-
Mga Elder, Handa Ba Kayong Magsanay sa Iba?Ang Bantayan—2015 | Abril 15
-
-
Mga Elder, Handa Ba Kayong Magsanay sa Iba?
“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon.”—ECLES. 3:1.
1, 2. Ano ang napapansin ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa maraming kongregasyon?
SA PAGTATAPOS ng pakikipagpulong ng isang tagapangasiwa ng sirkito sa isang lupon ng matatanda, tumingin siya sa kanila. Damang-dama niya ang pagmamahal sa masisipag na pastol na iyon, na ang ilan ay parang tatay na niya. Pero may ikinababahala siya, kaya tinanong niya sila, “Mga kapatid, may ginagawa na ba kayo para sanayin ang iba na humawak ng mga pananagutan sa kongregasyon?” Naalaala nila na noong huling dalaw niya, tinagubilinan niya silang asikasuhin ang pagsasanay sa iba. Sumagot ang isa sa mga elder, “Ang totoo, konting-konting pa lang.” Tumango lang ang ibang elder.
2 Kung isa kang elder sa kongregasyon, malamang na ganoon din ang isasagot mo. Napapansin ng mga tagapangasiwa ng sirkito na sa maraming kongregasyon, marami pang kailangang gawing pagsasanay sa mga brother—nakababata man o nakatatanda—para tumulong sa pag-aalaga sa kawan. Pero maaaring hindi ito madaling gawin. Bakit?
3. (a) Paano ipinakikita ng Bibliya na mahalagang sanayin ang iba, at bakit dapat maging interesado rito ang lahat? (Tingnan ang talababa.) (b) Bakit nahihirapan ang ilang elder na magsanay ng iba?
3 Bilang isang pastol, tiyak na alam mong mahalaga ang pagsasanay sa iba.a Alam mo na mas maraming brother pa ang kailangan para maalagaan sa espirituwal ang mga kongregasyon at makabuo ng bagong mga kongregasyon. (Basahin ang Isaias 60:22.) Alam mo rin na pinapayuhan ka ng Salita ng Diyos na “magturo . . . sa iba.” (Basahin ang 2 Timoteo 2:2.) Pero gaya ng mga elder na binanggit sa simula, baka nahihirapan ka ring gawin ito. Matapos mong asikasuhin ang pangangailangan ng iyong pamilya, ang iyong trabaho, pananagutan sa kongregasyon, at iba pang mahahalagang gawain, parang wala ka nang panahon na magsanay ng iba sa kongregasyon. Kaya talakayin natin ngayon kung gaano kahalaga ang pagsasanay sa iba.
PRIYORIDAD ANG PAGSASANAY
4. Bakit ipinagpapaliban ng ilang elder ang pagsasanay sa iba?
4 Bakit kaya nahihirapan ang ilang elder na maglaan ng panahon para sanayin ang iba? Baka iniisip nila: ‘Mahalaga ang pagsasanay, pero may ibang mga gawain sa kongregasyon na dapat unahin. Kung ipagpapaliban ko muna ang pagsasanay, hindi naman maaapektuhan ang kongregasyon.’ Bagaman talagang may mga gawain na kailangang asikasuhin agad, ang pagpapaliban sa pagsasanay ay maaaring makaapekto sa espirituwalidad ng kongregasyon.
5, 6. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa tungkol sa isang drayber at sa pananaw niya sa maintenance ng makina ng sasakyan? Paano ito maikakapit sa pagsasanay sa iba sa kongregasyon?
5 Pag-isipan ang halimbawang ito: Para manatiling maayos ang takbo ng sasakyan, alam ng isang drayber na dapat niyang regular na palitan ang langis ng makina nito. Pero baka isipin niya na mas mahalaga kaysa rito ang pagkakarga ng gasolina. Totoo naman na kapag naubusan ng gasolina ang sasakyan, hindi na ito tatakbo. Baka ikatuwiran niya, ‘Kung wala akong panahong magpalit ng langis ngayon, aandar pa rin naman ang makina.’ Pero bakit ito mapanganib? Kung laging ipagpapaliban ng drayber ang maintenance ng makina, balang-araw ay masisira ang sasakyan niya at hindi na ito tatakbo. Kapag nangyari iyan, mas malaking panahon at pera ang kailangan niya sa pagpapaayos ng sasakyan. Ano ang aral dito?
6 Maraming mahahalagang gawain ang kailangang asikasuhin agad ng mga elder; kung hindi nila ito gagawin, maaapektuhan ang kongregasyon. Kaya gaya ng drayber na regular na nagkakarga ng gasolina sa tangke ng sasakyan, dapat tiyakin ng mga elder “ang mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Pero dahil abalang-abala ang ilang elder sa mahahalagang bagay, baka mapabayaan nila ang pagsasanay sa iba—ang maintenance ng makina, wika nga. Kung laging ipagpapaliban ng mga elder ang pagsasanay sa iba, darating ang panahon na kukulangin ang kongregasyon ng kuwalipikadong mga brother na mag-aasikaso ng mga kailangang gawin.
7. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga elder na nagbibigay ng panahon para sa pagsasanay?
7 Maliwanag na hindi natin dapat isipin na hindi gaanong mahalaga ang pagsasanay. Ang mga elder na malawak ang pananaw at nagbibigay ng panahon para sanayin ang hindi pa gaanong makaranasang mga brother ay mahuhusay na katiwala at tunay na pagpapala sa buong kongregasyon. (Basahin ang 1 Pedro 4:10.) Paano nakikinabang ang kongregasyon?
SULIT NA PAGGAMIT NG PANAHON
8. (a) Bakit dapat sanayin ng mga elder ang iba? (b) Ano ang mahalagang pananagutan ng mga elder na naglilingkod sa mga lugar na malaki ang pangangailangan? (Tingnan ang kahong “Isang Apurahang Gawain.”)
8 Dapat tanggapin kahit ng pinakamakaranasang mga elder na habang nagkakaedad sila, unti-unting nalilimitahan ang nagagawa nila para sa kongregasyon. (Mik. 6:8) Dapat din nilang isipin na dahil sa ‘panahon at di-inaasahang pangyayari,’ maaaring biglang magbago ang kakayahan nilang bumalikat ng mga pananagutan sa kongregasyon. (Ecles. 9:11, 12; Sant. 4:13, 14) Kaya udyok ng pagmamalasakit sa mga tupa ni Jehova, sinisikap ng palaisip na mga elder na ituro sa nakababatang mga brother ang natutuhan nila sa mga taon ng kanilang tapat na paglilingkod.—Basahin ang Awit 71:17, 18.
9. Anong pangyayari sa hinaharap ang nagpapakitang mahalaga ang pagsasanay sa iba?
9 Kapag sinasanay ng mga elder ang iba, napatatatag din nila ang kongregasyon. Dahil sa ginagawa nilang pagsasanay, mas maraming brother ang nagiging handang tumulong para tumibay at magkaisa ang kongregasyon, hindi lang ngayon kundi lalo na sa maligalig na panahon pagdating ng malaking kapighatian. (Ezek. 38:10-12; Mik. 5:5, 6) Kaya mahal naming mga elder, pakisuyong gawing regular na bahagi ng inyong ministeryo ngayon ang pagsasanay sa iba.
10. Ano ang maaaring gawin ng isang elder para magkaroon ng panahon sa pagsasanay sa iba?
10 Siyempre, nauunawaan namin na dahil marami kang inaasikasong mahahalagang gawain sa kongregasyon, baka nadarama mong punô na ang iskedyul mo. Pero baka kailangan mong gamitin ang ibang panahong ginugugol mo sa pag-aasikaso sa kongregasyon para sanayin ang iba. (Ecles. 3:1) Sulit ang ganitong paggamit ng panahon.
IHANDA ANG PUSO NG SINASANAY
11. (a) Ano ang kapansin-pansin sa mga mungkahing ibinigay ng mga elder mula sa iba’t ibang lupain? (b) Ayon sa Kawikaan 15:22, bakit mahalagang talakayin ang mga mungkahi ng ibang elder?
11 Kamakailan, tinanong ang ilang elder na matagumpay sa pagtulong sa mga brother kung paano nila sinasanay ang iba.b Kahit magkakaiba ang sitwasyon ng mga elder na ito, kapansin-pansing halos pare-pareho ang kanilang mga ipinayo. Ano ang ipinahihiwatig nito? Ang salig-Bibliyang pagsasanay ay kapit sa mga tinuturuan “sa lahat ng dako sa bawat kongregasyon”—gaya noong panahon ni apostol Pablo. (1 Cor. 4:17) Kaya sa artikulong ito at sa kasunod, tatalakayin natin ang ilang mungkahi mula sa mga elder na ito. (Kaw. 15:22) Para mapasimple ang pagtalakay, tutukuyin natin ang elder na nagtuturo bilang “tagapagsanay” at ang tinuturuan naman bilang “sinasanay.”
12. Ano ang kailangang ihanda ng isang tagapagsanay, at bakit?
12 Kailangang ihanda ng isang tagapagsanay ang tamang mga kalagayan. Kung paanong kailangang bungkalin ng hardinero ang lupa bago magtanim ng binhi, kailangan ding ihanda ng tagapagsanay ang puso ng sinasanay bago ito turuan. Kaya paano ihahanda ng mga tagapagsanay ang puso ng sinasanay? Sa pamamagitan ng pagtulad sa ginawa ng isang sinaunang propeta. Ano iyon?
13-15. (a) Anong atas ang ibinigay kay propeta Samuel? (b) Paano inihanda ni Samuel si Saul sa bagong atas nito? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (c) Bakit dapat maging interesado ang mga elder sa ulat na ito ng Bibliya tungkol kay Samuel?
13 Isang araw, mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas, sinabi ni Jehova sa matanda nang propetang si Samuel: “Bukas sa ganitong oras ay magsusugo ako sa iyo ng isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at papahiran mo siya bilang lider sa aking bayang Israel.” (1 Sam. 9:15, 16) Naunawaan ni Samuel na hindi na siya ang lider ng Israel at inatasan siya ni Jehova na pahiran ang hahalili sa kaniya. Maaaring naisip ni Samuel, ‘Paano ko maihahanda ang taong iyon sa kaniyang atas?’ Nakaisip siya ng paraan.
14 Kinabukasan, nang makita ni Samuel si Saul, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Narito ang lalaki.” Kaagad niyang ginawa ang naisip niyang paraan. Inanyayahan niya si Saul na kumain sa bulwagang kainan. Pinaupo niya ito at ang tagapaglingkod nito sa pinakamagandang puwesto, binigyan ng pinakamainam na parte ng karne, at sinabi kay Saul: “Kainin mo, sapagkat sa takdang panahon ay itinaan nila ito para sa iyo.” Pagkatapos, naglakad sina Samuel at Saul papunta sa bahay ng propeta habang nag-uusap. Gustong samantalahin ni Samuel ang mga kalagayang iyon. Inanyayahan niya si Saul sa bubungan ng bahay. Sa malamig at mahanging gabing iyon, si Samuel ay ‘patuloy na nakipag-usap kay Saul sa bubungan ng bahay’ hanggang sa matulog na sila. Kinabukasan, pinahiran ni Samuel si Saul, hinalikan ito, at binigyan ito ng karagdagang tagubilin. Pagkatapos, pinayaon niya si Saul na handa na para sa mangyayari.—1 Sam. 9:17-27; 10:1.
15 Siyempre pa, iba ang pagpapahid sa isang tao para maging lider ng isang bansa kaysa sa pagsasanay ng mga brother para maging elder o ministeryal na lingkod. Pero may matututuhan ang mga elder sa ginawa ni Samuel. Talakayin natin ang dalawa sa mga ito.
KUSANG-LOOB NA MAGTURO AT MAGING TUNAY NA KAIBIGAN
16. (a) Ano ang nadama ni Samuel nang humiling ang Israel ng isang hari? (b) Ano ang saloobin ni Samuel sa pagtupad sa atas na pahiran si Saul?
16 Kusang-loob na magturo, huwag mag-atubili. Nang marinig ni Samuel na gusto ng mga Israelita na magkaroon ng taong hari, minasama niya iyon at pakiramdam niya ay itinatakwil siya ng bayan. (1 Sam. 8:4-8) Sa katunayan, atubili siyang gawin kung ano ang hinihiling ng bayan kaya tatlong beses na sinabi ni Jehova sa kaniya na pakinggan sila. (1 Sam. 8:7, 9, 22) Pero hindi sumama ang loob niya ni nagalit man siya sa taong hahalili sa kaniya. Nang sabihin ni Jehova sa propeta na pahiran si Saul, sumunod siya. Ginawa niya iyon hindi lang dahil obligasyon niya kundi udyok ng pag-ibig.
17. Paano tinutularan ng mga elder ang saloobin ni Samuel? Paano ito nagdudulot sa kanila ng kagalakan?
17 Gaya ni Samuel, ang makaranasang mga elder ay nagpapakita ng kabaitan sa mga sinasanay nila. (1 Ped. 5:2) Handa silang magbigay ng pagsasanay sa iba dahil hindi sila nangangambang maagaw ng mga sinasanay ang mga pribilehiyo nila sa kongregasyon. Para sa bukas-palad na mga tagapagsanay, ang mga sinasanay ay hindi mga karibal kundi “mga kamanggagawa”—mahahalagang regalo sa kongregasyon. (2 Cor. 1:24; Heb. 13:16) At kapag nakikita ng di-makasariling mga elder na ginagamit ng mga sinasanay ang kakayahan ng mga ito sa kapakanan ng kongregasyon, nagdudulot iyon ng kagalakan sa kanila.—Gawa 20:35.
18, 19. Paano maihahanda ng isang elder ang puso ng sinasanay? Bakit mahalagang gawin iyan?
18 Maging kaibigan, hindi lang tagapagsanay. Nang araw na makilala ni Samuel si Saul, puwede sanang basta lang niya ilabas ang prasko ng langis, agad na pahiran ng langis si Saul sa ulo, at payaunin ang bagong hari—napahiran pero hindi naihanda. Sa halip, magiliw na naglaan si Samuel ng panahon para unti-unting maihanda ang puso ni Saul. Matapos kumain ng masarap na pagkain, maglakad, makapag-usap, at makapagpahingang mabuti, saka naisip ng propeta na iyon na ang tamang panahon para pahiran si Saul.
Ang pagsasanay sa iba ay nagsisimula sa pakikipagkaibigan (Tingnan ang parapo 18, 19)
19 Sa katulad na paraan, sinisimulan ng tagapagsanay ang pagtuturo sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa sinasanay niya at paghahanda sa puso nito. Para magawa iyan, iba-iba ang mga hakbang na kailangang gawin ng isang elder, depende sa lugar, sitwasyon, at mga kaugalian. Pero saan ka man nakatira, kapag naglalaan ka ng panahon para sa iyong sinasanay sa kabila ng pagiging abala, parang sinasabi mo sa kaniya, “Mahalaga ka sa akin.” (Basahin ang Roma 12:10.) Ang mensaheng iyan ay madarama at pahahalagahan ng mga sinasanay.
20, 21. (a) Paano mo ilalarawan ang isang matagumpay na tagapagsanay? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
20 Mga elder, tandaan: Ang matagumpay na tagapagsanay ay interesado hindi lang sa pagbibigay ng pagsasanay, kundi pati sa taong sinasanay niya. (Ihambing ang Juan 5:20.) Bakit ito mahalaga? Dahil kung madarama ng sinasanay na taimtim ang pagmamalasakit mo sa kaniya, magiging handa siyang matuto mula sa iyo. Kaya mahal naming mga elder, habang nagtuturo kayo, huwag lang basta magturo—maging kaibigan din.—Kaw. 17:17; Juan 15:15.
21 Matapos ihanda ng isang elder ang puso ng sinasanay, gusto niyang turuan ito ng kinakailangang mga kasanayan. Paano niya ito magagawa? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
a Ang artikulong ito at ang kasunod ay para sa mga elder, pero dapat maging interesado rito ang lahat ng nasa kongregasyon. Bakit? Mapasisigla nito ang lahat ng bautisadong lalaki na maunawaang kailangan nila ng pagsasanay para makatulong sa mga gawain sa kongregasyon. Sa gayon, makikinabang ang lahat.
b Ang mga elder na ito ay nakatira sa Australia, Bangladesh, Belgium, Brazil, France, French Guiana, Japan, Korea, Mexico, Namibia, Nigeria, Réunion, Russia, South Africa, at United States.
-
-
Kung Paano Sinasanay ng mga Elder ang Iba Para Maging KuwalipikadoAng Bantayan—2015 | Abril 15
-
-
Kung Paano Sinasanay ng mga Elder ang Iba Para Maging Kuwalipikado
“Ang mga bagay na narinig mo sa akin . . . ay ipagkatiwala mo sa mga taong tapat.”—2 TIM. 2:2.
1. (a) Ano ang matagal nang alam ng mga lingkod ng Diyos tungkol sa pagsasanay? Paano ito kumakapit ngayon? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
MATAGAL nang alam ng mga lingkod ng Diyos na nakatutulong ang pagsasanay para maging matagumpay. Tinipon ng patriyarkang si Abram “ang kaniyang mga sinanay na lalaki” para iligtas si Lot—at nagtagumpay ang mga lalaking iyon. (Gen. 14:14-16) Noong panahon ni Haring David, ang mga mang-aawit sa bahay ng Diyos ay “sinanay sa pag-awit kay Jehova” at nagdulot ito ng kapurihan sa Diyos. (1 Cro. 25:7) Sa ngayon, may espirituwal na pakikipagdigma tayo kay Satanas at sa kaniyang mga tagasunod. (Efe. 6:11-13) Sinisikap din nating papurihan si Jehova. (Heb. 13:15, 16) Kaya gaya ng mga lingkod ng Diyos noon, kailangan natin ang pagsasanay para magtagumpay. Sa kongregasyon, ipinagkatiwala ni Jehova sa mga elder ang pananagutang sanayin ang iba. (2 Tim. 2:2) Paano sinasanay ng makaranasang mga elder ang mga brother para maging kuwalipikado na mangalaga sa kawan?
PATIBAYIN ANG ESPIRITUWALIDAD NG SINASANAY
2. Bago sanayin ang isang brother, ano ang magandang gawin muna ng isang elder, at bakit?
2 Ang isang elder ay parang hardinero. Bago magtanim, baka kailangan ng hardinero na lagyan muna ng pataba ang lupa para maging mas mabunga iyon. Sa katulad na paraan, bago sanayin ang isang brother, baka kailangan mo munang patibayin siya gamit ang Bibliya para maging mas handa siyang tumanggap ng pagsasanay.—1 Tim. 4:6.
3. (a) Paano magagamit ang sinabi ni Jesus sa Marcos 12:29, 30 sa pakikipag-usap sa isang sinasanay? (b) Ano ang maaaring maging epekto ng panalangin ng elder sa isang sinasanay?
3 Para malaman kung gaano kalalim ang impluwensiya ng katotohanan sa pag-iisip at pagkilos ng sinasanay, puwede mong itanong sa kaniya, ‘Paano nakaapekto sa mga desisyon mo ang iyong pag-aalay kay Jehova?’ Makatutulong iyan para mapag-usapan ninyo kung paano paglilingkuran si Jehova nang buong puso. (Basahin ang Marcos 12:29, 30.) Pagkatapos ninyong mag-usap, maaari kayong manalangin at hilingin mo kay Jehova na bigyan siya ng banal na espiritu na kailangan niya sa pagsasanay. Tiyak na mapatitibay ang brother na iyon kapag narinig niya ang taos-pusong panalangin mo para sa kaniya!
4. (a) Magbigay ng mga ulat sa Bibliya na makapagpapasigla sa sinasanay na sumulong sa espirituwal. (b) Ano ang tunguhin ng mga elder kapag sinasanay ang iba?
4 Sa simula ng pagsasanay, pag-usapan ang ilang ulat sa Bibliya na makatutulong para makita ng sinasanay kung gaano kahalaga ang pakikipagtulungan, kapakumbabaan, at pagiging maaasahan. (1 Hari 19:19-21; Neh. 7:2; 13:13; Gawa 18:24-26) Gaya ng pataba sa lupa, ang gayong mga katangian ay kailangan ng sinasanay para mabilis siyang sumulong sa espirituwal. Sinabi ni Jean-Claude, isang elder sa France: “Ang pangunahing tunguhin ko ay tulungan ang sinasanay na maging palaisip sa espirituwal. Humahanap ako ng mga pagkakataong makapagbasa kami ng isang partikular na teksto para makita niya ang ‘mga kamangha-manghang bagay’ na nasa Salita ng Diyos.” (Awit 119:18) Ano ang iba pang paraan para mapatibay ang isang sinasanay?
MAGMUNGKAHI NG MGA TUNGUHIN AT MAGBIGAY NG DAHILAN
5. (a) Bakit mahalagang kausapin ang sinasanay tungkol sa espirituwal na mga tunguhin? (b) Bakit dapat sanayin ng mga elder ang mga bata? (Tingnan din ang talababa.)
5 Tanungin ang sinasanay, ‘Ano ang mga espirituwal na tunguhin mo?’ Kung wala pa siyang naiisip, tulungan siyang magtakda ng isang makatuwirang tunguhin na kaya niyang abutin. Masiglang ikuwento sa kaniya ang isang tunguhin mo noon at ang kagalakang nadama mo nang maabot mo iyon. Simple ang paraang ito pero epektibo. Sinabi ni Victor, isang elder at payunir sa Africa: “Noong kabataan pa ako, tinanong ako ng isang elder tungkol sa mga tunguhin ko. Nakatulong ang mga tanong niya para maging seryoso ako sa ministeryo.” Idiniriin din ng makaranasang mga elder na mahalagang sanayin ang mga brother habang bata pa sila—mga binatilyo pa—sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga atas sa kongregasyon na angkop sa edad nila. Ang gayong maagang pagsasanay ay makatutulong sa kanila na magpokus sa espirituwal na mga tunguhin kapag mas nagkaedad na sila at marami nang puwedeng umagaw ng kanilang atensiyon.—Basahin ang Awit 71:5, 17.a
Ipaliwanag kung bakit kailangang gawin ang isang bagay, at magbigay ng komendasyon (Tingnan ang parapo 5-8)
6. Ano ang isang mahalagang paraan ng pagsasanay ni Jesus?
6 Matutulungan mo rin ang sinasanay na magkaroon ng pagnanais na maglingkod kung ipaliliwanag mo sa kaniya hindi lang kung ano ang dapat niyang gawin kundi pati kung bakit dapat niyang gawin iyon. Sa paggawa nito, tinutularan mo ang Dakilang Guro, si Jesus. Bago niya atasan ang mga apostol na gumawa ng mga alagad, binanggit niya ang isang dahilan kung bakit dapat silang sumunod. Sinabi niya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” Saka niya idinagdag: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 28:18, 19) Paano mo matutularan ang paraan ng pagsasanay ni Jesus?
7, 8. (a) Paano matutularan ng mga elder ang paraan ng pagsasanay ni Jesus? (b) Bakit mahalagang bigyan ng komendasyon ang sinasanay? (c) Anong mga mungkahi ang makatutulong sa mga elder sa pagsasanay sa iba? (Tingnan ang kahong “Kung Paano Sasanayin ang Iba.”)
7 Ipaliwanag sa sinasanay gamit ang Bibliya kung bakit mahalaga ang ipinagagawa sa kaniya. Sa gayon, tinuturuan mo siyang mag-isip ayon sa mga simulain sa Bibliya. Halimbawa, inatasan mo ang isang brother na panatilihing malinis at ligtas ang daan papasók ng Kingdom Hall. Puwede mong ipakita sa kaniya ang Tito 2:10 at ipaliwanag na sa pagganap niya sa kaniyang atas, ‘ginagayakan niya ang turo ng ating Tagapagligtas, ang Diyos.’ Sabihin din sa sinasanay na isipin kung paano makikinabang dito ang mga may-edad sa kongregasyon. Ang gayong pag-uusap ay makatutulong para mas unahin niya ang kapakanan ng mga tao kaysa sa mga tuntunin. Tiyak na matutuwa siya kapag nakita niyang nakikinabang ang mga kapatid sa kongregasyon sa paglilingkod niya.
8 Tiyakin ding bigyan siya ng komendasyon sa pagsisikap niyang ikapit ang mga mungkahi mo. Bakit mahalaga iyan? Ang pagbibigay ng taimtim na komendasyon ay parang pagdidilig sa halaman—tutulong ito para sumulong ang sinasanay.—Ihambing ang Mateo 3:17.
ISA PANG HAMON
9. (a) Anong hamon ang napapaharap sa ilang elder sa mayayamang lupain? (b) Bakit hindi naging pangunahin sa buhay ng ilang kabataang brother ang paglilingkod sa Diyos?
9 Para sa mga elder sa mayayamang lupain, may isa pang hamon: kung paano pasisiglahin ang mga bautisadong kabataang brother na higit pang maglingkod sa kongregasyon. Tinanong namin ang makaranasang mga elder sa mga 20 bansa sa Kanluran kung bakit may mga kabataang brother na tumatanggi sa pribilehiyo sa kongregasyon. Ito ang sagot ng marami: Noong bata pa sila, ang ilang brother ay hindi pinasiglang magkaroon ng espirituwal na mga tunguhin. May mga kabataan pa nga na gusto sanang magkaroon ng gayong mga tunguhin pero hinimok ng kanilang mga magulang na magtaguyod ng sekular na mga tunguhin! Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi naging pangunahin sa buhay ng mga kabataang iyon.—Mat. 10:24.
10, 11. (a) Paano unti-unting matutulungan ng isang elder ang isang brother na magbago ng saloobin? (b) Anong mga teksto ang puwedeng ipakipag-usap ng isang elder sa gayong brother, at bakit? (Tingnan ang talababa.)
10 Kailangan ang maraming pagsisikap at pagtitiyaga para matulungan ang isang brother na maging interesadong maglingkod nang higit sa kongregasyon. Maaaring mabago ng hardinero ang direksiyon ng pagtubo ng isang halaman kung unti-unti niyang itutuwid ang mga sanga nito. Sa katulad na paraan, maaari mo ring unti-unting tulungan ang isang brother na makitang kailangan niyang baguhin ang saloobin niya sa pagtanggap ng mga pribilehiyo. Paano?
11 Maglaan ng panahon para makipagkaibigan sa brother na iyon. Ipaalam sa kaniya na kailangan siya ng kongregasyon. Paminsan-minsan, ipakipag-usap ang ilang teksto na tutulong sa kaniya na pag-isipan ang pag-aalay niya kay Jehova. (Ecles. 5:4; Isa. 6:8; Mat. 6:24, 33; Luc. 9:57-62; 1 Cor. 15:58; 2 Cor. 5:15; 13:5) Puwede mong itanong sa kaniya, ‘Ano ang ipinangako mo kay Jehova noong mag-alay ka sa kaniya?’ Antigin ang puso niya sa pamamagitan ng pagtatanong, ‘Ano kaya ang nadama ni Jehova noong mabautismuhan ka?’ (Kaw. 27:11) ‘Ano naman kaya ang nadama ni Satanas?’ (1 Ped. 5:8) Ang pagbabasa ng angkop na mga teksto ay maaaring magkaroon ng napakalaking epekto sa isang brother.—Basahin ang Hebreo 4:12.b
MGA SINASANAY, MAGING TAPAT
12, 13. (a) Anong saloobin ang ipinakita ni Eliseo noong sinasanay siya? (b) Paano ginantimpalaan ni Jehova ang katapatan ni Eliseo?
12 Mga kabataang brother, kailangan kayo ng kongregasyon! Pero anong saloobin ang makatutulong para magtagumpay kayo? Para masagot iyan, talakayin natin ang ilang pangyayari sa buhay ng isang sinanay noong sinaunang panahon.
13 Halos 3,000 taon na ang nakalilipas, inanyayahan ni propeta Elias ang kabataang si Eliseo na maging tagapaglingkod niya. Tinanggap agad ni Eliseo ang paanyaya at tapat na naglingkod sa propeta sa paggawa ng mga simpleng gawain. (2 Hari 3:11) Pagkaraan ng mga anim na taóng pagsasanay, nalaman ni Eliseo na matatapos na ang gawain ni Elias sa Israel. Sinabihan ni Elias ang kaniyang sinanay na tagapaglingkod na huwag na siyang sundan, pero tatlong beses na sinabi ni Eliseo kay Elias: “Hindi kita iiwan.” Determinado si Eliseo na manatiling kasama ng kaniyang tagapagsanay hangga’t posible. Ginantimpalaan ni Jehova ang katapatan ni Eliseo nang masaksihan niya ang makahimalang pag-alis ni Elias.—2 Hari 2:1-12.
14. (a) Paano matutularan ng mga sinasanay ngayon si Eliseo? (b) Bakit napakahalaga na maging tapat ang isang sinasanay?
14 Paano mo matutularan si Eliseo? Agad tanggapin ang mga atas, kahit mga simpleng gawain lang. Ituring na kaibigan ang iyong tagapagsanay, at sabihin sa kaniya na pinahahalagahan mo ang ginagawa niya para sa iyo. Kapag tumutugon ka sa kaniyang pagsasanay, parang sinasabi mo rin sa kaniya: “Hindi kita iiwan.” At pinakamahalaga, maging tapat sa pagganap sa anumang atas na ibigay sa iyo. Bakit? Dahil kapag napatunayan mong tapat at maaasahan ka, saka lang makatitiyak ang mga elder na gusto kang pagkatiwalaan ni Jehova ng higit na mga pananagutan sa kongregasyon.—Awit 101:6; basahin ang 2 Timoteo 2:2.
MAGPAKITA NG PAGGALANG
15, 16. (a) Sa ano-anong paraan nagpakita si Eliseo ng paggalang sa kaniyang tagapagsanay? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Bakit nagtiwala kay Eliseo ang mga kapuwa niya propeta?
15 Ipinahihiwatig din sa ulat tungkol kay Eliseo kung paano maipakikita ng mga sinasanay ang kanilang paggalang sa makaranasang mga elder. Matapos dumalaw sina Elias at Eliseo sa isang grupo ng mga propeta sa Jerico, nagpunta silang dalawa sa Ilog Jordan. Pagkatapos, “kinuha ni Elias ang kaniyang opisyal na kasuutan at tiniklop iyon at hinampas ang tubig, at unti-unting nahati iyon.” Tumawid sila sa tuyong sahig ng ilog at patuloy na ‘nag-usap habang naglalakad.’ Maliwanag na hindi inisip ni Eliseo na alam na niya noon ang lahat. Hanggang noong papaalis na si Elias, patuloy na isinapuso ni Eliseo ang lahat ng sinasabi ng kaniyang tagapagsanay. Pagkatapos, tinangay na si Elias ng isang buhawi. Nang maglaon, bumalik si Eliseo sa Jordan, inihampas niya sa tubig ang kasuutan ni Elias, at sinabi: “Nasaan si Jehova na Diyos ni Elias?” Muli, nahati ang tubig.—2 Hari 2:8-14.
16 Napansin mo ba na ang unang himala ni Eliseo ay kaparehong-kapareho ng huling himala ni Elias? Ano ang itinuturo nito sa atin? Lumilitaw na hindi nadama ni Eliseo na yamang pinalitan na niya si Elias, babaguhin na rin niya ang pamamaraan nito. Sa halip, patuloy niyang tinularan ang pamamaraan ni Elias sa ministeryo, sa gayo’y nagpakita ng paggalang sa kaniyang tagapagsanay. Dahil dito, nagtiwala kay Eliseo ang mga kapuwa niya propeta. (2 Hari 2:15) Nang maglaon, sa 60-taóng paglilingkod ni Eliseo bilang propeta, pinakilos siya ni Jehova na gumawa ng mas maraming himala kaysa sa ginawa ni Elias. Ano ang matututuhan dito ng mga sinasanay?
17. (a) Paano matutularan ng mga sinasanay ang saloobin ni Eliseo? (b) Paano maaaring gamitin ni Jehova ang tapat na mga sinasanay?
17 Kapag tumanggap ka ng mga pananagutan sa kongregasyon, huwag isipin na kailangan mong baguhin ang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Ang mga pagbabago ay dapat gawin hindi dahil gusto mo lang kundi dahil sa pangangailangan ng kongregasyon o sa tagubilin ng organisasyon ni Jehova. Dahil sa pagsunod ni Eliseo sa pamamaraan ni Elias, nagtiwala sa kaniya ang ibang mga propeta at naipakita niyang iginagalang niya ang kaniyang tagapagsanay. Kung patuloy mo ring tutularan ang salig-Bibliyang pamamaraan ng mga nagsasanay sa iyo, magtitiwala sa iyo ang mga kapatid at maipakikita mong iginagalang mo ang makaranasang mga elder. (Basahin ang 1 Corinto 4:17.) Siyempre pa, habang nagiging mas makaranasan ka, tiyak na magkakaroon ka ng bahagi sa pagkakapit ng mga pagbabago na tutulong sa kongregasyon na makasabay sa pagsulong ng organisasyon ni Jehova. Sa katunayan, gaya ni Eliseo, kayong tapat na mga sinasanay ay maaaring gamitin ni Jehova sa mga gawa na mas dakila kumpara sa nagawa ng inyong mga tagapagsanay.—Juan 14:12.
18. Bakit priyoridad ngayon ang pagsasanay sa mga brother sa kongregasyon?
18 Sana’y mapasigla ng mga mungkahi sa artikulong ito at sa naunang artikulo ang mga elder na maglaan ng panahon para sanayin ang iba. Ang kuwalipikadong mga brother ay maging handa sanang tumanggap ng pagsasanay at gamitin iyon para makatulong sa pangangalaga sa mga tupa ni Jehova. Kung gagawin nila ito, mapatitibay ang mga kongregasyon sa buong daigdig at matutulungan ang bawat isa sa atin na manatiling tapat sa kritikal na mga panahong darating.
a Kung makita ng mga elder na ang isang kabataan ay may-gulang sa espirituwal, mapagpakumbaba, at nakaaabot sa iba pang makakasulatang kuwalipikasyon, maaari nila siyang irekomenda na maging ministeryal na lingkod kahit wala pa siyang 20 anyos.—1 Tim. 3:8-10, 12; tingnan ang Bantayan, Hulyo 1, 1989, pahina 29.
b Maaari mong gamitin sa inyong pag-uusap ang mga punto sa Bantayan, Abril 15, 2012, pahina 14-16, parapo 8-13; at sa Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, kabanata 16, parapo 1-3.
-