-
Itinago ni Rahab ang mga EspiyaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 30
Itinago ni Rahab ang mga Espiya
Nang pumunta ang mga espiyang Israelita sa lunsod ng Jerico, tumuloy sila sa bahay ng isang babae na ang pangalan ay Rahab. Nalaman ito ng hari ng Jerico kaya nagpadala siya ng mga sundalo sa bahay ni Rahab. Itinago ni Rahab sa bubong ang dalawang espiya at itinuro sa ibang direksiyon ang mga sundalo. Sinabi niya sa mga espiya: ‘Tutulungan ko kayo kasi alam kong kakampi n’yo si Jehova at matatalo n’yo ang Jerico. Pero ipangako n’yong ililigtas n’yo ang aming pamilya.’
Sinabi ng mga espiya kay Rahab: ‘Pangako, walang masasaktan sa mga nasa loob ng bahay mo.’ Sinabi din nila: ‘Magtali ka ng pulang lubid sa iyong bintana, at makakaligtas ang pamilya n’yo.’
Tinulungan ni Rahab ang mga espiya na makababa sa bintana gamit ang lubid. Umakyat sila sa bundok at tatlong araw na nagtago doon bago bumalik kay Josue. ’Tapos, tumawid na ang mga Israelita sa Ilog Jordan para sakupin ang lupain. Jerico ang unang lunsod na sinakop nila. Inutusan sila ni Jehova na magmartsa sa palibot ng lunsod, isang beses bawat araw sa loob ng anim na araw. Noong ikapitong araw, nagmartsa sila sa palibot ng lunsod nang pitong beses. Pagkatapos, hinipan ng mga saserdote ang mga trumpeta nila, at ang mga sundalo naman ay sumigaw nang sobrang lakas. Nagiba ang mga pader ng lunsod! Pero ang bahay ni Rahab, na nasa pader mismo, ay nakatayo pa rin. Nakaligtas si Rahab at ang pamilya nila kasi nagtiwala sila kay Jehova.
“Sa gayon ding paraan, hindi ba . . . si Rahab ay ipinahayag ding matuwid dahil sa mga gawa niya pagkatapos niyang patuluyin nang may kabaitan ang mga mensahero at palabasin sila sa ibang daan?”—Santiago 2:25
-
-
Si Josue at ang mga GibeonitaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 31
Si Josue at ang mga Gibeonita
Nabalitaan ng iba pang mga bansa sa Canaan ang nangyari sa Jerico. Nagkaisa ang mga hari na labanan ang mga Israelita. Pero iba ang naisip ng mga Gibeonita. Suot ang lumang damit, pumunta sila kay Josue, at sinabi: ‘Napakalayo ng pinanggalingan namin. Nabalitaan namin ang tungkol kay Jehova at ang lahat ng ginawa niya para sa inyo noong kayo ay nasa Ehipto at Moab. Mangako kayong hindi n’yo kami lulusubin, at maglilingkod kami sa inyo.’
Naniwala si Josue at nangakong hindi sila lulusubin. Pagkaraan ng tatlong araw, nalaman ni Josue na hindi naman pala sila galing sa malayo. Taga-Canaan lang sila. Tinanong ni Josue ang mga Gibeonita: ‘Bakit kayo nagsinungaling?’ Sumagot sila: ‘Natakot kasi kami! Alam naming ang Diyos n’yong si Jehova ang nakikipaglaban para sa inyo. Parang awa n’yo na, huwag n’yo kaming patayin.’ Tinupad ni Josue ang pangako niya at hindi sila pinatay.
Di-nagtagal, binantaan ng limang haring Canaanita at ng kani-kanilang hukbo ang mga Gibeonita. Si Josue at ang kaniyang hukbo ay magdamag na nagmartsa papunta sa Gibeon para iligtas sila. Kinaumagahan, nagsimula ang labanan. Kung saan-saan nagtakbuhan ang mga Canaanita para tumakas. Pero kahit saan sila pumunta, pinauulanan sila ni Jehova ng malalaking tipak ng yelo. ’Tapos, nakiusap si Josue kay Jehova na huwag palubugin ang araw. Hindi pa ito nangyari kahit kailan, kaya bakit niya ito hihilingin kay Jehova? Kasi, may tiwala si Josue kay Jehova. Hindi lumubog ang araw hanggang sa matalo ng mga Israelita ang mga haring Canaanita at ang mga hukbo nila.
“Tiyakin ninyo na ang inyong ‘Oo’ ay oo at ang inyong ‘Hindi’ ay hindi, dahil ang pagiging di-tapat sa sinasabi ay katangian ng masama.”—Mateo 5:37
-