Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Tinalo ni Gideon ang mga Midianita
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Gideon at ang kaniyang mga sundalo ay humihip ng trumpeta, bumasag ng banga, nagwasiwas ng sulo, at sumigaw

      ARAL 34

      Tinalo ni Gideon ang mga Midianita

      Pagkalipas ng maraming taon, iniwan ulit ng mga Israelita si Jehova at sumamba sila sa mga diyos-diyusan. Sa loob ng pitong taon, laging ninanakaw ng mga Midianita ang mga alaga nilang hayop at sinisira ang mga pananim nila. Para makaiwas sa mga Midianita, nagtatago ang mga Israelita sa mga kuweba at bundok. Nagmakaawa sila kay Jehova na tulungan sila. Kaya nagpadala si Jehova ng isang anghel kay Gideon. Sinabi ng anghel: ‘Pinili ka ni Jehova para maging isang malakas na mandirigma.’ Nagtanong si Gideon: ‘Sino naman ako para iligtas ang Israel?’

      Paano matitiyak ni Gideon na pinili siya ni Jehova? Naglagay siya ng balahibo ng tupa sa lupa at sinabi kay Jehova: ‘Sa umaga, kapag basâ ng hamog ang balahibo ng tupa pero tuyo ang lupa, malalaman ko pong gusto n’yong iligtas ko ang Israel.’ Kinaumagahan, basang-basâ ang balahibo ng tupa pero tuyo ang lupa! Pero hiniling naman ni Gideon na kinabukasan, tuyo ang balahibo ng tupa at basâ ang lupa. Nang mangyari iyon, sigurado na si Gideon na pinili siya ni Jehova. Tinawag niya ang kaniyang mga sundalo para makipaglaban sa mga Midianita.

      Sinabi ni Jehova kay Gideon: ‘Tutulungan kong magtagumpay ang Israel. Pero baka isipin n’yong nanalo kayo dahil napakarami n’yo. Sabihin mo sa mga natatakot na umuwi na lang sila.’ Kaya 22,000 ang umuwi, at 10,000 ang naiwan. ’Tapos, sinabi ni Jehova: ‘Napakarami n’yo pa rin. Dalhin mo sila sa batis at painumin doon. Ang mga nagbabantay lang kung may kalaban habang umiinom ang ititira mo.’ Tatlong daan lang ang naging alisto. Nangako si Jehova na tatalunin ng 300 lalaking ito ang 135,000 sundalong Midianita.

      Nang gabing iyon, sinabi ni Jehova kay Gideon: ‘Oras na para salakayin n’yo ang mga Midianita!’ Binigyan ni Gideon ang kaniyang mga sundalo ng tambuli at malalaking banga na may sulo sa loob. Sinabi niya sa kanila: ‘Tingnan n’yo ang gagawin ko, at gayahin n’yo ako.’ Hinipan ni Gideon ang kaniyang tambuli, binasag ang banga, itinaas ang sulo, at sumigaw: “Ang espada ni Jehova at ni Gideon!” Ganoon din ang ginawa ng 300 sundalo. Natakot ang mga Midianita at nagtakbuhan kung saan-saan. Nataranta sila kaya sila-sila ang nagpatayan. Muli, tinulungan ni Jehova ang mga Israelita na talunin ang mga kaaway nila.

      Takót na takót ang mga sundalong Midianita

      “Para maipakita na ang lakas na higit sa karaniwan ay mula sa Diyos at hindi sa aming sarili.”​—2 Corinto 4:7

      Tanong: Paano pinatunayan ni Jehova kay Gideon na pinili niya si Gideon? Bakit 300 lang ang sundalo ni Gideon?

      Hukom 6:1-16; 6:36–7:25; 8:28

  • Nanalangin si Hana na Magkaroon Siya ng Anak
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Ipinakilala ni Hana kay Eli ang batang si Samuel sa tabernakulo

      ARAL 35

      Nanalangin si Hana na Magkaroon Siya ng Anak

      May isang lalaking Israelita na ang pangalan ay Elkana. May dalawa siyang asawa, sina Hana at Penina, pero mas mahal niya si Hana. Maraming anak si Penina at lagi niyang inaasar si Hana kasi walang anak si Hana. Taon-taon, isinasama ni Elkana sa Shilo ang pamilya niya para sumamba sa tabernakulo. Nang minsang pumunta sila doon, napansin ni Elkana na ang lungkot-lungkot ni Hana. Sinabi niya: ‘Huwag ka nang umiyak, Hana. Nandito naman ako. Mahal na mahal kita.’

      Mayamaya, bumukod si Hana para manalangin. Iyak siya nang iyak habang nagmamakaawa kay Jehova na tulungan siya. Nangako siya: ‘Diyos na Jehova, kung bibigyan n’yo po ako ng anak na lalaki, ibibigay ko siya sa inyo, at habambuhay siyang maglilingkod sa inyo.’

      Nakita ng mataas na saserdoteng si Eli na umiiyak si Hana habang nananalangin

      Nakita ng mataas na saserdoteng si Eli na humihikbi si Hana, kaya akala niya, lasing ito. Sinabi ni Hana: ‘Hindi po ako lasing, panginoon ko. May problema po ako, at iyon po ang sinasabi ko kay Jehova.’ Napag-isip-isip ni Eli na nagkamali siya, kaya sinabi niya: ‘Sana, ibigay ng Diyos ang hinihingi mo.’ Gumaan ang pakiramdam ni Hana. At wala pang isang taon pag-uwi nila, nagkaanak nga siya. Samuel ang ipinangalan niya dito. Naiisip mo ba kung gaano kasaya si Hana noon?

      Hindi nalimutan ni Hana ang pangako niya kay Jehova. Nang awatin na ni Hana sa pagdede si Samuel, dinala niya ito sa tabernakulo para maglingkod doon. Sinabi niya kay Eli: ‘Ito po ang batang hiniling ko sa panalangin. Ipinapahiram ko siya kay Jehova habambuhay.’ Taon-taon, dinadalaw nina Elkana at Hana si Samuel at dinadalhan siya ng bagong damit na walang manggas. Binigyan ni Jehova si Hana ng tatlo pang anak na lalaki at dalawang anak na babae.

      “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo.”​—Mateo 7:7

      Tanong: Bakit nalungkot si Hana? Paano pinagpala ni Jehova si Hana?

      1 Samuel 1:1–2:11, 18-21

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share