Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ang “Hari ng Hilaga” sa Panahon ng Wakas
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2020 | Mayo
    • ARALING ARTIKULO 19

      Ang “Hari ng Hilaga” sa Panahon ng Wakas

      “Sa panahon ng wakas, makikipagtulakan sa kaniya [sa hari ng hilaga] ang hari ng timog.”​—DAN. 11:40.

      AWIT 150 Hanapin ang Diyos Para Maligtas

      NILALAMANa

      1. Ano ang sinasabi sa atin ng mga hula sa Bibliya?

      ANO ang malapit nang mangyari sa bayan ni Jehova? Hindi na natin kailangang manghula. Sinasabi sa atin ng mga hula sa Bibliya ang mahahalagang pangyayari sa hinaharap na makakaapekto sa ating lahat. Isang partikular na hula sa Bibliya ang nagsasabi kung ano ang gagawin ng ilan sa pinakamakapangyarihang gobyerno sa lupa. Ang ulat na ito sa Daniel kabanata 11 ay tungkol sa dalawang magkalabang hari—ang hari ng hilaga at ang hari ng timog. Natupad na ang malaking bahagi ng hulang ito, kaya makakapagtiwala tayong matutupad din ang natitirang bahagi nito.

      2. Gaya ng makikita sa Genesis 3:15 at Apocalipsis 11:7 at 12:17, ano ang dapat nating tandaan kapag pinag-aaralan ang hula ni Daniel?

      2 Para maintindihan ang hula sa Daniel kabanata 11, dapat nating tandaan na tumutukoy lang ito sa mga tagapamahala at gobyernong may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Kumpara sa populasyon ng mundo, kakaunti lang ang mga lingkod ng Diyos, pero bakit madalas na sila ang puntirya ng mga gobyernong iyon? Gusto kasi ni Satanas at ng sanlibutan niya na malipol ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. (Basahin ang Genesis 3:15 at Apocalipsis 11:7; 12:17.) Bukod diyan, ang hula ni Daniel ay dapat na kaayon ng iba pang hula sa Salita ng Diyos. Ang totoo, maiintindihan lang natin ang hula ni Daniel kung ikukumpara natin ito sa iba pang bahagi ng Kasulatan.

      3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito at sa susunod na artikulo?

      3 Tatalakayin sa artikulong ito ang Daniel 11:25-39. Malalaman natin kung sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog mula 1870 hanggang 1991, at makikita natin kung bakit makatuwirang linawin ang pagkaunawa natin sa isang bahagi ng hulang ito. Sa susunod na artikulo, tatalakayin ang Daniel 11:40–12:1 at lilinawin ang sinasabi ng bahaging iyon ng hula tungkol sa mga pangyayari mula 1991 hanggang sa digmaan ng Armagedon. Habang pinag-aaralan ang dalawang artikulong ito, makakatulong ang chart na “Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas.” Pero kilalanin muna natin kung sino ang dalawang hari sa hulang ito.

      KUNG SINO ANG HARI NG HILAGA AT ANG HARI NG TIMOG

      4. Anong tatlong bagay ang makakatulong para makilala natin kung sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog?

      4 Noong una, ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog” ay tumutukoy sa politikal na mga kapangyarihang nasa hilaga at timog ng bansang Israel. Bakit natin nasabi iyan? Pansinin ang sinabi ng anghel kay Daniel: “Pinuntahan kita para ipaunawa sa iyo ang mangyayari sa iyong bayan [bayan ng Diyos] sa huling bahagi ng mga araw.” (Dan. 10:14) Ang literal na bansang Israel ang piniling bayan ng Diyos hanggang Pentecostes 33 C.E. Pero mula noon, nilinaw ni Jehova na ang bayan niya ay ang tapat na mga alagad ni Jesus. Kaya ang malaking bahagi ng hula sa Daniel kabanata 11 ay hindi tungkol sa literal na bansang Israel kundi sa mga tagasunod ni Kristo. (Gawa 2:1-4; Roma 9:6-8; Gal. 6:15, 16) At sa paglipas ng panahon, iba’t ibang tagapamahala at gobyerno ang naging hari ng hilaga at hari ng timog. Pero may pagkakatulad ang mga ito. Una, malaki ang epekto ng pamamahala ng mga haring ito sa bayan ng Diyos. Ikalawa, sa ginawa nilang pakikitungo sa bayan ng Diyos, pinatunayan nilang napopoot sila sa tunay na Diyos, si Jehova. At ikatlo, naglalabanan ang dalawang haring ito para sa kapangyarihan.

      5. Mayroon bang hari ng hilaga at hari ng timog mula taóng 100 hanggang 1870? Ipaliwanag.

      5 Mga ilang panahon pagkatapos ng taóng 100, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay napasok ng huwad na mga Kristiyano. Pinalaganap nila ang huwad na mga turo at itinago ang katotohanang nasa Salita ng Diyos. Mula noon hanggang 1870, walang organisadong grupo ng mga lingkod ng Diyos sa lupa. Dumami nang husto ang huwad na mga Kristiyano na gaya ng panirang-damo. Kaya mahirap nang matukoy ang tunay na mga Kristiyano. (Mat. 13:36-43) Bakit mahalagang malaman iyan? Ipinapakita nito na hindi puwedeng magkaroon ng hari ng hilaga at ng hari ng timog mula taóng 100 hanggang 1870, kasi wala namang organisadong bayan ng Diyos para atakihin nila.b Pero makakaasa tayo na pagkatapos ng 1870, magkakaroon ulit ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Bakit?

      6. Kailan muling naorganisa bilang isang grupo ang bayan ng Diyos? Ipaliwanag.

      6 Mula noong 1870, muling naorganisa ang bayan ng Diyos bilang isang grupo. Noong taóng iyon, si Charles T. Russell at ang mga kasamahan niya ay bumuo ng isang grupo para pag-aralan ang Bibliya. Sila ang inihulang mensahero na ‘naghawan ng daan’ bago maitatag ang Mesiyanikong Kaharian. (Mal. 3:1) Mayroon na uling organisadong grupo na naglilingkod kay Jehova! Pero mayroon bang kapangyarihang pandaigdig noong panahong iyon na may malaking epekto sa mga lingkod ng Diyos? Tingnan ang susunod na impormasyon.

      SINO ANG HARI NG TIMOG?

      7. Sino ang hari ng timog hanggang sa panahon ng unang digmaang pandaigdig?

      7 Noong 1870, Britain na ang pinakamalaking imperyo sa mundo, at ito ang may pinakamakapangyarihang puwersang militar. Ang imperyong ito ay inilarawan bilang isang maliit na sungay na nagtanggal sa tatlong iba pang sungay—ang France, Spain, at Netherlands. (Dan. 7:7, 8) Ito ang naging hari ng timog hanggang sa panahon ng unang digmaang pandaigdig. Nang panahon ding iyon, United States na ang pinakamayamang bansa at unti-unti na itong nakikipag-alyansa sa Britain.

      8. Sino ang naging hari ng timog sa mga huling araw?

      8 Noong unang digmaang pandaigdig, magkaalyansa na ang puwersang militar ng United States at Britain. Nang panahong iyon, ang dalawang bansang ito ay naging Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Gaya ng inihula ni Daniel, ang haring ito ay nagkaroon ng “isang napakalaki at napakalakas na hukbo.” (Dan. 11:25) Sa mga huling araw, Britain at United States ang naging hari ng timog.c Pero sino naman ang hari ng hilaga?

      Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano sa mga Hula sa Bibliya

      Sa iba’t ibang hula sa Bibliya, ang hari ng timog—Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano—ay inilalarawan sa maraming paraan. Inilalarawan ito bilang . . .

      • Mga paa na gawa sa bakal at putik.

        mga paa na gawa sa bakal at putik (Dan. 2:41-43)

      • Ulo ng mabangis na hayop na may sungay. Tumubo sa mga sungay nito ang isang maliit na sungay na may mga mata at bibig.

        isang sungay na tumubo sa ulo ng nakakatakot na hayop (Dan. 7:7, 8)

      • Mabangis na hayop na may 10 sungay at pitong ulo.

        ikapitong ulo ng mabangis na hayop (Apoc. 13:1)

      • Mabangis na hayop na may dalawang sungay.

        mabangis na hayop na may dalawang sungay (Apoc. 13:11-15)

      • Mga gusali ng gobyerno na kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano.

        “huwad na propeta” (Apoc. 19:20)

      SINO ANG HARI NG HILAGA?

      9. Kailan nagkaroon ng bagong hari ng hilaga, at paano natupad ang Daniel 11:25?

      9 Noong 1871, isang taon pagkatapos buoin ni Russell at ng mga kasamahan niya ang grupo sa pag-aaral ng Bibliya, nagkaroon ng bagong hari ng hilaga. Nang taóng iyon, itinatag ni Otto von Bismarck ang Imperyo ng Germany. Si Haring Wilhelm I ng Prussia ang naging unang emperador nito, at inatasan niya si Bismarck bilang unang chancellor.d Nang sumunod na mga dekada, naging makapangyarihan ang Germany. Nasakop nito ang mga bansa sa Africa at Pacific Ocean, at sinubukan nitong maging mas makapangyarihan sa Britain. (Basahin ang Daniel 11:25.) Bumuo ang Imperyo ng Germany ng puwersang militar na halos kasinlakas ng sa Britain. At noong unang digmaang pandaigdig, ginamit ito ng Germany sa mga kalaban nila.

      10. Paano natupad ang Daniel 11:25b, 26?

      10 Inihula rin ni Daniel ang mangyayari sa Imperyo ng Germany at sa puwersang militar nito. Sinabi sa hula na ang hari ng hilaga ay “hindi . . . makatatayo.” Bakit? “Dahil magpaplano sila ng masama laban sa kaniya. At pababagsakin siya ng mga kumakain ng masasarap na pagkain niya.” (Dan. 11:25b, 26a) Noong panahon ni Daniel, kasama sa kumakain ng ‘pagkain ng hari’ ang mga opisyal na ‘naglilingkod sa hari.’ (Dan. 1:5) Kanino tumutukoy ang hulang ito? Tumutukoy ito sa matataas na opisyal ng Imperyo ng Germany—kasama na ang mga heneral at tagapayo ng emperador—na tumulong para pabagsakin ito.e Bukod sa pagbagsak ng imperyo, binanggit din sa hula ang magiging resulta ng pakikipagdigma nito sa hari ng timog. Tungkol sa hari ng hilaga, sinasabi nito: “Matatalo ang hukbo niya, at marami ang mamamatay.” (Dan. 11:26b) Noong unang digmaang pandaigdig, ‘natalo’ nga ang Germany at ‘marami ang namatay.’ Ang digmaang iyan ang napaulat na may pinakamaraming namatay kumpara sa ibang digmaan noon.

      11. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga at ng hari ng timog?

      11 Inilarawan sa Daniel 11:27, 28 ang mangyayari bago ang unang digmaang pandaigdig. Sinasabi nito na ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay “uupo . . . sa iisang mesa at magsisinungaling sa isa’t isa.” Sinasabi rin nito na ang hari ng hilaga ay magkakamal ng “napakaraming pag-aari.” At iyan nga ang nangyari. Sinabi ng Germany at Britain sa isa’t isa na gusto nila ng kapayapaan. Pero napatunayang nagsisinungaling sila nang sumiklab ang digmaan noong 1914. At pagdating ng 1914, Germany na ang ikalawang pinakamayamang bansa sa mundo. Bukod diyan, bilang katuparan ng Daniel 11:29 at ng unang bahagi ng talata 30, nakipaglaban ang Germany sa hari ng timog pero natalo ito.

      NILABANAN NG DALAWANG HARI ANG BAYAN NG DIYOS

      12. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga at ng hari ng timog noong unang digmaang pandaigdig?

      12 Mula 1914, tumindi ang pakikipaglaban ng dalawang haring ito sa isa’t isa at sa bayan ng Diyos. Halimbawa, noong unang digmaang pandaigdig, inusig ng Germany at Britain ang mga lingkod ng Diyos na tumangging sumali sa digmaan. Ipinakulong naman ng United States ang mga nangunguna sa gawaing pangangaral. Ang pag-uusig na ito ay katuparan ng hula sa Apocalipsis 11:7-10.

      13. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga noong dekada ’30 at noong ikalawang digmaang pandaigdig?

      13 Pagkatapos, noong dekada ’30 at lalo na noong ikalawang digmaang pandaigdig, walang awang sinalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos. Nang makontrol ng mga Nazi ang Germany, ipinagbawal ni Hitler at ng mga tagasunod niya ang gawain ng mga lingkod ng Diyos. Daan-daang lingkod ni Jehova ang pinatay at libo-libo ang ipinadala sa mga kampong piitan. Inihula ni Daniel ang mga ito. Nang ipagbawal ng hari ng hilaga ang pangangaral, ‘nilapastangan niya ang santuwaryo’ at ‘inalis ang regular na handog.’ (Dan. 11:30b, 31a) Nangako pa nga ang lider nitong si Hitler na uubusin niya ang mga lingkod ng Diyos sa Germany.

      ANG BAGONG HARI NG HILAGA

      14. Sino ang naging hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig? Ipaliwanag.

      14 Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, naging hari ng hilaga ang Komunistang gobyerno ng Soviet Union nang makontrol nito ang malaking teritoryong sakop ng Germany. Gaya ng mahigpit na gobyerno ng Nazi, pinag-usig din ng Soviet Union ang sinumang mas nagpapahalaga sa pagsamba sa tunay na Diyos kaysa sa pagsunod sa gobyerno.

      15. Ano ang ginawa ng hari ng hilaga pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig?

      15 Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang bayan ng Diyos ay sinalakay ng bagong hari ng hilaga—ang Soviet Union at ang mga kaalyado nito. Kaayon ng hula sa Apocalipsis 12:15-17, ipinagbawal ng haring ito ang pangangaral at ipinatapon ang libo-libong lingkod ni Jehova. Ang totoo, sa mga huling araw, ang hari ng hilaga ay nagbuhos ng “ilog” ng pag-uusig para patigilin ang gawain ng bayan ng Diyos, pero hindi siya nagtagumpay.f

      16. Paano tinupad ng Soviet Union ang Daniel 11:37-39?

      16 Basahin ang Daniel 11:37-39. Bilang katuparan ng hulang iyan, ‘hindi iginalang ng hari ng hilaga ang Diyos ng kaniyang mga ama.’ Paano? Gustong alisin ng Soviet Union ang mga relihiyon, kaya sinubukan nitong tanggalan ng kapangyarihan ang mga ito. Noon pa mang 1918, naglabas na ng utos ang gobyerno ng Soviet na naging dahilan para maituro sa mga paaralan ang ateismo. Paano naman masasabing ‘niluwalhati ng hari ng hilaga ang diyos ng mga tanggulan’? Gumastos nang malaki ang Soviet Union para sa pagpapalakas ng puwersang militar nito at paggawa ng libo-libong sandatang nuklear. Sa bandang huli, nakaipon ng sapat na sandata ang hari ng hilaga at ang hari ng timog para patayin ang bilyon-bilyong tao!

      NAGTULUNGAN ANG DALAWANG MAGKALABANG HARI

      17. Ano ang “kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang”?

      17 Nagkasundo ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sa isang bagay—‘ipinuwesto nila ang kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.’ (Dan. 11:31) Ang “kasuklam-suklam na bagay” na iyon ay ang United Nations.

      18. Bakit inilarawan ang United Nations bilang “kasuklam-suklam na bagay”?

      18 Inilarawan ang United Nations bilang “kasuklam-suklam na bagay” dahil inaangkin nito na kaya nitong gawing payapa ang buong mundo, isang bagay na Kaharian lang ng Diyos ang makakagawa. Sinabi rin ng hula na ang kasuklam-suklam na bagay ay “dahilan ng pagkatiwangwang” dahil aatakihin at wawasakin ng United Nations ang lahat ng huwad na relihiyon.​—Tingnan ang chart na “Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas.”

      BAKIT KAILANGAN NATING MALAMAN ANG IMPORMASYONG ITO?

      19-20. (a) Bakit kailangan nating malaman ang impormasyong ito? (b) Anong tanong ang sasagutin sa susunod na artikulo?

      19 Kailangan nating malaman ang impormasyong ito dahil pinapatunayan nitong natupad ang hula ni Daniel tungkol sa hari ng hilaga at sa hari ng timog mula 1870 hanggang 1991. Kaya makakapagtiwala tayong matutupad din ang natitirang bahagi ng hulang ito.

      20 Noong 1991, bumagsak ang Soviet Union. Kaya sino na ang hari ng hilaga ngayon? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

      PAANO MO SASAGUTIN?

      • Anong tatlong bagay ang makakatulong para makilala ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog”?

      • Sino ang hari ng hilaga at ang hari ng timog mula 1870 hanggang 1991?

      • Bakit kailangan nating malaman ang impormasyong ito?

      AWIT 128 Magtiis Hanggang sa Wakas

      a Nakikita natin ang ebidensiyang patuloy na natutupad ang hula ni Daniel tungkol sa “hari ng hilaga” at sa “hari ng timog.” Bakit tayo nakakasiguro? At bakit natin kailangang maintindihan ang mga detalye ng hulang ito?

      b Dahil dito, parang hindi na angkop sabihing naging “hari ng hilaga” ang Romanong emperador na si Aurelian (270-275 C.E.) o naging “hari ng timog” si Reyna Zenobia (267-272 C.E.). Pagbabago ito sa unawa natin na mababasa sa kabanata 13 at 14 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!

      c Tingnan ang kahong “Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano sa mga Hula sa Bibliya.”

      d Noong 1890, inalis ni Haring Wilhelm II ang kapangyarihan ni Bismarck.

      e Marami silang ginawa para mapabilis ang pagbagsak ng imperyo. Halimbawa, hindi na nila sinuportahan ang hari, ibinunyag ang lihim na impormasyon tungkol sa pakikipagdigma, at pilit na pinababa sa puwesto ang hari.

      f Gaya ng ipinapakita sa Daniel 11:34, sandaling itinigil ng hari ng hilaga ang pang-uusig sa mga Kristiyano. Halimbawa, nangyari ito nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991.

  • Sino ang “Hari ng Hilaga” Ngayon?
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2020 | Mayo
    • ARALING ARTIKULO 20

      Sino ang “Hari ng Hilaga” Ngayon?

      “Hahantong siya sa katapusan niya, at walang tutulong sa kaniya.”​—DAN. 11:45.

      AWIT 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

      NILALAMANa

      1-2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

      KITANG-KITA nating nabubuhay na tayo sa dulo ng mga huling araw ng sistemang ito. Malapit nang puksain ni Jehova at ni Jesu-Kristo ang lahat ng gobyernong laban sa Kaharian. Pero bago mangyari iyan, patuloy pa rin ang hari ng hilaga at ang hari ng timog sa pakikipaglaban sa isa’t isa at sa bayan ng Diyos.

      2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang hula sa Daniel 11:40–12:1. Malalaman natin kung sino ang hari ng hilaga ngayon at kung bakit tayo makakapanatiling panatag anuman ang mangyari sa hinaharap.

      ANG BAGONG HARI NG HILAGA

      3-4. Sino ang hari ng hilaga ngayon? Ipaliwanag.

      3 Nang bumagsak ang Soviet Union noong 1991, tumanggap ang bayan ng Diyos sa lugar na iyon ng “kaunting tulong,” o sandaling panahon ng kalayaan. (Dan. 11:34) Malaya silang nakapangaral at di-nagtagal, daan-daang libo ang naging mamamahayag sa mga lugar na dating bahagi ng Soviet Union. Pero pagkalipas ng ilang taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, para maging hari ng hilaga o hari ng timog ang isang gobyerno, dapat na (1) malaki ang epekto ng pamamahala nito sa bayan ng Diyos, (2) nakikita sa ginagawa nito na kaaway ito ni Jehova at ng bayan niya, at (3) nakikipagtulakan ito sa kalabang hari.

      4 Ito ang tatlong dahilan kung bakit masasabing ang Russia at ang mga kaalyado nito ang hari ng hilaga ngayon: (1) Malaki ang epekto ng pamamahala nila sa bayan ng Diyos—ipinagbabawal nila ang pangangaral at pinag-uusig ang daan-daang libong kapatid na nasa mga lugar na kontrolado nila. (2) Ang ginagawa nilang iyan ay nagpapakitang napopoot sila kay Jehova at sa bayan niya. (3) Nakikipaglaban sila sa hari ng timog, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Tingnan natin kung ano ang ginawa ng Russia at ng mga kaalyado nito, na nagpapatunay na sila ang hari ng hilaga.

      PATULOY NA NAGTUTULAKAN ANG HARI NG HILAGA AT ANG HARI NG TIMOG

      5. Tungkol saan ang Daniel 11:40-43, at ano ang mangyayari sa panahong iyon?

      5 Basahin ang Daniel 11:40-43. Ang bahaging ito ng hula ay tungkol sa panahon ng wakas. Inilalarawan nito ang paglalabanan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog. Sa panahon ng wakas, gaya ng inihula ni Daniel, ang hari ng timog ay “makikipagtulakan,” o “makikipagsuwagan,” sa hari ng hilaga.​—Dan. 11:40; tlb.

      6. Paano patuloy na naglalabanan ang hari ng hilaga at ang hari ng timog?

      6 Patuloy na naglalabanan ang hari ng hilaga at ang hari ng timog dahil pareho nilang gustong maging pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig nang makontrol ng Soviet Union at ng mga kaalyado nito ang malaking bahagi ng Europe. Napuwersa ang hari ng timog na bumuo ng alyansang militar kasama ang ibang bansa at tinawag itong NATO. Ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay naglalabanan din sa pagbuo ng pinakamakapangyarihang hukbong militar. Naglalabanan din sila sa pamamagitan ng pagsuporta sa kalaban ng isa’t isa sa mga digmaan sa Africa, Asia, at Latin America. Nitong nakaraang mga taon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ay naging makapangyarihan sa buong mundo. Nakipaglaban din ito sa hari ng timog sa pamamagitan ng cyber war. Inakusahan ng mga haring ito ang isa’t isa ng paggamit ng mga computer program para sirain ang ekonomiya at gobyerno ng isa’t isa. At gaya ng inihula ni Daniel, patuloy pa ring sinasalakay ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos.​—Dan. 11:41.

      PINASOK NG HARI NG HILAGA ANG “MAGANDANG LUPAIN”

      7. Ano ang “Magandang Lupain”?

      7 Sinasabi sa Daniel 11:41 na papasukin ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain.” Ano ang lupaing iyon? Noon, itinuturing ang literal na bansang Israel na “pinakamaganda sa lahat ng lupain.” (Ezek. 20:6) Naging espesyal lang ito dahil dito isinasagawa ang tunay na pagsamba. Pero mula Pentecostes 33 C.E., ang ‘Lupaing’ iyon ay hindi na isang literal na lugar kasi nasa buong mundo na ang mga lingkod ni Jehova. Kaya ang “Magandang Lupain” ay ang gawain ng bayan ni Jehova ngayon, kasama na ang pagsamba nila kay Jehova sa mga pulong at sa ministeryo.

      8. Paano pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain”?

      8 Sa mga huling araw, paulit-ulit na pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain.” Halimbawa, nang maging hari ng hilaga ang Nazi Germany, partikular na noong ikalawang digmaang pandaigdig, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito at patayin ang mga lingkod ng Diyos. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, nang maging hari ng hilaga ang Soviet Union, pinasok nito ang “Magandang Lupain” nang pag-usigin nito ang mga lingkod ng Diyos at ipatapon sila sa malalayong lugar.

      9. Nitong nakaraang mga taon, paano pinasok ng Russia at ng mga kaalyado nito ang “Magandang Lupain”?

      9 Nitong nakaraang mga taon, pinasok din ng Russia at ng mga kaalyado nito ang “Magandang Lupain.” Paano? Noong 2017, ipinagbawal ng Russia ang gawain ng bayan ni Jehova at ipinakulong ang ilan sa mga kapatid doon. Ipinagbawal din nito ang mga publikasyon natin, kasama na ang Bagong Sanlibutang Salin. Kinumpiska rin nito ang tanggapang pansangay sa Russia pati na ang mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Kaya noong 2018, tinukoy ng Lupong Tagapamahala ang Russia at ang mga kaalyado nito bilang ang hari ng hilaga. Pero kahit matindi ang pag-uusig sa mga kapatid, wala silang ginagawa para labanan o mabago ang gobyernong iyon. Sa halip, sinusunod nila ang payo ng Bibliya na ipanalangin ang “lahat ng may mataas na posisyon,” lalo na kapag gumagawa ang mga ito ng desisyong makakaapekto sa kalayaan sa pagsamba.​—1 Tim. 2:1, 2.

      MAPAPABAGSAK BA NG HARI NG HILAGA ANG HARI NG TIMOG?

      10. Mapapabagsak ba ng hari ng hilaga ang hari ng timog? Ipaliwanag.

      10 Ang pokus ng Daniel 11:40-45 ay ang mga ginagawa ng hari ng hilaga. Ibig sabihin ba nito, mapapabagsak niya ang hari ng timog? Hindi. “Buháy pa” ang hari ng timog kapag pupuksain na ni Jehova at ni Jesus ang lahat ng gobyerno ng tao sa Armagedon. (Apoc. 19:20) Bakit tayo nakakasiguro? Pansinin ang ipinapakita ng mga hula sa Daniel at Apocalipsis.

      Isang bato mula sa bundok na tumama sa mga paa ng napakalaking imahen na gawa sa metal.

      Sa Armagedon, wawakasan ng Kaharian ng Diyos, na kumakatawan sa bato, ang lahat ng gobyerno ng tao, na kumakatawan sa napakalaking imahen (Tingnan ang parapo 11)

      11. Ano ang ipinapakita ng Daniel 2:43-45? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

      11 Basahin ang Daniel 2:43-45. Inilarawan ni propeta Daniel ang magkakasunod na gobyerno ng tao na may malaking epekto sa bayan ng Diyos. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang bahagi ng napakalaking imaheng metal. Ang huling gobyerno ay inilarawan bilang mga paa ng imahen na gawa sa pinaghalong bakal at putik. Ang mga paa ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Ipinapakita ng hulang ito na namamahala pa rin ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano kapag pupuksain na ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao.

      12. Saan kumakatawan ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop, at bakit mahalagang malaman iyan?

      12 Inilarawan din ni apostol Juan ang magkakasunod na kapangyarihang pandaigdig na may malaking epekto sa bayan ni Jehova. Ang mga ito ay inilarawan niya bilang isang mabangis na hayop na may pitong ulo. Ang ikapitong ulo ng mabangis na hayop ay kumakatawan sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Mahalagang malaman iyan kasi wala nang ulong lumitaw pagkatapos ng ikapito. Namamahala pa rin ang ikapitong ulo kapag pupuksain na ni Kristo at ng hukbo niya sa langit ang mabangis na hayop.b—Apoc. 13:1, 2; 17:13, 14.

      ANO ANG MALAPIT NANG GAWIN NG HARI NG HILAGA?

      13-14. Sino si “Gog ng lupain ng Magog,” at ano ang posibleng dahilan ng pag-atake niya sa mga lingkod ng Diyos?

      13 Sinasabi sa hula ni Ezekiel kung ano ang mga posibleng mangyari bago mapuksa ang hari ng hilaga at ang hari ng timog. Kung iisipin nating iisang yugto ng panahon ang tinutukoy ng mga hula sa Ezekiel 38:10-23; Daniel 2:43-45; 11:44–12:1; at Apocalipsis 16:13-16, 21, lumilitaw na posibleng mangyari ang sumusunod.

      14 Mga ilang panahon pagkatapos magsimula ang malaking kapighatian, ang “mga hari ng buong lupa” ay bubuo ng isang koalisyon ng mga bansa. (Apoc. 16:13, 14; 19:19) Tinatawag ito ng Kasulatan na “Gog ng lupain ng Magog.” (Ezek. 38:2) Aatakihin ng koalisyong ito ang lahat ng lingkod ng Diyos para lipulin sila. Bakit? Sa isang hula tungkol sa panahong iyon, sinabi ni apostol Juan na babagsakan ng malalaking tipak ng yelo ang mga kaaway ng Diyos. Ang mga tipak ng yelong iyon ay maaaring kumatawan sa mabigat na mensahe ng paghatol na dala ng mga lingkod ni Jehova. Posibleng ikagalit ni Gog ng Magog ang mensaheng ito kung kaya aatakihin niya ang mga lingkod ng Diyos para lipulin sila.​—Apoc. 16:21.

      15-16. (a) Saan posibleng tumukoy ang Daniel 11:44, 45? (b) Ano ang mangyayari sa hari ng hilaga at sa iba pang kabilang sa Gog ng Magog?

      15 Ang mabigat na mensaheng ito at ang huling pag-atake ng mga kaaway ng Diyos ay posibleng tumutukoy sa iisang pangyayaring binabanggit sa Daniel 11:44, 45. (Basahin.) Sinasabi rito na “galit na galit” ang hari ng hilaga dahil “may mga ulat mula sa silangan at mula sa hilaga” na lumigalig sa kaniya, kaya “marami siyang pupuksain.” Lumilitaw na ang “marami” na tinutukoy rito ay ang mga lingkod ni Jehova.c Posibleng inilalarawan dito ni Daniel ang pinakamatindi at huling pag-atake sa bayan ng Diyos.

      16 Dahil sa pag-atakeng ito ng hari ng hilaga at ng iba pang gobyerno ng tao, magagalit ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at magsisimula ang digmaan ng Armagedon. (Apoc. 16:14, 16) Sa panahong iyon, mapupuksa ang hari ng hilaga, kasama ang lahat ng bansang kabilang sa Gog ng Magog, at “walang tutulong sa kaniya.”​—Dan. 11:45.

      Si Jesus na nakasakay sa puting kabayo habang nakatutok ang pana. Nakasakay rin sa puting kabayo ang iba pang mga anghel na may hawak na espada.

      Sa Armagedon, pupuksain ni Jesu-Kristo at ng hukbo niya sa langit ang masamang sanlibutan ni Satanas at ililigtas ang bayan ng Diyos (Tingnan ang parapo 17)

      17. Sino si Miguel, ang “dakilang prinsipe,” na binabanggit sa Daniel 12:1, at ano ang gagawin niya?

      17 Ang sumunod na talata sa ulat ni Daniel ay magbibigay sa atin ng higit pang impormasyon kung paano mapupuksa ang hari ng hilaga at ang mga kaalyado nito at kung paano tayo maliligtas. (Basahin ang Daniel 12:1.) Ano ang ibig sabihin ng talatang ito? Miguel ang isa pang tawag sa Hari natin, si Kristo Jesus. “Nakatayo” na siya alang-alang sa bayan ng Diyos mula pa noong 1914 nang maging Hari siya ng Kaharian ng Diyos sa langit. Di-magtatagal, “tatayo” siya, o kikilos, para puksain ang mga kaaway niya sa Armagedon. Ang digmaang iyon ang huling pangyayari sa tinatawag ni Daniel na pinakamatinding “panahon ng kapighatian” sa kasaysayan. Sa hula naman ni Juan sa Apocalipsis, tinawag niyang “malaking kapighatian” ang panahong ito bago ang Armagedon.​—Apoc. 6:2; 7:14.

      ‘MAPAPASULAT BA SA AKLAT’ ANG PANGALAN MO?

      18. Bakit tayo makakapanatiling panatag anuman ang mangyari sa hinaharap?

      18 Makakapanatili tayong panatag anuman ang mangyari sa hinaharap dahil tiniyak nina Daniel at Juan na makakaligtas sa malaking kapighatian ang mga naglilingkod kay Jehova at kay Jesus. Sinabi ni Daniel na ang pangalan ng mga makakaligtas ay “nakasulat sa aklat.” (Dan. 12:1) Paano mapapasulat ang pangalan natin sa aklat na iyon? Dapat nating patunayang nananampalataya tayo kay Jesus, ang Kordero ng Diyos. (Juan 1:29) Kailangan nating ialay ang buhay natin sa Diyos at magpabautismo. (1 Ped. 3:21) Dapat din nating suportahan ang Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na makilala si Jehova.

      19. Ano ang dapat nating gawin ngayon, at bakit?

      19 Ito na ang panahon para patibayin ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa organisasyon niya. Ito na ang panahon para suportahan ang Kaharian ng Diyos. Kung gagawin natin iyan, makakaligtas tayo kapag ang hari ng hilaga at ang hari ng timog ay pinuksa na ng Kaharian ng Diyos.

      PAANO MO SASAGUTIN?

      • Sino ang “hari ng hilaga” ngayon?

      • Paano pinasok ng hari ng hilaga ang “Magandang Lupain”?

      • Ano ang mangyayari sa hari ng hilaga at sa hari ng timog?

      AWIT 149 Isang Awit ng Tagumpay

      a Sino ang “hari ng hilaga” ngayon, at paano siya mapupuksa? Ang sagot sa mga tanong na iyan ay makakapagpatibay sa pananampalataya natin at makakatulong sa atin na makapaghanda para sa malaking kapighatian.

      b Para sa detalyadong pagtalakay sa Daniel 2:36-45 at Apocalipsis 13:1, 2, tingnan ang Hunyo 15, 2012 na isyu ng Bantayan, p. 7-19.

      c Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Mayo 15, 2015 na isyu ng Bantayan, p. 29-30.

  • Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas
    Ang Bantayan (Pag-aaral)—2020 | Mayo
    • Magkalabang Hari sa Panahon ng Wakas

      Ang ilan sa mga hulang nasa chart na ito ay magkakasabay na nangyari. Ang mga ito ay patunay na nabubuhay na tayo sa “panahon ng wakas.”​—Dan. 12:4.

      Chart na nagpapakita ng mga hula at pagkakakilanlan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog mula 1870 hanggang ngayon.
      • Chart 1 ng 4; ipinapakita nito ang mga hulang magkakasabay na nangyari sa panahon ng wakas at ang saklaw nito ay mga 1870 hanggang 1918. Ang mga taon mula 1914 patuloy ang tinutukoy na panahon ng wakas. Hula 1: Ang mabangis na hayop na may pitong ulo ay lumitaw na bago pa ang 1870. Noong Digmaang Pandaigdig I, nasugatan ang ikapitong ulo. Mula 1917, gumaling ang ikapitong ulo at lumakas ulit ang mabangis na hayop. Hula 2: Ang hari ng hilaga ay natukoy noong 1871, at ang hari ng timog naman ay natukoy noong 1870. Noong 1871, Germany ang naging bagong hari ng hilaga. Noong una, ang hari ng timog ay ang Great Britain, pero noong 1917, napalitan ito ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Hula 3: Mula 1870, tinukoy si Charles T. Russell at ang mga kasamahan niya bilang ‘mensahero.’ Mula 1880, pinasigla ng ‘Zion’s Watch Tower’ ang mga mambabasa nito na ipangaral ang mabuting balita. Hula 4: Mula 1914, panahon ng pag-aani. Inihiwalay ang panirang-damo sa trigo. Hula 5: Mula 1917, lumitaw ang mga paa na gawa sa bakal at putik. Makikita rin: Mga pangyayari sa daigdig mula 1914 hanggang 1918, Digmaang Pandaigdig I. Mga pangyayaring nakaapekto sa bayan ni Jehova: Mula 1914 hanggang 1918, ikinulong ang mga Estudyante ng Bibliya sa Britain at Germany. Noong 1918, ikinulong ang mga brother na nasa punong-tanggapan sa United States.
        Hula 1.

        Teksto Apoc. 11:7; 12:13, 17; 13:1-8, 12

        Hula Mahigit 3,000 taon nang gumagala sa lupa ang “mabangis na hayop.” Sa panahon ng wakas, nasugatan ang ikapitong ulo nito. Nang maglaon, gumaling ang ulong iyon at ang “buong lupa” ay sumunod sa mabangis na hayop. Ginagamit ni Satanas ang mabangis na hayop na iyon para “makipagdigma sa natitira sa mga supling ng babae.”

        Katuparan Pagkatapos ng Baha, namahala ang mga gobyernong laban kay Jehova. Pagkaraan ng mahigit 3,000 taon, noong Digmaang Pandaigdig I, nanghina ang Imperyo ng Britain. Lumakas ito ulit nang makipag-alyansa rito ang United States. Sa panahon ng wakas, ginagamit ni Satanas ang lahat ng gobyerno sa mundo para usigin ang bayan ng Diyos.

      • Hula 2.

        Teksto Dan. 11:25-45

        Hula Paglalaban ng hari ng hilaga at ng hari ng timog sa panahon ng wakas.

        Katuparan Naglaban ang Germany at ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Noong 1945, ang Soviet Union at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga. Noong 1991, nabuwag ang Soviet Union, at nang maglaon, ang Russia at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga.

      • Hula 3.

        Teksto Isa. 61:1; Mal. 3:1; Luc. 4:18

        Hula Isinugo ni Jehova ang kaniyang “mensahero” para ‘hawanin ang daan’ bago itatag ang Mesiyanikong Kaharian. Sinimulan ng grupong ito ang ‘paghahayag ng mabuting balita sa maaamo.’

        Katuparan Mula 1870 patuloy, pinag-aralang mabuti ni C. T. Russell at ng mga kasamahan niya ang Bibliya para malaman kung ano talaga ang itinuturo nito. Noong 1881, nalaman nila na dapat mangaral ang mga lingkod ng Diyos. Inilathala nila ang mga artikulong gaya ng “Wanted 1,000 Preachers” at “Anointed to Preach.”

      • Hula 4.

        Teksto Mat. 13:24-30, 36-43

        Hula Isang tao ang nagtanim ng trigo sa bukid at isang kaaway ang naghasik doon ng panirang-damo. Hinayaang sabay na lumaki ang mga ito hanggang sa panahon ng pag-aani; pagkatapos, inihiwalay ang panirang-damo mula sa trigo.

        Katuparan Mula 1870, naging malinaw ang pagkakaiba ng tunay na mga Kristiyano at ng huwad na mga Kristiyano. Sa panahon ng wakas, tinipon at inihiwalay ang tunay na mga Kristiyano sa huwad na mga Kristiyano.

      • Hula 5.

        Teksto Dan. 2:31-33, 41-43

        Hula Ang mga paa ng imahen, na gawa sa iba’t ibang uri ng metal, ay pinaghalong bakal at putik.

        Katuparan Ang putik ay kumakatawan sa mga taong sakop ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano at nagpoprotesta laban dito. Dahil sa kanila, humina ang tulad-bakal na pamamahala ng kapangyarihang pandaigdig na ito.

      • Chart 2 ng 4; ipinapakita nito ang mga hulang magkakasabay na nangyari sa panahon ng wakas at ang saklaw nito ay mga 1919 hanggang 1945. Germany ang hari ng hilaga hanggang 1945. Ang hari ng timog ay ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Hula 6: Noong 1919, tinipon ang pinahirang mga Kristiyano sa nilinis na kongregasyon. Mula 1919, mas naging puspusan ang pangangaral. Hula 7: Noong 1920, itinatag ang League of Nations at nanatili ito hanggang sa pasimula ng Digmaang Pandaigdig II. Makikita rin: Hula 1, nagpatuloy ang mabangis na hayop na may pitong ulo. Hula 5, nagpatuloy ang mga paa na gawa sa bakal at putik. Mga pangyayari sa daigdig mula 1939 hanggang 1945, Digmaang Pandaigdig II. Mga pangyayaring nakaapekto sa bayan ni Jehova: Sa Germany mula 1933 hanggang 1945, mahigit 11,000 Saksi ang ikinulong. Sa Britain mula 1939 hanggang 1945, halos 1,600 Saksi ang ikinulong. Sa United States mula 1940 hanggang 1944, mahigit 2,500 pag-atake sa mga Saksi.
        Hula 6.

        Teksto Mat. 13:30; 24:14, 45; 28:19, 20

        Hula Tinipon ang “trigo” sa “kamalig” at ang “tapat at matalinong alipin” ay inatasang manguna sa “sambahayan.” Ang ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian’ ay sinimulang ipangaral sa “buong lupa.”

        Katuparan Noong 1919, ang tapat na alipin ay inatasang manguna sa bayan ng Diyos. Mula noon, mas naging puspusan pa sa pangangaral ang mga Estudyante ng Bibliya. Ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral na sa mahigit 200 lupain at naglalathala ng salig-Bibliyang mga publikasyon sa mahigit 1,000 wika.

      • Hula 7.

        Teksto Dan. 12:11; Apoc. 13:11, 14, 15

        Hula Isang mabangis na hayop na may dalawang sungay ang umimpluwensiya sa mga tao na gumawa ng “isang estatuwa ng mabangis na hayop,” at ‘binigyan nito ng buhay ang estatuwa.’

        Katuparan Nanguna ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano sa pagtatatag ng League of Nations (Liga ng mga Bansa). Sinuportahan ng ibang mga bansa ang organisasyong ito. Mula 1926 hanggang 1933, ang hari ng hilaga ay naging miyembro din ng League of Nations. Gaya ng United Nations (UN) na itinatag pagkatapos nito, ibinigay sa League of Nations ang papuri na nararapat lang sa Kaharian ng Diyos.

      • Chart 3 ng 4; ipinapakita nito ang mga hulang magkakasabay na nangyari sa panahon ng wakas at ang saklaw nito ay mula 1945 hanggang 1991. Ang Soviet Union at ang mga kaalyado nito ang naging hari ng hilaga hanggang 1991. Nang maglaon, pinalitan ito ng Russia at ng mga kaalyado nito. Ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano ang naging hari ng timog. Hula 8: Isang malaking usok mula sa atomic bomb, na lumalarawan sa malaking pinsalang nagawa ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Hula 9: Noong 1945, itinatag ang United Nations kapalit ng League of Nations. Makikita rin: Hula 1, nagpatuloy ang mabangis na hayop na may pitong ulo. Hula 5, nagpatuloy ang mga paa na gawa sa bakal at putik. Hula 6, noong 1945, mahigit 156,000 mamamahayag. Noong 1991, mahigit 4,278,000 mamamahayag. Mga pangyayaring nakaapekto sa bayan ni Jehova: Sa Soviet Union mula 1945 hanggang 1951, libo-libong Saksi ang ipinatapon sa Siberia.
        Hula 8.

        Teksto Dan. 8:23, 24

        Hula Gagawa ng ‘napakatinding pagwasak’ ang isang haring mabagsik ang hitsura.

        Katuparan Gumawa ng napakatinding pagwasak ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig II, gumawa ang United States ng napakatinding pagwasak nang magpasabog ito ng dalawang atomic bomb sa kalaban nitong bansa.

      • Hula 9.

        Teksto Dan. 11:31; Apoc. 17:3, 7-11

        Hula Umahon mula sa kalaliman ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” na may 10 sungay at naging ikawalong hari. Sa aklat ng Daniel, tinutukoy ang haring ito bilang “kasuklam-suklam na bagay na dahilan ng pagkatiwangwang.”

        Katuparan Noong Digmaang Pandaigdig II, hindi na aktibo ang League of Nations. Pagkatapos ng digmaan, ‘ipinuwesto’ ang UN. Gaya ng League of Nations na nauna rito, ang UN ay binigyan ng kaluwalhatiang nararapat lang sa Kaharian ng Diyos. Aatakihin ng UN ang mga relihiyon.

      • Chart 4 ng 4; ipinapakita nito ang magkakasabay na hula sa panahon ng wakas at ang saklaw nito ay mula sa ngayon hanggang Armagedon. Ang hari ng hilaga ay ang Russia at ang mga kaalyado nito. Ang hari ng timog ay ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Hula 10: Sisigaw ang mga bansa ng ‘kapayapaan at katiwasayan.’ Pagkatapos, magsisimula ang malaking kapighatian. Hula 11: Wawasakin ng mga bansa ang huwad na mga relihiyon. Hula 12: Aatakihin ng mga gobyerno sa mundo ang bayan ng Diyos. Titipunin sa langit ang natitirang mga pinahiran na nandito pa sa lupa. Hula 13: Armagedon. Lulubusin ng isa na nakaupo sa puting kabayo ang pagtatagumpay niya. Pupuksain ang mabangis na hayop na may pitong ulo; wawasakin ang napakalaking imahen mula sa mga paa nito na gawa sa bakal at putik. Makikita rin: Hula 1, magpapatuloy ang mabangis na hayop na may pitong ulo hanggang Armagedon. Hula 5, magpapatuloy ang mga paa na gawa sa bakal at putik hanggang Armagedon. Hula 6, sa ngayon, mahigit 8,580,000 mamamahayag. Mga pangyayaring nakaapekto sa bayan ni Jehova: Noong 2017, ipinakulong ng mga awtoridad sa Russia ang mga Saksi at kinumpiska ang mga pasilidad ng sangay.
        Hula 10 at 11.

        Teksto 1 Tes. 5:3; Apoc. 17:16

        Hula Sisigaw ang mga bansa ng “kapayapaan at katiwasayan”; aatakihin ng “10 sungay” at ng “mabangis na hayop” ang “babaeng bayaran” at pupuksain ito. Pagkatapos, lilipulin ang lahat ng bansa.

        Katuparan Aangkinin ng mga bansa na nakamit na nila ang kapayapaan at katiwasayan. Pagkatapos, wawasakin ng mga bansang kabilang sa UN ang huwad na mga relihiyon. Ito ang simula ng malaking kapighatian. Magtatapos ang kapighatiang ito sa pagpuksa sa iba pang bahagi ng sanlibutan ni Satanas sa Armagedon.

      • Hula 12.

        Teksto Ezek. 38:11, 14-17; Mat. 24:31

        Hula Lulusubin ni Gog ang lupain ng bayan ng Diyos. Pagkatapos, titipunin ng mga anghel ang “mga pinili.”

        Katuparan Aatakihin ng hari ng hilaga at ng iba pang gobyerno sa mundo ang bayan ng Diyos. Kapag nagsimula na ang pag-atakeng ito, titipunin sa langit ang natitirang mga pinahiran na nandito pa sa lupa.

      • Hula 13.

        Teksto Ezek. 38:18-23; Dan. 2:34, 35, 44, 45; Apoc. 6:2; 16:14, 16; 17:14; 19:20

        Hula Lulubusin ng isa na “nakaupo” sa “puting kabayo” ang “pagtatagumpay” niya sa pamamagitan ng pagpuksa kay Gog at sa hukbo nito. Ang “mabangis na hayop” ay “inihagis sa maapoy na lawa,” at winasak ang napakalaking imahen.

        Katuparan Magliligtas si Jesus, ang namamahalang Hari ng Kaharian ng Diyos. Kasama ang 144,000 at ang mga anghel niya, pupuksain niya ang koalisyon ng mga bansa, ang buong politikal na sistema ni Satanas.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share