Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Sino si Job?
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Job, na puro sugat ang katawan, ay pinuntahan ng tatlong lalaki

      ARAL 16

      Sino si Job?

      Sa lupain ng Uz, may isang lalaking sumasamba kay Jehova. Ang pangalan niya ay Job. Napakayaman niya at marami siyang anak. Mabait siya at matulungin sa mahihirap, mga babaeng namatayan ng asawa, at sa mga batang wala nang tatay at nanay. Maganda ang ginagawa ni Job, pero ibig bang sabihin, hindi na siya magkakaproblema?

      Satanas na Diyablo

      Hindi alam ni Job na pinapanood siya ni Satanas na Diyablo. Sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Napansin mo ba ang lingkod kong si Job? Wala siyang katulad. Nakikinig siya sa akin at ginagawa niya ang tama.’ Sumagot si Satanas: ‘Siyempre susundin ka ni Job. Pinoprotektahan mo kasi siya. Binibigyan mo siya ng lupain at mga hayop. Subukan mong alisin ang lahat ng ’yan, at siguradong hindi ka na niya sasambahin.’ Sinabi ni Jehova: ‘Sige, subukin mo si Job. Pero huwag mo siyang papatayin.’ Bakit pumayag si Jehova na subukin ni Satanas si Job? Alam kasi ni Jehova na mananatiling tapat si Job.

      Sinimulang subukin ni Satanas si Job. Una, nagpadala siya ng mga taong tinatawag na Sabeano para nakawin ang mga baka at asno ni Job. Pagkatapos, nasunog ang lahat ng tupa ni Job. Ninakaw naman ng mga Caldeo ang mga kamelyo niya. Pinatay ang mga tagapag-alaga ng hayop. Pero may mas matindi pa diyan. Habang ang mga anak ni Job ay nagkakainan sa isang bahay, nagiba ito at namatay silang lahat. Lungkot na lungkot si Job, pero hindi siya huminto sa pagsamba kay Jehova.

      Gusto ni Satanas na lalo pang pahirapan si Job, kaya pinunô niya ng sugat ang buong katawan ni Job. Hiráp na hiráp si Job. Hindi niya alam kung bakit ito nangyayari sa kaniya. Pero sinamba pa rin niya si Jehova. Nakita itong lahat ng Diyos, kaya tuwang-tuwa siya kay Job.

      Pagkatapos, nagpadala si Satanas ng tatlong lalaki para subukin pa si Job. Sinabi nila kay Job: ‘May ginawa kang kasalanan pero itinatago mo. Kaya pinaparusahan ka ng Diyos.’ Sinabi ni Job: ‘Wala akong ginagawang mali.’ Pero naisip niyang kay Jehova galing ang mga problema niya, at sinabi niyang hindi tama ang ginagawa ng Diyos sa kaniya.

      Nakikinig sa usapan ang nakababatang si Elihu. Pagkatapos, nagsalita siya: ‘Mali kayong lahat. Hindi gano’n si Jehova. Hinding-hindi siya gagawa ng masama. Nakikita niya ang lahat at tumutulong siya kapag may problema ang mga tao.’

      Si Job, ang asawa niya, at ang kanilang sanggol

      Pagkatapos, nakipag-usap si Jehova kay Job: ‘Nasaan ka noong gawin ko ang langit at ang lupa? Bakit mo nasabing hindi tama ang ginagawa ko? Nagsasalita ka nang walang kaalam-alam sa nangyayari.’ Inamin ni Job ang pagkakamali niya at sinabi: ‘Nagkamali ako. Nakilala ko lang kayo mula sa sinasabi ng ibang tao, pero ngayon, talagang kilala ko na po kayo. Walang imposible sa inyo. Patawad po.’

      Nang matapos ang pagsubok, ibinalik ni Jehova ang kalusugan ni Job at binigyan pa siya ng mas marami kaysa sa dating mayroon siya. Nabuhay nang matagal at masaya si Job. Pinagpala ni Jehova si Job kasi sumunod si Job sa kaniya kahit mahirap ang nangyari sa kaniya. Gagayahin mo ba si Job at sasambahin si Jehova kahit ano’ng mangyari?

      “Nalaman ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at kung paano siya pinagpala ni Jehova nang bandang huli.”​—Santiago 5:11

      Tanong: Anong mga pagsubok ang ibinigay ni Satanas kay Job? Ano ang ibinigay ni Jehova kay Job bilang gantimpala?

      Job 1:1–3:26; 4:7; 32:1-5; 34:5, 21; 35:2; 36:15, 26; 38:1-7; 40:8; 42:1-17

  • Pinili ni Moises na Sambahin si Jehova
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Natagpuan ng anak ng Paraon ang sanggol na si Moises habang nakatingin si Miriam

      ARAL 17

      Pinili ni Moises na Sambahin si Jehova

      Sa Ehipto, ang pamilya ni Jacob ay nakilala bilang mga Israelita. Pagkamatay ni Jacob at ni Jose, may namahalang bagong Paraon. Natakot siya na baka maging mas makapangyarihan ang mga Israelita kaysa sa mga Ehipsiyo. Kaya inalipin ng Paraon na ito ang mga Israelita. Pinagawa niya sila ng mga laryo, o bricks, at pinagtrabaho sa bukid. Pero habang pinagtatrabaho nang mabigat ang mga Israelita, lalo silang dumadami. Hindi ito nagustuhan ng Paraon, kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng lalaking sanggol na isisilang ng mga Israelita. Siguradong takót na takót noon ang mga Israelita.

      Isang babaeng Israelita, si Jokebed, ang nagsilang ng sanggol na lalaki. Para hindi mapatay ang sanggol, inilagay niya ito sa basket at itinago sa gitna ng matataas na halaman sa Ilog Nilo. Nasa malapit lang si Miriam, ang ate ng sanggol, at tinitingnan kung ano ang mangyayari.

      Dumating ang anak na babae ng Paraon para maligo sa ilog. Nakita niya ang basket. Nang buksan niya ito, nakita niya ang sanggol na umiiyak, at naawa siya. Nagtanong si Miriam: ‘Gusto n’yo po bang humanap ako ng babaeng mag-aalaga sa sanggol?’ Nang pumayag ang anak ng Paraon, isinama ni Miriam ang nanay niyang si Jokebed. Sinabi ng anak ng Paraon sa kaniya: ‘Kunin mo ang sanggol at alagaan mo siya, at susuwelduhan kita.’

      Tumatakbo si Moises

      Nang malaki na ang bata, dinala siya ni Jokebed sa anak ng Paraon. Pinangalanan nitong Moises ang bata at pinalaki na parang sariling anak. Lumaki si Moises bilang prinsipe at puwede niyang makuha ang lahat ng gusto niya. Pero hindi kinalimutan ni Moises si Jehova. Alam niyang Israelita siya, hindi Ehipsiyo. At si Jehova ang pinili niyang paglingkuran.

      Sa edad na 40, inisip ni Moises na dapat niyang tulungan ang mga katulad niyang Israelita. Nang makita niyang pinapahirapan ng isang Ehipsiyo ang isang aliping Israelita, gumanti si Moises at napatay niya ito. Ibinaon ni Moises sa buhanginan ang katawan nito. Nalaman ito ng Paraon, kaya gusto niyang patayin si Moises. Pero tumakas si Moises at pumunta sa lupain ng Midian. Hindi siya pinabayaan ni Jehova doon.

      “Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises na tawaging anak ng prinsesa ng Ehipto [at] mas pinili niyang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos.”​—Hebreo 11:24, 25

      Tanong: Ano ang ginawa sa mga Israelita sa Ehipto? Bakit tumakas si Moises mula sa Ehipto?

      Genesis 49:33; Exodo 1:1-14, 22; 2:1-15; Gawa 7:17-29; Hebreo 11:23-27

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share