-
Isang Templo Para kay JehovaMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 44
Isang Templo Para kay Jehova
Nang maging hari ng Israel si Solomon, tinanong siya ni Jehova: “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo?” Sinabi ni Solomon: ‘Bata pa ako at hindi ko alam ang gagawin ko. Bigyan n’yo po sana ako ng karunungan para pamahalaan ang inyong bayan.’ Sinabi ni Jehova: ‘Dahil hiniling mong maging marunong ka, gagawin kitang pinakamarunong sa buong lupa. Gagawin din kitang napakayaman. At kung magiging masunurin ka sa akin, hahaba ang buhay mo.’
Sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng templo. Gumamit siya ng pinakamagandang klase ng ginto, pilak, kahoy, at bato. Libo-libong mahuhusay na lalaki’t babae ang nagtrabaho sa templo. Matapos ang pitong taon, puwede nang ialay kay Jehova ang templo. Mayroon itong altar, at may mga handog doon. Lumuhod si Solomon sa harap ng altar at nanalangin: ‘O Jehova, hindi ganoon kalaki o kaganda ang templong ito na ginawa namin para sa iyo, pero sana po ay tanggapin ninyo ang aming pagsamba at pakinggan ang aming mga panalangin.’ Tinanggap kaya ni Jehova ang templo at ang panalangin ni Solomon? Pagkatapos manalangin ni Solomon, agad na may bumabang apoy mula sa langit at sinunog ang mga handog sa altar. Tinanggap ni Jehova ang templo. Nang makita ito ng mga Israelita, nagsaya sila.
Balitang-balita sa buong Israel at kahit sa malalayong lugar ang karunungan ni Solomon. Sa kaniya nagpapatulong ang mga tao kapag may problema sila. Pati nga ang reyna ng Sheba ay nagpunta sa kaniya para tingnan kung masasagot niya ang mahihirap na tanong. Nang marinig niya ang mga sagot ni Solomon, sinabi ng reyna: ‘Hindi ko pinaniwalaan ang sinasabi ng mga tao tungkol sa iyo, pero ngayon, nakita kong mas matalino ka kaysa sa nabalitaan ko. Pinagpala ka ng iyong Diyos na si Jehova.’ Maganda ang buhay ng mga tao sa bansang Israel at masaya sila. Pero magbabago ang mga bagay-bagay.
“Higit pa kay Solomon ang narito.”—Mateo 12:42
-
-
Nahati ang KaharianMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 45
Nahati ang Kaharian
Noong sumasamba si Solomon kay Jehova, payapa ang Israel. Pero nag-asawa siya ng maraming babaeng hindi Israelita, na sumasamba sa mga diyos-diyusan. Unti-unting nagbago si Solomon, at sumamba na rin sa mga diyos-diyusan. Nagalit si Jehova. Sinabi niya kay Solomon: ‘Aalisin ko sa iyo at sa iyong pamilya ang Israel, at mahahati iyon sa dalawa. Ibibigay ko ang malaking bahagi sa isa sa iyong mga lingkod, at maliit na bahagi lang ang paghaharian ng iyong pamilya.’
Nilinaw pa ni Jehova ang desisyon niya. Habang naglalakbay sa daan si Jeroboam na lingkod ni Solomon, nasalubong niya ang propetang si Ahias. Pinunit ni Ahias ang damit niya sa 12 piraso at sinabi kay Jeroboam: ‘Kukunin ni Jehova ang kaharian ng Israel sa pamilya ni Solomon at hahatiin iyon. Kumuha ka ng 10 piraso dahil ikaw ang magiging hari sa 10 tribo.’ Nalaman ito ni Haring Solomon at gusto niyang patayin si Jeroboam! Kaya tumakas si Jeroboam papuntang Ehipto. Pagkamatay ni Solomon, ang anak niyang si Rehoboam ang naging hari. Pagkatapos, inisip ni Jeroboam na ligtas nang bumalik sa Israel.
Sinabi ng matatandang lalaki ng Israel kay Rehoboam: ‘Kung magiging mabait ka sa mga tao, magiging tapat sila sa iyo.’ Pero sinabi ng mga kabataang kaibigan ni Rehoboam: ‘Maging malupit ka sa mga tao! Pahirapan mo pa sila!’ Sinunod ni Rehoboam ang mga kabataang kaibigan niya. Naging malupit siya sa mga tao kaya nagrebelde sila. Si Jeroboam ang ginawa nilang hari sa 10 tribo, na nakilala bilang kaharian ng Israel. Ang dalawa pang tribo ay nakilala naman bilang kaharian ng Juda, at nanatili silang tapat kay Rehoboam. Nahati ang 12 tribo ng Israel.
Ayaw ni Jeroboam na ang mga taong sakop niya ay pumunta sa Jerusalem para sumamba. Alam mo ba kung bakit? Doon kasi naghahari si Rehoboam at natatakot si Jeroboam na baka kampihan at suportahan nila ito. Kaya gumawa si Jeroboam ng dalawang gintong guya at sinabi sa kanila: ‘Napakalayo ng Jerusalem. Dito na lang kayo sumamba.’ Sinamba ng bayan ang mga gintong guya at nakalimutan na naman nila si Jehova.
“Huwag kayong makipagtuwang sa mga di-sumasampalataya. Dahil puwede bang pagsamahin ang katuwiran at kasamaan? . . . O may pagkakapareho ba ang isang mananampalataya at isang di-sumasampalataya?”—2 Corinto 6:14, 15
-