-
Hindi Sila Tumupad sa PangakoMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 24
Hindi Sila Tumupad sa Pangako
Sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Umakyat ka dito sa bundok. Isusulat ko sa mga tapyas na bato ang mga utos ko at ibibigay sa iyo.’ Umakyat si Moises sa bundok at 40 araw at gabi siyang nanatili doon. Habang nandoon siya, isinulat ni Jehova sa dalawang tapyas na bato ang Sampung Utos at ibinigay ang mga iyon kay Moises.
Nang magtagal-tagal, inakala ng mga Israelita na iniwan na sila ni Moises. Sinabi nila kay Aaron: ‘Gusto namin ng isang mangunguna sa amin. Igawa mo kami ng isang diyos!’ Sinabi ni Aaron: ‘Ibigay n’yo sa akin ang inyong mga ginto.’ Tinunaw niya ang mga ginto at ginawang isang estatuwang guya, o batang baka. Sinabi ng mga Israelita: ‘Ang guyang ito ang Diyos na naglabas sa atin mula sa Ehipto!’ Sumamba sila sa gintong guya at nagdiwang. Mali ba iyon? Oo, kasi nangako silang si Jehova lang ang sasambahin nila. Pero ngayon, hindi nila tinutupad ang pangakong iyon.
Nakikita ni Jehova ang nangyayari. Sinabi niya kay Moises: ‘Bumaba ka. Sinusuway ako ng bayan at sumasamba sila sa diyos-diyusan.’ Bumaba si Moises sa bundok dala ang dalawang tapyas na bato.
Habang papalapit si Moises sa kampo, narinig niyang nagkakantahan ang mga Israelita. ’Tapos, nakita niya silang nagsasayawan at yumuyukod sa estatuwa. Galít na galít si Moises. Inihagis niya ang dalawang tapyas na bato at nabasag ang mga ito. Sinira niya agad ang estatuwa. Pagkatapos, tinanong niya si Aaron: ‘Paano ka nila nakumbinsing gawin ang napakasamang bagay na ito?’ Sinabi ni Aaron: ‘Huwag kang magalit. Kilala mo naman ang mga taong ito. Gusto nila ng isang diyos, kaya inihagis ko sa apoy ang mga ginto nila at lumabas ang guyang ito!’ Hindi iyon dapat ginawa ni Aaron. Umakyat ulit si Moises sa bundok at nakiusap kay Jehova na patawarin ang bayan.
Pinatawad ni Jehova ang mga gustong sumunod sa kaniya. Napakahalagang sundin ng mga Israelita ang pangunguna ni Moises, ’di ba?
“Kapag nanata ka sa Diyos, huwag mong ipagpaliban ang pagtupad dito, dahil hindi siya nalulugod sa mga mangmang. Tuparin mo ang ipinanata mo.”—Eclesiastes 5:4
-
-
Tabernakulo Para sa PagsambaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 25
Tabernakulo Para sa Pagsamba
Noong nasa Bundok Sinai si Moises, inutusan siya ni Jehova na magtayo ng isang espesyal na tolda, o tent, na tinatawag na tabernakulo. Doon sasambahin ng mga Israelita si Jehova. Puwede nilang ilipat ang tabernakulo kahit saan sila pumunta.
Sinabi ni Jehova: ‘Sabihin mo sa bayan na magbigay ng anumang kaya nila para makapagtayo ng tabernakulo.’ Nagbigay ang mga Israelita ng ginto, pilak, tanso, mahahalagang bato, at mga alahas. Nagbigay din sila ng mamahaling mga tela, balat ng hayop, at marami pang iba. Napakarami nilang ibinigay, kaya sinabi ni Moises: ‘Tama na. Huwag n’yo nang dagdagan.’
Maraming mahuhusay na lalaki at babae ang tumulong sa pagtatayo ng tabernakulo. Binigyan sila ni Jehova ng talino para sa trabahong ito. May mga nag-iikid ng sinulid, naghahabi ng tela, o nagbuburda. Ang iba naman ay nagkakabit ng mga bato, gumagawa ng kagamitang ginto, at nag-uukit ng kahoy.
Ginawa nila ang tabernakulo ayon sa utos ni Jehova. Gumawa sila ng isang magandang kurtina para paghiwalayin ang dalawang bahagi ng tabernakulo, ang Banal at ang Kabanal-banalan. Nasa loob ng Kabanal-banalan ang kaban ng tipan, na yari sa ginto at kahoy na akasya. Sa loob naman ng Banal, may kandelerong ginto, mesa, at altar para sa pagsusunog ng insenso. Sa bakuran naman, may hugasang yari sa tanso at isang malaking altar. Ang kaban ng tipan ay nagpapaalaala sa mga Israelita ng kanilang pangakong susundin nila si Jehova. Alam mo ba kung ano ang tipan? Isa itong espesyal na pangako.
Si Aaron at ang mga anak niya ang pinili ni Jehova na maging saserdote sa tabernakulo. Iingatan nila ito at dito sila maghahain kay Jehova. Si Aaron lang, na mataas na saserdote, ang puwedeng pumasok sa Kabanal-banalan. Pumapasok siya dito isang beses sa isang taon at naghahain para sa kasalanan niya, ng pamilya niya, at ng buong bansang Israel.
Natapos ng mga Israelita ang tabernakulo isang taon pagkaalis nila sa Ehipto. Ngayon, may lugar na sila para sambahin si Jehova.
Pinunô ni Jehova ng kaluwalhatian niya ang tabernakulo at naglagay siya ng ulap sa ibabaw nito. Hangga’t nasa ibabaw ng tabernakulo ang ulap, nananatili ang mga Israelita. Pero kapag tumaas ang ulap, alam nilang kailangan na silang lumipat. Kakalasin nila ang tabernakulo at susundan ang ulap.
“Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono na nagsasabi: ‘Tingnan mo! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at maninirahan siyang kasama nila, at sila ay magiging bayan niya. At ang Diyos mismo ay sasakanila.’”—Apocalipsis 21:3
-