-
Isang Bagong Lider at Dalawang Matatapang na BabaeMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 32
Isang Bagong Lider at Dalawang Matatapang na Babae
Matapos maging lider ng Israel sa loob ng maraming taon, namatay si Josue sa edad na 110. Noong nabubuhay siya, si Jehova ang sinasamba ng mga Israelita. Pero nang mamatay si Josue, sumamba sila sa mga idolo, gaya ng mga Canaanita. Dahil hindi patuloy na sumunod ang mga Israelita kay Jehova, hinayaan niyang pahirapan sila ng isang haring Canaanita na ang pangalan ay Jabin. Humingi ng tulong kay Jehova ang mga Israelita. Kaya binigyan sila ni Jehova ng isang bagong lider, si Barak. Tutulungan ni Barak ang bayan na muling sumamba kay Jehova.
Si Barak ay ipinatawag ng propetisang si Debora para sabihin ang mensaheng ito mula kay Jehova: ‘Magsama ka ng 10,000 lalaki at salubungin n’yo ang hukbo ni Jabin sa ilog ng Kison. Doon mo tatalunin si Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin.’ Sinabi ni Barak kay Debora: ‘Pupunta ako kung sasama ka.’ Sinabi ni Debora: ‘Sige. Pero hindi ikaw ang makakapatay kay Sisera. Sinabi ni Jehova na isang babae ang papatay sa kaniya.’
Sumama si Debora kay Barak at sa hukbo nito paakyat sa Bundok Tabor para maghanda sa labanan. Nang malaman ito ni Sisera, tinipon niya sa paanan ng bundok ang kaniyang mga karwaheng pandigma at mga sundalo. Sinabi ni Debora kay Barak: ‘Sa araw na ito, tutulungan ka ni Jehova na manalo.’ Sumugod pababa ng bundok si Barak at ang 10,000 sundalo niya para salubungin ang malakas na hukbo ni Sisera.
Pinaapaw ni Jehova ang tubig sa ilog ng Kison. Lumubog sa putik ang gulong ng mga karwaheng pandigma ni Sisera. Bumaba sa karwahe si Sisera at tumakbo. Natalo nina Barak ang hukbo ni Sisera, pero nakatakas si Sisera! Nagtago siya sa tolda ng isang babae na ang pangalan ay Jael. Pinainom siya ni Jael ng gatas at kinumutan. Dahil sa pagod, nakatulog si Sisera. ’Tapos, dahan-dahang lumapit si Jael at itinarak sa ulo ni Sisera ang tulos ng tolda. Patay si Sisera.
Hinanap ni Barak si Sisera. Lumabas si Jael sa tolda at sinabi: ‘Nandito sa loob ang lalaking hinahanap mo.’ Pumasok si Barak at nandoon nga ang patay nang si Sisera. Umawit sina Barak at Debora para purihin si Jehova kasi nanalo ang mga Israelita. At naging mapayapa ang Israel sa loob ng 40 taon.
“Ang mga babaeng naghahayag ng mabuting balita ay isang malaking hukbo.”—Awit 68:11
-
-
Sina Ruth at NoemiMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 33
Sina Ruth at Noemi
Noong panahon ng taggutom sa Israel, lumipat sa lupain ng Moab ang Israelitang si Noemi kasama ng kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki. Nang maglaon, namatay ang asawa ni Noemi. Naging asawa ng mga anak niya sina Ruth at Orpa, na mga Moabita. Nakakalungkot, namatay din ang mga anak ni Noemi.
Nang mabalitaan ni Noemi na wala nang taggutom sa Israel, nagdesisyon siyang bumalik doon. Sumama sina Ruth at Orpa, pero habang nasa daan, sinabi ni Noemi sa kanila: ‘Naging mabubuting asawa kayo sa mga anak ko at mabubuting manugang sa akin. Gusto ko sanang makapag-asawa ulit kayo. Bumalik kayo sa Moab.’ Sinabi nila: ‘Mahal namin kayo! Hindi namin kayo iiwan.’ Pero pinapauwi pa rin sila ni Noemi. Umuwi si Orpa, pero nagpaiwan si Ruth. Sinabi ni Noemi sa kaniya: ‘Pabalik na si Orpa sa bayan niya at sa mga diyos niya. Sumama ka sa kaniya, at umuwi ka sa nanay mo.’ Pero sinabi ni Ruth: ‘Hindi ko kayo iiwan. Ang bayan n’yo ay magiging bayan ko, at ang inyong Diyos ay magiging aking Diyos.’ Ano kaya ang naramdaman ni Noemi nang sabihin iyan ni Ruth?
Pasimula ng pag-aani ng sebada nang dumating sina Ruth at Noemi sa Israel. Isang araw, pumunta si Ruth sa bukid ng lalaking ang pangalan ay Boaz, na anak ni Rahab, para mamulot ng mga natirang butil. Nabalitaan ni Boaz na si Ruth ay isang Moabita at hindi nito iniwan si Noemi. Inutusan niya ang mga trabahador na dagdagan ang ititirang butil para kay Ruth.
Nang gabing iyon, tinanong ni Noemi si Ruth: ‘Kaninong bukid ka nagtrabaho kanina?’ Sinabi ni Ruth: ‘Kay Boaz po.’ Sinabi ni Noemi: ‘Kamag-anak siya ng asawa ko. Do’n ka na lang lagi magtrabaho kasama ng ibang kabataang babae. Ligtas ka doon.’
Patuloy na nagtrabaho si Ruth sa bukid ni Boaz hanggang sa matapos ang pag-aani. Napansin ni Boaz na masipag at mahusay si Ruth. Noon, kapag namatay nang walang anak ang isang lalaki, pakakasalan ng kamag-anak niya ang naiwang biyuda. Kaya pinakasalan ni Boaz si Ruth. Nagkaanak sila at pinangalanan itong Obed, na naging lolo ni Haring David. Natuwa ang mga kaibigan ni Noemi. Sinabi nila: ‘Una, ibinigay sa iyo ni Jehova si Ruth at naging napakabait n’ya sa iyo. At ngayon, may apo ka na. Purihin nawa si Jehova.’
“May kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.”—Kawikaan 18:24
-