Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Si Daniel sa Kuweba ng mga Leon
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Nahuli ng mga inggiterong lalaki na nananalangin si Daniel sa harap ng bukás na bintana

      ARAL 64

      Si Daniel sa Kuweba ng mga Leon

      Ang isa pang naging hari ng Babilonya ay si Dario na Medo. Nakita ni Dario na hindi basta-basta si Daniel. Kaya naman siya ang ginawang tagapangasiwa ng mga pinakaimportanteng lalaki sa lupain. Nainggit ang mga lalaking ito kay Daniel kaya gusto nila siyang ipapatay. Alam nilang tatlong beses sa isang araw siya kung manalangin kay Jehova, kaya sinabi nila kay Dario: ‘O mahal na hari, kailangan tayong gumawa ng batas na sa iyo lang dapat manalangin ang lahat. Ang sinumang hindi sumunod sa batas ay dapat ihagis sa kuweba ng mga leon.’ Nagustuhan ito ni Dario, kaya pinirmahan niya ang batas.

      Nang malaman ni Daniel ang bagong batas, umuwi siya. Lumuhod siya sa harap ng bintanang nakabukas at nanalangin kay Jehova. Biglang pumasok sa bahay ang mga inggiterong lalaki at nahuli nila siyang nananalangin. Tumakbo sila pabalik kay Dario at nagsumbong: ‘Hindi po sumusunod sa inyo si Daniel. Tatlong beses po siyang nananalangin sa Diyos niya araw-araw.’ Paborito ni Dario si Daniel at ayaw niya itong mamatay. Buong araw siyang nag-isip kung paano niya ito maililigtas. Pero dahil napirmahan na niya ang batas, hindi na niya ito puwedeng bawiin. Napilitan siyang ipahagis si Daniel sa kuweba ng mababangis na leon.

      Nang gabing iyon, hindi makatulog si Dario sa kaiisip kay Daniel. Kinabukasan, pinuntahan niya si Daniel sa kuweba at nagtanong: ‘Iniligtas ka ba ng iyong Diyos?’

      May narinig na boses si Dario. Si Daniel iyon! Sinabi niya kay Dario: ‘Itinikom ng anghel ni Jehova ang bibig ng mga leon. Hindi man lang nila ako sinaktan.’ Tuwang-tuwa si Dario! Iniutos niyang ilabas si Daniel sa kuweba. Wala man lang kalmot si Daniel. Pagkatapos, iniutos ng hari: ‘Ihagis n’yo sa kuweba ang mga nagbintang kay Daniel.’ Pagkahagis sa kanila sa kuweba, nilapa sila ng mga leon.

      Naglabas si Dario ng utos: ‘Ang lahat ay dapat matakot sa Diyos ni Daniel. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.’

      Araw-araw ka bang nananalangin kay Jehova, gaya ni Daniel?

      Si Daniel sa kuweba ng mga leon

      “Alam ni Jehova kung paano iligtas ang mga taong may makadiyos na debosyon mula sa pagsubok.”​—2 Pedro 2:9

      Tanong: Ano ang ginagawa ni Daniel tatlong beses sa isang araw? Paano iniligtas ni Jehova si Daniel?

      Daniel 6:1-28

  • Iniligtas ni Esther ang mga Kababayan Niya
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
    • Pumasok si Reyna Esther sa looban ng palasyo ni Haring Ahasuero na maraming guwardiya

      ARAL 65

      Iniligtas ni Esther ang mga Kababayan Niya

      Reyna Esther

      Si Esther ay isang Judio na nakatira sa lunsod ng Susan sa Persia. Maraming taon bago nito, ang mga kamag-anak niya ay kinuha ni Nabucodonosor mula sa Jerusalem. Pinalaki siya ng kaniyang pinsang si Mardokeo, lingkod ni Haring Ahasuero ng Persia.

      Naghahanap si Haring Ahasuero ng bagong reyna. Dinala sa kaniya ng mga lingkod niya ang pinakamagagandang babae sa lupain, kasama na si Esther. Si Esther ang pinili ng hari na maging reyna. Sinabi ni Mardokeo kay Esther na huwag itong magpapakilalang Judio.

      Ang mayabang na lalaking si Haman ang pinuno ng lahat ng prinsipe. Gusto niyang yumukod sa kaniya ang lahat. Pero ayaw yumukod ni Mardokeo, kaya nagalit si Haman at gusto siyang patayin. Nang malaman ni Haman na Judio si Mardokeo, nagplano siyang patayin ang lahat ng Judio sa lupain. Sinabi niya sa hari: ‘Masasama ang mga Judio; dapat silang mamatay.’ Sinabi ni Ahasuero: ‘Sige, gawin mo kung ano ang nararapat gawin,’ at binigyan niya si Haman ng kapangyarihang gumawa ng batas. Gumawa si Haman ng batas na nag-uutos sa mga tao na patayin ang lahat ng Judio sa ika-13 araw ng buwan ng Adar. Nakikita ito ni Jehova.

      Hindi alam ni Esther ang tungkol sa batas na iyon. Kaya pinadalhan siya ni Mardokeo ng kopya ng batas at sinabi: ‘Pumunta ka sa hari at makipag-usap ka sa kaniya.’ Sinabi ni Esther: ‘Sinumang pumunta sa hari nang hindi ipinapatawag ay papatayin. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari! Pero pupunta ako. Kapag itinuro niya sa akin ang kaniyang setro, mananatili akong buháy. Kung hindi, mamamatay ako.’

      Pumunta si Esther sa palasyo ng hari. Nang makita siya ng hari, itinuro nito sa kaniya ang setro. Paglapit niya sa hari, tinanong siya nito: ‘Ano’ng kailangan mo, Esther?’ Sinabi niya: ‘Gusto ko pong imbitahan kayo ni Haman sa isang hapunan.’ Habang nasa hapunan, inimbitahan ulit sila ni Esther sa isa pang hapunan kinabukasan. Sa pangalawang hapunang iyon, nagtanong ulit ang hari: ‘Ano ang kahilingan mo?’ Sinabi ni Esther: ‘May gustong pumatay sa akin at sa mga kababayan ko. Iligtas n’yo kami.’ Nagtanong ang hari: ‘Sino’ng gustong pumatay sa iyo?’ Sinabi niya: ‘Ang masamang taong ’yan, si Haman!’ Galít na galít si Ahasuero, kaya ipinapatay niya agad si Haman.

      Pero wala nang makakabawi sa batas ni Haman, kahit ang hari. Kaya si Mardokeo ay ginawang pinuno ng mga prinsipe at binigyan siya ng hari ng kapangyarihang gumawa ng bagong batas. Gumawa si Mardokeo ng batas na nagpapahintulot sa mga Judio na ipagtanggol ang kanilang sarili kapag sinalakay sila. Noong ika-13 araw ng Adar, natalo ng mga Judio ang mga kaaway nila. Mula noon, ipinagdiriwang na nila taon-taon ang tagumpay na iyon.

      “Dadalhin kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, at makapagpapatotoo kayo sa kanila at sa mga bansa.”​—Mateo 10:18

      Tanong: Anong plano ang ginawa laban sa mga Judio? Paano nagpakita si Esther ng pananampalataya kay Jehova?

      Esther 2:5-20; 3:1–5:8; 7:1–8:14; 9:1-28

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share