-
Isang Kahariang Gaya ng Malaking PunoMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 62
Isang Kahariang Gaya ng Malaking Puno
Isang gabi, nanaginip si Nabucodonosor ng isang nakakatakot na panaginip. Ipinatawag niya ang marurunong na lalaki para ipaliwanag sa kaniya ang ibig sabihin nito. Pero walang makapagpaliwanag ng kaniyang panaginip. Bandang huli, kinausap ng hari si Daniel.
Sinabi ni Nabucodonosor kay Daniel: ‘Sa panaginip ko, may nakita akong isang puno. Tumaas ito nang tumaas hanggang langit. Kitang-kita ito kahit saang lugar sa lupa. Magaganda ang dahon nito at napakarami nitong bunga. Sa lilim nito nagpapahinga ang mga hayop, at sa mga sanga nito gumagawa ng pugad ang mga ibon. Pagkatapos, may bumabang anghel mula sa langit. Sinabi nito: “Putulin n’yo ang puno at alisin ang mga sanga nito. Pero huwag n’yong bunutin ang tuod at ang mga ugat nito, at talian ito ng bakal at tanso. Ang puso ng puno ay magbabago mula sa pagiging puso ng tao tungo sa pagiging puso ng hayop, at lilipas ang pitong panahon. Malalaman ng lahat ng tao na ang Diyos ang Tagapamahala at na kaya niyang bigyan ng kaharian ang sinumang piliin niya.”’
Sinabi ni Jehova kay Daniel ang ibig sabihin ng panaginip. Nang maintindihan ni Daniel ang panaginip, natakot siya. Sinabi niya: ‘O mahal na hari, sana’y tungkol na lang sa iyong mga kaaway ang panaginip na iyon, pero tungkol ’yon sa iyo. Ang malaking punong pinutol ay ikaw. Mawawala sa iyo ang kaharian mo, at kakain ka ng damo sa gubat na parang mailap na hayop. Pero dahil sinabi ng anghel na huwag bunutin ang tuod at ang mga ugat nito, magiging hari ka ulit.’
Pagkalipas ng isang taon, habang naglalakad si Nabucodonosor sa patag na bubong ng palasyo niya at tinitingnan ang Babilonya, sinabi niya: ‘Ang ganda ng lunsod na ito na itinayo ko. Napakagaling ko talaga!’ Habang sinasabi niya ito, may nagsalita mula sa langit: ‘Nabucodonosor! Mawawalan ka ngayon ng kaharian.’
Nang sandaling iyon, nawala sa sarili si Nabucodonosor at naging parang mailap na hayop. Pinaalis siya sa palasyo, kaya sa gubat siya tumira kasama ng maiilap na hayop. Ang buhok ni Nabucodonosor ay humabang gaya ng balahibo ng agila, at ang mga kuko niya ay naging gaya ng mga kuko ng ibon.
Pagkaraan ng pitong taon, naging normal ulit si Nabucodonosor at ibinalik siya ni Jehova bilang hari ng Babilonya. Pagkatapos, sinabi ni Nabucodonosor: ‘Purihin si Jehova, ang Hari ng langit. Ngayon, alam ko nang si Jehova ang Tagapamahala. Tinuturuan niyang magpakumbaba ang mayayabang na tao, at kaya niyang bigyan ng kaharian ang sinumang gustuhin niya.’
“Ang pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak, at ang kayabangan ay humahantong sa pagkadapa.”—Kawikaan 16:18
-
-
Ang Sulat sa PaderMga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
-
-
ARAL 63
Ang Sulat sa Pader
Nang maglaon, si Belsasar ang naging hari ng Babilonya. Isang gabi, nagpahanda siya ng maraming pagkain para sa isang libong pinakaimportanteng tao sa lupain. Inutusan niya ang kaniyang mga lingkod na ilabas ang mga kopang ginto na kinuha ni Nabucodonosor sa templo ni Jehova. Sa mga kopang iyon uminom si Belsasar at ang mga bisita niya at pinuri nila ang kanilang mga diyos. Biglang-bigla, isang kamay ng tao ang lumitaw at sumulat ito ng misteryosong mga salita sa pader ng silid-kainan.
Takót na takót si Belsasar. Ipinatawag niya ang mga salamangkero at pinangakuan sila: ‘Ang sinumang makapagpaliwanag ng mga salitang ito ay gagawin kong ikatlong pinakamakapangyarihang tao sa Babilonya.’ Sinubukan nila, pero walang makapagpaliwanag sa mga salita. Pumasok ang reyna at sinabi: ‘May isang lalaki, na ang pangalan ay Daniel, na dating nagpapaliwanag kay Nabucodonosor ng mga bagay-bagay. Maipapaliwanag niya sa ’yo ang mga salitang iyan.’
Pumunta si Daniel sa hari. Sinabi ni Belsasar sa kaniya: ‘Kapag nabasa mo at naipaliwanag ang mga salitang ito, bibigyan kita ng gintong kuwintas at gagawing pangatlo sa pinakamakapangyarihang tao sa Babilonya.’ Sinabi ni Daniel: ‘Hindi ko kailangan ang mga regalo mo, pero sasabihin ko sa iyo ang kahulugan ng mga salitang ito. Ang iyong amang si Nabucodonosor ay mayabang, kaya tinuruan siya ni Jehova na maging mapagpakumbaba. Alam mo ang nangyari sa kaniya, pero hindi mo pa rin iginalang si Jehova nang uminom ka ng alak sa kopang ginto mula sa Kaniyang templo. Kaya isinulat ng Diyos ang mga salitang ito: Mene, Mene, Tekel, at Parsin. Ibig sabihin, tatalunin ng mga Medo at Persiano ang Babilonya, at hindi ka na magiging hari.’
Parang walang makakatalo sa Babilonya. Ang lunsod na ito ay protektado ng makakapal na pader at malalim na ilog. Pero noon mismong gabing iyon, sumalakay ang mga Medo at Persiano. Pinaagos ng Persianong si Haring Ciro ang ilog sa ibang direksiyon para makadaan ang kaniyang mga sundalo papunta sa mga pintuan ng lunsod. Pagdating nila doon, nakita nilang bukás ang mga pintuan! Pinasok nila ang lunsod, sinakop ito, at pinatay ang hari. Kaya si Ciro na ang naging tagapamahala ng Babilonya.
Wala pang isang taon, sinabi ni Ciro: ‘Inutusan ako ni Jehova na itayo ulit ang kaniyang templo sa Jerusalem. Sinuman sa kaniyang bayan na gustong tumulong dito ay makakaalis na.’ Kaya gaya ng ipinangako ni Jehova, maraming Judio ang umuwi 70 taon matapos wasakin ang Jerusalem. Ipinadala ni Ciro ang mga kopang ginto at pilak at mga kagamitang kinuha ni Nabucodonosor sa templo. Nakita mo ba kung paano ginamit ni Jehova si Ciro para tulungan ang Kaniyang bayan?
“Bumagsak na siya! Bumagsak na ang Babilonyang Dakila, at siya ay naging tahanan ng mga demonyo.”—Apocalipsis 18:2
-