-
Isang Aliping Sumunod sa DiyosMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 14
Isang Aliping Sumunod sa Diyos
Isa si Jose sa nakababatang anak ni Jacob. Napansin ng mga kuya ni Jose na paborito siya ng tatay nila. Ano kaya ang naramdaman nila? Nainggit sila kay Jose at nagalit sa kaniya. Nang magkaroon si Jose ng kakaibang panaginip, ikinuwento niya ang mga ito sa kanila. Inisip ng mga kuya niya na darating ang araw na yuyukod sila kay Jose. Lalo tuloy silang nagalit sa kaniya!
Isang araw, nagbabantay ng mga tupa ang mga kuya ni Jose malapit sa lunsod ng Sikem. Inutusan ni Jacob si Jose na puntahan ang mga kuya niya. Malayo pa lang si Jose, nakita na siya ng mga kuya niya. Sinabi nila: ‘Heto na y’ong laging nananaginip. Patayin natin!’ Kinuha nila siya at itinapon sa malalim na hukay. Pero sinabi ng kuya niyang si Juda: ‘Huwag n’yo siyang patayin! Ibenta na lang natin siya para maging alipin.’ Sa halagang 20 pirasong pilak, ibinenta nila si Jose sa mga negosyanteng Midianita na papunta sa Ehipto.
Pagkatapos, isinawsaw ng mga kuya ni Jose ang damit niya sa dugo ng kambing, ipinakita sa tatay nila, at sinabi: ‘Damit ito ng anak n’yo, ’di ba?’ Kaya inisip ni Jacob na pinatay si Jose ng isang mabangis na hayop. Lungkot na lungkot siya.
Sa Ehipto, ibinenta si Jose sa mataas na opisyal na si Potipar. Pero hindi pinabayaan ni Jehova si Jose. Napansin ni Potipar na masipag si Jose at maaasahan. Kaya di-nagtagal, kay Jose ipinagkatiwala ang lahat ng pag-aari ni Potipar.
Napansin ng asawa ni Potipar na si Jose ay guwapo at malakas. Araw-araw niyang niyayaya si Jose na mahiga sa tabi niya. Ano ang gagawin ni Jose? Sinabi ni Jose: ‘Ayoko! Masama ’yon. Nagtitiwala sa akin ang panginoon ko, at asawa ka niya. Kapag pumayag ako, magkakasala ako sa Diyos!’
Isang araw, pilit na pinahihiga ng asawa ni Potipar sa tabi niya si Jose. Hinatak niya ang damit ni Jose, pero nakatakbo ito. Pag-uwi ni Potipar, nagsumbong ang asawa niya at sinabing may ginawang masama sa kaniya si Jose. Pero hindi siya nagsasabi ng totoo. Galít na galít si Potipar, at ipinakulong niya si Jose. Pero hindi pinabayaan ni Jehova si Jose.
“Magpakababa kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, para maitaas niya kayo sa takdang panahon.”—1 Pedro 5:6
-
-
Hindi Pinabayaan ni Jehova si JoseMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 15
Hindi Pinabayaan ni Jehova si Jose
Habang nakakulong si Jose, nanaginip ang Paraon, ang hari ng Ehipto. Walang makapagpaliwanag ng mga panaginip niya. Sinabi ng isang lingkod ng Paraon na kayang ipaliwanag ni Jose ang kahulugan ng mga panaginip. Ipinatawag agad ng Paraon si Jose.
Tinanong niya si Jose: ‘Ano ang ibig sabihin ng mga panaginip ko?’ Sinabi ni Jose sa Paraon: ‘Pitong taóng magkakaroon ng maraming pagkain sa Ehipto, pero pagkatapos, pitong taon ding magkakaroon ng taggutom. Pumili ka ng matalinong tao na mag-iipon ng pagkain para hindi magutom ang mga tao.’ Sumagot ang Paraon: ‘Ikaw ang napili ko! Magiging pangalawa ka sa pinakamakapangyarihang tao sa Ehipto!’ Paano nalaman ni Jose ang ibig sabihin ng panaginip ng Paraon? Tinulungan siya ni Jehova.
Sa loob ng pitong taon, nag-ipon si Jose ng mga pagkain. Pagkatapos, nagkaroon ng taggutom sa buong lupa, gaya ng sinabi ni Jose. Kung saan-saan galing ang mga taong pumupunta kay Jose para bumili ng pagkain. Nabalitaan ng tatay niyang si Jacob na may pagkain sa Ehipto, kaya pinapunta ni Jacob doon ang 10 kuya ni Jose para bumili.
Nakilala agad sila ni Jose, pero hindi nila nakilala si Jose. Yumukod sila sa kaniya, gaya ng napanaginipan niya noong bata pa siya. Gustong malaman ni Jose kung nagbago na ang mga kuya niya. Kaya sinabi niya: ‘Mga espiya kayo. Gusto n’yong malaman ang kahinaan ng bansa namin.’ Sinabi nila: ‘Hindi po! Kami ay 12 magkakapatid na lalaki na taga-Canaan. Patay na ang isang kapatid namin, at ang bunso ay naiwan sa aming tatay.’ Sinabi ni Jose: ‘Isama n’yo dito ang inyong bunso para maniwala ako.’ Kaya umuwi sila sa tatay nila.
Nang maubusan ulit ng pagkain ang pamilya nila, pinabalik ni Jacob ang kaniyang mga anak sa Ehipto. Isinama nila si Benjamin, ang bunsong kapatid nila. Para subukin ang mga kapatid niya, itinago ni Jose ang kaniyang basong pilak sa sako ni Benjamin at pinagbintangan niya silang ninakaw nila iyon. Nang makita ng mga lingkod ni Jose ang baso sa bag ni Benjamin, nagulat ang mga kapatid niya. Nagmakaawa sila kay Jose na sila na lang ang parusahan, huwag si Benjamin.
Ngayon, nakita ni Jose na nagbago na ang mga kuya niya. Hindi na mapigil ni Jose ang nararamdaman niya. Napaiyak siya at sinabi: ‘Ako ang kapatid n’yo, si Jose. Buháy pa ba si Tatay?’ Hindi makapaniwala ang mga kapatid niya. Sinabi niya sa kanila: ‘Kalimutan n’yo na ang ginawa n’yo sa akin. Ipinadala ako dito ng Diyos para iligtas kayo. Sige umuwi na kayo, at isama n’yo si Tatay dito.’
Umuwi sila at sinabi ang magandang balita sa tatay nila at isinama siya sa Ehipto. Pagkaraan ng maraming taon, nagkita rin si Jose at ang tatay niya.
“Kung hindi ninyo pinatatawad ang mga pagkakamali ng iba, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang mga pagkakamali ninyo.”—Mateo 6:15
-