Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 7/08 p. 6-9
  • Kung Paano Gagawing Matagumpay ang Pag-aasawa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Gagawing Matagumpay ang Pag-aasawa
  • Gumising!—2008
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Pagsisikap
  • Gawing Marangal ang Iyong Pag-aasawa
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Maaaring Iligtas ang Inyong Pag-aasawa!
    Gumising!—2001
  • Pagkatapos ng Araw ng Kasal
    Kung Paano Mananatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Gawing Matagumpay ang Kristiyanong Pag-aasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2016
Iba Pa
Gumising!—2008
g 7/08 p. 6-9

Kung Paano Gagawing Matagumpay ang Pag-aasawa

ANG pag-aasawa ay maihahalintulad sa isang paglalakbay na maraming di-inaasahang pangyayari​—ang ilan ay masaya, at ang iba ay malungkot. Ang biglaang mga pangyayari ay maaaring magdulot ng di-inaasahang mga hamon, na ang ilan ay waring wala nang solusyon. Sa kabila nito, maraming tao ang naging matagumpay at maligaya sa paglalakbay na ito, na may ilang maliliit na problema lamang. Tunay nga, ang tagumpay sa pag-aasawa ay hindi nasusukat sa dami ng pinagdaanang problema sa paglalakbay na ito, kundi kung paano hinarap ng mga mag-asawa ang mga problemang dumating sa kanila.

Ano sa palagay mo ang makatutulong upang maging mas matagumpay at kasiya-siya ang paglalakbay na ito sa buhay bilang mag-asawa? Nadarama ng maraming mag-asawa na kailangan nila ang isang ‘mapa sa pag-aasawa’ na magagamit nila bilang giya. Ang pinakamaaasahan at pinakamapananaligang “mapa” sa pag-aasawa ay inilaan ng Tagapagpasimula ng pag-aasawa​—ang Diyos na Jehova. Pero ang kaniyang Salita, ang Banal na Bibliya, na isinulat sa tulong ng banal na espiritu ay hindi isang agimat. Sa halip, naglalaman ito ng praktikal na tagubilin na kailangang sundin ng mga mag-asawa upang maging matagumpay ang kanilang pagsasama.​—Awit 119:105; Efeso 5:21-33; 2 Timoteo 3:16.

Tingnan natin ang ilan sa mga direksiyong ibinibigay ng Kasulatan​—mga susing simulain mula sa Bibliya​—na magiging giya mo upang maging matagumpay at maligaya ang inyong paglalakbay sa buhay bilang mag-asawa.

▸ Ituring na sagrado ang pag-aasawa. “Ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Pinasimulan ng Maylalang ang kaayusan sa pag-aasawa nang ipakilala Niya ang unang lalaking si Adan sa asawa nitong si Eva. (Genesis 2:21-24) Pinatunayan ni Kristo Jesus, na nakasaksi sa pangyayaring ito bago siya naging tao, na ang pagsasama nina Adan at Eva bilang mag-asawa ay nilayong maging panghabambuhay. Sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”​—Mateo 19:4-6.

Nang banggitin ni Jesus ang mga pananalitang “ang pinagtuwang ng Diyos,” hindi naman niya ibig sabihin na ang Diyos mismo ang nagsasaayos ng mga pag-aasawa. Sa halip, pinatutunayan lamang niya na ang Diyos mismo ang nagpasimula sa ugnayang pangmag-asawa kung kaya dapat itong ituring na sagrado.a

Sabihin pa, hindi naman nanaisin ng mga asawang lalaki at babae na maging ‘magkatuwang’ sa isang matabang at walang pag-ibig na pagsasama. Sa halip, gusto nilang magkaroon ng masayang pag-aasawa kung saan pareho silang susulong at magiging maligaya. Maaari silang maging maligaya bilang ‘magkatuwang’ kung susundin nila ang praktikal na mga payo ng Maylalang na masusumpungan sa Bibliya.

Yamang tayong lahat ay hindi sakdal, tiyak na magkakaroon ng mga di-pagkakaunawaan at di-pagkakasundo. Gayunman, ang matagumpay na pag-aasawa ay kadalasan nang nakadepende, hindi sa dami ng pagkakatulad ng mag-asawa, kundi kung paano sila nakikibagay sa isa’t isa kapag mayroon silang di-pagkakatulad. Kaya naman, ang isa sa pinakamahalagang kasanayan sa pag-aasawa ay ang kakayahang lutasin ang mga di-pagkakasundo sa maibiging paraan, sapagkat ang pag-ibig ang “buklod ng ganap na pagkakaisa.”​—Colosas 3:14, Magandang Balita Biblia.

▸ Magsalita nang may paggalang. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kawikaan 12:18) Natuklasan ng mga mananaliksik na karamihan sa mga pag-uusap ay nagtatapos sa paraan kung paano ito pinasimulan. Kaya kapag pinasimulan ang pag-uusap sa magalang na paraan, mas malamang na sa gayon ding paraan ito magtatapos. Sa kabaligtaran, tiyak na alam mo ang pakiramdam kapag ang isang mahal sa buhay ay nagsalita sa iyo nang di-pinag-iisipan. Kaya naman, idalangin ang bagay na ito at maging determinadong magsalita nang may dangal, paggalang, at pag-ibig. (Efeso 4:31) “Bagaman alam namin ang kahinaan ng bawat isa,” ang paliwanag ng isang asawang babaing taga-Hapón, si Haruko,b na 44 na taon nang may asawa, “sinisikap naming magsalita nang may paggalang sa isa’t isa at magpakita ng pagpapahalaga sa magagandang katangian ng bawat isa. Nakatulong iyan para magkaroon kami ng matagumpay na pag-aasawa.”

▸ Sikaping maging mabait at mahabagin. “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw.” (Efeso 4:32) Kapag may matinding di-pagkakaunawaan ang mag-asawa at nagalit ang isa, kadalasang nagagalit na rin ang kaniyang kabiyak. Sa Alemanya, ganito ang inamin ni Annette, na masaya sa kaniyang 34-na-taóng buhay may-asawa: “Hindi madaling magtimpi kapag tensiyonado ka​—nakakapagsalita ka ng mga bagay na nakasasakit sa damdamin ng iyong asawa, na lalo lamang nagpapalala sa situwasyon.” Ngunit sa pagsisikap na maging mabait at mahabagin, malaki ang magagawa mo para magkaroon ng mapayapang pag-aasawa.

▸ Maging mapagpakumbaba. “[Huwag gumawa] ng anuman dahil sa hilig na makipagtalo o dahil sa egotismo, kundi may kababaan ng pag-iisip na itinuturing na ang iba ay nakatataas sa inyo.” (Filipos 2:3) Maraming nagiging problema kapag nagmamataas ang isang may asawa at sinisisi ang kaniyang kabiyak sa mga nangyaring problema sa halip na mapagpakumbabang ayusin ito. Makatutulong ang kababaan ng pag-iisip, o kapakumbabaan, upang mapaglabanan mo ang tendensiyang ipilit na ikaw ang tama sa inyong pinagtatalunan.

▸ Huwag maging balat-sibuyas. “Huwag kang magmadaling maghinanakit sa iyong espiritu.” (Eclesiastes 7:9) Iwasan ang tendensiyang kontrahin agad ang pangmalas ng iyong asawa o ipangatuwiran agad ang iyong sinabi o ginawa kapag may tinatanong ang iyong asawa hinggil dito. Sa halip, matamang pakinggan ang sinasabi ng iyong asawa. Pag-isipang mabuti ang iyong isasagot. Madalas na huli na ang lahat bago malaman ng maraming mag-asawa na mas mahalaga palang mawagi nila ang puso ng kanilang kabiyak kaysa sa magwagi sila sa pagtatalo.

▸ Alamin kung kailan ka tatahimik. “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Walang-alinlangan na ang mabuting komunikasyon ang isa sa pinakamahalagang tulong upang maging maligaya ang pag-aasawa. Kung gayon, bakit sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik”? (Eclesiastes 3:7) Pagkakataon ito para makinig nang mabuti at unawain ang sinasabi ng iyong asawa​—isang napakahalagang bahagi ng komunikasyon na nagsasangkot ng pag-alam kung ano talaga ang nadarama ng iyong asawa at kung bakit gayon ang nadarama niya.

▸ Makinig nang may empatiya. “Makipagsaya sa mga taong nagsasaya; makitangis sa mga taong tumatangis.” (Roma 12:15) Napakahalaga ng empatiya sa makabuluhang komunikasyon dahil nakakatulong ito sa iyo upang maramdaman mo ang tunay na niloloob ng iyong asawa. Sa ganitong kalagayan, makapagpapakita kayo ng paggalang at dangal sa opinyon at damdamin ng isa’t isa. “Kapag pinag-uusapan namin ang aming mga problema,” ang sabi ni Nella na taga-Brazil, na 32 taon nang may asawa, “lagi akong nakikinig nang mabuti upang maunawaan ko ang iniisip at nadarama ni Manuel.” Kapag nagsasalita ang iyong asawa, ‘panahon ito para tumahimik’ ka at makinig nang may empatiya.

▸ Ugaliing magpahayag ng pagpapahalaga. “Ipakita ninyong kayo ay mapagpasalamat.” (Colosas 3:15) Nagiging matibay ang pagsasama ng mga mag-asawa kapag tinitiyak nilang naipadarama nila sa isa’t isa na pinahahalagahan nila ang ginagawa ng bawat isa. Gayunman, sa araw-araw na rutin ng buhay may-asawa, nakakaligtaan ng ilang may asawa ang napakahalagang aspektong ito ng komunikasyon at ipinapalagay na lamang na alam na ng kanilang kabiyak na sila ay pinahahalagahan. “Maaari namang ipadama ng maraming may asawa sa kanilang kabiyak,” ang sabi ni Dra. Ellen Wachtel, “na sila ay pinahahalagahan pero kadalasang hindi nila iniisip na gawin iyon.”

Ang mga asawang babae ay partikular nang nangangailangan ng maibiging katiyakan na pinahahalagahan sila ng kanilang asawa. Mga asawang lalaki, malaki ang magagawa ninyo para mapatibay ang inyong pag-aasawa at para maging mas maligaya ang inyong asawang babae, pati na rin kayo, sa pamamagitan ng pagpuri sa mabubuting ginagawa ng inyong kabiyak at sa magagandang katangian niya.

Parehong mahalaga ang pagbibigay ng katiyakan sa pamamagitan ng salita at gawa. Mga asawang lalaki, ang inyong magiliw na halik, maibiging haplos, at matamis na ngiti sa inyong asawa ay nangungusap nang higit kaysa sa pagsasabi lamang ng “Mahal kita.” Nagbibigay ito ng katiyakan sa kaniya na siya ay espesyal sa iyo at na kailangan mo siya. Tawagan mo siya sa telepono o padalhan mo siya ng text message at sabihin sa kaniya, “Nami-miss na kita” o “Kumusta ang araw mo?” Kung hindi mo na ito nagagawa di-tulad noong nanliligaw ka pa sa kaniya, makabubuting gawin mo itong muli. Patuloy na alamin kung ano ang nakapagpapataba sa puso ng iyong asawa.

Angkop na angkop ang mga pananalita ng ina ni Haring Lemuel ng sinaunang Israel: “Pinupuri [ang asawang babae] ng kanyang kabiyak, ‘Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila’y nakahihigit ka.’” (Kawikaan 31:1, 28, 29, Magandang Balita Biblia) Kailan mo huling pinapurihan ang iyong asawa?

▸ Maging mabilis sa pagpapatawad. “Huwag hayaang lumubog ang araw na kayo ay pukáw sa galit.” (Efeso 4:26) Sa pag-aasawa, tiyak na makagagawa kayong dalawa ng mga pagkakamali. Dahil dito, napakahalaga ang pagiging handang magpatawad. Nasumpungan nina Clive at Monica, na nasa Timog Aprika at 43 taon nang kasal, na napakalaking tulong ng payong ito mula sa Bibliya. “Sinisikap naming ikapit ang simulaing masusumpungan sa Efeso 4:26,” ang paliwanag ni Clive, “at sinisikap naming maging mabilis sa pagpapatawad sa isa’t isa, dahil alam naming kalugud-lugod ito sa Diyos. Pagkatapos nito, nagiging magaan na ang pakiramdam namin sa situwasyon, at mahimbing ang tulog namin dahil malinis ang aming budhi.”

Matalino ang payo ng isang sinaunang kawikaan: “Kagandahan [ang] palampasin ang pagsalansang.” (Kawikaan 19:11) Sang-ayon dito si Annette, na nabanggit na sa artikulong ito, at idinagdag pa niya: “Imposibleng magtagumpay ang pag-aasawa kung walang pagpapatawad.” Ipinaliwanag niya kung bakit: “Dahil kung wala ito, magkakaroon ng hinanakit at kawalan ng tiwala, at iyan ay lason sa pag-aasawa. Sa pamamagitan ng pagpapatawad, lalong tumitibay ang inyong pag-aasawa at lalo kayong nagiging malapít sa isa’t isa.”

Kung nasaktan mo ang damdamin ng iyong asawa, huwag basta ipagpalagay na patatawarin ka niya at malilimutan niya rin iyon. Ang pakikipagpayapaan ay humihiling na gawin mo ang isa sa pinakamahirap na bagay na kailangang gawin ng mga mag-asawa: Amining nagkamali ka. Sa kabila nito, humanap ka pa rin ng paraan para mapagpakumbaba mong masabi ang tulad nito: “Mahal, pasensiya ka na. Nagkamali ako.” Kung mapagpakumbaba kang hihingi ng tawad, igagalang ka ng iyong asawa at makatutulong ito upang magkaroon kayo ng tiwala sa isa’t isa, at magiging higit na mapayapa ang iyong isipan.

▸ Maging tapat sa iyong kabiyak at sa inyong sumpaan bilang mag-asawa. “Hindi na sila [ang asawang lalaki at babae] dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.” (Mateo 19:6) Taimtim kayong sumumpa sa harap ng Diyos at sa harap ng tao at sa isa’t isa na magsasama kayo sa hirap at ginhawa.c Gayunman, ang sumpaan ninyo ay hindi lamang isang obligasyon sa batas. Sa halip, ito ay udyok ng taimtim at taos-pusong pag-ibig, at tanda ito ng paggalang at pagpapakita ng dangal sa isa’t isa at sa Diyos. Kaya huwag hahayaang humina ang inyong sagradong ugnayan bilang mag-asawa dahil sa pakikipagligaw-biro; magkaroon ng romantikong interes tangi lamang sa iyong asawa.​—Mateo 5:28.

▸ Tumitibay ang sumpaan dahil sa pagsasakripisyo. “[Ituon] ang mata, hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.” (Filipos 2:4) Ang pag-una sa pangangailangan at kagustuhan ng iyong kabiyak ang isa sa mga paraan upang mapatibay ang inyong sumpaan. Sinisikap ni Premji, 20 taon nang kasal, na tulungan sa mga gawaing-bahay ang kaniyang kabiyak, na nagtatrabaho nang buong-panahon. “Tinutulungan ko si Rita sa pagluluto at paglilinis at sa iba pang gawaing-bahay para magkaroon naman siya ng panahon at lakas para sa mga bagay na gustung-gusto niyang gawin.”

Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Pagsisikap

Kung minsan, baka sumuko na ang iba dahil malaking pagsisikap ang kailangan para maging maligaya ang pag-aasawa. Pero huwag hayaan ang mga problema na maging dahilan upang masira ang inyong sumpaan o mabale-wala ang lahat ng inyong pinaghirapan, ang distansiya na inyo nang nalakbay nang magkasama.

“Kung magsisikap kayo nang husto at ipakikitang gusto ninyong magtagumpay sa inyong pag-aasawa, pagpapalain kayo ni Jehova,” ang sabi ni Sid, na 33 taon nang maligaya ang pag-aasawa. Ang inyong tapat na pagsuporta sa isa’t isa sa mahihirap na panahon at ang magkasama ninyong pagtatamasa ng masasayang sandali ay tutulong upang magkaroon kayo ng kasiya-siyang paglalakbay tungo sa isang matagumpay na pag-aasawa.

[Mga talababa]

a Sinabi ni Jesus na ang tanging saligan upang mapawalang-bisa ang pag-aasawa at malayang makapag-asawang muli ang isa ay ang pakikiapid​—pakikipagtalik sa hindi asawa.​—Mateo 19:9.

b Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

c Ibinibigay ng Bibliya sa pinagkasalahang asawa ang karapatang magpasiya kung didiborsiyuhin niya ang kaniyang nangalunyang kabiyak. (Mateo 19:9) Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Pangangalunya​—Patawarin o Huwag Patawarin?” sa isyu ng Gumising! ng Agosto 8, 1995.

[Blurb sa pahina 6]

Ang Bibliya ay maihahalintulad sa isang mapa para sa paglalakbay sa buhay bilang mag-asawa

[Kahon/​Larawan sa pahina 7]

Kapag Kailangan Ninyong Pag-usapan ang Isang Problema

◼ Gawin ito sa panahong pareho kayong hindi pagod.

◼ Huwag maging mapamuna; magkaroon ng positibong saloobin sa isa’t isa.

◼ Huwag sisingit kapag nagsasalita pa ang isa; makinig habang nagsasalita ang bawat isa.

◼ Huwag bale-walain ang damdamin ng iyong asawa.

◼ Magkaroon ng empatiya sa isa’t isa, kahit na hindi kayo nagkakasundo sa isang bagay.

◼ Maging makatuwiran at handang makibagay.

◼ Mapagpakumbabang humingi ng tawad kung nagkamali ka.

◼ Papurihan siya at sabihing mahal mo siya.

[Kahon/​Larawan sa pahina 8]

Para Maging Matagumpay ang Pag-aasawa

◼ Laging isaisip ang mga katotohanan mula sa Bibliya na makapagpapatibay sa pag-aasawa.

◼ Maglaan ng panahon para patibayin ang iyong asawa at ang inyong pag-aasawa.

◼ Maging magiliw at mapagmahal.

◼ Maging mapagkakatiwalaan at maging tapat sa inyong sumpaan.

◼ Maging mabait at magalang.

◼ Magtulungan sa gawaing-bahay.

◼ Sikaping maging kasiya-siya ang inyong mga pag-uusap.

◼ Makipagbiruan sa isa’t isa at maglibang nang magkasama.

◼ Laging sikaping patibayin ang inyong pag-aasawa.

[Kahon/​Larawan sa pahina 9]

Para sa Personal na Pagbubulay-bulay

◼ Ano ang kailangang-kailangan kong pasulungin sa aking pag-aasawa?

◼ Anong mga hakbang ang kailangan kong gawin para magawa ito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share