-
Naging Matiisin si Jehova kay JonasMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 54
Naging Matiisin si Jehova kay Jonas
Napakasama ng mga tao sa Nineve, isang lunsod sa Asirya. Pinapunta ni Jehova sa Nineve si propeta Jonas para pagsabihan ang mga tao doon na magbago. Pero hindi doon pumunta si Jonas. Sumakay siya sa barko na papuntang Tarsis.
Habang nagbibiyahe ang barko, nagkaroon ng malakas na bagyo. Takót na takót ang mga nakasakay sa barko. Nanalangin sila sa kanilang mga diyos at nagtanong: ‘Bakit po ito nangyayari?’ Sa wakas, sinabi ni Jonas: ‘Ako ang may kasalanan. Hindi kasi ako sumunod sa utos ni Jehova. Ihagis n’yo ako sa dagat, at titigil ang bagyo.’ Ayaw sana nilang ihagis si Jonas, pero pinilit niya sila. Nang ihagis nila siya, tumigil nga ang bagyo.
Akala ni Jonas, mamamatay na siya. Habang lumulubog siya, nanalangin siya kay Jehova. ’Tapos, nagpadala si Jehova ng isang napakalaking isda. Nilunok nito si Jonas, pero hindi namatay si Jonas. Mula sa tiyan ng isda, nanalangin siya: ‘Pangako po, lagi ko na kayong susundin.’ Iningatan ni Jehova si Jonas habang nasa tiyan siya ng isda sa loob ng tatlong araw. ’Tapos, iniluwa siya nito sa tuyong lupa.
Dahil iniligtas ni Jehova si Jonas, ibig bang sabihin, hindi na siya kailangang pumunta sa Nineve? Hindi. Inutusan ulit ni Jehova si Jonas na pumunta doon. At sumunod naman si Jonas. Pumunta siya doon at sinabihan ang masasamang tao doon: ‘Apatnapung araw na lang at wawasakin na ang Nineve.’ Pero nakakagulat ang sumunod na nangyari—nakinig ang mga taga-Nineve at nagbago. Sinabi ng hari ng Nineve sa mamamayan: ‘Magmakaawa kayo sa Diyos, at magsisi. Baka sakaling hindi niya tayo puksain.’ Nang makita ni Jehova na nagsisisi ang mga tao, hindi na niya winasak ang Nineve.
Nagalit si Jonas nang hindi mawasak ang lunsod. Isipin ito: Naging matiisin at maawain si Jehova kay Jonas, pero hindi naawa si Jonas sa mga taga-Nineve. Sa halip, naupo siya sa lilim ng halamang upo sa labas ng lunsod at nagmaktol. ’Tapos, namatay ang halaman, at nagalit si Jonas. Kaya sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Mas nanghinayang ka sa halaman kaysa sa mga taga-Nineve. Naawa ako sa kanila, at nakaligtas sila.’ Ano ang aral? Mas mahalaga ang mga tao sa Nineve kaysa sa anumang halaman.
“Matiisin [si Jehova] sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.”—2 Pedro 3:9
-
-
Iniligtas ng Anghel ni Jehova si HezekiasMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 55
Iniligtas ng Anghel ni Jehova si Hezekias
Nasakop na ng Imperyo ng Asirya ang 10-tribong kaharian ng Israel. Pero pati ang dalawang-tribong kaharian ng Juda ay gusto ring sakupin ng hari ng Asirya na si Senakerib. Isa-isa niyang sinakop ang mga lunsod ng Juda. Pero ang pinakagusto niya ay ang Jerusalem. Ang hindi alam ni Senakerib, pinoprotektahan ni Jehova ang Jerusalem.
Si Hezekias, na hari ng Juda, ay nagbayad ng malaking halaga kay Senakerib para hindi na nito sakupin ang Jerusalem. Pero kahit na tinanggap ni Senakerib ang pera, nagpadala pa rin siya ng malakas na hukbo para lusubin ang Jerusalem. Takót na ang mga tao sa lunsod kasi palapit na nang palapit ang mga Asiryano. Pero sinabi ni Hezekias sa kanila: ‘Huwag kayong matakot. Kahit malakas ang mga Asiryano, tutulungan tayo ni Jehova na maging mas malakas kaysa sa kanila.’
Ipinadala ni Senakerib ang kaniyang mensahero, ang Rabsases, para asarin ang mga taga-Jerusalem. Habang nakatayo sa labas ng lunsod, sumigaw ang Rabsases: ‘Hindi kayo matutulungan ni Jehova. Huwag kayong magpaloko kay Hezekias. Walang diyos na makakapagligtas sa inyo.’
Itinanong ni Hezekias kay Jehova kung ano ang dapat niyang gawin. Sumagot si Jehova: ‘Huwag kang matakot sa sinasabi ng Rabsases. Hindi makukuha ni Senakerib ang Jerusalem.’ Pagkatapos, nakatanggap ng mga sulat si Hezekias galing kay Senakerib. Ang sabi sa sulat: ‘Sumuko na kayo. Hindi kayo kayang iligtas ni Jehova.’ Nanalangin si Hezekias: ‘Diyos na Jehova, iligtas n’yo po kami para malaman ng lahat na kayo lamang ang tunay na Diyos.’ Sinabi ni Jehova sa kaniya: ‘Hindi makakapasok sa Jerusalem ang hari ng Asirya. Poprotektahan ko ang aking lunsod.’
Siguradong-sigurado si Senakerib na makukuha na niya ang Jerusalem. Pero isang gabi, nagpadala si Jehova ng isang anghel sa kampo ng mga sundalo sa labas ng lunsod. Pinatay ng anghel ang 185,000 sundalo! Naubos ang pinakamagagaling na sundalo ni Haring Senakerib. Napilitan siyang umuwi dahil talo na siya. Iniligtas ni Jehova si Hezekias at ang Jerusalem, gaya ng ipinangako Niya. Kung nandoon ka sa Jerusalem, magtitiwala ka rin ba kay Jehova?
“Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa palibot ng mga natatakot sa Kaniya, at inililigtas niya sila.”—Awit 34:7
-