakita ng anghel. At may isa pang anghel sa loob mismo ng libingan, na “nakasuot ng mahabang damit na puti.”—Marcos 16:5.

      Sinabi sa kanila ng isang anghel: “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ibinayubay sa tulos. Wala siya rito, dahil binuhay siyang muli, gaya ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kaniya. At magmadali kayo at sabihin ninyo sa mga alagad niya na binuhay siyang muli at papunta na siya sa Galilea.” (Mateo 28:5-7) Kaya ang mga babae, “na nanginginig at manghang-mangha,” ay tumakbo para iulat ito sa mga alagad.—Marcos 16:8.

      Samantala, nakita ni Maria sina Pedro at Juan. Habang humihingal, sinabi niya: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.” (Juan 20:2) Tumakbo agad sina Pedro at Juan papunta sa libingan. Mas mabilis tumakbo si Juan kaya nauna siyang dumating. Sumilip siya sa libingan at nakita ang telang lino, pero hindi siya pumasok.

      Pagdating ni Pedro, dumeretso siya sa loob. Nakita niya ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Pumasok ngayon si Juan, at napatunayang totoo ang ulat ni Maria. Sa kabila ng mga sinabi ni Jesus bago nito, hindi pa rin nila naunawaan na binuhay siyang muli. (Mateo 16:21) Umuwi sila sa bahay na gulong-gulo ang isip. Pero si Maria, na kababalik lang ngayon sa libingan, ay nanatili roon.

      Nagpunta naman ang ibang babae sa mga alagad para sabihing binuhay-muli si Jesus. Habang tumatakbo sila, sinalubong sila ni Jesus at sinabi: “Magandang araw!” Lumapit sila at yumukod sa paanan niya. Pagkatapos, sinabi ni Jesus: “Huwag kayong matakot! Pumunta kayo sa mga kapatid ko at balitaan sila para makapunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.”—Mateo 28:9, 10.

      Bago nito, nang lumindol at magpakita ang mga anghel, ang mga sundalong nagbabantay sa libingan ay “nanginig . . . sa takot at hindi na makakilos.” Nang mahimasmasan sila, pumasok sila sa lunsod at “ibinalita sa mga punong saserdote ang lahat ng nangyari.” Nakipagpulong naman ang mga saserdote sa matatandang lalaki ng mga Judio. Nagdesisyon sila na suhulan ang mga sundalo para isekreto ang bagay na ito at sabihin sa mga tao: “Dumating ang mga alagad niya kagabi at ninakaw siya habang natutulog kami.”—Mateo 28:4, 11, 13.

      Puwedeng parusahan ng kamatayan ang mga sundalong Romano kapag nakatulog sila habang nagbabantay, kaya nangako ang mga saserdote: “Kung malaman ito ng gobernador, huwag kayong mag-alala dahil kami na ang magpapaliwanag sa kaniya.” (Mateo 28:14) Tinanggap ng mga sundalo ang suhol at sinunod ang utos ng mga saserdote. Kaya kumalat sa mga Judio ang kuwentong ninakaw diumano ang katawan ni Jesus.

      Umiiyak pa rin si Maria Magdalena sa libingan. Pagsilip niya sa loob, may nakita siyang dalawang anghel na nakaputi! Ang isa ay nakaupo sa ulunan kung saan dating nakahimlay ang katawan ni Jesus at ang isa naman ay sa paanan. “Babae, bakit ka umiiyak?” ang tanong nila. Sumagot si Maria: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.” Paglingon ni Maria, may lalaking nakatayo. Inulit nito ang tanong ng mga anghel at idinagdag: “Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang hardinero ang kausap niya, sinabi ni Maria: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.”—Juan 20:13-15.

      Ang totoo, ang binuhay-muling si Jesus ang kausap ni Maria, pero hindi niya ito nakilala. Pero nang sabihin nito, “Maria!” agad niyang nakilala na si Jesus ito dahil sa paraan ng pakikipag-usap nito sa kaniya. “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro!”), ang nasabi ni Maria sa sobrang tuwa. Agad niyang hinawakan si Jesus dahil akala niya, aakyat na si Jesus sa langit. Kaya sinabi ni Jesus: “Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama at sa aking Diyos at inyong Diyos.’”—Juan 20:16, 17.

      Tumakbo si Maria sa lugar na pinagtitipunan ng mga apostol at ng iba pang alagad. Sinabi niya sa kanila: “Nakita ko ang Panginoon!” gaya ng iniulat ng iba pang babae. (Juan 20:18) Gayunman, inisip nilang “imahinasyon lang ang sinabi ng mga babae.”—Lucas 24:11.

      • Nang makita ni Maria Magdalena na walang laman ang libingan, ano ang ginawa niya? At ano naman ang nasaksihan ng ibang babae?

      • Ano ang reaksiyon nina Pedro at Juan nang makita nilang walang laman ang libingan?

      • Sino ang nasalubong ng ibang babae nang papunta sila sa mga alagad? Ano ang nangyari pagbalik ni Maria Magdalena sa libingan?

      • Ano ang reaksiyon ng mga alagad sa mga ulat na narinig nila?

  • Nagpakita sa Marami ang Binuhay-Muling si Jesus
    Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay
    • Nagpakita kay Tomas ang binuhay-muling si Jesus

      KABANATA 135

      Nagpakita sa Marami ang Binuhay-Muling si Jesus

      LUCAS 24:13-49 JUAN 20:19-29

      • NAGPAKITA SI JESUS SA DAAN PATUNGO SA EMAUS

      • PAULIT-ULIT NIYANG BINUKSAN SA MGA ALAGAD ANG KASULATAN

      • NAPAWI ANG PAGDUDUDA NI TOMAS

      Linggo, Nisan 16, lugmok sa kalungkutan ang mga alagad. Naguguluhan sila kung bakit walang laman ang libingan. (Mateo 28:9, 10; Lucas 24:11) Nang maglaon noong araw na iyon, si Cleopas at isa pang alagad ay umalis sa Jerusalem at nagpunta sa Emaus, na mga 11 kilometro ang layo.

      Pinag-uusapan nila ang nangyari habang naglalakad. Pagkatapos, isang estranghero ang sumabay sa kanila. Nagtanong ito: “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo habang naglalakad?” Sumagot si Cleopas: “Dayuhan ka ba sa Jerusalem at walang nakakausap? Bakit hindi mo alam ang mga nangyari doon nitong nakaraan?” Nagtanong ang estranghero: “Ano?”—Lucas 24:17-19.

      “Ang mga nangyari kay Jesus na Nazareno,” ang sabi nila. “Inaasahan namin na ang taong ito ang magliligtas sa Israel.”—Lucas 24:19-21.

      Patuloy na inilahad ni Cleopas at ng kasama niya ang mga nangyari nang mismong araw na iyon. Ikinuwento nila na may ilang babae na nagpunta sa libingan ni Jesus at nakita itong walang laman at na isang kababalaghan ang nasaksihan ng mga babaeng ito—ang mga anghel na nagpakita at nagsabing buháy si Jesus. Sinabi rin nila na may iba pang nagpunta sa libingan at “nakita nilang totoo ang sinabi ng mga babae.”—Lucas 24:24.

      Talagang naguguluhan ang dalawang alagad sa mga nangyari. Itinuwid ng estranghero ang iniisip nila, na nakakaapekto sa kanila: “Mga di-makaunawa at mabagal ang puso sa pagtanggap sa lahat ng sinabi ng mga propeta! Hindi ba kailangang danasin ng Kristo ang mga ito para matanggap niya ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya?” (Lucas 24:25, 26) At patuloy na ipinaliwanag ng lalaki ang maraming hula sa Kasulatan tungkol sa Kristo.

      Malapit na sa Emaus ang tatlo. Gusto pang makinig ng dalawang alagad, kaya niyaya nila ang estranghero: “Sumama ka muna sa amin, dahil lumulubog na ang araw at malapit nang dumilim.” Pumayag siya, at naghapunan sila. Matapos manalangin ang estranghero, pagputol-putulin ang tinapay, at iabot ito sa kanila, saka lang nila siya nakilala, pero bigla siyang nawala. (Lucas 24:29-31) Kumbinsido na sila ngayong buháy si Jesus!

      Sa tuwa ng dalawang alagad, nasabi nila: “Hindi ba nagniningas ang puso natin habang kinakausap niya tayo sa daan, habang malinaw niyang ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan?” (Lucas 24:32) Nagmadali sila pabalik sa Jerusalem, at doon nila nakita ang mga apostol at ang iba pa. Bago pa man masabi ni Cleopas at ng kasama niya ang nangyari sa kanila, narinig nilang nagsasabi ang iba: “Talaga ngang binuhay-muli ang Panginoon at nagpakita siya kay Simon!” (Lucas 24:34) Saka sinabi ng dalawa kung paano nagpakita sa kanila si Jesus. Oo, sila rin ay mga saksi.

      Ngayon, nagulat ang lahat—nagpakita sa silid si Jesus! Parang imposible ito kasi ikinandado nila ang mga pinto sa takot sa mga Judio. Pero nandoon sa gitna nila si Jesus. Mahinahon niyang sinabi: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Pero natakot sila. Gaya noong minsan, “akala nila, isang espiritu ang nakikita nila.”—Lucas 24:36, 37; Mateo 14:25-27.

      Para patunayang hindi siya aparisyon o imahinasyon lang, kundi may katawang laman, ipinakita ni Jesus ang mga kamay at paa niya, na sinasabi: “Bakit kayo naguguluhan, at bakit nagkaroon ng mga pag-aalinlangan sa puso ninyo? Tingnan ninyo ang mga kamay at paa ko para malaman ninyo na ako nga ito; hawakan ninyo ako at tingnan, dahil ang isang espiritu ay walang laman at buto, hindi gaya ng nakikita ninyo sa akin.” (Lucas 24:36-39) Tuwang-tuwa sila at manghang-mangha pero parang hindi pa rin makapaniwala.

      Para mas matulungan pa silang maniwala na totoo siya, nagtanong siya: “Mayroon ba kayong pagkain?” Binigyan siya ng inihaw na isda at kinain niya iyon. Pagkatapos, sinabi niya: “Ito ang sinasabi ko sa inyo noong kasama pa ninyo ako [bago ako namatay], na kailangang matupad ang lahat ng bagay tungkol sa akin na nakasulat sa Kautusan ni Moises at sa mga Propeta at sa Mga Awit.”—Lucas 24:41-44.

      Tinulungan ni Jesus si Cleopas at ang kasama niya na maintindihan ang Kasulatan, at ganoon din ngayon ang ginawa niya para sa lahat ng nagkatipon: “Ito ang nakasulat: Ang Kristo ay magdurusa at mabubuhay-muli sa ikatlong araw, at sa ngalan niya ay ipangangaral ang mensahe ng pagsisisi at kapatawaran ng kasalanan sa lahat ng bansa, pasimula sa Jerusalem. Kayo ay magpapatotoo tungkol sa mga ito.”—Lucas 24:46-48.

      Sa hindi malamang dahilan, wala roon si Tomas. Sa nagdaang mga araw, masayang sinasabi sa kaniya ng iba: “Nakita namin ang Panginoon!” Pero sinabi ni Tomas: “Maniniwala lang ako kung makikita ko ang butas ng pako sa mga kamay niya at maipapasok ko ang daliri ko sa mga butas na iyon at ang kamay ko sa tagiliran niya.”—Juan 20:25.

      Makalipas ang walong araw, muling nagtipon ang mga alagad sa isang silid na nakakandado, pero kasama na si Tomas ngayon. Nagpakita si Jesus sa gitna nila sa katawang laman at binati sila: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.” Bumaling si Jesus kay Tomas at sinabi: “Ilagay mo rito ang daliri mo, at tingnan mo ang mga kamay ko, at ipasok mo ang iyong kamay sa tagiliran ko, at huwag ka nang magduda kundi manampalataya ka.” Biglang nasabi ni Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!” (Juan 20:26-28) Oo, wala na siyang duda ngayon na buháy si Jesus bilang isang makapangyarihang espiritung nilalang na kinatawan ng Diyos na Jehova.

      “Naniwala ka ba dahil sa nakita mo ako?” ang sabi ni Jesus. “Maligaya ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.”—Juan 20:29.

      • Ano ang itinanong ng isang estranghero sa dalawang alagad na papunta sa Emaus?

      • Bakit nagningas ang puso ng mga alagad?

      • Pagbalik ni Cleopas at ng kaniyang kasama sa Jerusalem, anong balita ang narinig nila? Ano ang nangyari pagkatapos?

      • Paano nakumbinsi si Tomas na buháy si Jesus?

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share