-
Ang Labindalawang EspiyaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 26
Ang Labindalawang Espiya
Ang mga Israelita ay umalis sa Bundok Sinai at naglakbay sa disyerto ng Paran papunta sa isang lugar na tinatawag na Kades. Doon sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Magpadala ka ng 12 lalaki, isa mula sa bawat tribo, para mag-espiya sa Canaan, ang lupain na ibibigay ko sa mga Israelita.’ Kaya pumili si Moises ng 12 lalaki at sinabi sa kanila: ‘Pumunta kayo sa Canaan, at tingnan n’yo kung mataba ang lupa doon. Tingnan n’yo din kung mahihina o malalakas ang mga tagaroon at kung nakatira sila sa mga tolda o sa mga lunsod.’ Pumunta sa Canaan ang 12 espiya, at kasama doon sina Josue at Caleb.
Pagkaraan ng 40 araw, bumalik ang mga espiya na may dalang mga prutas na igos, granada, at ubas. Ikinuwento nila: ‘Mataba ang lupa doon, pero malalakas ang mga tao at matataas ang pader ng lunsod nila.’ Sinabi naman ni Caleb: ‘Matatalo natin sila. Pumunta na tayo do’n!’ Alam mo ba kung bakit sinabi ’yon ni Caleb? Kasi, sila ni Josue ay nagtitiwala kay Jehova. Pero sinabi ng 10 espiya: ‘Huwag! Ang mga tao doon ay kasinlalaki ng higante! Para lang kaming mga tipaklong kumpara sa kanila.’
Natakot ang mga Israelita. Nagreklamo sila at sinabi: ‘Pumili tayo ng ibang lider at bumalik na lang tayo sa Ehipto. Bakit pa tayo pupunta sa lugar na ’yon kung mapapatay lang tayo?’ Pero sinabi nina Josue at Caleb: ‘Sundin natin si Jehova, at huwag tayong matakot. Poprotektahan tayo ni Jehova.’ Ayaw makinig ng mga Israelita. Gusto pa nga nilang patayin sina Josue at Caleb!
Ano ang ginawa ni Jehova? Sinabi niya kay Moises: ‘Pagkatapos ng lahat ng ginawa ko para sa mga Israelita, ayaw pa rin nila akong sundin. Kaya 40 taon silang mananatili sa ilang, at doon na sila mamamatay. Ang mga anak lang nila, pati sina Josue at Caleb, ang makakapasok sa lupaing ipinangako ko sa kanila.’
“Bakit takot na takot kayo? Bakit ang liit ng pananampalataya ninyo?”—Mateo 8:26
-
-
Nagrebelde Sila kay JehovaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 27
Nagrebelde Sila kay Jehova
Habang nasa ilang ang mga Israelita, sina Kora, Datan, Abiram, at ang 250 iba pa ay nagrebelde kay Moises. Sinabi nila: ‘Ayaw na namin sa inyo! Bakit ikaw ang dapat na maging lider namin at bakit si Aaron ang mataas na saserdote? Pare-pareho lang naman ang tingin sa atin ni Jehova.’ Hindi ’yon nagustuhan ni Jehova. Itinuring niyang pagrerebelde iyon sa kaniya!
Sinabi ni Moises kay Kora at sa mga kakampi nito: ‘Pumunta kayo sa tabernakulo bukas, at magdala kayo ng lalagyan ng baga na may insenso. Ipapakita ni Jehova sa atin kung sino ang pinili niya.’
Kinabukasan, si Kora at ang 250 lalaki ay pumunta sa tabernakulo para makipagkita kay Moises. Nagsunog sila doon ng insenso na para bang sila ay mga saserdote. Sinabi ni Jehova kina Moises at Aaron: ‘Humiwalay kayo kay Kora at sa mga kasama niya.’
Nang magpunta si Kora sa tabernakulo, hindi sumama sina Datan, Abiram, at ang pamilya nila. Sinabi ni Jehova sa mga Israelita na lumayo sa tolda nina Kora, Datan, at Abiram. Agad na lumayo ang mga Israelita. Nakatayo sina Datan, Abiram, at ang pamilya nila sa labas ng kanilang tolda. Bigla na lang nabiyak ang lupa at kinain sila! Sa tabernakulo naman, may bumabang apoy galing sa langit at sinunog si Kora at ang 250 lalaking kasama niya.
‘Tapos, sinabi ni Jehova kay Moises: ‘Kumuha ka ng tungkod mula sa lider ng bawat tribo, at isulat mo doon ang pangalan ng lider. Pero sa tungkod ng tribo ni Levi, isulat mo ang pangalan ni Aaron. Ipasok mo ang mga iyon sa tabernakulo, at ang tungkod ng lalaking pinili ko ay mamumulaklak.’
Kinabukasan, inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita iyon sa mga lider. Namulaklak ang tungkod ni Aaron at nagkaroon ito ng hinog na prutas ng almendras. Sa ganitong paraan, ipinakita ni Jehova na talagang si Aaron ang pinili niyang maging mataas na saserdote.
“Maging masunurin kayo sa mga nangunguna sa inyo at maging mapagpasakop.”—Hebreo 13:17
-