-
Sumunod sa Diyos Sina Abraham at SaraMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 8
Sumunod sa Diyos Sina Abraham at Sara
May isang lunsod na malapit sa Babel. Ito ang lunsod ng Ur. Ang mga tao doon ay mas sumasamba sa maraming diyos kaysa kay Jehova. Pero may isang lalaking taga-Ur na ang sinasamba ay si Jehova lang. Siya si Abraham.
Sinabi ni Jehova kay Abraham: ‘Umalis ka sa iyong bahay at iwanan ang iyong mga kamag-anak, at pumunta ka sa isang lupain na ipapakita ko sa iyo.’ Nangako ang Diyos: ‘Ikaw ay magiging isang malaking bansa, at gagawan ko ng mabuti ang maraming tao sa buong lupa dahil sa iyo.’
Hindi alam ni Abraham kung saan siya papupuntahin ni Jehova, pero sumunod pa rin siya kasi nagtitiwala siya kay Jehova. Kaya si Abraham, ang asawa niyang si Sara, ang tatay niyang si Tera, at ang pamangkin niyang si Lot ay nag-impake at naglakbay.
Si Abraham ay 75 taon nang makarating sila sa lugar na gustong ipakita ni Jehova. Ito ang lupain ng Canaan. Doon sinabi ng Diyos kay Abraham ang pangakong ito: ‘Ibibigay ko sa iyong mga anak ang buong lupaing ito na nakikita mo.’ Pero walang anak sina Abraham at Sara, at matanda na sila. Kaya paano matutupad ang pangakong ito ni Jehova?
“Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang utusan siyang pumunta sa lugar na tatanggapin niya bilang mana; umalis siya kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.”—Hebreo 11:8
-
-
Magkakaanak Na!Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 9
Magkakaanak Na!
Matagal nang mag-asawa sina Abraham at Sara. Iniwan nila ang magandang bahay nila sa Ur at tumira sa tolda. Pero hindi nagreklamo si Sara dahil may tiwala siya kay Jehova.
Gustong-gusto ni Sara na magkaanak, kaya sinabi niya kay Abraham: ‘Kung magkakaanak ang alipin kong si Hagar, parang anak ko na rin ’yon.’ Nang maglaon, nagkaanak si Hagar ng isang lalaki. Ismael ang pangalan niya.
Pagkalipas ng maraming taon, noong si Abraham ay 99 na taon at si Sara naman ay 89, may dumating na tatlong bisita. Niyaya sila ni Abraham sa lilim ng isang puno para makapagpahinga at makakain. Alam mo ba kung sino ang mga bisita? Mga anghel! Sinabi nila kay Abraham: ‘Sa isang taon, magkakaanak kayo ng isang lalaki.’ Nakikinig noon si Sara sa loob ng tolda. Natawa siya at naisip niya: ‘Magkakaanak pa ba ako sa tanda kong ’to?’
Nang sumunod na taon, nagkaanak nga si Sara ng isang lalaki, gaya ng sinabi ng anghel ni Jehova. Pinangalanan ito ni Abraham na Isaac, ibig sabihin, “Pagtawa.”
Nang mga limang taon na si Isaac, nakita ni Sara na lagi itong inaasar ni Ismael. Gusto niyang protektahan ang anak niya, kaya sinabi niya kay Abraham na paalisin sina Hagar at Ismael. Ayaw pumayag ni Abraham. Pero sinabi ni Jehova kay Abraham: ‘Makinig ka kay Sara. Ako ang bahala kay Ismael. Pero kay Isaac matutupad ang aking mga pangako.’
“Dahil din sa pananampalataya, nagdalang-tao si Sara . . . , dahil naniniwala siyang tapat ang nangako nito.”—Hebreo 11:11
-