Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Isang Kaharian na Mananatili Magpakailanman
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nanaginip si Haring Nabucodonosor tungkol sa malaking estatuwa na dinurog ng bato

      ARAL 60

      Isang Kaharian na Mananatili Magpakailanman

      Isang gabi, nanaginip si Haring Nabucodonosor. Kakaiba ang panaginip niya. Natakot siya at hindi na nakatulog. Ipinatawag niya ang kaniyang mga salamangkero at sinabi: ‘Ipaliwanag n’yo sa ’kin ang napanaginipan ko.’ Sinabi nila: ‘Ano po’ng napanaginipan n’yo, mahal na hari?’ Pero sinabi ni Nabucodonosor: ‘Kayo ang magsabi sa ’kin ng napanaginipan ko, kung hindi, papatayin ko kayo!’ Sumagot sila: ‘Sabihin n’yo po sa amin kung ano ’yon para maipaliwanag namin.’ Sinabi ng hari: ‘Nagpapalusot pa kayo. Basta sabihin n’yo sa ’kin ang napanaginipan ko, tapos!’ Sinabi nila sa hari: ‘Wala pong makakagawa no’n. Imposible po ang gusto n’yong mangyari.’

      Nagalit si Nabucodonosor at iniutos niyang patayin lahat ang marurunong na lalaki sa lupain. Kasama sa mga ito sina Daniel, Sadrac, Mesac, at Abednego. Nakiusap si Daniel sa hari na bigyan siya ng panahon. Pagkatapos, siya at ang mga kaibigan niya ay humingi ng tulong kay Jehova. Ano ang ginawa ni Jehova?

      Sa isang pangitain, ipinakita ni Jehova kay Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor at ang ibig sabihin nito. Kinabukasan, pumunta si Daniel sa lingkod ng hari at sinabi: ‘Huwag n’yong patayin ang marurunong na lalaki. Maipapaliwanag ko ang panaginip ng hari.’ Si Daniel ay dinala kay Nabucodonosor. Sinabi ni Daniel sa hari: ‘Ipinakita sa inyo ng Diyos ang mangyayari sa hinaharap. Ito po ang napanaginipan n’yo: Nakakita kayo ng isang napakalaking estatuwa na ang ulo ay ginto, ang dibdib at mga braso ay pilak, ang tiyan at mga hita ay tanso, ang mga binti ay bakal, at ang mga paa ay magkahalong bakal at putik. Pagkatapos, isang bato ang natibag mula sa bundok, at tumama ito sa paa ng estatuwa. Nadurog na parang pulbos ang estatuwa at tinangay ito ng hangin. Ang bato ay naging isang malaking bundok, at napuno nito ang buong lupa.’

      Sinabi pa ni Daniel: ‘At ito naman po ang ibig sabihin ng panaginip n’yo: Ang inyong kaharian ang ulong ginto. Ang pilak ay ang kahariang susunod sa inyo. ’Tapos, may isa namang parang tanso na mamamahala sa buong lupa. Ang kasunod nitong kaharian ay matibay na parang bakal. Pinakahuli, magkakaroon ng di-nagkakaisang kaharian na may bahaging matibay na gaya ng bakal at may bahaging mahinang gaya ng putik. Ang batong naging bundok ay ang Kaharian ng Diyos. Dudurugin nito ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman.’

      Sumubsob si Nabucodonosor sa paanan ni Daniel at nagsabi: ‘Sinabi sa iyo ng iyong Diyos ang napanaginipan ko. Walang ibang Diyos na gaya niya.’ Imbes na ipapatay si Daniel, siya ang inilagay ni Nabucodonosor bilang pinuno ng lahat ng marurunong na lalaki at tagapamahala ng buong distrito ng Babilonya. Nakita mo ba kung paano sinagot ni Jehova ang panalangin ni Daniel?

      “Tinipon sila ng mga ito sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.”​—Apocalipsis 16:16

      Tanong: Bakit naipaliwanag ni Daniel ang panaginip ni Nabucodonosor? Ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon?

      Daniel 2:1-49

  • Hindi Sila Yumukod
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Hindi yumukod sina Sadrac, Mesac, at Abednego sa imaheng ginto

      ARAL 61

      Hindi Sila Yumukod

      Ilang panahon matapos mapanaginipan ni Haring Nabucodonosor ang tungkol sa estatuwa, nagpagawa siya ng isang napakalaking imaheng ginto. Ipinalagay niya ito sa kapatagan ng Dura at ipinatawag ang lahat ng importanteng tao sa lupain, kasama na sina Sadrac, Mesac, at Abednego, para magsama-sama sa harap ng estatuwa. Iniutos ng hari: ‘Kapag narinig n’yo ang tunog ng trumpeta, alpa, at pipa, yumukod kayo sa estatuwa! Ang hindi yumukod ay ihahagis sa nag-aapoy na hurno.’ Yuyukod kaya sa estatuwa ang tatlong Hebreo, o si Jehova lang ang sasambahin nila?

      Iniutos ng hari na patugtugin ang musika. Yumukod ang lahat at sumamba sa estatuwa, pero hindi yumukod sina Sadrac, Mesac, at Abednego. Napansin ito ng ilang lalaki at nagsumbong sila sa hari: ‘Ang tatlong Hebreong iyon ay ayaw sumamba sa estatuwa.’ Ipinatawag sila ni Nabucodonosor at sinabi: ‘Bibigyan ko kayo ng isa pang pagkakataon na sumamba sa estatuwa. Kapag hindi kayo sumunod, ipapahagis ko kayo sa hurno. Walang diyos na makakapagligtas sa inyo.’ Sumagot sila: ‘Hindi na po namin kailangan ng isa pang pagkakataon. Maililigtas kami ng aming Diyos. At kung hindi man, O mahal na hari, hindi pa rin kami sasamba sa estatuwa.’

      Galít na galít si Nabucodonosor. Sinabihan niya ang kaniyang mga tauhan: ‘Pitong beses n’yo pang painitin ang hurno!’ Pagkatapos, inutusan niya ang mga sundalo: ‘Talian sila, at ihagis sa hurno!’ Sa sobrang init ng hurno, namatay agad ang mga sundalo nang mapalapit sila dito. Bumagsak sa apoy ang tatlong Hebreo. Pero nang silipin sila ni Nabucodonosor, apat na lalaki ang nakita niyang naglalakad sa loob ng hurno imbes na tatlo. Natakot siya at tinanong ang mga opisyal: ‘Tatlo lang ang ipinahagis ko, ’di ba? E, bakit apat ang nakikita ko? At y’ong isa, parang anghel!’

      Lumapit pa nang kaunti si Nabucodonosor at sumigaw: ‘Lumabas kayo, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!’ Gulát na gulát ang lahat nang makita nilang lumalabas sina Sadrac, Mesac, at Abednego na parang walang nangyari. Hindi nasunog ang kanilang balat, buhok, at damit, at hindi man lang sila nangamoy sunóg.

      Sinabi ni Nabucodonosor: ‘Talagang makapangyarihan ang Diyos nina Sadrac, Mesac, at Abednego. Nagpadala siya ng anghel para iligtas sila. Walang katulad ang Diyos nila.’

      Gaya ng tatlong Hebreo, desidido ka bang maging tapat kay Jehova kahit ano’ng mangyari?

      Hindi makapaniwala si Haring Nabucodonosor nang makita niyang hindi napinsala sina Sadrac, Mesac, at Abednego paglabas nila sa hurno

      “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.”​—Mateo 4:10

      Tanong: Ano ang ayaw gawin nina Sadrac, Mesac, at Abednego? Paano sila iniligtas ni Jehova?

      Daniel 3:1-30

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share