Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagsubok na Naganap sa Bundok Carmel
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Sinunog ng apoy mula kay Jehova ang handog ni Elias

      ARAL 46

      Pagsubok na Naganap sa Bundok Carmel

      Napakaraming naging masamang hari ang 10-tribong kaharian ng Israel, pero si Ahab ang isa sa pinakamasama. Nakapag-asawa siya ng isang napakasamang babae na sumasamba kay Baal. Ang pangalan nito ay Jezebel. Pinalaganap nilang mag-asawa ang pagsamba kay Baal at pinatay ang mga propeta ni Jehova. Ano ang ginawa ni Jehova? Inutusan niya si propeta Elias na maghatid ng mensahe kay Ahab.

      Sinabi ni Elias kay Haring Ahab na dahil sa kasamaan nito, hindi uulan sa Israel. Mahigit tatlong taon na walang tumubong pananim kaya nagutom ang mga tao. Pagkatapos, pinabalik ni Jehova si Elias kay Ahab. Sinabi ng hari: ‘Ikaw ang nagdadala ng problema dito! Kasalanan mo ’to.’ Sumagot si Elias: ‘Hindi ko kasalanan ang tagtuyot na ito. Ikaw ang may kasalanan nito, kasi sumasamba ka kay Baal. Gumawa tayo ng pagsubok. Papuntahin mo ang bayan at ang mga propeta ni Baal sa tuktok ng Bundok Carmel.’

      Nagtipon sa bundok ang bayan. Sinabi ni Elias: ‘Magdesisyon kayo. Kung si Jehova ang tunay na Diyos, sundin n’yo siya. Kung si Baal, e, di siya ang sundin n’yo. Heto ang hamon ko. Maghanda ng handog ang 450 propeta ni Baal at tawagin ang kanilang diyos. Maghahanda rin ako ng handog at tatawag kay Jehova. Ang sasagot sa pamamagitan ng apoy, siya ang tunay na Diyos.’ Pumayag ang bayan.

      Naghanda ng handog ang mga propeta ni Baal. Maghapon silang tumawag sa kanilang diyos: “O Baal, sagutin mo kami!” Nang hindi sumagot si Baal, inasar sila ni Elias. Sinabi niya: ‘Lakasan n’yo pa. Baka tulog siya at kailangang gisingin.’ Gabi na, at tumatawag pa rin kay Baal ang mga propeta niya. Pero walang sumasagot.

      Inilagay ni Elias ang handog niya sa altar at binuhusan ito ng tubig. Pagkatapos, nanalangin siya: ‘O Jehova, ipaalam n’yo po sana sa bayan na kayo ang tunay na Diyos.’ Agad na nagpababa si Jehova ng apoy mula sa langit para sunugin ang handog. Sumigaw ang bayan: “Si Jehova ang tunay na Diyos!” Sinabi ni Elias: ‘Huwag n’yong hayaang makatakas ang mga propeta ni Baal!’ Nang araw na iyon, pinatay ang 450 propeta ni Baal.

      Nang lumitaw ang maliit na ulap sa itaas ng dagat, sinabi ni Elias kay Ahab: ‘May darating na bagyo. Ihanda mo ang karwahe, at umuwi ka.’ Nagdilim ang langit, humihip ang hangin, at bumuhos ang napakalakas na ulan. Sa wakas, natapos din ang tagtuyot. Pinatakbo ni Ahab nang napakabilis ang karwahe. Tumakbo rin si Elias, at sa tulong ni Jehova, naunahan pa niya ang karwahe! Pero tapós na ba ang problema ni Elias? Tingnan natin.

      “Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”​—Awit 83:18

      Tanong: Anong pagsubok ang naganap sa Bundok Carmel? Paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Elias?

      1 Hari 16:29-33; 17:1; 18:1, 2, 17-46; Santiago 5:16-18

  • Pinalakas ni Jehova si Elias
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nakatayo si Elias sa labas ng isang kuweba sa Bundok Horeb at nakikinig sa anghel ng Diyos

      ARAL 47

      Pinalakas ni Jehova si Elias

      Nabalitaan ni Jezebel ang nangyari sa mga propeta ni Baal, at galít na galít siya. Nagpadala siya ng mensahe kay Elias: ‘Bukas, mamamatay ka ring gaya ng mga propeta ni Baal.’ Takót na takót si Elias kaya tumakas siya papunta sa disyerto. Nanalangin siya: ‘Diyos na Jehova, hindi ko na po kaya. Gusto ko nang mamatay.’ Dahil sa pagod, nakatulog si Elias sa ilalim ng puno.

      Ginising siya ng isang anghel at sinabi: “Bumangon ka at kumain.” Nakita ni Elias ang isang bilog na tinapay sa ibabaw ng pinainit na mga bato at isang banga na may tubig. Kumain siya at uminom at natulog ulit. Ginising siya ulit ng anghel at sinabi: ‘Kumain ka. Kailangan mo ng lakas para sa paglalakbay.’ Kaya kumain ulit si Elias. Pagkatapos, naglakbay siya nang 40 araw at 40 gabi, hanggang sa makarating siya sa Bundok Horeb. Pumasok si Elias sa isang kuweba doon para matulog. Pero kinausap siya ni Jehova: ‘Ano’ng ginagawa mo dito, Elias?’ Sumagot si Elias: ‘Hindi tinupad ng mga Israelita ang pangako nila sa iyo. Sinira nila ang iyong mga altar at pinatay ang iyong mga propeta. At ngayon, ako naman ang gusto nilang patayin.’

      Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Lumabas ka at tumayo sa bundok.” Una, humangin nang napakalakas. Pagkatapos, lumindol at nagkaroon ng apoy. Pinakahuli, nakarinig si Elias ng kalmado at mababang boses. Itinakip niya sa kaniyang mukha ang damit niya at tumayo sa labas ng kuweba. ’Tapos tinanong siya ni Jehova kung bakit siya tumakas. Sinabi ni Elias: ‘Nag-iisa na lang ako.’ Pero sinabi ni Jehova: ‘Hindi ka nag-iisa. May 7,000 pa sa Israel na sumasamba sa akin. Puntahan mo si Eliseo at atasan siya bilang propeta kapalit mo.’ Agad na sinunod ni Elias ang utos ni Jehova. Tutulungan ka rin kaya ni Jehova kapag sinunod mo ang utos niya? Oo. Tingnan natin ang nangyari noong panahon ng tagtuyot.

      “Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat.”​—Filipos 4:6

      Tanong: Bakit tumakas si Elias? Ano ang sinabi ni Jehova kay Elias?

      1 Hari 19:1-18; Roma 11:2-4

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share