Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang Pangako ni Jepte
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pinunit ni Jepte ang kaniyang damit nang salubungin siya ng kaniyang anak

      ARAL 36

      Ang Pangako ni Jepte

      Iniwan na naman ng mga Israelita si Jehova at sumamba sila sa mga diyos-diyusan. Noong salakayin ng mga Ammonita ang mga Israelita, hindi sila natulungan ng mga diyos-diyusang iyon. Matagal na naghirap ang mga Israelita. Nang bandang huli, sinabi nila kay Jehova: ‘Nagkasala kami. Iligtas n’yo po kami sa aming mga kaaway.’ Sinira ng mga Israelita ang mga idolo nila at sinamba uli si Jehova. Ayaw ni Jehova na magpatuloy ang paghihirap nila.

      Ang mandirigmang si Jepte ang napiling maging lider sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Sinabi niya kay Jehova: ‘Kung tutulungan n’yo po kaming manalo sa labanang ito, ipinapangako kong pag-uwi ko, ibibigay ko sa inyo ang unang taong sasalubong sa akin.’ Pinakinggan ni Jehova ang panalangin ni Jepte at tinulungan nga silang manalo.

      Pag-uwi ni Jepte, ang unang sumalubong sa kaniya ay ang anak niyang babae, ang kaisa-isa niyang anak, habang sumasayaw at tumutugtog ng tamburin. Ano ang gagawin ni Jepte? Naalaala niya ang pangako niya at sinabi: ‘Naku, anak ko! Dinurog mo ang puso ko. Nangako ako kay Jehova. Para matupad ko iyon, dapat kitang ipadala sa Shilo para maglingkod sa tabernakulo.’ Pero sinabi ng anak niya: ‘Itay, kung nangako po kayo kay Jehova, dapat n’yo pong tuparin ’yon. Pero sana po makapagbakasyon muna ako nang dalawang buwan sa bundok kasama ang mga kaibigan kong babae. ’Tapos, pupunta na ako sa Shilo.’ Ang anak ni Jepte ay tapat na naglingkod sa tabernakulo nang buong buhay niya. Taon-taon, binibisita siya doon ng mga kaibigan niya.

      Ang anak na babae ni Jepte ay dinalaw ng mga kaibigan nito sa tabernakulo

      “Kung mas mahal ng isa ang kaniyang anak na lalaki o anak na babae kaysa sa akin, hindi siya karapat-dapat sa akin.”​—Mateo 10:37

      Tanong: Ano ang ipinangako ni Jepte? Ano ang reaksiyon ng anak ni Jepte sa pangako ng tatay niya?

      Hukom 10:6–11:11; 11:29-40; 1 Samuel 12:10, 11

  • Nakipag-usap si Jehova kay Samuel
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Binubuksan ni Samuel ang pintuan ng tabernakulo

      ARAL 37

      Nakipag-usap si Jehova kay Samuel

      Ang mataas na saserdoteng si Eli ay may dalawang anak na lalaki na mga saserdote sa tabernakulo. Sila ay sina Hopni at Pinehas. Hindi sila sumusunod sa mga batas ni Jehova, at mga salbahe sila. Kapag nagdadala ang mga Israelita ng hain para kay Jehova, kinukuha nina Hopni at Pinehas ang pinakamasarap na parte ng karne. Alam ni Eli ang ginagawa ng mga anak niya, pero hindi niya sila sinasaway. Hahayaan na lang kaya ito ni Jehova?

      Kahit mas bata si Samuel kaysa kina Hopni at Pinehas, hindi siya gumaya sa kanila. Natuwa si Jehova kay Samuel. Isang gabi habang natutulog si Samuel, narinig niyang may tumatawag sa kaniya. Bumangon siya, tumakbo kay Eli, at sinabi: ‘Bakit po?’ Pero sinabi ni Eli: ‘Hindi kita tinatawag. Matulog ka ulit.’ Bumalik sa higaan si Samuel. Naulit na naman iyon. Nang marinig ni Samuel sa ikatlong pagkakataon ang boses, naisip ni Eli na si Jehova ang tumatawag kay Samuel. Sinabi niya kay Samuel na kapag narinig ulit nito ang boses, dapat nitong sabihin: ‘Ano po iyon, Diyos na Jehova? Nakikinig po ako.’

      Sinabi ni Samuel kay Eli ang mensahe ni Jehova

      Bumalik ulit si Samuel sa higaan. ’Tapos, narinig niya: ‘Samuel! Samuel!’ Sumagot siya: ‘Ano po iyon? Nakikinig po ako.’ Sinabi sa kaniya ni Jehova: ‘Sabihin mo kay Eli na paparusahan ko siya at ang pamilya niya. Alam niyang gumagawa ng masama ang mga anak niya sa aking tabernakulo, pero hindi niya sila sinasaway.’ Kinaumagahan, binuksan ni Samuel ang mga pinto ng tabernakulo, na lagi niyang ginagawa. Natatakot siyang sabihin sa mataas na saserdote ang sinabi ni Jehova. Pero ipinatawag siya ni Eli at tinanong: ‘Anak ko, ano ang sinabi ni Jehova? Sabihin mo’ng lahat sa akin.’ Kaya sinabi ni Samuel kay Eli ang lahat.

      Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang sinusuportahan ni Jehova. Alam ng buong Israel na si Samuel ang pinili ni Jehova na maging propeta at hukom.

      “Alalahanin mo ngayon ang iyong Dakilang Maylalang habang kabataan ka pa.”​—Eclesiastes 12:1

      Tanong: Paano naiiba si Samuel kina Hopni at Pinehas? Ano ang sinabi ni Jehova kay Samuel?

      1 Samuel 2:12-17, 22-26; 3:1-21; 7:6

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share