Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si David at si Goliat
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pinapahilagpos ni David ang isang bato para patamaan si Goliat

      ARAL 40

      Si David at si Goliat

      Inutusan ni Jehova si Samuel: ‘Pumunta ka sa bahay ni Jesse. Isa sa mga anak niyang lalaki ang susunod na hari ng Israel.’ Kaya pumunta si Samuel sa bahay ni Jesse. Nang makita niya ang panganay nito, naisip niya: ‘Siguradong ito na ’yon.’ Pero sinabi ni Jehova kay Samuel na hindi ito ang pinili Niya. Sinabi ni Jehova: ‘Ang tinitingnan ko ay ang puso ng isang tao, hindi ang hitsura niya.’

      Binubuhusan ni Samuel ng langis ang ulo ni David para hirangin siya bilang hari

      Iniharap ni Jesse kay Samuel ang anim pa niyang anak na lalaki. Pero sinabi ni Samuel: ‘Walang isa man sa kanila ang pinili ni Jehova. May iba ka pa bang anak na lalaki?’ Sinabi ni Jesse: ‘May isa pa, ang bunso kong si David. Nasa bukid siya at nag-aalaga ng mga tupa.’ Pagdating ni David, sinabi ni Jehova kay Samuel: “Siya ang pinili ko!” Binuhusan ni Samuel ng langis ang ulo ni David, ibig sabihin, siya ang pinili para maging susunod na hari ng Israel.

      Goliat

      Makalipas ang ilang panahon, nagkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Filisteo. Mayroon silang higanteng mandirigma na ang pangalan ay Goliat. Araw-araw na iniinsulto ni Goliat ang mga Israelita. Sumisigaw siya: ‘Pumili kayo ng lalaking lalaban sa akin. Kapag nanalo siya, magiging alipin n’yo kami. Pero ’pag ako ang nanalo, kayo ang magiging alipin namin.’

      Nagpunta si David sa kampo ng mga Israelita para dalhan ng pagkain ang mga kuya niyang sundalo. Narinig niya ang sinabi ni Goliat, kaya sinabi niya: ‘Lalabanan ko siya!’ Sinabi ni Haring Saul: ‘Pero bata ka lang.’ Sumagot si David: ‘Tutulungan ako ni Jehova.’

      Ipinasuot ni Saul ang kaniyang kagamitang pandigma kay David, pero sinabi nito: ‘Hindi ko kayang lumaban na suot ito.’ Kinuha ni David ang tirador niya at pumunta sa batis. Pumili siya ng limang makikinis na bato at inilagay sa kaniyang bag. Pagkatapos, sinugod niya si Goliat. Sumigaw ang higante: ‘Hoy, bata! Ipapakain kita sa mga ibon at sa mga hayop.’ Hindi natakot si David. Sumigaw rin siya: ‘Espada at sibat ang dala mo, pero ang dala ko, pangalan ni Jehova. Hindi kami ang kinakalaban mo kundi ang Diyos. Makikita ng lahat na mas malakas si Jehova kaysa sa espada at sibat. Ibibigay kayo ni Jehova sa aming kamay.’

      Nilagyan ni David ng bato ang kaniyang tirador at pinahilagpos ito nang napakalakas. Sa tulong ni Jehova, ang bato ay tumama at bumaon sa noo ni Goliat. Bumagsak ang higante at namatay. Nagtakbuhan ang mga Filisteo para tumakas. Ikaw, nagtitiwala ka rin ba kay Jehova tulad ni David?

      “Sa mga tao ay imposible ito, pero hindi sa Diyos, dahil ang lahat ng bagay ay posible sa Diyos.”​—Marcos 10:27

      Tanong: Sino ang pinili ni Jehova para maging susunod na hari ng Israel? Paano tinalo ni David si Goliat?

      1 Samuel 16:1-13; 17:1-54

  • Si David at si Saul
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pasigaw na tumawag si David sa kampo ni Saul

      ARAL 41

      Si David at si Saul

      Matapos patayin ni David si Goliat, siya ang inilagay ni Haring Saul bilang pinuno ng hukbo. Maraming naipanalong labanan si David, at naging sikát siya. Tuwing uuwi si David galing sa digmaan, ang mga babae ay sumasayaw at kumakanta: ‘Libo-libo ang tinalo ni Saul, pero sampu-sampung libo ang kay David!’ Nainggit si Saul kay David at gusto niya itong patayin.

      Magaling tumugtog ng alpa si David. Isang araw, habang tinutugtugan niya ng alpa si Haring Saul, sinibat siya nito. Buti na lang at nakailag siya at sa dingding tumama ang sibat. Maraming beses pang sinubukang patayin ni Saul si David. Nang bandang huli, tumakas si David at nagtago sa disyerto.

      Kinuha ni David ang sibat ni Saul habang natutulog ito

      Nagsama si Saul ng 3,000 sundalo para hanapin at patayin si David. Nagkataon namang doon siya pumasok sa kuwebang pinagtataguan ni David at ng mga tauhan nito. Binulungan si David ng mga tauhan niya: ‘Pagkakataon mo nang patayin si Saul.’ Dahan-dahang lumapit si David kay Saul at pumutol ng kapiraso sa damit nito. Hindi ito naramdaman ni Saul. Pero nakonsensiya si David dahil parang hindi niya iginalang ang haring pinili ni Jehova. Hindi pinayagan ni David ang mga kasama niya na saktan si Saul. Isinigaw pa nga niya kay Saul na may pagkakataon na sana siyang patayin ito pero hindi niya ginawa. Magbabago kaya ang isip ni Saul tungkol kay David?

      Hindi. Hinanap pa rin ni Saul si David. Isang gabi, dahan-dahang pumasok si David at ang pamangkin niyang si Abisai sa kampo ni Saul. Natutulog silang lahat, pati na ang alalay ni Saul na si Abner. Sinabi ni Abisai: ‘Pagkakataon na natin ’to! Ano, patayin ko na?’ Sumagot si David: ‘Si Jehova na ang bahala kay Saul. Kunin na lang natin ang kaniyang sibat at banga ng tubig, ’tapos, umalis na tayo.’

      Umakyat si David sa kalapit na bundok, at natatanaw niya mula roon ang kampo ni Saul. Sumigaw siya: ‘Abner, bakit ’di mo binantayan ang hari? Nasaan ang kaniyang banga at sibat?’ Nabosesan ni Saul si David, at sinabi: ‘Napatay mo na sana ako, pero ’di mo ginawa. Alam kong ikaw ang susunod na hari ng Israel.’ Bumalik si Saul sa palasyo. Pero hindi naman lahat sa pamilya ni Saul ay galít kay David.

      “Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao. Huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, mga minamahal, kundi bigyang-daan ninyo ang poot.”​—Roma 12:18, 19

      Tanong: Bakit gustong patayin ni Saul si David? Bakit ayaw patayin ni David si Saul?

      1 Samuel 16:14-23; 18:5-16; 19:9-12; 23:19-29; 24:1-15; 26:1-25

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share