-
Kanino Ka Dapat Maniwala?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Kanino Ka Dapat Maniwala?
“Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.”—HEBREO 3:4.
SANG-AYON ka ba sa lohika ng manunulat na ito ng Bibliya? Mula nang isulat ang talatang ito, 2,000 taon nang nasasaksihan ng sangkatauhan ang pagsulong ng siyensiya. Mayroon pa kayang nag-iisip na ang disenyong nakikita sa kalikasan ay katibayan na may Disenyador, isang Maylalang—ang Diyos?
Marami ang magsasabing oo, kahit sa industriyalisadong mga bansa. Halimbawa, sa Estados Unidos, nakita sa isang surbey na ginawa ng magasing Newsweek noong 2005 na 80 porsiyento ng mga tao ang “naniniwalang nilalang ng Diyos ang uniberso.” Hindi ba nakapag-aral ang mga taong ito kung kaya ganito ang kanilang paniniwala? Buweno, mayroon bang siyentipiko na naniniwala sa Diyos? Noong 1997, iniulat ng Nature, isang babasahin sa siyensiya, na halos 40 porsiyento ng sinurbey na mga biyologo, pisiko, at matematiko ang naniniwalang may Diyos na hindi lamang umiiral kundi nakikinig at sumasagot din sa mga panalangin.
Gayunman, tutol na tutol dito ang ibang mga siyentipiko. Kamakailan, sinabi ni Dr. Herbert A. Hauptman, nagwagi ng Nobel Prize, sa isang komperensiya sa siyensiya na ang paniniwala sa mga himala, lalo na ang paniniwala sa Diyos, ay hindi kaayon ng tunay na siyensiya. “Ang ganitong paniniwala,” sabi niya, “ay nakapipinsala sa lahi ng tao.” Maging ang mga siyentipikong naniniwala sa Diyos ay atubili ring magturo na ang disenyo ng mga halaman at hayop ay katibayan na may isang Disenyador. Bakit kaya? Ang isang dahilan ay ang sinabi ni Douglas H. Erwin, isang paleobiologist sa Smithsonian Institute: “Ang isa sa mga tuntunin ng siyensiya ay, walang himala.”
Puwede mong hayaang diktahan ka ng iba kung ano ang dapat mong isipin at paniwalaan. O baka gusto mo namang ikaw mismo ang tumuklas sa ilang ebidensiya at bumuo ng sarili mong konklusyon. Habang binabasa mo ang kamakailang mga tuklas ng siyensiya na tatalakayin sa susunod na mga pahina, tanungin ang iyong sarili, ‘Makatuwiran kayang sabihing may isang Maylalang?’
[Blurb sa pahina 3]
Ikaw mismo ang tumuklas sa mga ebidensiya
[Kahon sa pahina 3]
MGA CREATIONIST BA ANG MGA SAKSI NI JEHOVA?
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa ulat ng paglalang na nasa aklat ng Bibliya na Genesis. Gayunman, hindi masasabing creationist ang mga Saksi ni Jehova. Bakit hindi? Una, maraming creationist ang naniniwala na ang uniberso at ang lupa at ang lahat ng nabubuhay roon ay nilalang sa loob ng anim na araw na may tig-24 na oras mga 10,000 taon na ang nakalilipas. Subalit hindi ito ang itinuturo ng Bibliya.a Gayundin, naniniwala ang mga creationist sa maraming doktrinang wala naman sa Bibliya. Ibinabatay ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang relihiyosong mga turo tangi lamang sa Salita ng Diyos.
Bukod diyan, ang terminong “creationist” sa ilang lupain ay singkahulugan ng mga grupong Pundamentalista na aktibo sa pulitika. Hinihikayat ng mga grupong ito ang mga pulitiko, hukom, at mga edukador na ipatupad ang mga batas at mga turo na kaayon ng relihiyosong paniniwala ng mga creationist.
Ang mga Saksi ni Jehova ay neutral pagdating sa pulitika. Iginagalang nila ang karapatan ng mga gobyerno na gumawa at magpatupad ng mga batas. (Roma 13:1-7) Gayunman, dinidibdib nila ang sinabi ni Jesus na “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14-16) Sa kanilang pangmadlang ministeryo, binibigyan nila ng pagkakataon ang mga tao na matutuhan ang kabutihan ng pamumuhay ayon sa mga pamantayan ng Diyos. Subalit hindi nila nilalabag ang kanilang Kristiyanong neutralidad sa pamamagitan ng pagsuporta sa hangarin ng mga grupong Pundamentalista na magtatag ng mga kautusang sibil na pipilit sa iba upang sundin ang mga pamantayan ng Bibliya.—Juan 18:36.
[Talababa]
a Pakisuyong tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?” sa pahina 18 ng isyung ito.
-
-
Ano ba ang Itinuturo ng Kalikasan?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Ano ba ang Itinuturo ng Kalikasan?
“Tanungin mo, pakisuyo, ang maaamong hayop, at tuturuan ka nila; gayundin ang mga may-pakpak na nilalang sa langit, at sasabihin nila sa iyo. O ipakita mo ang iyong pagkabahala sa lupa, at tuturuan ka nito; at ipahahayag iyon sa iyo ng mga isda sa dagat.”—JOB 12:7, 8.
NITONG nakalipas na mga taon, sa napakaliteral na paraan, hinayaan ng mga siyentipiko at inhinyero na turuan sila ng mga halaman at hayop. Pinag-aaralan nila at kinokopya ang mga disenyo ng iba’t ibang nilalang—isang larangang tinatawag na biomimetics—sa pagtatangkang makalikha ng mga bagong produkto at mapahusay pa ang dati nang mga makinarya. Habang binabasa mo ang sumusunod na mga halimbawa, tanungin ang iyong sarili, ‘Sino ba talaga ang dapat purihin sa mga disenyong ito?’
Matuto sa mga Palikpik ng Balyena
Ano ang natutuhan ng mga tagadisenyo ng eroplano sa balyenang humpback? Napakarami nga. Ang isang adultong humpback ay tumitimbang nang mga 30 tonelada—kasimbigat ng isang trak na punô ng kargamento—at matigas ang katawan nito na may malalaking palikpik na parang pakpak. Ang 12-metrong kinapal na ito ay napakaliksi sa ilalim ng tubig. Halimbawa, kapag nanginginain, ang humpback na ito ay maaaring lumangoy nang paikot at paitaas sa ilalim ng kakainin nitong mga krustasyo o isda, habang nagbubuga ng mga bula. Napalilibutan naman ng bulang lambat na ito, may diyametrong kasinliit lamang ng 1.5 metro, ang mga kinapal sa ibabaw. Saka biglang sasakmalin ng balyena ang naipong pagkaing ito.
Hindi maubos-maisip ng mga mananaliksik kung paano nakaiikot sa maliliit na bilog ang kinapal na ito na may matigas na katawan. Natuklasan nilang nasa hugis ng palikpik ng balyena ang sekreto. Ang nasa unahang gilid ng mga palikpik nito ay hindi makinis, gaya ng pakpak ng eroplano, kundi uka-uka na may nakahilera at nakausling mistulang matutulis na ngipin na tinatawag na tubercle.
Habang lumalangoy sa tubig ang balyena, mas mabilis itong umaangat dahil sa mga tubercle na ito anupat nababawasan ang paghatak ng tubig. Paano? Ipinaliliwanag ng Natural History na dahil sa mga tubercle, banayad at paikot na dumadaloy ang tubig sa ibabaw ng palikpik nito, kahit na lumalangoy nang paikot at paitaas ang balyena. Kung makinis ang dulong unahan ng palikpik, hindi makaiikot paitaas sa gayon kaliit na bilog ang balyena dahil maiipon at mag-aalimpuyo ang tubig sa likod ng palikpik at mahihirapan itong umangat.
Paano praktikal na magagamit ang natuklasang ito? Ang mga tulad-palikpik na pakpak ng eroplano ay maliwanag na nangangailangan ng mas kaunting flap sa pakpak o ng iba pang aparato upang makontrol ang daloy ng hangin. Mas ligtas at madaling mantinihin ang gayong mga pakpak. Naniniwala si John Long, eksperto sa biomechanics, na balang-araw “malamang na lahat ng eroplanong jet ay magkakaroon na ng nakausling matutulis na ngipin na gaya ng nasa palikpik ng balyenang humpback.”
Pagkopya sa mga Pakpak ng Seagull
Mangyari pa, ang pakpak ng eroplano ay kinopya mula sa hugis ng pakpak ng mga ibon. Gayunman, may mas magandang ginawa kamakailan ang mga inhinyero sa pagkopyang ito. “Ang mga mananaliksik sa University of Florida,” iniulat ng New Scientist, “ay gumawa ng isang de-remote control na modelong eroplano na parang seagull na umaali-aligid, bumubulusok at mabilis na pumapailanlang.”
Nagagawa ng mga seagull ang kahanga-hangang pagmamaniobrang ito sa pamamagitan ng pagkampay sa kanilang mga pakpak mula sa siko at balikat. Bilang pagkopya sa nababaluktot na disenyong ito ng pakpak, “ang 24-na-pulgadang modelong eroplano ay nilagyan ng isang maliit na motor na kumokontrol sa mga tukod na metal na siyang nagpapagalaw sa pakpak,” ang sabi ng magasin. Dahil sa napakahusay na disenyong ito ng pakpak, ang maliit na eroplano ay nakaaali-aligid at nakabubulusok sa pagitan ng matataas na gusali. Interesadung-interesado ang U.S. Air Force na makagawa ng gayon kadaling imaniobrang eroplano para gamitin sa paghanap ng kemikal at biyolohikal na mga sandata sa malalaking lunsod.
Pagkopya sa mga Paa ng Tukô
Marami ring naituturo ang mga hayop sa lupa. Halimbawa, ang maliit na bayawak na tinatawag na tukô ay nakagagapang sa mga dingding at nakabibiting patiwarik sa mga kisame. Kahit noong panahon ng Bibliya, kilala ang kinapal na ito dahil sa ganitong pambihirang kakayahan. (Kawikaan 30:28) Paano kaya nalalabanan ng mga tuko ang grabidad?
Ang kakayahan ng tukô na kumapit kahit sa mga ibabaw na kasingkinis ng salamin ay dahil sa pagkaliliit na mga guhit na parang mga hibla ng buhok, tinatawag na seta, sa mga paa nito. Walang lumalabas na pandikit sa mga paa nito. Sa halip, ginagamit nila ang napakahinang puwersa ng molekula. Ang mga molekula sa paa ng tukô at sa kinakapitan nito ay nagdirikit dahil sa napakahinang puwersa na tinatawag na van der Waals forces. Karaniwan nang hindi nakakayanan ng puwersang ito ang grabidad, kung kaya hindi tayo nakaaakyat sa dingding nang basta na lamang ilalapat ang ating mga kamay rito. Pero dahil sa pagkaliliit na mga seta ng tukô, lumalapad ang pangkapit nito sa dingding. Yamang libu-libo ang seta sa paa ng tukô, nagkakaroon ng sapat na puwersa ang van der Waals forces para makayanan ang timbang ng maliit na bayawak.
Ano ang naging pakinabang sa tuklas na ito? Ang mga sintetikong materyales na kinopya sa paa ng tukô ay nagagamit na panghalili sa Velcro—isa pang ideya mula sa kalikasan.a Sinipi ng babasahing The Economist ang isang mananaliksik na nagsasabing may materyal na ginawa mula sa “gecko tape” na maaaring mapakinabangan lalo na “sa medisina kung saan hindi puwedeng gumamit ng kemikal na pandikit.”
Sino ang Dapat Purihin?
Samantala, ang National Aeronautics and Space Administration ay kasalukuyang bumubuo ng isang robot na maraming paa na lumalakad na parang alakdan, at ang mga inhinyero naman sa Finland ay nakagawa na ng traktorang may anim na gulong na nakadaraan sa anumang sagabal na gaya ng nagagawa ng higanteng insekto. Ang ibang mananaliksik ay nagdisenyo ng telang may maliliit na hibla na kinopya sa pagbukas at pagsara ng mga kono ng punong pino. Isang pagawaan ng kotse ang kasalukuyang gumagawa ng sasakyang kinopya sa boxfish na nakalalangoy nang mabilis gamit ang kaunting enerhiya dahil sa low-drag na disenyo nito. At tinutuklas naman ng ibang mga mananaliksik ang pagiging shock absorber ng balat ng abalone, sa layuning makagawa ng mas magaan ngunit mas matibay na baluti sa katawan.
Napakaraming makukuhang magagandang ideya mula sa kalikasan anupat nakagawa na ang mga mananaliksik ng isang database na may talaan ng libu-libo at iba’t ibang sistemang biyolohikal. Maaaring hanapin ng mga siyentipiko sa database na ito ang “likas na solusyon sa mga problema ng kanilang disenyo,” ang sabi ng The Economist. Ang likas na mga sistemang nakalagay sa database na ito ay tinatawag na “patenteng biyolohikal.” Ang may-ari ng patente ay karaniwan nang yaong tao o kompanyang legal na nagparehistro ng isang bagong ideya o aparato. Sa pagtalakay sa database na ito na may patenteng biyolohikal, ang The Economist ay nagsasabi: “Yamang tinatawag na ‘patenteng biyolohikal’ ang mga malikhaing disenyong kinopya sa kalikasan, idiniriin lamang ng mga mananaliksik na sa diwa, ang kalikasan ang talagang may-ari ng patente.”
Paano kaya nagkaroon ng ganito kagagandang ideya sa kalikasan? Sinasabi ng maraming mananaliksik na ang malikhaing mga disenyong nakikita sa kalikasan ay mula sa milyun-milyong taon ng pag-eeksperimento kaugnay ng ebolusyon. Pero iba naman ang naging konklusyon ng ibang mananaliksik. Ganito ang isinulat ng mikrobiyologong si Michael Behe sa The New York Times ng 2005: “Ang maliwanag na paglitaw ng disenyo [sa kalikasan] ay nagbibigay ng napakasimple at nakakakumbinsing argumento: kung ang hitsura, paglakad at paghuni nito ay parang bibi, may basehan tayo para sabihing bibi nga ito, kung wala namang matibay na ebidensiyang sasalungat dito.” Ang konklusyon niya? “Hindi dapat ipagwalang-bahala ang disenyo dahil hindi ito kayang itago.”
Talagang nararapat lamang purihin ang inhinyerong gumawa ng mas ligtas at mas mahusay na pakpak ng eroplano dahil sa kaniyang disenyo. Gayundin, ang nag-imbento ng benda na mas maraming gamit—o ng mas komportableng tela ng damit o ng mas mahusay na sasakyan—ay nararapat purihin dahil sa kaniyang disenyo. Sa katunayan, ang isang tagagawa na kumokopya ng disenyo ng iba at hindi bumabanggit o kumikilala sa talagang nagdisenyo nito ay maaaring ituring na kriminal.
Kung gayon, makatuwiran ba para sa iyo ang sinasabi ng mga dalubhasang mananaliksik, na kumokopya sa kalikasan upang malutas ang mahihirap na problema sa inhinyeriya, na ang talinong lumikha sa orihinal na ideya ay galing sa walang-isip na ebolusyon? Kung ang isang kinopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito? Sino nga ba talaga ang dapat purihin, ang dalubhasang tagadisenyo o ang estudyanteng kumokopya sa kaniyang pamamaraan?
Makatuwirang Konklusyon
Matapos suriin ang katibayan ng disenyo sa kalikasan, maraming palaisip na mga tao ang sasang-ayon sa salmista na sumulat: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha.” (Awit 104:24) Ganito rin ang konklusyon ng manunulat ng Bibliya na si Pablo. Isinulat niya: “Sapagkat ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.”—Roma 1:19, 20.
Gayunman, maraming taimtim na taong gumagalang sa Bibliya at naniniwala sa Diyos ang mangangatuwiran na maaaring ginamit ng Diyos ang ebolusyon sa paglalang ng kamangha-manghang mga bagay sa daigdig ng kalikasan. Pero ano nga ba ang itinuturo ng Bibliya?
[Talababa]
a Ang Velcro ay isang uri ng pandikit kung saan sumasabit ang mga kawit sa mga likaw na gaya ng disenyo ng mga buto ng halamang burdock.
[Blurb sa pahina 5]
Paano kaya nagkaroon ng napakaraming magagandang ideya sa kalikasan?
[Blurb sa pahina 6]
Sino ang may-ari ng patente ng kalikasan?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]
Kung ang isang kinopya ay nangangailangan ng matalinong tagadisenyo, kumusta naman ang orihinal nito?
Ang madaling-imaniobrang eroplanong ito ay kinopya sa mga pakpak ng “seagull”
Ang mga paa ng tukô ay hindi narurumhan, hindi kailanman nag-iiwan ng bakas, dumirikit kahit saan maliban sa Teflon, at madaling kumapit at matanggal. Sinisikap ng mga mananaliksik na kopyahin ang mga ito
Ang “low-drag” na disenyo ng “boxfish” ang pinagmulan ng konsepto ng sasakyan
[Credit Lines]
Eroplano: Kristen Bartlett/ University of Florida; paa ng tuko: Breck P. Kent; box fish at kotse: Mercedes-Benz USA
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]
MGA MANLALAKBAY NA MAY LIKAS NA KARUNUNGAN
Maraming nilalang ang may “likas na karunungan” sa paglibot nila sa planetang Lupa. (Kawikaan 30:24, 25) Pansinin ang dalawang halimbawa.
◼ Sistema sa Trapiko ng mga Langgam Paano kaya nakauuwi sa kani-kanilang bahay ang mga langgam na naghahanap ng pagkain? Natuklasan ng mga mananaliksik sa United Kingdom na bukod sa pag-iiwan ng amoy, ang ilang langgam ay gumagamit ng heometriya sa paggawa ng mga daanan upang madaling makauwi. Halimbawa, ang mga langgam na pharaoh “ay gumagawa ng mga daanan mula sa kanilang bahay na nagsasanga nang 50 hanggang 60 digri,” ang sabi ng New Scientist. Bakit kamangha-mangha ang paraang ito? Kapag pauwi na ang langgam at nakarating na sa sanga-sangang daan, kusa na itong pumupunta sa pinakamaikling daan, pauwi sa kanilang bahay. “Dahil sa heometriya ng sanga-sangang daan,” ang sabi ng artikulo, “lalong napadadali ang paggapang ng mga langgam sa mga daan, lalo na kung magkakasalubong ang mga ito, at hindi naaaksaya ang lakas ng bawat isa dahil hindi sila naliligaw.”
◼ Kompas ng mga Ibon Maraming ibon ang nakapaglalakbay sa malalayong distansiya sa lahat ng uri ng klima, at alam nila ang kanilang eksaktong patutunguhan. Paano? Natuklasan ng mga mananaliksik na nararamdaman pala ng mga ibon ang magnetic field ng lupa. Gayunman, “ang mga linya ng magnetic field [ng lupa] ay nagbabago sa iba’t ibang lugar at hindi palaging nakaturo sa tunay na hilaga,” ang sabi ng babasahing Science. Bakit kaya hindi naliligaw ang mga nandarayuhang ibon? Malamang na binabago ng mga ibon ang kanilang panloob na kompas ayon sa paglubog ng araw gabi-gabi. Yamang nagbabago ang posisyon ng paglubog ng araw dahil sa latitud at panahon, iniisip ng mga mananaliksik na nababalanse ng mga ibong ito ang mga pagbabago sa pamamagitan ng “biyolohikal na orasan na nagsasabi sa kanila ng panahon ng taon,” ang sabi ng Science.
Sino ang nagturo ng heometriya sa mga langgam? Sino ang nagbigay sa mga ibon ng kompas, biyolohikal na orasan, at utak na nakauunawa sa impormasyong nakukuha sa mga instrumentong ito? Ang walang-isip na ebolusyon? O ang matalinong Maylalang?
[Credit Line]
© E.J.H. Robinson 2004
-
-
Ginamit ba ng Diyos ang Ebolusyon Para Lumikha ng Buhay?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Ginamit ba ng Diyos ang Ebolusyon Para Lumikha ng Buhay?
“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”—APOCALIPSIS 4:11.
DI-NAGTAGAL matapos pasikatin ni Charles Darwin ang teoriya ng ebolusyon, humanap ng paraan ang maraming tinaguriang denominasyong Kristiyano upang mapagtugma ang kanilang paniniwala sa Diyos at ang teoriya ng ebolusyon.
Sa ngayon, waring tinatanggap na ng pinakaprominenteng mga relihiyosong grupong “Kristiyano” na sa paanuman ay gumamit ang Diyos ng ebolusyon upang lumikha ng buhay. Itinuturo ng ilan na ginawa raw ng Diyos ang uniberso sa paraang sisibol ang mga bagay na may buhay mula sa mga sangkap na walang buhay hanggang sa mabuo ang mga tao. Hindi sinasabi ng mga naniniwala sa turong ito, tinatawag na teistikong ebolusyon, na namagitan ang Diyos sa proseso nang magsimula na ito. Iniisip naman ng iba na sa pangkalahatan, hinayaan ng Diyos na umiral ang karamihan sa mga uri ng halaman at hayop sa pamamagitan ng ebolusyon ngunit paminsan-minsan ay nakikialam Siya upang magtuluy-tuloy ang proseso.
Pagtutugma ng mga Turo—Posible Ba?
Puwede ba talagang pagsamahin ang mga turo ng Bibliya at ang teoriya ng ebolusyon? Kung totoo nga ang ebolusyon, ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang sa unang lalaking si Adan ay para lamang pala magturo ng magandang aral at hindi para unawain sa literal na paraan. (Genesis 1:26, 27; 2:18-24) Ganiyan ba ang pagkaunawa ni Jesus sa ulat na ito ng Bibliya? “Hindi ba ninyo nabasa,” ang sabi ni Jesus, “na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao.”—Mateo 19:4-6.
Sinipi ni Jesus dito ang ulat ng paglalang na nasa Genesis kabanata 2. Kung naniniwala si Jesus na alamat lamang ang unang pag-aasawa, babanggitin pa ba niya ito bilang pagsuporta sa kaniyang turo tungkol sa kabanalan ng pag-aasawa? Hindi. Binanggit ni Jesus ang ulat sa Genesis dahil alam niyang totoong nangyari ito.—Juan 17:17.
Pinaniwalaan din ng mga alagad ni Jesus ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang. Halimbawa, tinalunton sa ulat ng Ebanghelyo ni Lucas ang talaangkanan ni Jesus pabalik hanggang kay Adan. (Lucas 3:23-38) Kung alamat lamang si Adan, kailan nagbago ang talaangkanang ito mula sa pagiging totoo tungo sa pagiging alamat? Kung alamat lamang ang mga ninuno ng pamilyang ito, gaano katibay ang sinabi ni Jesus na siya ang Mesiyas, na isinilang sa linya ni David? (Mateo 1:1) Sinabi ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas na “tinalunton [niya] ang lahat ng bagay mula sa pasimula nang may katumpakan.” Maliwanag na naniwala siya sa ulat ng Genesis tungkol sa paglalang.—Lucas 1:3.
Ang pananampalataya ni apostol Pablo kay Jesus ay kaugnay ng pagtitiwala ni Pablo sa ulat ng Genesis. Sumulat siya: “Yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Corinto 15:21, 22) Kung si Adan ay hindi literal na ninuno ng lahat ng tao, ang isa na sa pamamagitan niya “ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan,” bakit kinailangan pang mamatay si Jesus upang alisin ang mga epekto ng minanang kasalanan?—Roma 5:12; 6:23.
Ang pagsira sa paniniwala sa ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ay pagsira sa mismong pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano. Hindi magkatugma ang teoriya ng ebolusyon at ang mga turo ni Kristo. Anumang pagtatangkang pagsamahin ang dalawang paniniwalang ito ay lilikha lamang ng mahinang pananampalataya na madaling ‘siklut-siklutin ng mga alon at dalhing paroo’t parito ng bawat hangin ng turo.’—Efeso 4:14.
Pananampalatayang Nakasalig sa Matibay na Pundasyon
Maraming siglo nang binabatikos at tinutuligsa ang Bibliya. Paulit-ulit namang napatutunayang tama ang Bibliya. Kapag may binabanggit ang Bibliya tungkol sa kasaysayan, kalusugan, at siyensiya, ang mga ulat nito ay paulit-ulit na napatutunayang mapananaligan. Ang payo nito tungkol sa pakikipagkapuwa-tao ay mapagkakatiwalaan at palaging napapanahon. Ang mga pilosopiya at teoriya ng tao, gaya ng luntiang damo, ay tumutubo at pagkaraan ay natutuyo, subalit ang Salita ng Diyos “ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.”—Isaias 40:8.
Ang turo ng ebolusyon ay hindi lamang isang teoriya sa larangan ng siyensiya. Pilosopiya ito ng tao na lumitaw at lumaganap sa loob ng mga dekada. Subalit nitong nakalipas na mga taon, malaki ang ipinagbago ng tradisyonal na turo ni Darwin tungkol sa ebolusyon dahil sa mga pagtatangkang ipaliwanag ang parami nang paraming katibayan ng disenyo sa daigdig ng kalikasan. Inaanyayahan ka naming suriin pa ang paksang ito. Magagawa mo ito kung rerepasuhin mo ang iba pang artikulo sa isyung ito. Bukod dito, baka gusto mo ring basahin ang mga publikasyong makikita sa pahinang ito at sa pahina 32.
Matapos saliksikin ang paksang ito, malamang na mapatibay ang iyong pagtitiwala sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa nakaraan. Ang mas mahalaga, mapalalakas ang iyong pananampalataya sa mga pangako ng Bibliya para sa hinaharap. (Hebreo 11:1) Mapakikilos ka pa ngang purihin si Jehova, “ang Maylikha ng langit at ng lupa.”—Awit 146:6.
KARAGDAGANG MATERYAL NA MABABASA
Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao Tinatalakay sa brosyur na ito ang mga espesipikong halimbawa ng pagiging totoo ng nilalaman ng Bibliya
Is There a Creator Who Cares About You? Suriin ang higit pang katibayan ng siyensiya at alamin kung bakit pinahihintulutan ng mapagmalasakit na Diyos ang labis na pagdurusa
Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Sinasagot sa kabanata 3 ng aklat na ito ang tanong na Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?
[Blurb sa pahina 10]
Naniwala si Jesus sa ulat ng Genesis tungkol sa paglalang. Nagkamali ba siya?
[Kahon sa pahina 9]
ANO BA ANG EBOLUSYON?
Ang isa sa kahulugan ng “ebolusyon” ay: “Proseso ng pagbabago sa isang direksiyon.” Gayunman, maraming gamit ang terminong ito. Halimbawa, ginagamit ito upang ilarawan ang malalaking pagbabago sa mga bagay na walang buhay—ang pagbuo sa uniberso. Ginagamit din ang terminong ito upang ilarawan ang maliliit na pagbabago sa mga bagay na may buhay—ang paraan ng pag-angkop ng mga halaman at hayop sa kanilang kapaligiran. Gayunman, karaniwan nang ginagamit ang salitang ito upang ilarawan ang teoriya na lumitaw ang buhay mula sa mga sangkap na walang buhay, na naging mga selulang kusang dumarami, at unti-unting naging masasalimuot na nilalang, anupat ang pinakamatalino sa nabuo nito ay ang tao. Ang pangatlong konseptong ito ang kahulugan ng terminong “ebolusyon” na ginamit sa artikulong ito.
[Picture Credit Line sa pahina 10]
Space photo: J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA
-
-
Panayam sa Isang BiyokimikoGumising!—2006 | Setyembre
-
-
Panayam sa Isang Biyokimiko
NOONG 1996, inilabas ni Michael J. Behe, propesor ngayon sa biyokimiko sa Lehigh University sa Pennsylvania, E.U.A., ang kaniyang aklat na Darwin’s Black Box—The Biochemical Challenge to Evolution. Nasa Mayo 8, 1997, isyu ng Gumising! ang serye ng mga artikulo na may pamagat na “Paano Tayo Umiral?—Sa Aksidente ba o Disenyo?” na bumabanggit sa aklat ni Behe. Pagkalipas ng halos isang dekada matapos ilathala ang Darwin’s Black Box, nag-unahan ang mga siyentipikong nagtataguyod ng ebolusyon sa pagkontra sa mga argumento ni Behe. Pinaratangan siya ng mga kritiko na hinayaan niyang maimpluwensiyahan ng kaniyang relihiyosong paninindigan—isa siyang Romano Katoliko—ang kaniyang opinyon bilang siyentipiko. May iba namang nagsasabi na hindi ayon sa siyensiya ang kaniyang pangangatuwiran. Kinapanayam ng Gumising! si Propesor Behe upang alamin kung bakit nagdulot ng gayong kontrobersiya ang kaniyang mga ideya.
GUMISING!: BAKIT PO NINYO NASABI NA ANG BUHAY AY KATIBAYAN NG MATALINONG DISENYO?
PROPESOR BEHE: Kapag nakakakita tayo ng iba’t ibang piyesang pinagkabit-kabit para magamit sa iba’t ibang paraan, ipinalalagay natin na may nagdisenyo nito. Halimbawa, ang mga makinang ginagamit natin araw-araw—ang de-motor na pantabas ng damo, sasakyan, o kahit mas simpleng mga bagay. Ang halimbawang gusto kong gamitin ay ang panghuli ng daga. Maiisip mong dinisenyo ito dahil nakikita mo ang iba’t ibang piyesa na pinagkabit-kabit para manghuli ng daga.
Sapat na ang isinulong ng siyensiya upang matuklasan ang pinakasaligang antas ng buhay. At nakagugulat na natuklasan ng mga siyentipiko na may gumaganang masalimuot na makinarya maging sa molekula. Halimbawa, sa buháy na mga selula, may maliliit na molekulang “trak” na humahakot ng mga suplay mula sa isang panig ng selula papunta sa kabila. May pagkaliliit na molekulang “karatula” na nagsasabi sa mga “trak” na ito na lumiko sa kaliwa o sa kanan. Ang ilang selula naman ay may molekulang “motor” na tumutulak sa mga selula sa likido. Sa ibang konteksto, kapag nakikita ang gayong masalimuot na pagkakaayos, sinasabi ng mga tao na ang mga bagay na ito ay dinisenyo. Wala na kaming iba pang paliwanag kung bakit masalimuot ito, sa kabila ng sinasabi ng teoriya ni Darwin tungkol sa ebolusyon. Yamang paulit-ulit naming napatutunayan na ang ganitong uri ng pagkakaayos ay nagpapahiwatig ng disenyo, makatuwiran lamang na isipin naming mayroon ding matalinong nagdisenyo sa mga nagaganap na ito sa molekula.
GUMISING!: SA PALAGAY PO NINYO, BAKIT PO KAYA HINDI SANG-AYON ANG KARAMIHAN SA INYONG MGA KASAMA SA KONKLUSYON NINYO TUNGKOL SA MATALINONG DISENYO?
PROPESOR BEHE: Maraming siyentipiko ang hindi sang-ayon sa aking konklusyon dahil nakikita nila na ang ideyang ito tungkol sa matalinong disenyo ay may implikasyong hindi matatagpuan sa siyensiya—na waring maliwanag na ipinahihiwatig nito na mayroon pang higit na nakatataas sa kalikasan. Hindi matanggap ng maraming tao ang konklusyong ito. Gayunman, natutuhan ko noon pa man na dapat sumunod ang siyensiya sa anumang sinasabi ng ebidensiya. Para sa akin, isang karuwagan na talikuran ang maliwanag na sinasabi ng katibayan dahil lamang sa hindi mo gusto ang pilosopikal na implikasyon ng konklusyon nito.
GUMISING!: PAANO PO NINYO SINASAGOT ANG MGA KRITIKONG NAGSASABI NA ANG PAGTANGGAP SA IDEYA TUNGKOL SA MATALINONG DISENYO AY PAGPAPALAGANAP NG KAMANGMANGAN?
PROPESOR BEHE: Ang konklusyon tungkol sa disenyo ay hindi dahil sa kamangmangan. Hindi ito dahil sa isang bagay na hindi natin alam; ito’y dahil sa isang bagay na alam natin. Nang ilathala ni Darwin ang kaniyang aklat na The Origin of Species 150 taon na ang nakalipas, waring simple lamang ang buhay. Inakala ng mga siyentipiko na ang selula ay napakasimple anupat posibleng kusa na lamang itong lumutang mula sa putik ng karagatan. Pero mula noon, natuklasan ng siyensiya na ang mga selula ay napakasalimuot pala, mas masalimuot pa kaysa sa makinarya sa ating daigdig nitong ika-21 siglo. Ang masalimuot na pagkakaayos na iyan ay nagpapahiwatig na ang disenyo ay ginawa para sa isang layunin.
GUMISING!: MAY NAIPAKITA PO BANG KATIBAYAN ANG SIYENSIYA UPANG PATUNAYAN NA ANG EBOLUSYON, SA PAMAMAGITAN NG PAGPILI NG KALIKASAN, AY NAKALIKHA NG MASASALIMUOT NA MAKINA NG MOLEKULA NA SINASABI NINYO?
PROPESOR BEHE: Kung sasaliksikin mo ang mga lathalain sa siyensiya, matutuklasan mong walang sinuman ang gumawa ng seryosong pagtatangka—isang eksperimento o detalyadong modelo sa siyensiya—na magpapaliwanag kung paano nagkaroon ng gayong mga makina ng molekula sa pamamagitan ng mga prosesong sinasabi ni Darwin. Ito’y sa kabila ng katotohanan na sa lumipas na sampung taon mula nang ilathala ang aking aklat, ang maraming organisasyon sa siyensiya, gaya ng National Academy of Sciences at ng American Association for the Advancement of Science ay apurahan nang nananawagan sa kanilang mga miyembro na gawin ang lahat ng kanilang makakaya upang iwaksi ang ideya na ang buhay ay katibayan ng matalinong disenyo.
GUMISING!: PAANO PO KAYO NANGANGATUWIRAN SA MGA TAONG ANG IDINADAHILAN AY ANG DI-MAGANDANG DISENYO NG MGA HALAMAN O HAYOP?
PROPESOR BEHE: Kung hindi man natin alam ang dahilan kung bakit ginawa ang ilang bahagi ng isang organismo, hindi ito nangangahulugang wala na itong ginagampanang mahalagang papel. Inakala noon na hindi maganda ang pagkakadisenyo sa katawan ng tao at iba pang organismo dahil sa diumano’y walang-silbing mga sangkap nito. Halimbawa, ang apendiks at mga tonsil ay inakala noon na walang-silbing mga sangkap at madalas na inaalis na lamang sa pamamagitan ng operasyon. Subalit natuklasang mahalaga pala ang mga sangkap na ito sa sistema ng imyunidad, at hindi na ngayon ito itinuturing na walang silbi.
Ang isa pang bagay na dapat tandaan ay na sa biyolohiya, may ilang bagay na waring aksidenteng lumilitaw. Subalit hindi dahil ang aking kotse ay may yupi o lumambot ang goma ay nangangahulugan nang hindi ito dinisenyo. Sa katulad na paraan, dahil may ilang bagay sa biyolohiya na aksidenteng lumilitaw, hindi ito nangangahulugan na aksidenteng lumitaw na lamang ang de-kalidad at masalimuot na makinarya ng buhay, ang molekula. Hindi nga makatuwiran ang ganiyang argumento.
[Blurb sa pahina 12]
“Para sa akin, isang karuwagan na talikuran ang maliwanag na sinasabi ng katibayan dahil lamang sa hindi mo gusto ang pilosopikal na implikasyon ng konklusyon nito”
-
-
Totoo ba ang Ebolusyon?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Totoo ba ang Ebolusyon?
“TOTOO ang ebolusyon kung paanong totoong mainit ang araw,” ang iginiit ni Propesor Richard Dawkins, isang prominenteng siyentipiko na naniniwala sa ebolusyon. Mangyari pa, pinatutunayan ng mga eksperimento at tuwirang obserbasyon na talaga ngang mainit ang araw. Ngunit matibay rin bang pinatutunayan ng mga ito ang turo ng ebolusyon?
Bago natin sagutin ang tanong na ito, may isang bagay na kailangan munang linawin. Napansin ng maraming siyentipiko na sa paglipas ng panahon, ang mga supling ng nabubuhay na bagay ay posibleng magkaroon ng bahagyang pagbabago. Ang tawag ni Charles Darwin sa prosesong ito ay “descent with subsequent modification” (supling na may pagbabago). Ang gayong pagbabago ay tuwirang inobserbahan, inirekord sa mga eksperimento, at malikhaing ginamit ng mga nagpapalahi ng halaman at hayop.a Masasabing totoo ang mga pagbabagong ito. Gayunman, ang bahagyang mga pagbabagong ito ay tinatawag ng mga siyentipiko na microevolution. Maging ang bansag na ito ay nagpapahiwatig kung ano ang iginigiit ng maraming siyentipiko—na ang maliliit na pagbabagong ito ay katibayan na naganap ang isang penomeno na ibang-iba kaysa rito, isa na hindi pa naobserbahan ninuman, ang tinatawag nilang macroevolution.
Lumampas pa si Darwin sa nakikitang mga pagbabagong ito. Isinulat niya sa kaniyang popular na aklat na The Origin of Species: “Para sa akin, lahat ng organismo ay hindi pantanging mga nilalang kundi tuwirang nagmula sa linya ng iilang kinapal.” Sinabi ni Darwin na sa paglipas ng mahahabang yugto ng panahon, ang orihinal na “iilang kinapal,” o diumano’y mga simpleng anyo ng buhay, ay unti-unting naging milyun-milyong iba’t ibang anyo ng buhay sa lupa sa pamamagitan ng “bahagyang-bahagyang mga pagbabago.” Itinuturo ng mga ebolusyonista na ang maliliit na pagbabagong ito ay naipon at nagdulot ng malalaking pagbabago na kailangan upang ang mga isda ay maging ampibyan at ang mga bakulaw naman ay maging tao. Ang diumano’y malalaking pagbabagong ito ay tinatawag na macroevolution. Para sa marami, waring makatuwiran ang pangalawang pag-aangking ito. Iniisip nila, ‘Kung nagaganap ang maliliit na pagbabago sa isang kaurian, bakit hindi makabubuo ang ebolusyon ng malalaking pagbabago sa paglipas ng mahahabang yugto ng panahon?’b
Ang turo ng macroevolution ay nakasalig sa tatlong pangunahing pag-aangkin:
1. Dahil sa mutasyon, nagkakaroon ng likas na materyales na kailangan upang makalikha ng panibagong kaurian.c
2. Dahil sa pagpili ng kalikasan (natural selection), nagkakaroon ng panibagong kaurian.
3. Suportado ng mga fosil ang mga pagbabagong macroevolution sa mga halaman at hayop.
Ganoon na nga ba katibay ang ebidensiya ng macroevolution anupat dapat na itong ituring na totoo?
Makagagawa ba ng Panibagong Kaurian ang Mutasyon?
Nakadepende ang maraming detalye ng isang halaman o hayop sa mga instruksiyong nasa genetic code nito, ang mga blueprint na nasa nukleo ng bawat selula.d Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga mutasyon—o mga pagbabagong nagkataon lamang—sa genetic code ay nakapagpapabago sa mga supling ng mga halaman at hayop. Noong 1946, si Hermann J. Muller, nagwagi ng Nobel Prize at tagapagtatag ng pag-aaral ng henetika ng mutasyon, ay nagsabi: “Ang maraming pambihira at maliliit na pagbabagong ito na naipon ay hindi lamang siyang pangunahing artipisyal na paraan para magkaroon ng mas magagandang hayop at halaman, kundi mas mahalaga, ito rin ang paraan kung paano nangyari ang ebolusyon sa ilalim ng pagpili ng kalikasan.”
Oo, ang turo ng macroevolution ay nakasalig sa pag-aangkin na nakabubuo ang mutasyon hindi lamang ng panibagong kaurian kundi ng ganap na panibagong pamilya ng halaman at hayop. Mapatutunayan kaya ang pangahas na pag-aangking ito? Buweno, tingnan ang isinisiwalat ng mga 100 taóng pag-aaral sa larangan ng pagsasaliksik sa henetika.
Noong huling mga taon ng dekada ng 1930, buong-siglang tinanggap ng mga siyentipiko ang ideya na kung ang proseso ng pagpili ng kalikasan ay makagagawa ng panibagong kaurian ng halaman sa pamamagitan ng mga mutasyong nagkataon lamang, tiyak na mas mahusay ang magagawa ng mutasyong artipisyal, o gawang-tao. “Tuwang-tuwa ang karamihan sa mga biyologo at lalo na ang mga dalubhasa sa henetika at ang mga nagpapalahi,” ang sabi ni Wolf-Ekkehard Lönnig, isang siyentipiko mula sa Max Planck Institute for Plant Breeding Research sa Alemanya, na kinapanayam ng Gumising! Bakit sila tuwang-tuwa? Ganito ang sabi ni Lönnig na mga 28 taóng nag-aral tungkol sa mutasyon sa henetika ng mga halaman: “Inakala ng mga mananaliksik na ito na dumating na ang panahon para baguhin ang tradisyonal na paraan ng pagpapalahi ng mga halaman at hayop. Inakala nila na sa pamamagitan ng pagsisimula at pagpili ng kapaki-pakinabang na mutasyon, makagagawa sila ng panibago at mas magagandang halaman at hayop.”e
Ang mga siyentipiko sa Estados Unidos, Asia, at Europa ay naglunsad ng mga programa sa pagsasaliksik na may malaking pondo at gumagamit ng mga pamamaraang inaasahang magpapabilis sa ebolusyon. Matapos ang mahigit 40 taon ng puspusang pagsasaliksik, ano ang naging resulta? “Sa kabila ng napakalaking nagastos,” ang sabi ng mananaliksik na si Peter von Sengbusch, “ang pagtatangkang magkaroon ng mas maiinam na uri sa pamamagitan ng iradyasyon, ay nabigo.” Ang sabi ni Lönnig: “Pagsapit ng dekada ng 1980, naglaho ang pag-asa at pagsasaya ng mga siyentipiko sa buong daigdig. Ang pagpapalahi sa pamamagitan ng mutasyon bilang hiwalay na sangay ng pagsasaliksik ay kinalimutan na ng mga Kanluraning bansa. Ang nakita sa halos lahat ng mutant [iniluwal ng mutasyon] ay ‘mapagpipiliang katangian na di-kanais-nais,’ samakatuwid nga, ang mga ito ay namatay lamang o mas mahinang klase kaysa sa mga uring nasa kalikasan.”f
Magkagayunman, dahil sa datos na naipon mula sa mga 100 taon ng pagsasaliksik tungkol sa mutasyon sa pangkalahatan at 70 taon ng pagpapalahi sa pamamagitan ng mutasyon sa partikular, nakagawa ng konklusyon ang mga siyentipiko tungkol sa diumano’y kakayahan ng mutasyon na makalikha ng panibagong kaurian. Matapos suriin ang katibayan, ito ang konklusyon ni Lönnig: “Walang kakayahan ang mutasyon na gumawa ng ganap na panibagong kaurian mula sa orihinal na kaurian [ng halaman o hayop]. Ang konklusyong ito ay kaayon ng lahat ng naging karanasan at resulta ng pagsasaliksik sa mutasyon noong ika-20 siglo at ng mga batas ng probabilidad. Kung gayon, ang batas ng recurrent variation ay nagpapahiwatig na ang mga kauriang naiiba ang henetiko sa ibang kaurian ay may mga limitasyong hindi puwedeng alisin o laktawan ng mga aksidenteng mutasyon.”
Pag-isipan ang kahulugan ng nabanggit na katotohanan. Kung walang kakayahan ang dalubhasang mga siyentipiko na makagawa ng panibagong kaurian sa tulong ng artipisyal na pagsisimula at pagpili ng kapaki-pakinabang na mutasyon, magagawa kaya ito lalo na ng walang-isip na proseso ng mutasyon? Kung ipinakikita ng pagsasaliksik na walang kakayahan ang mutasyon na gumawa ng ganap na panibagong kaurian mula sa orihinal na kaurian, kung gayon, paano diumano naganap ang macroevolution?
Nakalilikha ba ng Panibagong Kaurian ang Pagpili ng Kalikasan?
Naniniwala si Darwin na ang tinatawag niyang pagpili ng kalikasan ay pabor sa mga anyo ng buhay na magaling umangkop sa kapaligiran, samantalang namamatay naman sa kalaunan ang mga walang gaanong kakayahang umangkop. Itinuturo naman ng mga modernong ebolusyonista na habang kumakalat at napapahiwalay ang isang kaurian, pinipili ng kalikasan ang mga kauriang madaling nakaaangkop sa kanilang bagong kapaligiran sa pamamagitan ng mutasyon ng kanilang gene. Bunga nito, ipinalalagay ng mga ebolusyonista na ang napahiwalay na mga grupong ito sa kalaunan ay nagiging ganap na panibagong kaurian.
Gaya ng binanggit kanina, maliwanag na ipinahihiwatig ng katibayan mula sa pagsasaliksik na walang kakayahan ang mutasyon na makalikha ng ganap na panibagong uri ng halaman o hayop. Gayunman, ano ang katibayan ng mga ebolusyonista na susuporta sa kanilang pag-aangkin na pinipili ng kalikasan ang kapaki-pakinabang na mutasyon upang makalikha ng panibagong kaurian? Ganito ang sabi ng brosyur na inilathala noong 1999 ng National Academy of Sciences (NAS) sa Estados Unidos: “Ang isang napakapuwersang halimbawa ng speciation [ebolusyon ng panibagong kaurian] ay nagsasangkot sa 13 kaurian ng mga finch [maliit na ibong may matibay na tuka] na pinag-aralan ni Darwin sa Galápagos Islands, kilala ngayon bilang Darwin’s finches.”
Noong dekada ng 1970, pinag-aralan ng isang grupo ng mananaliksik na pinangunahan nina Peter at Rosemary Grant ang mga finch na ito at natuklasan nila na pagkatapos ng isang taóng tagtuyot, mas madaling makaligtas ang mga finch na may mas malalaking tuka kaysa sa mga may mas maliliit na tuka. Yamang ang sukat at hugis ng tuka ang isa sa pangunahing pagkakakilanlan ng 13 kaurian ng mga finch, inakalang mahalaga ang natuklasang ito. “Tinantiya ng mag-asawang Grant na kung magkakaroon ng tagtuyot sa mga isla minsan sa bawat 10 taon, isang panibagong kaurian ng finch ang posibleng lumitaw sa loob lamang ng mga 200 taon,” patuloy ng brosyur.
Gayunman, nakaligtaang banggitin ng NAS brosyur ang ilang mahalaga ngunit nakahihiyang katotohanan. Noong mga taon pagkatapos ng tagtuyot, mas dumami ang finch na may mas maliliit na tuka. Kaya naman noong 1987, isinulat ni Peter Grant at ng nagtapos na estudyanteng si Lisle Gibbs sa babasahin sa siyensiya na Nature, na nakita nila ang “pagbaligtad ng direksiyon ng pagpili [ng kalikasan].” Noong 1991, isinulat ni Grant na “ang populasyon, na sumailalim sa pagpili ng kalikasan, ay nagpapabalik-balik” tuwing magbabago ang klima. Napansin din ng mga mananaliksik na may ilang ibang “kaurian” ng finch na naglalahian at nagluluwal ng mga supling na mas matagal ang buhay kaysa sa mga magulang nila. Naging konklusyon nina Peter at Rosemary Grant na kung magpapatuloy ang paglalahian, magsasanib ang dalawang “kaurian” at magiging isa na lamang ito sa loob ng 200 taon.
Noong 1966, sumulat ang ebolusyonaryong biyologo na si George Christopher Williams: “Nakalulungkot isipin na unang nakilala ang teoriya ng pagpili ng kalikasan bilang paliwanag sa pagbabagong dulot ng ebolusyon. Mas mahalaga sana ito bilang paliwanag sa patuloy na pag-angkop sa kapaligiran.” Noong 1999, isinulat ng ebolusyonaryong teorista na si Jeffrey Schwartz na kung tama nga ang konklusyon ni Williams, ang pagpili ng kalikasan ay maaari ngang tumutulong sa mga kaurian upang umangkop sa nagbabagong kalagayan ng pag-iral, pero “hindi ito lumilikha ng panibagong bagay.”
Oo, hindi nagiging “panibagong bagay” ang Darwin’s finches. Mga finch pa rin ang mga ito. At dahil naglalahian ang mga ito, nakapag-aalinlangan ang mga pamamaraang ginagamit ng ilang ebolusyonista sa pagklasipika ng isang kaurian. Bukod diyan, ibinubunyag ng mga ito ang katotohanan na maging ang mga kilalang akademya sa siyensiya ay may kinikilingan sa kanilang pag-uulat ng katibayan.
Pinatutunayan ba ng mga Fosil ang mga Pagbabagong Macroevolution?
Ang NAS brosyur na nabanggit kanina ay nag-iiwan ng impresyon sa mga mambabasa na may sapat na mga fosil na natuklasan ang mga siyentipiko para patunayan ang macroevolution. Ang sabi nito: “Napakaraming natuklasang mga anyo ng buhay sa pagitan ng isda at ampibyan, ampibyan at reptilya, reptilya at mamalya, at sa linya ng angkan ng mga primate anupat madalas na mahirap tiyakin kung kailan nagaganap ang pagbabago sa isang kaurian at nagiging ibang partikular na kaurian.”
Nakagugulat ang kapangahasan ng pangungusap na ito. Bakit? Noong 2004, inihalintulad ng National Geographic ang mga fosil sa “isang film ng ebolusyon kung saan 999 sa bawat 1,000 kuhang-larawan ang nawawala habang pinuputol ang mga ito.” Kaya bang patunayan ng natitirang isa-sa-isang-libong “kuhang-larawan” ang proseso ng macroevolution? Ano ba talaga ang ipinakikita ng mga fosil? Si Niles Eldredge, isang masugid na ebolusyonista, ay umamin na ipinakikita ng rekord na sa loob ng mahahabang yugto ng panahon, “halos wala o talagang walang nagaganap na ebolusyonaryong pagbabago sa karamihan ng kaurian.”
Sa kasalukuyan, ang mga siyentipiko sa buong daigdig ay nakahukay at nakapagkatalogo na ng mga 200 milyong malalaking fosil at bilyun-bilyong maliliit na fosil. Sumasang-ayon ang maraming mananaliksik na ipinakikita ng napakarami at detalyadong rekord na ito na lahat ng pangunahing grupo ng mga hayop ay biglang lumitaw at hindi halos nagbago, at ang maraming kaurian naman na biglang lumitaw ay bigla ring naglaho. Matapos pag-aralan ang ebidensiya mula sa mga fosil, sumulat ang biyologong si Jonathan Wells: “Sa antas ng mga kaharian, phylum, at klase, ang descent with modification mula sa iisang ninuno ay maliwanag na hindi isang katotohanang naobserbahan ng siyensiya. Kung titingnan ang mga fosil at molekula, mahina ang ebidensiya para patunayan ang teoriya.”
Ebolusyon—Totoo o Alamat Lamang?
Bakit kaya iginigiit ng maraming prominenteng ebolusyonista na totoo ang macroevolution? Matapos batikusin ang ilan sa pangangatuwiran ni Richard Dawkins, isinulat ng maimpluwensiyang ebolusyonista na si Richard Lewontin na handang tanggapin ng maraming siyentipiko ang mga pag-aangkin sa siyensiya na hindi kasuwato ng sentido komun “dahil may pinaniniwalaan na tayo, naniniwala tayo sa materyalismo.”g Hindi man lamang naiisip ng maraming siyentipiko ang posibilidad na may isang matalinong Disenyador dahil, gaya ng isinulat ni Lewontin, “hindi namin matatanggap na may Diyos.”
Hinggil dito, sinipi ng Scientific American ang sosyologong si Rodney Stark na sinasabi: “Sa loob ng 200 taon, pinalaganap ang ideya na kung gusto mong maging makasiyensiyang tao dapat na maging malaya ang iyong isip sa tanikala ng relihiyon.” Sinabi pa niya na sa mga unibersidad ng pananaliksik, “tikom ang bibig ng mga relihiyosong tao,” samantalang “may pagtatangi naman laban sa mga relihiyoso ang mga walang relihiyon.” Ayon kay Stark, “ginagantimpalaan ang mga taong walang relihiyon sa gitna ng mga may mataas na posisyon [na mga siyentipiko].”
Kung maniniwala kang totoo ang turo na macroevolution, dapat mo ring paniwalaan na hindi pahihintulutan ng mga agnostiko o ateistikong mga siyentipiko na maimpluwensiyahan ng kanilang personal na mga paniniwala ang kanilang interpretasyon sa mga natutuklasan ng siyensiya. Dapat kang maniwala na ang mutasyon at ang pagpili ng kalikasan ang nagluwal ng lahat ng masalimuot na anyo ng buhay, sa kabila ng katotohanan na ang isang siglong pagsasaliksik at pag-aaral sa bilyun-bilyong mutasyon, ay nagpapakitang hindi nakagawa ang mga ito ng kahit isang ganap na panibagong kaurian mula sa isang partikular na kaurian. Dapat kang maniwala na lahat ng nilalang ay unti-unting nabuo mula sa iisang ninuno, sa kabila ng katotohanang maliwanag na ipinahihiwatig ng mga fosil na biglang lumitaw ang mga pangunahing uri ng halaman at hayop at hindi unti-unting naging ibang uri, kahit lumipas pa ang di-mabilang na panahon. Masasabi bang ang ganiyang paniniwala ay salig sa katotohanan o salig sa alamat?
[Mga talababa]
a Ang mga nagpapalahi ng aso ay maaaring pumili ng ibang lahi ng aso upang ang iaanak ng mga ito ay magkaroon ng mas maiikling binti o mas mahahabang balahibo kaysa sa kanilang mga ninuno. Gayunman, nakagagawa ng mga pagbabago ang mga nagpapalahi ng aso dahil sa hindi paggana ng ilang gene. Halimbawa, nagiging maliliit ang mga asong dachshund dahil hindi nahusto ang paglaki ng murang buto nito, kung kaya nabansot ang mga ito.
b Bagaman madalas na ginamit sa artikulong ito ang salitang “kaurian,” dapat pansinin na ang terminong ito ay wala sa aklat ng Bibliya na Genesis, na gumamit ng mas pangkalahatang termino na “uri.” Kadalasan, ang tinatawag ng mga siyentipiko na ebolusyon ng isang bagong kaurian ay pagbabago lamang sa loob ng isang “uri,” gaya ng ginamit na salita sa ulat ng Genesis.
c Tingnan ang kahong “Kung Paano Inuuri ang mga Organismo.”
d Ipinakikita ng pagsasaliksik na ang cytoplasm ng selula, mga lamad nito, at iba pang bahagi ay may ginagampanang papel sa paghubog sa isang organismo.
e Ang mga komento ni Lönnig sa artikulong ito ay sarili niya, at walang kinalaman dito ang Max Planck Institute for Plant Breeding Research.
f Paulit-ulit na natuklasan ng mga eksperimento sa mutasyon na paunti nang paunti ang bilang ng bagong mga mutant, samantalang iisang uri lamang ng mga mutant ang patuloy na lumilitaw. Dahil dito, natuklasan ni Lönnig ang “batas ng recurrent variation” (regular na pagbabago). Bukod dito, wala pang 1 porsiyento ng mutasyon sa halaman ang napili para sa higit pang pagsasaliksik, at wala pang 1 porsiyento sa grupong ito ang nakitang magagamit sa negosyo. Ang resulta ng pagpapalahi sa mga hayop sa pamamagitan ng mutasyon ay mas malala kaysa sa mga halaman, at hindi na ginagamit ang pamamaraang ito.
g Ang materyalismo, sa diwang ito, ay tumutukoy sa teoriya na ang pisikal na bagay ang tangi o saligang katotohanan, na lahat ng nasa uniberso, pati na ang lahat ng buhay, ay umiral nang walang anumang tulong mula sa sinumang nakahihigit sa tao.
[Blurb sa pahina 15]
“Walang kakayahan ang mutasyon na gumawa ng ganap na panibagong kaurian mula sa orihinal na kaurian [ng halaman o hayop]”
[Blurb sa pahina 16]
Ang maipakikita lamang ng mga Darwin’s finches ay na may kakayahang umangkop sa nagbabagong klima ang isang kaurian
[Blurb sa pahina 17]
Ayon sa mga fosil, lahat ng pangunahing grupo ng mga hayop ay biglang lumitaw at hindi halos nagbago
[Chart sa pahina 14]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KUNG PAANO INUURI ANG MGA ORGANISMO
Ang mga organismo ay inuuri sa palaki nang palaking grupo, mula sa partikular na mga kaurian hanggang sa mga kaharian.h Halimbawa, ihambing ang mga klasipikasyon ng tao at ng langaw (fruit fly) na nakatala sa ibaba.
TAO LANGAW
Kaurian sapien melanogaster
Genus Homo Drosophila
Pamilya Hominid Drosophilid
Angkan Primate Diptera
Klase Mamalya Insekto
Phylum Chordate Arthropod
Kaharian Hayop Hayop
[Talababa]
h Pansinin: Binabanggit sa Genesis 1 na ang mga halaman at hayop ay nagpaparami “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:12, 21, 24, 25) Gayunman, ang termino sa Bibliya na “uri” ay hindi termino sa siyensiya at hindi dapat ipagkamali sa katawagan sa siyensiya na “kaurian.”
[Credit Line]
Ang tsart ay salig sa aklat na Icons of Evolution—Science or Myth? Why Much of What We Teach About Evolution Is Wrong, ni Jonathan Wells
[Mga larawan sa pahina 15]
Langaw na likha ng mutasyon (nasa itaas) bagaman dispormado, langaw pa rin
[Credit Line]
© Dr. Jeremy Burgess/Photo Researchers, Inc.
[Mga larawan sa pahina 15]
Paulit-ulit na natuklasan ng mga eksperimento sa mutasyon ng halaman na paunti nang paunti ang bilang ng bagong mga “mutant,” samantalang iisang uri lamang ng mga “mutant” ang patuloy na lumilitaw (Mas malalaki ang bulaklak ng ipinakikitang “mutant”)
[Picture Credit Line sa pahina 13]
Mula sa Kuha ni Mrs. J. M. Cameron/ U.S. National Archives photo
[Picture Credit Line sa pahina 16]
Finch heads: © Dr. Jeremy Burgess/ Photo Researchers, Inc.
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
Dinosaur: © Pat Canova/Index Stock Imagery; fossils: GOH CHAI HIN/AFP/Getty Images
-
-
Kung Bakit Tayo Naniniwala sa MaylalangGumising!—2006 | Setyembre
-
-
Kung Bakit Tayo Naniniwala sa Maylalang
Nakikita ng maraming eksperto sa iba’t ibang larangan ng siyensiya ang matalinong disenyo sa kalikasan. Para sa kanila, hindi makatuwirang maniwalang basta na lamang umiral ang pagkasali-salimuot na buhay sa lupa. Kaya marami-rami ring siyentipiko at mananaliksik ang naniniwala sa Maylalang.
Ang ilan sa kanila ay naging mga Saksi ni Jehova. Kumbinsido sila na ang Diyos ng Bibliya ang Disenyador at Tagapagtatag ng pisikal na uniberso. Bakit ganito ang naging konklusyon nila? Tinanong ng Gumising! ang ilan sa kanila. Mag-iisip-isip ka sa mga komento nila.a
“Di-malirip na Kasalimuutan ng Buhay”
◼ WOLF-EKKEHARD LÖNNIG
IMPORMASYON: Sa nakalipas na 28 taon, ang trabaho ko ay may kinalaman sa henetikong mutasyon ng mga halaman. Dalawampu’t isa sa mga taóng iyon ang ginugol ko sa Max Planck Institute for Plant Breeding Research, sa Cologne, Alemanya. Halos tatlong dekada na rin akong naglilingkod bilang elder sa kongregasyong Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova.
Dahil sa aking obserbasyon at eksperimento sa henetika at pag-aaral sa biyolohikal na mga asignaturang tulad ng pisyolohiya at morpolohiya, nakita ko ang di-mabilang at malimit na di-malirip na kasalimuutan ng buhay. Sa aking pag-aaral sa mga paksang ito, napatibay ang aking pananalig na ang buhay, maging ang pinakasaligang mga anyo nito, ay may isang matalinong pinagmulan.
Alam na alam ng mga nasa larangan ng siyensiya kung gaano kasalimuot ang buhay. Pero karaniwan nang inihaharap ang kamangha-manghang katotohanang ito sa konteksto ng ebolusyon. Gayunman, para sa akin, mabubuwag ang mga argumento laban sa ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang kapag sinuri na itong mabuti ayon sa siyensiya. Ilang dekada ko nang napag-aralan ang mga argumentong ito. Pagkatapos kong maingat na pag-aralan ang mga bagay na may buhay at pag-isipan kung gaano kahusay gumana ang mga batas ng uniberso para umiral ang buhay sa lupa, naudyukan akong maniwala sa Maylalang.
“Lahat ng Inoobserbahan Ko ay May Sanhi”
◼ BYRON LEON MEADOWS
IMPORMASYON: Nakatira ako sa Estados Unidos at nagtatrabaho sa National Aeronautics and Space Administration sa larangan ng laser physics. Kasama ako ngayon sa mga nagpapasulong ng teknolohiya upang mapaunlad ang pagsubaybay sa klima ng buong globo, lagay ng panahon, at iba pang pangyayari sa mga planeta. Isa akong elder sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa bandang Kilmarnock, Virginia.
Sa aking pananaliksik, lagi kong nagagamit ang mga simulain sa pisika. Sinisikap kong alamin kung paano at bakit nangyayari ang ilang bagay. Sa aking pinag-aaralan, kitang-kita ko ang ebidensiya na ang lahat ng inoobserbahan ko ay may sanhi. Naniniwala akong makatuwirang tanggapin ayon sa siyensiya na ang Diyos ang orihinal na sanhi ng lahat ng bagay sa kalikasan. Talagang di-nagbabago ang mga batas ng kalikasan anupat naniniwala ako na inilagay ang mga ito ng isang Organisador, isang Maylalang.
Kung napakaliwanag na ng konklusyong ito, bakit marami pa ring siyentipiko ang naniniwala sa ebolusyon? Hindi kaya mayroon nang konklusyon ang mga ebolusyonista bago pa man nila siyasatin ang kanilang ebidensiya? Hindi na ito bago sa mga siyentipiko. Pero gaano man kapani-paniwala ang isang obserbasyon, hindi pa rin ito garantiya na magiging tama ang konklusyon. Halimbawa, baka igiit ng isang taong nagsasaliksik sa laser physics na ang liwanag ay isang alon, na gaya ng alon ng tunog, sapagkat madalas na parang alon kung gumalaw ang liwanag. Pero hindi pa kumpleto ang kaniyang konklusyon sapagkat ipinahihiwatig din ng ebidensiya na ang liwanag ay gumagalaw bilang isang grupo ng partikula, na kilala bilang mga photon. Sa katulad na paraan, isang bahagi lamang ng ebidensiya ang pinagbabatayan ng konklusyon ng mga taong naggigiit na totoo ang ebolusyon, at hinahayaan nilang maimpluwensiyahan ng kanilang patiunang mga konklusyon ang pagtingin nila sa ebidensiya.
Nagugulat ako kapag may tumatanggap sa teoriya ng ebolusyon bilang katotohanan gayong ang ebolusyonistang “mga eksperto” mismo ay nagtatalu-talo kung paano ito diumano nangyari. Halimbawa, iisipin mo bang totoo ang aritmetika kung may mga ekspertong nagsasabi na ang kabuuan ng pinagsamang 2 at 2 ay 4, samantalang sinasabi naman ng ibang eksperto na ang kabuuan nito ay 3 o marahil ay 6? Kung ang papel ng siyensiya ay tumanggap lamang ng mga bagay na mapatutunayan, masusubukan, at magagawang muli, ang teoriya na iisa lamang ang ninuno ng lahat ng buhay ay hindi totoo ayon sa siyensiya.
“Hindi Maaaring Umiral ang Isang Bagay Mula sa Wala”
◼ KENNETH LLOYD TANAKA
IMPORMASYON: Ako ay isang heologo at nagtatrabaho ngayon sa U.S. Geological Survey sa Flagstaff, Arizona. Halos tatlong dekada na akong kasama sa pananaliksik sa iba’t ibang larangan ng heolohiya, lakip na ang heolohiya ng mga planeta. Marami sa aking sinaliksik na mga artikulo at mapa ng heolohiya ng Mars ang nailathala sa mga kinikilalang babasahin sa siyensiya. Bilang Saksi ni Jehova, gumugugol ako ng mga 70 oras buwan-buwan sa pagpapalaganap ng pagbabasa ng Bibliya.
Tinuruan akong maniwala sa ebolusyon, pero hindi ako makapaniwala na ang pagkalakas-lakas na enerhiya na kinailangan para magawa ang uniberso ay nabuo nang walang tulong ng makapangyarihang Maylalang. Hindi maaaring umiral ang isang bagay mula sa wala. Nakita ko ang isa pang matibay na argumento mula mismo sa Bibliya na nagpapatunay na mayroon ngang Maylalang. Ang aklat na ito ay naglalaman ng maraming halimbawa ng mga katotohanan sa siyensiya kung saan doon ako eksperto, tulad ng ang lupa ay pabilog at nakabitin “sa wala.” (Job 26:7; Isaias 40:22) Matagal nang naisulat ang mga katotohanang ito sa Bibliya bago pa ito mapatunayan ng pagsisiyasat ng tao.
Isip-isipin na lamang ang paraan ng pagkakagawa sa atin. Mayroon tayong mga pandamdam, kabatiran sa sarili, matalinong pag-iisip, kakayahang makipag-usap, at damdamin. Sa partikular, nadarama, napahahalagahan, at naipahahayag natin ang pag-ibig. Hindi maipaliwanag ng ebolusyon kung paano umiral ang kamangha-manghang mga katangiang ito ng tao.
Itanong mo sa iyong sarili, ‘Matibay at maaasahan ba ang pinagmumulan ng impormasyong ginagamit upang sumuporta sa ebolusyon?’ Ang rekord ng heolohiya ay kulang, komplikado, at nakalilito. Hindi maipakita ng mga ebolusyonista gamit ang siyentipikong mga pamamaraan sa laboratoryo ang diumanong mga proseso ng ebolusyon. At bagaman ang mga siyentipiko sa pangkalahatan ay gumagamit ng maaasahang mga teknik sa pananaliksik para makakuha ng datos, kadalasang naiimpluwensiyahan sila ng makasariling mga motibo sa pagbibigay ng kahulugan sa kanilang mga tuklas. Kilala ang mga siyentipiko sa paggigiit ng kanilang sariling kaisipan kapag ang datos ay hindi malinaw o nagkakasalungatan. May mahalagang papel din dito ang kanilang karera at ang tingin nila sa kanilang sarili.
Bilang siyentipiko at estudyante ng Bibliya, hinahanap ko ang buong katotohanan, na kaayon ng mga obserbasyon at ng lahat ng katotohanang nalalaman na upang makuha ang pinakatumpak na pagkaunawa. Para sa akin, ang paniniwala sa Maylalang ang pinakamakatuwiran sa lahat.
“Ang Kitang-kitang Disenyo sa Selula”
◼ PAULA KINCHELOE
IMPORMASYON: Maraming taon na akong mananaliksik sa larangan ng biyolohiya ng selula at molekula at ng mikrobiyolohiya. Nagtatrabaho ako ngayon sa Emory University, sa Atlanta, Georgia, E.U.A. Nagboboluntaryo rin ako bilang guro ng Bibliya sa komunidad na nagsasalita ng wikang Ruso.
Bilang bahagi ng edukasyon ko sa biyolohiya, apat na taon akong nagbuhos ng pansin sa selula lamang at sa mga sangkap nito. Habang dumarami ang aking natututuhan tungkol sa DNA, RNA, protina, at mga metabolic pathway, lalo akong namamangha sa pagiging masalimuot, organisado, at tumpak ng mga ito. At bagaman napahanga ako sa dami ng natututuhan ng tao tungkol sa selula, mas napahahanga ako sa dami ng maaari pang matutuhan. Ang kitang-kitang disenyo sa selula ang isang dahilan kung bakit naniniwala ako sa Diyos.
Natuklasan ko sa aking pag-aaral ng Bibliya kung sino ang Maylalang—ang Diyos na Jehova. Kumbinsido ako na hindi lamang siya matalinong Disenyador, kundi isang mabait at maibiging Ama rin naman na nagmamalasakit sa akin. Ipinaliliwanag ng Bibliya ang layunin ng buhay at nagbibigay ito ng pag-asang magkaroon ng maligayang kinabukasan.
Baka hindi makapagpasiya ang mga kabataang tinuturuan ng ebolusyon sa paaralan kung ano ang kanilang paniniwalaan. Maaaring nalilito na sila. Kung naniniwala sila sa Diyos, isa itong pagsubok sa kanilang pananampalataya. Pero mahaharap nila ang pagsubok na ito kung susuriin nila ang napakaraming kamangha-manghang bagay sa kalikasan na nakapalibot sa atin at kung patuloy silang lalago sa kaalaman tungkol sa Maylalang at sa kaniyang mga katangian. Nagawa ko ito mismo at ang naging konklusyon ko ay na tumpak ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang at hindi ito salungat sa tunay na siyensiya.
“Ang Pagiging Elegante ng Simpleng mga Batas”
◼ ENRIQUE HERNÁNDEZ-LEMUS
IMPORMASYON: Ako ay isang buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Isa rin akong theoretical physicist na nagtatrabaho sa National University of Mexico. Ang trabaho ko ngayon ay hanapin ang posibleng paliwanag mula sa thermodynamics kung bakit nagaganap ang mga penomenong tinatawag na gravothermal catastrophe, mekanismo sa paglaki ng bituin. Nagtrabaho rin ako may kinalaman sa kasalimuutan ng mga DNA sequence.
Napakasalimuot ng buhay para sabihing nagkataon lamang ang pag-iral nito. Halimbawa, pansinin kung gaano karami ang impormasyong nasa molekula ng DNA. Ang matematikal na probabilidad na makagawa ng isang kromosom nang di-sinasadya ay wala pang 1 sa 9 na trilyon, napakaliit nga anupat imposible nang mangyari. Para sa akin, isang kahangalan na maniwalang makabubuo ang mga puwersang walang talino hindi lamang ng isang kromosom kundi ng lahat ng kasalimuutang nasa mga nilalang na may buhay.
Bukod dito, kapag pinag-aaralan ko ang napakasalimuot na paggalaw ng materya, mula sa pagkaliit-liit na anyo hanggang sa paggalaw ng gahiganteng mga ulap sa kalawakan, hangang-hanga ako sa pagiging elegante ng simpleng mga batas na gumagabay sa kanilang paggalaw. Para sa akin, ang mga batas na ito ay hindi basta akda lamang ng Dalubhasang Matematiko—parang lagda ito ng isang Napakagaling na Dalubsining.
Kadalasang nagugulat ang mga tao kapag sinasabi ko sa kanila na isa akong Saksi ni Jehova. Kung minsan, tinatanong nila ako kung paano ko nagawang maniwala sa Diyos. Mauunawaan naman ang kanilang reaksiyon, yamang ang karamihan sa mga relihiyon ay hindi humihikayat sa kanilang miyembro na humiling ng katibayan para sa itinuturo sa kanila ni hinihimok man silang magsaliksik tungkol sa kanilang paniniwala. Gayunman, pinasisigla tayo ng Bibliya na gamitin ang ating “kakayahang mag-isip.” (Kawikaan 3:21) Dahil sa lahat ng ebidensiya sa kalikasan na nagpapakitang may matalino itong disenyo, pati na ang ebidensiya mula sa Bibliya, kumbinsido ako na hindi lamang umiiral ang Diyos kundi interesado rin siya sa ating mga panalangin.
[Talababa]
a Ang pananaw ng mga eksperto sa artikulong ito ay hindi nangangahulugang pananaw rin ng pinagtatrabahuhan nila.
[Picture Credit Line sa pahina 22]
Mars in background: Courtesy USGS Astrogeology Research Program, http://astrogeology.usgs.gov
-
-
Kamangha-manghang Disenyo ng mga HalamanGumising!—2006 | Setyembre
-
-
Kamangha-manghang Disenyo ng mga Halaman
NAPANSIN mo ba na paikot ang pagtubo ng maraming halaman? Halimbawa, ang pinya ay maaaring may 8 paikid na matang patungo sa isang direksiyon at 5 o 13 ikid naman patungo sa kabilang direksiyon. (Tingnan ang larawan 1.) Kung titingnan mo ang buto ng mirasol (sunflower), makikita mo ang patung-patong na 55 at 89 na ikid o baka mas marami pa. Baka may makita ka ring mga ikid sa cauliflower. Kapag napapansin mo na ang mga ikid, baka mas matuwa kang pumunta sa tindahan ng prutas at gulay. Bakit kaya ganito tumubo ang mga halaman? May kahulugan ba ang dami ng ikid nito?
Paano Tumutubo ang mga Halaman?
Ang mga bahagi ng karamihan sa mga halaman, tulad ng tangkay, dahon, at bulaklak, ay tumutubo mula sa isang maliit na sentro na tinatawag na meristem. Ang bawat bagong bahagi, na tinatawag na primordium, ay tumutubo at lumalaki mula sa sentro patungo sa bagong direksiyon, anupat nakaanggulo sa bahaging nakatubo na.a (Tingnan ang larawan 2.) Ang sumisibol pa lamang na mga bahagi ng karamihan sa mga halaman ay tumutubo nang paikid sa isang pambihirang anggulo. Anong anggulo iyon?
Narito ang isang palaisipan: Ipagpalagay mong gumagawa ka ng isang halaman na ang tumutubong mga bahagi ay nakaayos nang siksik at walang nasasayang na espasyo sa palibot ng pinagtutubuan nito. Halimbawa, pinatutubo mo ang bawat bagong primordium sa anggulong dalawang kalima ng isang buong ikot mula sa nakatubo nang bahagi. Magiging problema mo ang pagtubo ng bawat ikalimang primordium sa lugar at direksiyon ding iyon. Maghihile-hilera ang mga ito at magkakaroon ng sayang na espasyo sa pagitan ng mga hilera. (Tingnan ang larawan 3.) Ang totoo, anumang simpleng praksiyon ng ikot ay bubuo lamang ng mga hilera sa halip na masiksik ang lahat ng espasyo. Tanging ang tinatawag na “ginintuang anggulo” lamang na humigit-kumulang 137.5 digri ang eksaktong tumutubo nang masinsin. (Tingnan ang larawan 5.) Bakit napakaespesyal ng anggulong ito?
Pambihira ang ginintuang anggulo sapagkat hindi ito maisusulat bilang simpleng praksiyon ng ikot. Malapit dito ang praksiyon na 5/8, mas malapit ang 8/13, at mas malapit pa ang 13/21, pero walang praksiyon na eksaktong kumakatawan sa ginintuang proporsiyon ng isang ikot. Kaya kapag may tumubong bagong bahagi sa meristem sa eksaktong anggulong ito mula sa nakatubo nang bahagi, walang dalawang bahagi ang tutubo kailanman sa magkaparehong direksiyon. (Tingnan ang larawan 4.) Ito ang dahilan kung kaya ang mga primordium ay tumutubo nang paikid sa halip na palayo mula sa sentro nito.
Kapansin-pansin na kapag ginaya sa computer ang pagtubo ng primordium mula sa isang sentro, magkakaroon lamang ng mga ikid kung ang anggulo ng pagtubo ay eksakto sa ginintuang anggulo. Mabawasan lamang ang ginintuang anggulo nang ikasampung bahagi ng isang digri, hindi na makabubuo ng ikid.—Tingnan ang larawan 5.
Gaano Karami ang Talulot sa Isang Bulaklak?
Kapansin-pansin na ang dami ng ikid na nabubuo sa ginintuang anggulo ay kadalasang isang numero na matatagpuan sa seryeng tinatawag na Fibonacci sequence. Ang seryeng ito ay unang ipinaliwanag ng Italyanong matematiko na si Leonardo Fibonacci noong ika-13 siglo. Sa seryeng ito, ang bawat numero pagkatapos ng 1 ay katumbas ng pinagsamang bilang ng dalawang naunang numero—1, 1, 2, 3, 5, 8, 13, 21, 34, 55, at patuloy.
Ang mga bulaklak ng maraming halaman na paikid ang pagtubo ay kadalasang may mga talulot na tumutugma sa bilang ng Fibonacci sequence. Ayon sa ilang nagmamasid, waring ang mga buttercup ay laging may 5 talulot, ang bloodroot 8, ang fireweed 13, ang aster 21, ang karaniwang daisy sa parang 34, at ang Michaelmas daisy 55 o 89. (Tingnan ang larawan 6.) Kadalasang may mga disenyo rin ang mga prutas at gulay na tugma sa bilang ng Fibonacci sequence. Halimbawa, kapag hiniwa nang pahalang ang saging, may disenyo ito na lima ang gilid.
“Ang Lahat ng Bagay ay Ginawa Niyang Maganda”
Matagal nang naniniwala ang mga dalubsining na ang ginintuang proporsiyon ang disenyong pinakamaganda sa ating paningin. Paano kaya nagagawa ng mga halaman na eksaktong tumubo sa nakamamanghang anggulong ito? Ang konklusyon ng maraming tao ay sapagkat isa lamang itong halimbawa ng matalinong disenyo sa mga bagay na may buhay.
Sa pagbubulay-bulay sa disenyo ng mga bagay na may buhay at sa ating kakayahang masiyahan sa mga ito, naaaninag ng marami ang kamay ng Maylalang na ang gusto ay maligayahan tayo sa buhay. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating Maylalang: “Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan nito.”—Eclesiastes 3:11.
[Talababa]
a Ang nakapagtataka, kakaiba naman ang mirasol dahil ang maliliit na bulaklak (floret) na nagiging mga buto ay nagsisimulang umikid mula sa gilid sa halip na sa gitna.
[Mga Dayagram sa pahina 24, 25]
Larawan 1
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 2
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 3
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 4
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 5
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 6
(Tingnan ang publikasyon)
[Larawan sa pahina 24]
Malapitang kuha ng “meristem”
[Credit Line]
R. Rutishauser, University of Zurich, Switzerland
[Picture Credit Line sa pahina 25]
White flower: Thomas G. Barnes @ USDA-NRCS PLANTS Database
-
-
Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Mahalaga ba Kung Ano ang Pinaniniwalaan Mo?
SA PALAGAY mo, may layunin kaya ang buhay? Kung totoo ang ebolusyon, magiging makatuwiran ang siniping pangungusap sa babasahing Scientific American: “Ipinahihiwatig ng ating makabagong-panahong pagkaunawa sa ebolusyon . . . na walang layunin ang buhay.”
Pag-isipan ang ibig sabihin ng mga salitang ito. Kung walang layunin ang buhay, wala kang magiging tunguhin sa buhay kundi gumawa ng kaunting kabutihan at, marahil, magpamana ng iyong henetikong mga katangian sa susunod na henerasyon. Kapag namatay ka, hindi ka na iiral kailanman. Resulta lamang ng aksidente sa kalikasan ang iyong utak, na may kakayahang mag-isip, mangatuwiran, at magbulay-bulay sa layunin ng buhay.
Hindi lamang iyan. Iginigiit ng maraming naniniwala sa ebolusyon na hindi raw umiiral ang Diyos o na hindi siya makikialam sa mga gawain ng tao. Alinman dito, ang ating kinabukasan ay magiging nasa kamay ng mga lider sa pulitika, akademya, at relihiyon. Ayon sa nakalipas na rekord, magpapatuloy ang kaguluhan, alitan, at katiwalian na sumisira sa lipunan ng tao. Kung totoo nga ang ebolusyon, magkakaroon na ng dahilan para mabuhay ang isa ayon sa kasabihan: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas ay mamamatay tayo.”—1 Corinto 15:32.
Makatitiyak ka sa isang bagay. Hindi sang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa mga pangungusap sa itaas. At hindi rin sang-ayon ang mga Saksi sa basehan ng mga pangungusap na iyon—ang ebolusyon. Sa kabaligtaran, naniniwala ang mga Saksi na totoo ang Bibliya. (Juan 17:17) Kaya naniniwala sila sa sinasabi nito kung paano tayo umiral: “Nasa iyo [Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Napakahalaga ng ibig sabihin ng mga salitang ito.
Makabuluhan ang buhay. May maibiging layunin ang ating Maylalang para sa lahat ng nagpapasiyang mamuhay ayon sa kaniyang kalooban. (Eclesiastes 12:13) Kalakip sa layuning ito ang pangakong buhay sa isang daigdig na wala nang kaguluhan, alitan, at katiwalian—wala pati kamatayan. (Isaias 2:4; 25:6-8) Mapatutunayan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova sa buong daigdig na kapag nakilala ng isa ang Diyos at ginawa ang Kaniyang kalooban, ang buhay ay magkakaroon ng kabuluhan na hindi maibibigay ninuman!—Juan 17:3.
Mahalaga talaga kung ano ang pinaniniwalaan mo, sapagkat makaaapekto ito hindi lamang sa kaligayahan mo ngayon kundi sa iyong buhay sa hinaharap. Nasa iyo ang pasiya. Paniniwalaan mo ba ang isang teoriya gayong hindi nito maipaliwanag kung bakit may disenyo sa kalikasan? O tatanggapin mo ba ang sinasabi ng Bibliya, na ang lupa at ang mga nabubuhay roon ay resulta ng napakagaling na Disenyador—si Jehova, ang Diyos na siyang ‘lumalang sa lahat ng bagay’?—Apocalipsis 4:11.
-
-
Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Ang Pangmalas ng Bibliya
Salungat ba sa Siyensiya ang Ulat ng Genesis?
SINASABI ng maraming tao na pinasisinungalingan ng siyensiya ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang. Pero ang talagang nagkakasalungatan ay hindi siyensiya at Bibliya, kundi siyensiya at opinyon ng tinatawag na mga Kristiyanong Pundamentalista. Ang ilan sa mga grupong ito ay nagkakamali sa pagsasabing ayon sa Bibliya, ang paglalang ng lahat ng pisikal na bagay ay naganap sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras mga 10,000 taon na ang nakalilipas.
Gayunman, ang konklusyong ito ay hindi sinusuportahan ng Bibliya. Kung sinusuportahan ito, pinag-alinlanganan na sana ang Bibliya dahil sa maraming bagay na natuklasan sa siyensiya nitong nakalipas na mga dantaon. Kapag sinuring mabuti ang nakasulat sa Bibliya, wala ritong makikitang salungat sa mga katotohanang napatunayan na ng siyensiya. Dahil dito, hindi sang-ayon ang mga Saksi ni Jehova sa mga “Kristiyanong” Pundamentalista at sa maraming creationist. Ipinakikita ng sumusunod kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.
Kailan ba ang “Pasimula”?
Simple ngunit mapuwersa ang pambungad na pangungusap ng Genesis: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Sang-ayon ang mga iskolar sa Bibliya na ang binabanggit na pangyayari sa talatang ito ay iba kaysa sa mga araw ng paglalang na binabanggit mula sa talata 3 patuloy. Napakahalaga ng kahulugan nito. Ayon sa pambungad na pangungusap ng Bibliya, ang uniberso, pati na ang ating planetang Lupa, ay umiiral na nang napakatagal na panahon bago pa magsimula ang mga araw ng paglalang.
Ayon sa tantiya ng mga heologo, ang lupa ay mga 4 na bilyong taon na, at ayon sa kalkulasyon ng mga astronomo, ang uniberso ay maaaring 15 bilyong taon na. Ang mga natuklasan bang ito—o ang posibleng mga pagbabago nito sa hinaharap—ay salungat sa Genesis 1:1? Hindi. Hindi espesipikong binabanggit ng Bibliya kung gaano na talaga katagal “ang langit at ang lupa.” Hindi pinasisinungalingan ng siyensiya ang nakasulat sa Bibliya.
Gaano Katagal ang mga Araw ng Paglalang?
Kumusta naman ang haba ng mga araw ng paglalang? Literal bang 24 na oras ang mga ito? Sinasabi ng ilan na yamang ang araw na kasunod ng anim na araw ng paglalang ay ginamit ni Moises—manunulat ng Genesis—bilang parisan ng lingguhang Sabbath, ang haba ng bawat araw ng paglalang ay literal na 24 na oras. (Exodo 20:11) Sinusuportahan ba ng mga salita sa Genesis ang konklusyong ito?
Hindi. Ang totoo, ang salitang Hebreo na isinaling “araw” ay maaaring mangahulugan ng iba’t ibang haba ng panahon, hindi lamang 24 na oras. Halimbawa, nang ibuod ni Moises ang paglalang ng Diyos, tinukoy niya ang buong anim na araw ng paglalang bilang isang araw. (Genesis 2:4) Bukod dito, sa unang araw ng paglalang, “pinasimulan ng Diyos na tawaging Araw ang liwanag, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Genesis 1:5) Dito, isang bahagi lamang ng 24 na oras ang tinukoy bilang “araw.” Talagang walang basehan sa Kasulatan para basta na lamang sabihing 24 na oras ang bawat araw ng paglalang.
Kung gayon, gaano kahaba ang mga araw ng paglalang? Ipinahihiwatig ng mga salita sa Genesis kabanata 1 at 2 na mahahabang yugto ng panahon ang nasasangkot.
Unti-unting Lumitaw ang mga Nilalang
Isinulat ni Moises ang kaniyang ulat sa wikang Hebreo at isinulat niya ito ayon sa natatanaw ng isang taong nakatayo sa ibabaw ng lupa. Dahil sa dalawang bagay na ito, pati na ang pagkaalam na umiiral na ang uniberso bago pa magsimula ang mga yugto o mga “araw” ng paglalang, nabawasan ang kontrobersiya tungkol sa ulat ng paglalang. Paano?
Mula sa maingat na pagsusuri sa ulat ng Genesis, makikita na ang mga pangyayaring nagsimula sa isang “araw” ay nagpatuloy pa rin hanggang sa sumunod na araw o mga araw. Halimbawa, bago magsimula ang unang “araw” ng paglalang, hindi pa makatagos sa ibabaw ng lupa ang liwanag mula sa araw na umiiral na noon, malamang na dahil sa makapal na ulap. (Job 38:9) Nahawi ang takip na ito sa unang “araw,” anupat nakatagos ang liwanag sa atmospera.a
Sa ikalawang “araw,” paaliwalas pa rin nang paaliwalas ang atmospera, anupat nagkaroon ng puwang sa pagitan ng makapal na ulap sa itaas at sa karagatan sa ibaba. Sa ikaapat na “araw,” umaliwalas na nang husto ang atmospera anupat lumitaw na ang araw at buwan “sa kalawakan ng langit.” (Genesis 1:14-16) Sa ibang salita, mula sa natatanaw ng isang taong nasa lupa, naaaninag na ang araw at buwan. Unti-unting naganap ang mga bagay na ito.
Sinasabi rin sa ulat ng Genesis na habang umaaliwalas ang atmospera, nagsimulang lumitaw sa ikalimang “araw” ang mga lumilipad na nilalang—pati na ang mga insekto at mga nilalang na may lamad sa pakpak. Pero ipinahihiwatig ng Bibliya na sa ikaanim na “araw,” patuloy pa ring ‘inaanyuan ng Diyos mula sa lupa ang bawat mailap na hayop sa parang at bawat lumilipad na nilalang sa langit.’—Genesis 2:19.
Maliwanag na mula sa pananalita ng Bibliya, may posibilidad na ang mahahalagang pangyayari sa bawat “araw,” o yugto ng paglalang ay unti-unting naganap sa halip na biglaan, marahil ang ilan pa nga ay umabot hanggang sa sumunod na mga “araw” ng paglalang.
Ayon sa Kani-kanilang Uri
Yamang unti-unting lumitaw ang mga halaman at hayop, nangangahulugan ba ito na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para magkaroon ng sari-saring mga bagay na may buhay? Hindi. Maliwanag na sinasabi ng ulat na nilalang ng Diyos ang lahat ng pangunahing “uri” ng halaman at hayop. (Genesis 1:11, 12, 20-25) Nakaprograma ba sa orihinal na mga ‘uring’ ito ng mga halaman at hayop ang kakayahang umangkop sa nagbabagong mga kalagayan sa kapaligiran? Ano ang hangganan ng isang “uri”? Hindi ito binabanggit ng Bibliya. Gayunman, sinasabi nito na ang mga nilalang na buháy ay ‘bumukal ayon sa kani-kanilang uri.’ (Genesis 1:21) Ipinahihiwatig ng pangungusap na ito na may hangganan kung gaano karaming pagbabago lamang ang maaaring mangyari sa isang “uri.” Pinatutunayan ng mga fosil at ng modernong pananaliksik na halos hindi nabago ang saligang mga kategorya ng halaman at hayop sa loob ng mahahabang yugto ng panahon.
Salungat sa pag-aangkin ng ilang Pundamentalista, hindi itinuturo ng Genesis na ang uniberso, pati na ang lupa at ang lahat ng nilalang na nabubuhay roon, ay nilalang sa maikling yugto ng panahon nitong kamakailan lamang. Sa halip, ang ulat ng Genesis tungkol sa paglalang ng uniberso at sa pag-iral ng buhay sa lupa ay kaayon ng maraming kamakailang tuklas sa siyensiya.
Dahil sa kanilang pilosopikal na mga paniniwala, maraming siyentipiko ang hindi naniniwala sa sinasabi ng Bibliya na Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay. Gayunman, kapansin-pansin na sa sinaunang aklat ng Bibliya na Genesis, isinulat ni Moises na may simula ang uniberso at unti-unting umiral ang buhay sa paglipas ng mga yugto ng panahon. Paano nalaman ni Moises ang gayon katumpak na impormasyon sa siyensiya mga 3,500 taon na ang nakalilipas? May isang makatuwirang paliwanag. Ang Isa na may kapangyarihan at karunungan na lalangin ang langit at lupa ang tiyak na makapagbibigay kay Moises ng gayon katumpak na kaalaman sa siyensiya. Katibayan ito ng sinasabi ng Bibliya na ito ay “kinasihan ng Diyos.”—2 Timoteo 3:16.
[Talababa]
a Sa pagbanggit kung ano ang nangyari sa unang “araw,” ang ginamit na salitang Hebreo para sa liwanag ay ʼohr, liwanag sa pangkalahatang diwa; ngunit sa ikaapat na “araw,” ang ginamit na salita ay ma·ʼohrʹ, na tumutukoy naman sa pinagmumulan ng liwanag.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Gaano na katagal mula nang lalangin ng Diyos ang uniberso?—Genesis 1:1.
◼ Nilalang ba ang lupa sa loob lamang ng anim na araw na may tig-24 na oras?—Genesis 2:4.
◼ Paano naging tumpak ayon sa siyensiya ang mga isinulat ni Moises tungkol sa pasimula ng lupa?—2 Timoteo 3:16.
[Blurb sa pahina 19]
Hindi itinuturo ng Genesis na ang uniberso ay nilalang sa maikling yugto ng panahon nitong kamakailan lamang
[Blurb sa pahina 20]
“Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.”—Genesis 1:1
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Universe: IAC/RGO/David Malin Images
[Picture Credit Line sa pahina 20]
NASA photo
-
-
Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Paglalang?Gumising!—2006 | Setyembre
-
-
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Paniniwala sa Paglalang?
“Nang talakayin ang ebolusyon sa klase, ibang-iba iyon sa lahat ng itinuro sa akin. Iniharap ito bilang isang bagay na totoo, kaya hindi ako nakakibo.”—Ryan, 18.
“Noong mga 12 anyos ako, masugid na ebolusyonista ang aking guro. May simbolo pa nga ni Darwin ang kaniyang kotse! Nagdalawang-isip tuloy akong sabihin ang aking paniniwala sa paglalang.”—Tyler, 19.
“Kabang-kaba ako nang sabihin ng guro ko sa araling panlipunan na ebolusyon ang susunod naming leksiyon. Alam kong kakailanganin kong ipaliwanag sa klase ang aking paninindigan sa kontrobersiyal na isyung ito.”—Raquel, 14.
TULAD nina Ryan, Tyler, at Raquel, baka kinakabahan ka rin kapag pinag-uusapan sa klase ang paksang ebolusyon. Naniniwala kang “nilalang [ng Diyos] ang lahat ng bagay.” (Apocalipsis 4:11) Nakikita mo sa iyong paligid ang ebidensiya ng matalinong disenyo. Pero sinasabi ng mga aklat-aralin pati na ng iyong guro na tayo ay bunga ng ebolusyon. Sino ka ba naman para makipagkatuwiranan sa mga “eksperto”? At ano kaya ang magiging reaksiyon ng mga kaklase mo kapag nagsalita ka tungkol sa . . . Diyos?
Kung nag-aalala ka sa mga tanong na tulad nito, relaks ka lang! Hindi lamang ikaw ang naniniwala sa paglalang. Ang totoo, may mga siyentipikong hindi naniniwala sa teoriya ng ebolusyon. At mayroon ding mga guro. Sa Estados Unidos, mga 4 sa 5 estudyante ang naniniwala sa Maylalang—sa kabila ng sinasabi ng mga aklat-aralin!
Subalit baka itanong mo, “Ano ang sasabihin ko kapag kinailangan kong ipagtanggol ang aking paniniwala sa paglalang?” Lakasan mo ang iyong loob sapagkat bagaman mahiyain ka, kaya mo pa ring manindigan. Pero kailangan ng paghahanda.
Suriin ang Iyong Paniniwala!
Kung pinalaki ka ng Kristiyanong mga magulang, baka naniniwala ka lamang sa paglalang dahil iyon ang itinuro sa iyo. Pero ngayong malaki ka na, gusto mong sambahin ang Diyos gamit ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran,” at magkaroon ng matibay na pundasyon para sa iyong paniniwala. (Roma 12:1) Pinasigla ni Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo na “tiyakin . . . ang lahat ng bagay.” (1 Tesalonica 5:21) Paano mo ito magagawa may kinalaman sa paglalang?
Una, pag-isipan ang isinulat ni Pablo tungkol sa Diyos: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.” (Roma 1:20) Habang iniisip mo ang mga salitang ito, tingnan mong mabuti ang katawan ng tao, ang lupa, ang malawak na uniberso, ang kalaliman ng dagat. Suriin mo ang kamangha-manghang daigdig ng mga insekto, mga halaman, at mga hayop—anumang larangan na interesado ka. Pagkatapos, gamit ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran,” itanong sa iyong sarili, ‘Ano ang nakakumbinsi sa akin na mayroon ngang Maylalang?’
Para masagot ang tanong na iyan, tiningnan ng 14-anyos na si Sam ang katawan ng tao. “Napakaraming detalye at napakasalimuot nito,” ang sabi niya, “at ang lahat ng bahagi nito ay magkakaugnay na gumagana. Hindi maaaring bunga lamang ng ebolusyon ang katawan ng tao!” Sang-ayon dito si Holly, 16 anyos. “Mula nang masuring may diyabetis ako,” ang sabi niya, “marami akong natutuhan tungkol sa paraan ng paggana ng katawan. Halimbawa, kamangha-mangha ang napakalaking trabahong ginagawa ng lapay—isang maliit na sangkap na nakatago sa likod ng tiyan—para paganahin ang dugo at ang iba pang sangkap ng katawan.”
Ibang anggulo naman ang nakikita ng ilang kabataan. “Para sa akin,” ang sabi ng 19-anyos na si Jared, “ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang pagkakaroon natin ng espirituwalidad, at ang ating kakayahang humanga sa kagandahan at ang ating pagnanais na matuto. Hindi kailangan ang mga katangiang ito para mabuhay, gaya ng sinasabi sa atin ng ebolusyon. Ang tanging makatuwirang paliwanag para sa akin ay na may naglagay sa atin dito na nagnanais na masiyahan tayo sa buhay.” Ganito rin ang naging konklusyon ni Tyler na binanggit kanina. “Kapag naiisip ko ang papel ng mga halaman sa pagpapanatili ng buhay at ang di-malirip na kasalimuutan ng mga bahagi nito, kumbinsido ako na mayroon ngang Maylalang.”
Mas madaling ipaliwanag ang paglalang kung napag-isipan mo na itong mabuti at kung talagang kumbinsido ka rito. Kung gayon, tulad nina Sam, Holly, Jared, at Tyler, maglaan ka ng panahon para pag-isipan ang mga kamangha-manghang gawa ng Diyos. Saka mo “pakinggan” ang “sinasabi” ng mga ito sa iyo. Ang konklusyon mo ay walang-alinlangang magiging kapareho ng kay apostol Pablo—na “napag-uunawa . . . sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa” hindi lamang ang pag-iral ng Diyos kundi pati ang kaniyang mga katangian.a
Alamin Kung Ano Talaga ang Itinuturo ng Bibliya
Bukod pa sa pagmamasid sa mga bagay na ginawa ng Diyos, kailangan mo ring alamin kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya nang sa gayon ay maipagtanggol mo ang paglalang. Hindi na kailangan pang pagtalunan ang mga bagay na hindi tuwirang binabanggit ng Bibliya. Pansinin ang ilang halimbawa.
◼ Sinasabi ng aklat-aralin ko sa siyensiya na bilyun-bilyong taon nang umiiral ang lupa at ang sistema solar. Walang sinasabi ang Bibliya kung gaano katagal na ang lupa o ang sistema solar. Ang sinasabi nito ay kaayon ng ideya na ang uniberso ay bilyun-bilyong taon nang umiiral bago pa magsimula ang unang “araw” ng paglalang.—Genesis 1:1, 2.
◼ Sinasabi ng guro ko na imposibleng nilalang ang lupa sa loob lamang ng anim na araw. Hindi sinasabi ng Bibliya na ang bawat isa sa anim na “araw” ng paglalang ay literal na 24 na oras. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 18-20 ng magasing ito.
◼ Tinalakay sa klase namin ang maraming halimbawa kung paano nagbago ang mga hayop at mga tao sa paglipas ng panahon. Sinasabi ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang mga bagay na may buhay “ayon sa kani-kanilang uri.” (Genesis 1:20, 21) Hindi nito sinusuhayan ang ideya na nagmula ang buhay sa mga bagay na walang buhay ni sinasabi man nito na sinimulan ng Diyos ang proseso ng ebolusyon sa pamamagitan ng isang selula. Gayunman, ang bawat “uri” ay may potensiyal na maging sari-sari. Kaya posible naman ayon sa sinasabi ng Bibliya ang ideya na magkaroon ng mga pagbabago sa bawat “uri.”
Manalig Ka sa Iyong Paniniwala!
Walang dahilan para mailang o mahiya ka dahil naniniwala ka sa paglalang. Kapag tinimbang ang ebidensiya, talagang makatuwiran—kaayon pa nga ng siyensiya—na maniwalang tayo ay bunga ng matalinong disenyo. Sa bandang huli, ang ebolusyon—hindi ang paglalang—ang nangangailangan ng matibay na paniniwala kahit walang lohikal na katibayan at ng paniniwala sa mga himala kahit walang tagapaghimala. Sa katunayan, kapag binasa mo ang ibang artikulo sa isyung ito ng Gumising!, walang-alinlangang makukumbinsi ka na may ebidensiya ang paglalang. At kapag napag-isipan mo itong mabuti gamit ang iyong kakayahan ng pangangatuwiran, mas lalakas ang loob mong ipagtanggol sa klase ang iyong paniniwala.
Iyan ang natuklasan ni Raquel na binanggit kanina. “Lumipas pa ang ilang araw bago ko napag-isip-isip na hindi ko pala dapat sarilinin ang aking mga paniniwala,” ang sabi niya. “Binigyan ko ang aking guro ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? na ang ilang bahagi ay minarkahan ko para mapansin niya. Nang maglaon, sinabi niya sa akin na nabago ang tingin niya sa ebolusyon at na sa hinaharap, isasaalang-alang niya ang impormasyong ito habang itinuturo ang paksang ito!”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Talababa]
a Maraming kabataan ang nakinabang nang repasuhin ang impormasyong nasa mga publikasyong tulad ng Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? at Is There a Creator Who Cares About You? Ang dalawang aklat na ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
PAG-ISIPAN ITO
◼ Ano ang ilang paraan para madali mong maipaliwanag sa paaralan ang iyong paniniwala sa paglalang?
◼ Paano mo maipakikita ang iyong pasasalamat sa Isa na lumalang ng lahat ng bagay?—Gawa 17:26, 27.
[Kahon sa pahina 27]
“NAPAKARAMING EBIDENSIYA”
“Ano ang sasabihin mo sa isang kabataan na pinalaking naniniwala sa Maylalang ngunit tinuturuan ng ebolusyon sa paaralan?” Ito ang itinanong sa isang microbiologist na Saksi ni Jehova. Ang sagot niya? “Dapat mong ituring na isang pagkakataon ito para patunayan sa iyong sarili na umiiral nga ang Diyos—hindi lamang dahil ito ang itinuro sa iyo ng iyong mga magulang kundi dahil nasuri mo ang katibayan at ito ang naging konklusyon mo. Kung minsan, kapag hinilingan ang mga guro na ‘patunayan’ ang ebolusyon, hindi nila ito magawa at napag-iisip-isip nila na tinatanggap nila ang teoriya dahil lamang sa ito ang itinuro sa kanila. Baka ganiyan din ang mangyari sa iyo may kinalaman sa iyong paniniwala sa Maylalang. Kaya sulit na patunayan mo sa iyong sarili na talagang umiiral ang Diyos. Napakaraming ebidensiya. Hindi ito mahirap hanapin.”
[Kahon/Larawan sa pahina 28]
ANO ANG NAKAKUMBINSI SA IYO?
Ilista sa ibaba ang tatlong bagay na nakakumbinsi sa iyo na mayroon ngang Maylalang:
1. ․․․․․․․
2. ․․․․․․․
3. ․․․․․․․
-