Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Nabuhay-Muli ang Anak ng Isang Biyuda
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Tinawag ni Elias ang biyudang namumulot ng panggatong

      ARAL 48

      Nabuhay-Muli ang Anak ng Isang Biyuda

      Banga ng harina at lalagyan ng langis

      Noong tagtuyot, sinabi ni Jehova kay Elias: ‘Pumunta ka sa Zarepat. May isang biyuda doon na magbibigay sa iyo ng pagkain.’ Pagpasok niya sa lunsod, may nakita si Elias na isang mahirap na biyudang namumulot ng kahoy. Humingi siya dito ng isang basong tubig. Noong kukuha na ng tubig ang biyuda, sinabi ni Elias: ‘Pakidalhan mo na rin ako ng tinapay.’ Pero sinabi nito: ‘Wala akong tinapay na maibibigay sa iyo. Eksakto lang ang harina at langis namin para makapagluto ako ng kaunting pagkain para sa amin ng anak ko.’ Sinabi ni Elias: ‘Nangako si Jehova na kapag ipinagluto mo ako ng tinapay, hindi ka mauubusan ng harina at langis hanggang sa umulan ulit.’

      Kaya umuwi ang biyuda at ipinagluto ng tinapay ang propeta ni Jehova. Tinupad ni Jehova ang pangako niya at hindi nga naubusan ng pagkain ang biyuda at ang anak nitong lalaki sa panahon ng tagtuyot. Laging punô ang kanilang lalagyan ng harina at langis.

      ‘Tapos may masamang nangyari. Nagkasakit ang anak ng biyuda at namatay ito. Humingi siya ng tulong kay Elias. Binuhat ni Elias ang bata at dinala sa kuwarto sa itaas ng bahay. Inihiga niya ito sa kama at nanalangin: ‘Diyos na Jehova, pakisuyong buhayin n’yo ang bata.’ Alam mo ba kung bakit nakakamangha kapag ginawa ito ni Jehova? Kasi wala pang namatay noon na nabuhay-muli. At hindi naman Israelita ang mag-ina.

      Pero nabuhay-muli ang bata at huminga ito! Sinabi ni Elias sa biyuda: ‘Tingnan mo! Buháy ang anak mo.’ Tuwang-tuwa ang biyuda, at sinabi kay Elias: ‘Isa ka ngang lingkod ng Diyos. Alam ko iyon, kasi kung ano ang ipinapasabi ni Jehova, iyon lang ang sinasabi mo.’

      Ibinigay ni Elias sa biyuda ang binuhay-muling anak nito

      “Tingnan ninyo ang mga uwak: Hindi sila nagtatanim o umaani; wala silang imbakan ng pagkain; pero pinakakain sila ng Diyos. Di-hamak na mas mahalaga kayo kaysa sa mga ibon, hindi ba?”—Lucas 12:24

      Tanong: Paano ipinakita ng biyuda ng Zarepat na nagtitiwala siya kay Jehova? Paano natin nalaman na si Elias ay tunay na propeta ng Diyos?

      1 Hari 17:8-24; Lucas 4:25, 26

  • Pinarusahan ang Isang Napakasamang Reyna
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Si Jezebel ay inihulog sa bintana ng mga lingkod niya

      ARAL 49

      Pinarusahan ang Isang Napakasamang Reyna

      Mula sa bintana ng palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, natatanaw niya ang ubasan ng isang lalaking nagngangalang Nabot. Gusto ni Ahab ang ubasang iyon, kaya sinubukan niyang bilhin iyon kay Nabot. Pero ayaw ni Nabot kasi bawal sa Kautusan ni Jehova na ibenta ang minanang lupain. Tama si Nabot, pero tinanggap ba ito ni Ahab? Hindi. Galít na galít siya. Nagkulong siya sa kuwarto at ayaw kumain.

      Ang asawa ni Ahab ay ang napakasamang si Reyna Jezebel. Sinabi nito sa kaniya: ‘Ikaw ang hari ng Israel. Puwede mong makuha kahit ano’ng gusto mo. Kukunin ko ang lupang iyon para sa iyo.’ Sumulat siya sa matatanda ng lunsod, at inutusan silang akusahan si Nabot na isinumpa nito ang Diyos at batuhin ito hanggang mamatay. Sinunod ng matatanda ang utos ni Jezebel. Pagkatapos, sinabi ni Jezebel kay Ahab: ‘Patay na si Nabot. Sa iyo na ang ubasan.’

      Hindi lang si Nabot ang inosenteng tao na ipinapatay ni Jezebel. Marami siyang ipinapatay na mga taong nagmamahal kay Jehova. Sumasamba siya sa mga diyos-diyusan at gumagawa ng iba pang masasamang bagay. Nakita ni Jehova ang lahat ng kasamaan ni Jezebel. Ano kaya ang gagawin ni Jehova sa kaniya?

      Pagkamatay ni Ahab, naging hari ang anak niyang si Jehoram. Inutusan ni Jehova ang lalaking nagngangalang Jehu para parusahan si Jezebel at ang pamilya nito.

      Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, kung saan nakatira si Jezebel. Sinalubong siya ni Jehoram sakay ng karwahe nito, attinanong siya: “Kapayapaan ba ang dala mo?” Sinabi ni Jehu: ‘Hindi magkakaroon ng kapayapaan hangga’t gumagawa ng kasamaan ang nanay mong si Jezebel.’ Tatakas sana si Jehoram, pero pinana siya ni Jehu at namatay siya.

      Sumisigaw si Jehu na itapon si Jezebel

      Pagkatapos, pumunta si Jehu sa palasyo ni Jezebel. Nang malaman ni Jezebel na parating na si Jehu, nag-makeup siya, inayos ang kaniyang buhok, at naghintay sa may bintana sa itaas ng bahay niya. Pagdating ni Jehu, ininsulto siya ni Jezebel. Isinigaw ni Jehu sa mga lingkod ni Jezebel: ‘Ihulog n’yo siya!’ Inihulog nila si Jezebel sa bintana, at namatay ito.

      Pagkatapos, pinatay ni Jehu ang 70 anak na lalaki ni Ahab at inalis sa lupain ang pagsamba kay Baal. Alam ni Jehova ang lahat ng nangyayari at sa tamang panahon, pinaparusahan niya ang mga gumagawa ng masama.

      “Ang mana na nakuha dahil sa kasakiman ay hindi magiging pagpapala sa bandang huli.”​—Kawikaan 20:21

      Tanong: Ano ang ginawa ni Jezebel para makuha ang ubasan ni Nabot? Bakit pinarusahan ni Jehova si Jezebel?

      1 Hari 21:1-29; 2 Hari 9:1–10:30

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share