Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Winasak ang Jerusalem
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nasusunog ang Jerusalem at ang templo

      ARAL 58

      Winasak ang Jerusalem

      Paulit-ulit na iniiwan ng mga taga-Juda si Jehova at sumasamba sila sa mga diyos-diyusan. Sa loob ng maraming taon, paulit-ulit din silang tinutulungan ni Jehova. Marami nang ipinadalang propeta si Jehova para sabihan silang tumigil na sa paggawa ng masama, pero hindi sila nakinig. Pinagtawanan pa nga nila ang mga propeta. Ano ang ginawa ni Jehova?

      Ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ay nananakop ng mga bansa. Noong unang beses niyang sakupin ang Jerusalem, binihag niya si Haring Jehoiakin, ang mga prinsipe, mga mandirigma, at mga manggagawa, at dinala sila sa Babilonya. Kinuha din niya ang lahat ng kayamanan sa templo ni Jehova. Pagkatapos, ginawa niyang hari ng Juda si Zedekias.

      Sa umpisa, sinusunod ni Zedekias si Nabucodonosor. Pero kinumbinsi siya ng kalapit na mga bansa at ng mga di-totoong propeta na magrebelde. Sinabihan siya ni Jeremias: ‘Kapag nagrebelde ka, magkakaroon ng patayan, taggutom, at sakit sa lupain ng Juda.’

      Matapos mamahala nang walong taon, nagrebelde si Zedekias laban sa Babilonya. Nagpatulong siya sa hukbo ng Ehipto. Inutusan ni Nabucodonosor ang kaniyang hukbo na salakayin ang Jerusalem, at nagkampo sila sa palibot ng lunsod. Sinabi ni Jeremias kay Zedekias: ‘Kung susuko ka sa Babilonya, ikaw at ang lunsod ay makakaligtas. Pero kung hindi, susunugin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at ibibilanggo ka nila.’ Sinabi ni Zedekias: ‘Hindi ako susuko!’

      Pagkaraan ng isa’t kalahating taon, pinasok ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem at sinunog ito. Sinunog nila ang templo, pinatay ang maraming tao, at binihag ang libo-libong taga-Juda.

      Nakatakas si Zedekias sa Jerusalem, pero hinabol siya ng mga taga-Babilonya. Naabutan siya malapit sa Jerico at dinala kay Nabucodonosor. Ipinapanood ng hari ng Babilonya kay Zedekias ang pagpatay sa mga anak niya. Pagkatapos, binulag ni Nabucodonosor si Zedekias at ikinulong, at doon na siya namatay. Pero nangako si Jehova sa mga taga-Juda: ‘Pagkatapos ng 70 taon, ibabalik ko kayo sa Jerusalem.’

      Ano kaya ang mangyayari sa mga kabataang dinala sa Babilonya? Mananatili kaya silang tapat kay Jehova?

      “Diyos na Jehova, [na] Makapangyarihan-sa-Lahat, totoo at matuwid ang mga hatol mo.”​—Apocalipsis 16:7

      Tanong: Sino si Nabucodonosor? Ano ang ginawa niya sa Jerusalem? Sino si Zedekias?

      2 Hari 24:1, 2, 8-20; 25:1-24; 2 Cronica 36:6-21; Jeremias 27:12-14; 29:10, 11; 38:14-23; 39:1-9; Ezekiel 21:27

  • Apat na Kabataang Sumunod kay Jehova
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Hindi kumain sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias ng pagkain ng hari

      ARAL 59

      Apat na Kabataang Sumunod kay Jehova

      Nang dalhin ni Nabucodonosor sa Babilonya ang mga prinsipe ng Juda, ang opisyal ng korte na si Aspenaz ang inutusan niyang mag-asikaso sa kanila. Sinabi ni Nabucodonosor kay Aspenaz na piliin sa mga ito ang pinakamalulusog at pinakamatatalinong kabataan. Tatlong taon silang sasanayin para gawing matataas na opisyal sa Babilonya. Tuturuan silang bumasa, sumulat, at magsalita ng wikang Akkadiano ng Babilonya. At pakakainin sila ng pagkain ng hari at ng kaniyang mga opisyal. Kasama sa mga kabataang ito sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias. Binigyan sila ni Aspenaz ng bagong pangalang Babilonyo: Beltesasar, Sadrac, Mesac, at Abednego. Mapapatigil kaya sila ng edukasyong ito na sambahin si Jehova?

      Desidido ang apat na kabataang ito na sundin si Jehova. Alam nilang hindi sila dapat kumain ng pagkain ng hari dahil sinasabi ng Kautusan ni Jehova na ang ilan sa mga iyon ay marumi. Kaya sinabi nila kay Aspenaz: ‘Huwag n’yo po kaming pakainin ng pagkain ng hari.’ Sinabi ni Aspenaz: ‘Kapag hindi kayo kumain at nakita ng hari na namamayat kayo, papatayin niya ako!’

      May naisip si Daniel. Sinabi niya sa tagapag-alaga nila: ‘Gulay at tubig na lang po ang ibigay n’yo sa amin sa loob ng 10 araw. ’Tapos, ikumpara n’yo po kami sa mga kumakain ng pagkain ng hari.’ Pumayag ang tagapag-alaga.

      Pagkalipas ng 10 araw, mas malulusog sina Daniel kaysa sa lahat ng iba pang kabataan. Natuwa si Jehova kasi sumunod sila sa kaniya. Binigyan pa nga ni Jehova si Daniel ng karunungan na makapagpaliwanag ng mga pangitain at panaginip.

      Pagkatapos ng pagsasanay, dinala ni Aspenaz kay Nabucodonosor ang mga kabataan. Kinausap sila ng hari at napansin nitong mas matatalino at alisto sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias kaysa sa iba. Silang apat ang pinili ng hari na maglingkod sa kaniyang korte. Sila ang madalas na tinatanong ng hari pagdating sa mga importanteng bagay. Ginawa sila ni Jehova na mas marunong kaysa sa lahat ng marurunong na lalaki at salamangkero.

      Kahit nasa ibang lupain, hindi nalimutan nina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na mga lingkod sila ni Jehova. Ikaw, lagi mo rin bang iisipin si Jehova kahit hindi mo kasama ang mga magulang mo?

      “Hindi dapat hamakin ng sinuman ang pagiging kabataan mo. Kaya maging halimbawa ka sa mga tapat pagdating sa pagsasalita, paggawi, pag-ibig, pananampalataya, at kalinisan.”​—1 Timoteo 4:12

      Tanong: Bakit sinunod ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigan si Jehova? Paano sila tinulungan ni Jehova?

      Daniel 1:1-21

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share