Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?​—Bahagi 1
    Ang Bantayan—2014 | Oktubre 1
    • Nag-uusap sina Cameron at Jon tungkol sa Kaharian ng Diyos

      PAKIKIPAG-USAP SA IBA

      Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?​—Bahagi 1

      Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Cameron ang Saksing dumadalaw kay Jon.

      ‘PATULOY NA HANAPIN’ ANG KAUNAWAAN

      Cameron: Jon, natutuwa ako sa regular nating pag-uusap tungkol sa Bibliya.a Noong nakaraan, nagtanong ka tungkol sa Kaharian ng Diyos. Itinanong mo kung bakit naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Kaharian ay nagsimulang mamahala noong 1914.

      Jon: Oo, kasi nabasa ko sa publikasyon ninyo na nagsimulang mamahala noong 1914 ang Kaharian ng Diyos. Pinag-isip ako nito dahil sabi mo, lahat ng paniniwala n’yo ay batay sa Bibliya.

      Cameron: Tama ka.

      Jon: Nabasa ko na ang Bibliya, pero wala akong nabasang teksto na bumabanggit sa taóng 1914. Kaya tumingin ako ng Bibliya sa Internet at hinanap ko ang “1914.” Pero “0 results” ang lumabas sa search engine.

      Cameron: Hanga ako sa ‘yo, Jon. Nabasa mo na ang buong Bibliya. Tiyak na malapít sa puso mo ang Salita ng Diyos.

      Jon: Oo naman. Wala itong katulad.

      Cameron: Totoo ‘yan. Saka natutuwa ako na hinahanap mo sa Bibliya ang sagot sa mga tanong mo. Talagang sinusunod mo ang sinasabi ng Bibliya na ‘patuloy na saliksikin’ ang kaunawaan.b Mahusay ‘yang ginagawa mo.

      Jon: Salamat. Gusto ko talagang matuto. Sa katunayan, nag-research ako at nakita ko ang ilang impormasyon tungkol sa 1914 sa aklat na ito na pinag-aaralan natin. Binabanggit dito ang panaginip ng isang hari​—tungkol sa isang malaking punungkahoy na pinutol at pagkatapos ay tumubo uli, parang ganoon.

      Cameron: A, ‘yong hula sa Daniel kabanata 4. Tungkol iyon sa panaginip ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya.

      Jon: Oo, ‘yon nga. Paulit-ulit kong binasa ang hula. Pero sa totoo lang, hindi ko maunawaan kung ano ang kaugnayan nito sa Kaharian ng Diyos o sa taóng 1914.

      Cameron: Ang totoo, Jon, hindi naunawaan kahit ni propeta Daniel ang ipinasulat sa kaniya!

      Jon: Talaga?

      Cameron: Oo. Sinabi niya sa Daniel 12:8: “Sa ganang akin naman, narinig ko, ngunit hindi ko maunawaan.”

      Jon: Hindi lang pala ako ang nahirapang unawain ‘yon.

      Cameron: Hindi iyon naunawaan ni Daniel kasi hindi pa panahon para isiwalat ng Diyos sa mga tao ang kahulugan ng mga hula sa aklat ni Daniel. Pero ngayon, puwede na natin itong maunawaan.

      Jon: Bakit mo nasabi ‘yan?

      Cameron: Pansinin mo ang sinasabi sa Daniel 12:9: “Ang mga salita ay inilihim at tinatakan hanggang sa panahon ng kawakasan.” Kaya ang mga hulang ito ay mauunawaan lang sa dakong huli, “sa panahon ng kawakasan.” At gaya ng pag-aaralan pa natin, ipinakikita ng lahat ng katibayan na nabubuhay na tayo sa panahong iyon.c

      Jon: Puwede bang ipaliwanag mo sa akin ang hula ni Daniel?

      Cameron: Sige, susubukan ko.

      ANG PANAGINIP NI NABUCODONOSOR

      Cameron: Pag-usapan muna natin ang nakita ni Haring Nabucodonosor sa panaginip. Saka natin alamin ang kahulugan nito.

      Jon: Okey.

      Napanaginipan ni Haring Nabucodonosor ang isang pagkalaki-laking punungkahoy

      Cameron: Nakita ni Nabucodonosor ang isang pagkalaki-laking punungkahoy na abot hanggang langit. Pagkatapos, narinig niya ang utos ng anghel ng Diyos na putulin ito. Pero sinabi ng Diyos na iwan ang tuod sa lupa. Pagkalipas ng “pitong panahon,” lálaki uli ito.d Ang hulang ito ay unang natupad kay Haring Nabucodonosor. Bagaman isang prominenteng hari​—gaya ng punungkahoy na abot hanggang langit​—siya ay pinutol sa loob ng “pitong panahon.” Alam mo ba kung ano ang nangyari?

      Jon: Hindi ko matandaan.

      Cameron: Okey lang ‘yan. Ipinakikita ng Bibliya na nawala sa katinuan ng isip si Nabucodonosor sa loob ng pitong taon. Sa panahong iyon, hindi siya naghari. Pero sa pagwawakas ng pitong panahon, bumalik ang kaniyang katinuan at muling naghari.e

      Jon: Okey. Pero ano ang kinalaman ng lahat ng ito sa Kaharian ng Diyos at sa taóng 1914?

      Cameron: Sa maikli, ang hulang ito ay may dalawang katuparan. Ang una ay nangyari nang maputol ang pamamahala ni Haring Nabucodonosor. Ang ikalawa naman ay nang maputol ang pamamahala ng Diyos. Kaya ang ikalawang katuparang ito ang nauugnay sa Kaharian ng Diyos.

      Jon: Paano mo nalaman na may pangalawang katuparan ang hula?

      Cameron: Una sa lahat, makikita natin ito sa hula mismo. Ayon sa Daniel 4:17, ibinigay ang hula para “malaman ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon.” Napansin mo ba ang pananalitang “kaharian ng mga tao”?

      Jon: Oo, sabi nito “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.”

      Cameron: Tama. Sino sa palagay mo “ang Kataas-taasan”?

      Jon: E, di ang Diyos.

      Cameron: Oo. Kaya sinasabi nito na ang hula ay hindi lang tungkol kay Nabucodonosor. Tungkol din ito sa “kaharian ng mga tao”​—ang pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. At lilinaw pa iyan kung titingnan natin ang hula ayon sa konteksto nito.

      Jon: Ano ang ibig mong sabihin?

      PINAKATEMA NG AKLAT

      Cameron: May iisang tema ang aklat ni Daniel​—ang pagtatatag ng Kaharian ng Diyos na pamamahalaan ng kaniyang Anak na si Jesus. Halimbawa, balikan natin ang ilang naunang kabanata. Pakibasa mo ang Daniel 2:44.

      Jon: Sige. “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”

      Cameron: Salamat. Tumutukoy kaya ito sa Kaharian ng Diyos?

      Jon: Hmm. Ewan ko.

      Cameron: Pansinin mo na sinasabi nito na ang Kahariang ito ay “mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.” Totoo iyan kung tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pero totoo ba iyan sa anumang gobyerno ng tao?

      Jon: Sa palagay ko, hindi.

      Cameron: Narito pa ang isang hula na tumutukoy sa Kaharian ng Diyos sa Daniel 7:13, 14. Sinasabi ng hula ang tungkol sa isang tagapamahala sa hinaharap: “Sa kaniya ay may ibinigay na pamamahala at dangal at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika ay maglingkod sa kaniya. Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” Napansin mo ba kung ano ang idiniriin ng tekstong ito?

      Jon: Ang kaharian.

      Cameron: Tama. At hindi basta anumang kaharian. Sinasabi nito na ang Kahariang ito ay may awtoridad sa “mga bayan, mga liping pambansa at mga wika.” Sa ibang salita, buong lupa ang pamamahalaan ng Kahariang ito.

      Jon: Iyan pala ang kahulugan n’on.

      Cameron: Tingnan mo rin ang sinasabi pa ng hula: “Ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahalang namamalagi nang walang takda na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian ay hindi magigiba.” Parang kahawig iyan ng hula sa Daniel 2:44, ‘di ba?

      Jon: Oo nga.

      Cameron: Sige magrepaso tayo. Ang hula sa Daniel kabanata 4 ay ibinigay para malaman ng mga tao na “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.” Ito mismo ay nagpapakitang may mas malaking katuparan ang hula bukod kay Nabucodonosor. At sa buong aklat ni Daniel, nakita natin ang mga hula tungkol sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos na pamamahalaan ng kaniyang Anak. Sa palagay mo, makatuwiran bang sabihin na ang hulang ito sa Daniel kabanata 4 ay may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos?

      Jon: Sa palagay ko. Pero hindi ko pa rin makita ang koneksiyon nito sa 1914.

      “PITONG PANAHON ANG PALIPASIN”

      Cameron: Balikan natin si Haring Nabucodonosor. Siya ang tinutukoy na punungkahoy sa unang katuparan ng hula. Naputol ang pamamahala niya nang putulin ang punungkahoy at iwan ito nang pitong panahon. Natupad iyon nang mawala siya sa katinuan ng isip. Natapos ang pitong panahong iyon nang bumalik ang kaniyang katinuan at muling naghari. Sa ikalawang katuparan ng hula, ang pamamahala ng Diyos ay mapuputol sa isang yugto ng panahon​—pero hindi dahil sa anumang kakulangan ng Diyos.

      Jon: Ano ang ibig mong sabihin?

      Cameron: Noong panahon ng Bibliya, ang mga hari sa Israel na namahala sa Jerusalem ay sinasabing naupo sa “trono ni Jehova.”f Kinakatawan nila ang Diyos sa pamamahala sa kaniyang bayan. Kaya ang pamamahala ng mga haring iyon ay kumakatawan sa pamamahala ng Diyos. Pero nang maglaon, karamihan sa mga haring iyon ay sumuway sa Diyos at tinularan sila ng kanilang mga sakop. Dahil sa pagsuway ng mga Israelita, pinahintulutan ng Diyos na masakop sila ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E. Mula noon, wala nang hari ang kumatawan kay Jehova sa Jerusalem. Sa diwa, naputol ang pamamahala ng Diyos. Naintindihan mo ba?

      Jon: Oo.

      Cameron: Kaya noong 607 B.C.E., nagsimula ang pitong panahon, o ang yugto ng panahon kung kailan naputol ang pamamahala ng Diyos. Sa pagwawakas ng pitong panahon, iluluklok ng Diyos ang bagong tagapamahala na kakatawan sa Kaniya​—sa pagkakataong ito, isa na nasa langit. Saka lang matutupad ang iba pang hula na binasa natin sa Daniel. Kaya ang tanong: Kailan natapos ang pitong panahon? Kung masasagot natin iyan, malalaman natin kung kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos.

      Jon: Ganoon pala. Ibig sabihin, natapos ang pitong panahon noong 1914?

      Cameron: Tama!

      Jon: Pero paano natin iyon nalaman?

      Cameron: Noong nangangaral si Jesus sa lupa, sinabi niya na hindi pa tapos ang pitong panahon.g Kaya tiyak na napakahabang panahon ‘yon. Ang pitong panahon ay nagsimula daan-daang taon bago pumarito sa lupa si Jesus, at nagpatuloy ito hanggang makabalik siya sa langit. Tandaan din na ang kahulugan ng mga hula ni Daniel ay magiging malinaw lang sa “panahon ng kawakasan.”h Kapansin-pansin, noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, maingat na sinuri ng mga estudyante ng Bibliya ang hulang ito at ang iba pang hula. Naunawaan nila na ang pitong panahon ay magtatapos sa taóng 1914. At ang mga pangyayari sa daigdig mula noon ay nagpatunay na noong 1914 nagsimulang mamahala sa langit ang Kaharian ng Diyos. Nang taóng iyon, nagsimula ang mga huling araw, o ang panahon ng kawakasan. Alam ko, medyo mabigat itong pinag-usapan natin . . .

      Jon: Oo nga. Babasahin ko uli ito para mas maintindihan ko.

      Cameron: Huwag kang mag-alala. Hindi ko rin agad naunawaan ang mga hulang ito at ang mga katuparan nito. Pero sana nakatulong sa iyo ang pag-uusap natin na makitang talagang ibinabatay ng mga Saksi ni Jehova sa Bibliya ang mga paniniwala nila tungkol sa Kaharian.

      Jon: Oo naman. Bilib nga ako sa inyo dahil nakasalig sa Bibliya ang mga paniniwala n’yo.

      Cameron: At nakikita kong ganoon din ang gusto mo. Sabi ko nga, medyo mabigat itong pinag-usapan natin. Malamang may mga tanong ka pa. Halimbawa, naunawaan natin na ang pitong panahon ay nauugnay sa Kaharian ng Diyos at na nagsimula ito noong 607 B.C.E. Pero paano nga ba natin matitiyak na natapos ang pitong panahong ito noong 1914?i

      Jon: Iyan nga ang tanong ko.

      Cameron: Matutulungan tayo ng Bibliya na malaman ang eksaktong haba ng pitong panahon. Gusto mo bang pag-usapan natin iyan sa susunod?j

      Jon: Okey.

      May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung mayroon, huwag kang mahiyang magtanong sa isa sa mga Saksi ni Jehova. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.

      a Sa programa ng mga Saksi ni Jehova na libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya, karaniwan nang paksa-por-paksa ang pagtalakay nila ng Bibliya sa mga tao.

      b Kawikaan 2:3-5.

      c Tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

      d Daniel 4:13-17.

      e Daniel 4:20-36.

      f 1 Cronica 29:23.

      g Sa kaniyang hula tungkol sa mga huling araw, sinabi ni Jesus: “Ang Jerusalem [na kumakatawan sa pamamahala ng Diyos] ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa matupad ang mga takdang panahon ng mga bansa.” (Lucas 21:24) Kaya noong panahon ni Jesus, hanggang sa mga huling araw, hindi pa rin namamahala ang Diyos.

      h Daniel 12:9.

      i Tingnan ang apendise na “1914—Isang Mahalagang Taon sa Hula ng Bibliya” ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?

      j Tatalakayin sa susunod na artikulo ng seryeng ito ang mga talata sa Bibliya na nagpapaliwanag tungkol sa haba ng pitong panahon.

  • Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?—Bahagi 2
    Ang Bantayan—2014 | Nobyembre 1
    • Pinapatuloy ni Jon si Cameron sa kaniyang bahay

      PAKIKIPAG-USAP SA IBA

      Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?—Bahagi 2

      Ang sumusunod ay ang karaniwang eksena kapag nakikipag-usap sa iba ang isang Saksi ni Jehova. Kunwari, si Cameron ang Saksing dumadalaw kay Jon.

      PANAGINIP NI NABUCODONOSOR—MAIKLING REPASO

      Cameron: Kumusta ka, Jon?

      Jon: Mabuti naman.

      Cameron: Gustong-gusto ko ang mga pagtalakay natin sa Bibliya.a Noong huli tayong mag-aral, pinag-usapan natin kung bakit sinasabi ng mga Saksi ni Jehova na nagsimulang mamahala noong 1914 ang Kaharian ng Diyos.b Nakita natin ang isang ebidensiya sa hula na nasa kabanata 4 ng aklat ng Bibliya na Daniel. Natatandaan mo ba ang sinabi do’n?

      Jon: Tungkol iyon sa malaking puno na napanaginipan ni Haring Nabucodonosor.

      Cameron: Tama. Sa panaginip niya, nakita ni Nabucodonosor na umabot sa langit ang malaking punong iyon. Narinig niyang iniutos ng isang mensahero ng Diyos na putulin ang puno, pero iwan ang tuod at ugat. Makaraan ang “pitong panahon,” lumaki uli ang puno.c Tinalakay rin natin kung bakit may dalawang katuparan ang hulang ito. Ano nga y’ong unang katuparan?

      Jon: Natupad iyon kay Nabucodonosor, ’di ba? Pitong taon siyang nawala sa katinuan.

      Cameron: Oo, kaya pansamantalang nahinto ang kaniyang paghahari. Pero sa mas malaking katuparan, mahihinto rin ang pamamahala ng Diyos sa loob ng pitong panahon. Gaya ng nakita natin, nagsimula ang pitong panahon nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Mula noon, wala nang hari sa lupa na kumakatawan sa paghahari ng Diyos na Jehova sa bayan niya. Pero pagkatapos ng pitong panahon, magluluklok ang Diyos ng bagong Tagapamahala—isa na nasa langit. Ibig sabihin, pagkatapos ng pitong panahon, magsisimula ang pamamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos. Ngayon, malinaw na sa atin kung kailan nagsimula ang pitong panahon. Kaya kung malalaman natin kung gaano ito kahaba, malalaman natin kung kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Nasusundan mo ba?

      Jon: Oo.

      Cameron: Okey. Alamin naman natin ngayon ang haba ng pitong panahon. Nagbasa rin ako tungkol sa paksang ito para marepaso ko ang mahahalagang punto. Subukan kong ipaliwanag sa iyo sa abot ng makakaya ko.

      Jon: Okey.

      NATAPOS ANG PITONG PANAHON—NAGSIMULA ANG MGA HULING ARAW

      Cameron: Sa unang katuparan ng hula may kaugnayan kay Nabucodonosor, lumilitaw na ang pitong panahon ay literal na pitong taon. Pero sa mas malaking katuparan may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos, mas mahaba kaysa sa pitong taon ang pitong panahon.

      Jon: Bakit mo nasabi?

      Cameron: Tandaan mo na nagsimula ang pitong panahon nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Kung magsisimula tayo sa petsang iyan, ang literal na pitong taon ay papatak noong 600 B.C.E. Pero wala namang kakaibang nangyari noong taóng iyon na nauugnay sa pamamahala ng Diyos. At isa pa, natutuhan natin na ipinahiwatig ni Jesus noong narito siya sa lupa na hindi pa natatapos ang pitong panahon, kahit ilang daan taon na ang lumipas mula noong 607 B.C.E.

      Jon: Oo nga, napag-usapan na natin ’yon.

      Cameron: Kaya sa halip na literal na mga taon, ang pitong panahon ay mas mahabang yugto ng panahon.

      Jon: Gaano kahaba?

      Cameron: Makakatulong sa atin ang Apocalipsis, isa pang aklat ng Bibliya na kaugnay ng Daniel, para matukoy nang eksakto ang haba ng pitong panahon. May binabanggit itong yugto ng “isang panahon at mga panahon at kalahating panahon,” ibig sabihin, tatlo’t kalahating panahon na katumbas ng 1,260 araw.d Kaya ang pitong panahon—doble ng tatlo’t kalahating panahon—ay 2,520 araw. Nasusundan mo ba?

      Nag-uusap si Cameron at Jon tungkol sa Bibliya

      Jon: Oo. Pero ano ang kaugnayan nito sa pagsisimulang mamahala ng Kaharian ng Diyos noong 1914?

      Cameron: Okey, tingnan natin. Kung minsan sa Bibliya, ang isang araw ay lumalarawan sa isang taon.e Kung susundin natin ang isang araw para sa isang taon, ang pitong panahon ay katumbas ng 2,520 taon. Kaya kung magbibilang ka ng 2,520 taon mula 607 B.C.E., papatak ito sa taóng 1914.f Iyon ang paliwanag kung bakit natin nasabing natapos ang pitong panahon noong 1914, at nagsimula naman ang pamamahala ni Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. At kapansin-pansin, mula noong 1914, nagkaroon ng malalaking pagbabago sa daigdig—mga pangyayaring inihula sa Bibliya na palatandaan ng mga huling araw.

      Jon: Anong mga pangyayari?

      Cameron: Ganito ang sinabi ni Jesus sa Mateo 24:7 kapag nagsimula na siyang mamahala sa langit: “Ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Pansinin mo na inihula ni Jesus ang kakapusan sa pagkain at paglindol. ’Di ba’t ganiyan ang nararanasan ng sangkatauhan sa nakaraang siglo?

      Jon: Oo.

      Cameron: Sa talatang ito, inihula rin ni Jesus na magkakaroon ng mga digmaan sa panahon ng pagkanaririto niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. At sa Apocalipsis, inihula na hindi lang ito basta maliliit na digmaan, kundi mga digmaang makakaapekto sa buong mundo sa panahon ng kawakasan.g Alam mo ba kung kailan naganap ang unang digmaang pandaigdig?

      Jon: Noong 1914, at noon din nagsimulang mamahala si Jesus! Ngayon ko lang nakita ang koneksiyon n’on.

      Cameron: Oo, kapag pinag-ugnay-ugnay natin ang hula tungkol sa pitong panahon at ang iba pang mga hula sa Bibliya tungkol sa panahon ng kawakasan, nagiging mas malinaw ito sa atin. Kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na 1914 nagsimulang mamahala si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at na noon ding taóng iyon nagsimula ang mga huling araw.h

      Jon: Kailangan ko pa itong pag-isipan nang husto.

      Cameron: Okey lang ’yan. Gaya nga ng sinabi ko, matagal-tagal din bago ko naunawaang mabuti ang mga ito. Pero sana nakatulong sa iyo ang pag-uusap natin na makitang kahit hindi espesipikong sinasabi sa Bibliya ang taóng 1914, talagang batay sa Kasulatan ang paniniwala ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa taóng iyan.

      Jon: Oo, d’yan ako hanga sa inyo—lahat ng sinasabi ninyo ay may suportang teksto at hindi basta opinyon lang. Pero nagtataka lang ako kung bakit ganito kakomplikado ang pagkakasulat sa Bibliya. Bakit hindi na lang sinabi ng Diyos na 1914 magsisimulang maghari si Jesus?

      Cameron: Magandang tanong ’yan, Jon. Alam mo, maraming bagay na hindi talaga dinetalye sa Kasulatan. Bakit kaya ganito ipinasulat ng Diyos ang Bibliya at kailangan pang magsikap ng tao na unawain ito? Siguro pag-usapan natin iyan sa susunod.

      Jon: Sige, gusto ko ’yan.

      May gusto ka bang malaman tungkol sa Bibliya? May tanong ka ba hinggil sa mga paniniwala o gawain ng mga Saksi ni Jehova? Kung oo, huwag kang mahiyang magtanong kapag may nakausap kang Saksi. Matutuwa siyang sagutin ang mga tanong mo.

      Chart ng mga petsa at pangyayari may kaugnayan sa panaginip ni Nabucodonosor

      a Sa programa ng mga Saksi ni Jehova na libreng pag-aaral sa Bibliya, karaniwan nang paksa-por-paksa ang pagtalakay nila ng Bibliya sa mga tao.

      b Tingnan ang artikulong “Pakikipag-usap sa Iba—Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?—Bahagi 1” sa isyu ng Oktubre 1, 2014, ng magasing ito.

      c Tingnan ang Daniel 4:23-25.

      d Tingnan ang Apocalipsis 12:6, 14.

      e Tingnan ang Bilang 14:34; Ezekiel 4:6.

      f Tingnan ang chart na “Punungkahoy sa Panaginip ni Nabucodonosor.”

      g Tingnan ang Apocalipsis 6:4.

      h Tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share