Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Nag-aapoy na Halaman
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Moises at ang nag-aapoy na halaman

      ARAL 18

      Ang Nag-aapoy na Halaman

      Tumira si Moises sa Midian nang 40 taon. Nakapag-asawa siya at nagkaroon ng mga anak. Isang araw, habang nagbabantay ng mga tupa malapit sa Bundok Sinai, may nakita siyang kakaiba. Isang matinik na halaman ang nag-aapoy, pero hindi nasusunog! Paglapit ni Moises para tingnan iyon, may nagsalita mula sa halaman: ‘Moises! Hanggang diyan ka lang. Hubarin mo ang sandalyas mo kasi banal ang lugar na ito.’ Si Jehova ang nagsasalita sa pamamagitan ng isang anghel.

      Natakot si Moises, kaya tinakpan niya ang mukha niya. Sinabi ng boses: ‘Nakita ko ang paghihirap ng mga Israelita. Ililigtas ko sila mula sa Ehipto at dadalhin sa isang magandang lupain. Ikaw ang maglalabas sa kanila sa Ehipto.’ Siguradong nagulat si Moises!

      Nagtanong si Moises: ‘Ano’ng sasabihin ko kapag nagtanong sila kung sino ang nagsugo sa akin?’ Sumagot ang Diyos: ‘Sabihin mo sa kanila na ang nagsugo sa iyo ay si Jehova, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.’ Pagkatapos, sinabi ni Moises: ‘Paano kung hindi sila makinig sa akin?’ Nagbigay si Jehova ng ebidensiya na tutulungan niya si Moises. Inutusan niya si Moises na ihagis sa lupa ang tungkod nito. Naging ahas ang tungkod! Nang hawakan ni Moises ang buntot ng ahas, naging tungkod ulit ito. Sinabi ni Jehova: ‘Gawin mo ang tandang ito, at ito mismo ang magpapatunay na isinugo kita.’

      Sinabi ni Moises: ‘Hindi ako magaling magsalita.’ Nangako si Jehova: ‘Ituturo ko sa iyo ang dapat sabihin, at uutusan ko si Aaron na tulungan ka.’ Dahil alam ni Moises na tutulungan siya ni Jehova, bumalik siya sa Ehipto kasama ang kaniyang asawa at mga anak.

      “Huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano ninyo ito sasabihin, dahil ipaaalam sa inyo ang sasabihin ninyo sa oras na iyon.”​—Mateo 10:19

      Tanong: Ano ang nakita ni Moises habang nagbabantay ng mga tupa? Ano ang gusto ni Jehova na gawin ni Moises?

      Exodo 3:1–4:20; Gawa 7:30-36

  • Ang Unang Tatlong Salot
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Humarap sa Paraon sina Moises at Aaron

      ARAL 19

      Ang Unang Tatlong Salot

      Ang mga Israelita ay pinagtrabaho bilang mga alipin. Inutusan ni Jehova sina Moises at Aaron na sabihin sa Paraon: ‘Palayain mo ang aking bayan para makasamba sila sa akin sa ilang.’ Sumagot ang mayabang na Paraon: ‘Wala akong pakialam kay Jehova. Hindi ko palalayain ang mga Israelita.’ At lalo pang pinahirapan ng Paraon ang mga Israelita. Tuturuan ni Jehova ng leksiyon ang Paraon. Alam mo ba kung ano ang ginawa ni Jehova? Ipinadala niya sa Ehipto ang Sampung Salot. Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Ayaw makinig ng Paraon sa akin. Bukas ng umaga, pupunta siya sa Ilog Nilo. Sundan mo siya doon at sabihin sa kaniya na dahil ayaw niyang palayain ang aking bayan, magiging dugo ang tubig sa Nilo.’ Pinuntahan ni Moises ang Paraon. Kitang-kita ng Paraon nang hampasin ni Aaron ng tungkod ang Nilo, at ang ilog ay naging dugo. Bumaho ang ilog, namatay ang mga isda, at hindi na puwedeng inumin ang tubig ng Nilo. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.

      Pagkaraan ng pitong araw, pinabalik ni Jehova si Moises para sabihin sa Paraon: ‘Kapag hindi mo pinalaya ang aking bayan, mapupuno ng palaka ang buong Ehipto.’ Itinaas ni Aaron ang tungkod niya at napuno nga ng palaka ang buong lupain. Nagkaroon ng mga palaka sa kanilang bahay, higaan, at kainán. May mga palaka sa lahat ng lugar! Sinabi ng Paraon kay Moises na pakiusapan si Jehova na itigil na ang salot. Nangako ang Paraon na palalayain na niya ang mga Israelita. Kaya pinatigil ni Jehova ang salot. Tinipon ng mga Ehipsiyo ang mga patay na palaka, at napakarami nito. Bumaho ang buong lupain. Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.

      ‘Tapos, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Dapat ihampas ni Aaron ang tungkod niya sa lupa, at ang alabok ay magiging niknik, o maliliit na insektong nangangagat.’ Bigla ngang nagkaroon ng niknik sa lahat ng lugar. Sinabi ng ilang Ehipsiyo sa Paraon: ‘Galing sa Diyos ang salot na ito.’ Pero ayaw pa ring palayain ng Paraon ang mga Israelita.

      Ang 3 sa 10 salot sa Ehipto: dugo sa Ilog Nilo, palaka, at niknik

      “Ipapakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan at kalakasan, at malalaman nila na ang pangalan ko ay Jehova.”​—Jeremias 16:21

      Tanong: Ano-ano ang unang tatlong salot? Bakit ipinadala ni Jehova ang mga salot na ito?

      Exodo 5:1-18; 7:8–8:19; Nehemias 9:9, 10

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share